Chapter 5-Terorista
Thea’s POV
"Bakit ganyan ang suot mo, Thea? Palitan mo 'yan," ani Tiya Marga habang naghuhumiyaw na naman ang peleges sa mukha nito na parang boses nito. Nasulyapan kasi ako habang pababa ng hagdan. Isasabay daw kasi ako ni Tiyo Renato sa pagpasok nito sa munisipyo.
"What's wrong naman ho sa suot ko, Tiya?" takang napayuko ako upang tingnan ang sarili ko. Nakamaong pants, tshirt na pula at sneakers na puti ako. Isa sa mga paborito kong get-up kapag lalabas ng bahay.
"Hindi ka mamasyal. Magre-report ka sa trabaho,"kunot na kunot ang noong turan nito.
Tinanggap ko na kasi ang trabahong iniaalok ni Tiyo Renato. O, sa mas tamang salita tinanggap na ni Tiya Marga para sa’kin. Not that I was forced to accept it. Gusto ko rin naman. Wala namang masama talaga kung mag-work ako dito while on vacation. Meron namang tinatawag na working vacation, di ba?
Meron nga ba? Hihi…
Anyways, pabor na din dahil magkakaroon na ako ng reference once nag-apply na sa Makati.
At ang pinakamaganda magkakaroon na ako ng kita. Gusto ko naman kasing tulungan sa pag-aaral ang mga kapatid ko sa ama. Merong maliit na talyer si Papa at sa tabi nito ay tindahan naman ni Tiya Bebe, iyong stepmother ko. Pero lately kasi bawal nang magtrabaho ng mabibigat ang Papa ko sapagkat natuklasang may heart condition ito.
Dating malakas kumita ang talyer kaso nga pinipili na lang ni Papa ang mga pwede niyang gawin. Sa talyer at sa tindahan ni Tiya Bebang lahat kinukuha ang gastusin namin sa bahay at sa pag-aaral ng dalawa kong kapatid. At minsan allowance ko. Minsan lang naman ako humihingi. Kasi scholar ako since high school hanggang college.
O, di ba, may brain din naman ang lola n’yo.
Kaya wag sasabihin ng hudyong lalaki na iyon sa tulay na stupid ako. Hrmp!
Anyways, malaking bagay kung makakaipon ako agad ng pera. Kaya this is actually a blessing in disguise.
Ang ipinagtataka ko naman ay kung bakit hindi raw okay ang suot ko. Tulad ng sa aming bayan ay mukhang simple lang din naman ang buhay dito sa Santo Cristo. Hindi naman kailangang naka-formal. At saka mabuti naman kung mapansin ng mayor ang get-up ko.
"Pero Tiya Marga mas ayos ang get up na 'to. Tiyak na uutusan lang ako kung saan-saan ng mayor ninyo, eh, di ginhawa kung ganito ang suot ko," reklamo ko naman. Iyon naman kasi talaga ang trabaho ng mga personal assistant. Utusan.
"Magpalit ka. Casual dress but not pants, "anito sa tonong 'don't argue. just do it.' Lihim akong napabuga ng hangin habang umaakyat pabalik sa kwarto. Napilitan akong pumili ng damit sa cabinet na ngayon ay puno na. Ang totoo iilang piraso lang naman ang baon kong damit.
Bakit biglang parang nagkaroon ako ng wardrobe?
Kagabi lang naman ay pinagbibigay sa’kin ni Tiya Marga ang mga damit nitong napaglakihan na. Dumoble kasi ang size ng beywang niya nitong mga nakaraang taon. Hindi na magkasya iyong pagkagaganda niyang dresses. Pinagpapasukat sa’kin habang chumichika at ina-update ako sa mga kaganapan simula noong umalis ako.
Panay naman ang model ko sa mga damit niya. Inferness, bagay din naman pala sa’kin ang bahagyang naka-pormal. Hindi ko type ang mga dress. Kaya hindi ako sanay isuot ang mga iyon. A pair of pants and tshirt is enough to make my day perfect.
Kaya naman sobrang awkward ko nang maisuot ang dark blue sundress. Mukha akong di-makabasag pinggang dalaga sa salamin. The dress was really nice. Magkasingkatawan kami ng tiyahin ko bago ito lumapad kaya naman tila sinukat iyon sa’kin. Kaso lang talagang so awkward eh.
Pinalitan ko na rin ang sneakers ng flat sandals. Though bagay naman sa dress iyong sneakers. Pero yaan na nga at baka hindi lang kilay ni Tiya Marga ang magtaasan. Baka pati buhok haha.
Isang ikot at isang huling sipat pa sa salamin ay mabilis ko nang isinukbit ang aking sling bag saka mabilis na akong bumaba. Tiyak na sermon na naman kasi ang aabutin ko pag hindi pa ako nagmadali eh.
"Kitam. Ang ganda mo d’yan sa suot mo," habol ng Tiya Marga sa likuran ko. Hindi na ako nakasagot dahil nagmamadali na akong lumabas ng bahay. Aangkas lang ako sa owner ni Tiyo Renato. Baka masabon din ako niyon pag na-late ito ng dahil sa’kin.
***
"O, antayin mo 'ko diyan at igagarahe ko lang itong sasakyan," bilin ni Tiyo Renato pagkababa ko sa tapat ng malaking building na matatagpuan sa sentro ng bayan. Ito ang munisipyo ng Santo Cristo. Lumiko ito sa kaliwa at nawala na sa likod ng building. Inilibot ko naman ang aking paningin sa paligid. May mangilan-ngilang taong pumapasok sa building. Mga empleyado marahil dito. Maaga pa kasi kaya iilan pa lang ang pumapasok.
Ang ganda ng garden sa harap ng building. Berdeng-berde ang paligid. Infernes, malinis ang kapaligiran. At mukhang tahimik at simple lang ang bayan. Napakunot ang noo ko nang maalala iyong nangyari sa ilalim ng tulay noong unang araw ko sa bayang ito. Hindi rin pala perpektong bayan. Mukha lang maganda pero may mga nakatagong lihim.
Katulad din sa amin. Kunsabagay lahat naman ng bayan kani-kanyang problema. Wala namang perpektong pagpapatakbo ng gobyerno. May maganda. May pangit. May palpak. May korap. Haist!
Anyways, since wala pa si Tiyo Renato naglakadlakad na lang muna ako sa garden. May malaking punong mangga sa kaliwang bahagi at sa lilim niyon ay may mga benches. Parang ang sarap maupo doon at magtext na lang o kaya mag-facebook.
Hoy, Alethea. Hindi ka nagpunta dito para maglakwatsa.
Hay! Oo nga. Tama naman ang munting tinig na iyon sa utak ko. Napasulyap tuloy ako sa aking relo. Ang tagal naman ni Tiyo Renato. Ano na ba ang nangyari doon? Para naggarahe lang ng sasakyan inabot na ng santo-santo. Mabuti pa siguro ay pumasok na lang ako sa building. Baka naman naroon na sa loob iyon at inaantay ako. Hindi naman siguro nakalimutan niyon na may kasama siya.
Matapos huminga ng maraming hangin at mag-ipon ng lakas ng loob ay inakyat ko na ang ilang baitang na patungo sa entrance ng munisipyo. Kaso lakinggulat akong napaatras nang bigla na lang may humintong SUV sa tabi ko pa talaga.
Hindi naman siguro ako balak sagasaan ng kung sino mang driver nito?
Ilang saglit pa ay may bumabang isang matangkad at matikas na lalaki. Mabilis itong naglakad papasok sa munisipyo. Sinundan ito ng dalawa pang matitikas ding lalaki. Hindi ko na sana papansinin kaya lang sobrang pamilyar ang lalaking unang bumaba. Parang nakita ko na eh.
Hindi ako maaaring magkamali. Iyon ang lalaking nakamotor na nagligtas sa’kin. Iyon ang aking tagapagligtas. Well, ang aking mayabang na tagapagligtas, hrmp! Iniligtas nga ako pagkatapos ay ininsulto naman nang bongga. Bakit kaya narito ang lalaking iyon? Bago pa ako makapa-isip nang husto ay mabilis ko itong sinundan.
Ang bilis nitong maglakad. Naiwan na nga iyong dalawang kasama nito eh. At dahil mabilis din ako nalagpasan ko na ang mga iyon. Nilingon lang ako noong dalawa at nang mapagtanto marahil na walang kasuspe-suspetyoso sa itsura ko ay hindi na ako pinansin. Umabot ako sa ikalawang palapag ng building sa kakasunod sa lalaki.
Pagdating doon ay lumiko ang lalaki sa may pintong may nakalagay sa taas na Office of the Municipal Mayor. Lalo na akong nagtaka. Sino ang lalaking ito? At ano ang gagawin nito sa opisina ng mayor?
Hindi kaya kawatan ito at may balak na masama sa Mayor ng Santo Cristo? Nakamotorsiklo ito nang una kong makita. Hindi kaya ito at ang mga kasama nito ay ang tinatawag nilang riding in tandem. Mga nagpapanggap na mabubuting mamamayan ngunit ang totoo ay mga terorista at may masamang balak. Bago pa nito maitulak ang pinto ay tinawag ko ito.
"Hoy, hoy, Mister! Ano'ng ginagawa mo rito ha?" malakas na tawag ko sa lalaki. " Kilala kita. Ikaw ang lalaki doon sa ilalim ng tulay noong isang araw. At..."
Bago ko pa matapos ang aking sasabihin ay bigla na lang akong kinabig ng lalaki papasok sa loob ng opisina. Hindi nakalabas ang pagkalakas-lakas na tili ko sapagkat agad na natakpan ng isang palad nito ang bibig ko.
Oh my God! Oh my God! Tumpak ang hinuha ko. Terorista ang lalaki at may balak itong masama sa Mayor ng Santo Cristo. At gagawin akong nitong hostage. Oh my God! Ano na naman ba itong nasuotan ko?
*****