Chapter 6-Si Mayor

Thea’s POV

Buong lakas akong nagpumiglas mula sa pagkakahapit ng lalaki sa aking beywang. Nakatakip pa rin sa bibig ko ang isang palad nito. Tila binabayo ang dibdib ko sa matinding takot at sa galit na rin sa lalaki.

“Hey, hey, easy, okay. Stop squirming. God, you are wild,” anang lalaki sa mahinang tinig. Naningkit ang mga mata ko. Wild pala ha. Sino’ng hindi magiging wild sa ginagawa nito sa’kin? Pag hindi pa talaga nito tinanggal ang pagkakapasak ng palad nito sa bibig ko ay kakagatin ko na ito eh. Kahit na nga natatakot ako sa maaaring gawin nito.

“Relax, okay. I won’t hurt you,” muling saad ng lalaki. Matindi naman ng epekto ng mahinahong tinig nito. Agad naman talagang nagrelax ang katawan ko. Naramdaman marahil ng lalaki iyon kaya lumuwag ang braso nito sa beywang ko. Bagay na sinamantala ko. Isang matinding sipa ang pinakawalan ko sa maselang bahagi ng katawan nito. Napahawak roon ang dalawang palad nito. Gumuhit ang sakit sa guwapong mukha nito.

Agad kong tinakbo ang pinto. Binabayo ang dibdib na lumabas ako sa opisinang iyon ng mayor. Kailangan kong makahingi ng tulong. Maigi na lamang at tila hindi pa yata dumarating ang Mayor ng Santo Cristo. Kung nagkataon kasing naroon na ito ay tiyak na malalagay sa panganib ang buhay nito.

Paglabas na paglabas ko ay ang mukha ni Tiyo Renato ang nabungaran ko.

“Thea, kanina pa kita hinahanap. Ano’ng nangyari sa’yo? At bakit ba tila takot na takot ka?”

Hindi ko na pinansin ang mga katanungang iyon.

“Tiyo Renato, humingi ka ng tulong. May nagbabanta sa buhay ng inyong Mayor,” hinihingal na saad ko. “Bilis, Tiyo,”sabi ko pa sapagkat hindi pa ito tumitinag sa kinatatayuan nito.

“Ano ba’ng pinagsasasabi mong bata ka? Sino’ng magbabanta sa buhay ni Mayor?”

“Basta, Tiyo may nais puma…”

“G…good morning po, Mayor,” ani Tiyo sa bandang likuran ko. Halos manigas naman ang katawan ko sa pagkakatayo roon.

“Yor, may problema ba?” agad na sugod noong dalawang matitikas na lalaking kasunod ng teroristang naroroon pa marahil sa opisina ng mayor.

“Gandang umaga po, Mayor!” sunod-sunod na bati ng ilang taong nagdaraan sa pasilyong iyon.

Si Mayor? Kung gayon ay naririto na si Mayor. For God’s sake, kailangan ko itong matimbrehan.

“Mayor, wag po kayong papasok sa opisina ‘nyo,” agad kong sabi sabay baling sa likuran ko. At hindi ko na nagawang itikom ang aking nakangangang bibig sapagkat naroon at nakatayo na tila walang nangyari lang ang lalaking tinawag kong terorista. Nakapamulsa pa ang dalawang kamay nito sa suot na itim na slacks at tahimik na pinagmamasdan kaming dalawa ng aking tiyuhin.

“Yor, may problema ba?” tanong ulit noong isa dalawang lalaki kanina.

“Ah, wala, Sef, Vin. Ayos lang ako,”mahinahong wika nito bagaman ngunot ang noo. Agad namang umatras ang dalawa pagkarinig doon.

Gumuhit ang pagkalito sa mukha ko.

At talagang nanlaki ang aking mga mata nang maunawaan ang lahat. Kung gayon pala ang lalaking inisip kong terorista at ang Mayor ng Santo Cristo ay iisa.

Oh no!

Ito na ang katapusan mo, Alethea! Kahit kelan kasi hindi mo ginagamit ang utak mo!

Nang mapagtantong nakabuka pa rin ang aking bibig ay agad ko itong ipininid. Wala akong nagawa kundi ang umiling-iling ng mga sandaling iyon. Hindi ko pa rin lubos na maisip kung ano ang dapat kong gawin o dapat sabihin sa lalaking pinagkamalan kong terorista.

“Mayor, isinama ko po si Thea, iyong sinasabi ko sa inyong pamangkin ng misis ko at gustong mag-apply na sekretarya n’yo,” narinig kong wika ni Tiyo Renato.

“Ah, oo nga, Mang Renato. Mabuti naman at isinama n’yo na kaagad. Kailangang-kailangan ko nga talaga.”

“O siya, Thea, siya ang napakabait na Mayor ng Santo Cristo, si Mayor Russel. Iiwan na kita sa kanya.”

“Sige ho, Mang Renato, iwan n’yo na siya at ako na ang bahala.”

Naririnig ko lang ang usapan ng dalawang lalaki ngunit ayaw mag-sink-in sa isip ko ang kahulugan ng sinasabi ng mga ito. Wala pa rin akong kakilos-kilos. Mistula akong posteng nakatulos sa kinatatayuan.

Napapilig na lang ako at tila nagising nang marinig iyong “ako na ang bahala” na tinuran ni Mayor. Bakit parang kinilabutan ako doon? Gosh, baka kung ano’ng gawin nito sa’kin. Tiyak na galit ito dahil sa pinaggagawa ko. Lalo na doon sa pagkakasipa ko sa maselang bahagi ng katawan nito kanina.

Lalo na akong hindi mapakali nang tumalikod na nga si Tiyo Renato upang iwan ako. Napasimangot ako. Matindi ba talaga ang tiwala ng tiyo ko sa Mayor Russel na ito para ipagkatiwala agad ako rito? At dahil hindi ko malaman ang gagawin ay kumilos ako upang sundan si Tiyo Renato.

“Get inside, Thea!” anang tinig bago pa ako makahakbang palayo rito.

“Uhm, M.. mayor sandali lang po. May sasabihin lang po ako kay…”

“Get inside the office. Now!” ulit ng tinig na bagaman mahina lamang ay hindi maikakaila ang kapangyarihan niyon. Bago pa ako makapag-isip ng tuwid ay kusa nang humakbang ang aking mga paa upang sundin ang ipinag-uutos nito.

“That’s your table,”anito pagkapasok ko sa loob. Hindi ko kita ang mukha nito sapagkat nasa likuran niya ako pero sigurado akong salubong ang mga kilay at hindi maipinta ang mukha nito.

“T.. thank you po, Mayor. A…and it’s nice to meet you nga po pala,” yuko ang ulo at kiming saad ko. Sabi ko lang iyong “it’s nice to meet you” . Medyo kasi natatakot ako sa kung anong gawin nito sa’kin dahil sa ginawa kong pagsipa sa maselang bahagi ng katawan nito kanina. Sobrang hiyang-hiya talaga ako sa nangyari.

Dinig na dinig ko ang malakas na pagbuga nito ng hangin. Pero hindi naman nagsalita.

“A.. at sorry din po pala.” Nag-iinit ang pisnging dugtong ko. Sigurado namang alam nito iyon. Halos iika-ika pa kasi ito nang bumalik kami sa opisina eh.

Pagkaraan ng ilang saglit narinig ko ang malakas nitong buntunghininga. Naramdaman ko din ang titig nito. Gosh, parang gustong mag-apoy ng pisngi ko.

“God, ano ba’ng iniisip mo? Why would you think na isa akong terorista na balak pumatay sa mayor. Mukha ba ‘kong terorista o mamatay tao?”

Nakagat ko ang labi ko.

“H.. hindi naman po Mayor. Pero sa panahon naman po kasi ngayon, ang guguwapo kaya ng mga terorista at hindi n’yo aakalain o pag-iisipan man lang ng masama. Kakikinis pa nga at ang poporma pa,“ saad kong nanghahaba nguso.

Totoo naman eh. Ang mga kawatan ngayon mas disente pa at kagalang-galang ang mgas itsura kesa mga matitino at mabubuting tao.

“At saka medyo kasalanan n’yo din naman po eh.” Sukat pagkasabi niyon ay agad kong natakpan ang bibig ko. Bakit ko ba nasabi iyon? Nais kong bawiin ngunit syempre hindi na pwede.

Biglang natahimik sa loob opisina. Parang may dumaang anghel. Nawala ang ingay na likha ng pagkilos-kilos ni Mayor. Kumabog na naman tuloy ang dibdib ko. Kagat labing nilingon ko ito. Nanlalaki ang mga mata nito sa’kin.

“What do you mean? Kasalanan ko? How come?”

“B…Basta na lang po kayo nanghahablot eh.” Dahan-dahan kong hinila ang silya sa mesang itinuro nito kanina at naupo ako roon. Parang nanlalambot kasi ang mga tuhod ko. Sana higupin na lang ako ng mesa at itago ako sa loob nito.

Para maitago naman ang sobrang kaba ko ay sinimulan kong sinopin ang mga papeles na nakakalat sa ibabaw ng mesa. Mas mabuti sigurong abalahin ko na lang ang sarili doon upang maiwasang sumulyap muli sa lalaking kulang na lang ay tirisin ako. O malamang gusto akong tunawin sa pamamagitan ng titig.

“Kung hindi mo naman ako sinundan, hindi naman mangyayari ang sinasabi mo panghahablot ko sa’yo. I was just stopping you from doing something stupid.”

“Again,” dugtong pa nito.

Agad napaangat ng ulo ko doon sa salitang stupid at may again pa talaga. Namumuro na ang lalaking ito sa kakatawag sa’kin ng stupid ha. Isa pa at lalayasan ko na ito. Kahit guwapo siya hindi ko mapapayagang patuloy niya akong insultuhin. Wala akong pakialam kung siya man ang pinakamakapangyarihang tao sa bayang ito. I was a dean’s lister when I was in college. I will not tolerate anyone calling me stupid.

Oo nga’t paminsan-minsan ay nakakagawa ako ng kapalpakan pero dahil lang naman iyon sa pagiging spontaneous ko. Madalas ay mas mabilis akong umaksyon kaysa mag-isip.

“Caring for others is not stupidity,” napalakas akong sabi sabay irap pa sa lalaki.

“Pero kung malalagay ka sa panganib, it is,“ sagot naman nito.“God, you have reasons for everything, right? Kaya ko tinakpan ang bibig mo ay dahil sa maririnig ng dalawa kong bodyguard ‘yong ipinagsisigawan mo kanina,” tila nauubos na ang pasensya nito.

“A.. ano po ba’ng ipinagsisigawan ko? Wala naman.”

“Anong wala? God, you were informing everyone in this building that you saw me that day, under the bridge,” tila hirap na hirap ang mayor na pigilan ang sariling ipakita sa’kin ang nararamdamang inis nito.

“Totoo naman po eh. Tsaka akala ko naman po kasi mga goons kayo ng dalawa n’yo pang bodyguard. Terorista. Ganun. Mga riding in tandem. Usong-uso kaya ngayon. Andaming nga pong nabibiktima ng mga ‘yon eh.”

Napansin ko lang. Parang napaka-disorganize naman ng dating sekretarya ni Mr. Sungit. Ano na nga ang pangalan ng babaeng ‘yon. Gretchen? Tss. Tapos ang computer namumuti sa alikabok. Ang mesa din nito pwedeng mag-drowing sa kapal ng alikabok, hrrmp!

“Hindi alam ng mga bodyguard ko na andun ako ng hapong iyon.”

What? Ano na nga bang pinag-uusapan namin? Saglit kong nakalimutan ang lalaking hanggang ngayon ay ayaw pa akong tantanan sa pagkausap. Ano ba’ng ipinaglalaban nito?

“Ha! Ano po? Hindi alam ng bodyguard n’yo na nandun kayo. Aba, paano naman pong nangyari ‘yon eh, bantay n’yo yun. So, ang ibig n’yong sabihin eh, tinakasan n’yo sila ng hapong iyon? Ah, gets ko na po. Pinipigilan n’yo po ako kanina na i-brodkas na tinatakasan n’yo ang bodyguard n’yo.”

“So glad you got it, at last,” sarkastikong saad nito. Naupo na rin ito sa mesa nito at kasalukuyang may binubuklat na mga papeles. Pinirmahan ang mga iyon at saka muling tumayo.

Tinapunan ko ito ng matalim na sulyap. Supersungit. Guwapo nga nuknukan naman ng sungit. Hindi na ako nagtaka kung bakit umalis ang dating sekretarya nito. Hindi siguro natagalan ang ugali.

Kung ganoon ay tinakasan pala nito ang mga bodyguard nang unang nagkita kami. Ayaw pala nito ng may guwardiya eh, bakit hindi na lang nito sesantehin? On second thought, hindi pala dapat sesantehin. Sa panahon ngayon, delikado ang buhay ng mga pulitiko. Ilan na bang mayor ang napatay dahil sa pananambang? Kaya hindi tamang tinatakasan nito ang mga bodyguard nito. Mamaya matapatan ito ng mga kawatan. Sayang naman ito. Mababawasan ang populasyon ng mga guwapo, hrrmp!

Napailing na lang ako sa aking sarili. Kung ano-anong kalokohan ang tumatakbo sa utak ko. Naiinis naman kasi ako eh.

Naghanap ako ng basahang pampunas. Nakakita naman ako sa isang drawer. Kinuha ko iyon at pinagpupunasan ang nangangapal sa alikabok na mesa at desktop computer.

“I will be out, “anang tinig mula sa kabilang mesa. Bago pa ako makapagtanong ay nakalabas na agad ang lalaki. Itatanong ko pa naman sana kung ano-ano ang mga gawain ko. Wala ba siyang balak na i-orient man lang ako? Basta na lang ba niya akong iiwan rito?. Ano’ng gagawin ko maghapon?

*****