Chapter 7-Si Tita Vera
Pagkatapos kong sinopin ang itinalagang mesa sa’kin ay nagwalis-walis na rin ako sa opisina. Hindi ito kalakihan pero may maliit na kitchen with dining table. Nagpuna-punas din ako ng mga ibabaw ng cabinet na nangangapal sa alikabok. Gosh, ilang buwan na bang wala itong sekretarya at tila wala man lang nag-aayos sa opisina nito. Pagkatapos kong magpunas ng mga ibabaw ay naghanap naman ako ng mop. Magma-mop naman ako ng sahig. Kaso wala naman akong makitang mop.
Hinila ko ang pinto at sumilip sa labas. Baka may makita akong tao doon magtatanong ako. Muntik nang mauntog ang ulo ko sa isang babaeng nasa mga early thirties marahil ang edad. Halos sabay kaming nagbukas ng pinto kaya muntik nang magkauntugan ang ulo namin.
“Ay sus, sorry po.” Gulat na wika ko rito.
“Hello, Thea,” nakangiting bati sa’kin ng babae.
“Ahm, hi po,” nakangiti ding sagot ko. Nagtataka ako dahil kilala ako nito.
Napansin marahil ng babae kaya agad itong nagpakilala.
“Ako si Vera. Sekretarya ni Mayor Russ. Dito ako nakapuwesto sa cubicle na ‘to.”
Itinuro nito ang maliit na cubicle bago ang pinto ng opisina ng mayor. Kumunot ang noo ko. May sekretarya si Mayor? Eh ano ang ginagawa ko rito? Bakit naghanap pa ng bagong sekretarya eh, meron naman pala?
“K.. kung may sekretarya naman pala si Mayor, bakit naghanap pa ng iba?’ naguguluhang tanong ko habang itinuturo ang sarili ko.
“Kung ganoon ay uuwi na ako.” Hindi ko malaman kung malulungkot o matutuwa. Matutuwa sana ako kasi sa totoo lang parang ayaw ko nang datnan pa ako roon ng supersungit na Mayor. Kaya lang nakakalungkot naman kasi naka-set na ang utak ko na meron na akong trabaho at makakatanggap na ako ng suweldo. Makakatulong na ako kay Papa at mga kapatid ko.
“No, no, hindi. Si Gretch kasi ay more on personal assistant ni Mayor. Kaya hindi lang basta sekretarya talaga ang magiging trabaho mo. More on personal assistant,” mabilis na paliwanag ni Vera. Napa-oh naman ako sa isip. At nang mag-sink-in ang nalaman ko ay biglang nag-panic ang utak ko. Wala naman akong ka-ide-ideya kung ano ang mga gawain ng isang personal assistant. Baka hindi ko kaya iyon.
“G.. ganoon ba. Baka hindi ako ang nararapat sa trabahong iyon, Ms. Vera,” nag-aalalang wika ko habang kunot ang noo. Wala akong alam tungkol sa pagiging personal assistant.”
“Just call me Tita Vera. Iyon ang tawag nila sa’kin dito. Hindi naman ganoon kakomplikado ang pagiging personal assistant. Actually, wala nga iyong ginagawa. Kung ano lang ang sabihin ni Mayor. Ganoon. Usually, isinasama lang ni Mayor sa kung saan man ito pumunta. At iyong magbibigay ng opinyon sa mga bagay bagay.”
“Ay nakupo, lalo namang hindi ako nababagay sa trabahong ‘yan. Kaka-gradweyt ko lang at wala pa kong karanasan sa kung ano-anong bagay. This is actually my first job. Kaya wala akong maibibigay na kung anumang opinyon kay Mayor, duh. Ang bata ko namang magbibigay ng opinion sa kanya.”
Natawa naman si Tita Vera sa itsura ko. “Ang totoo niyan, I think that you are perfect for the job,” anito matapos siyang pasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
“A.. anong big mong sabihin?’ Paano akong naging perfect for the job?”
“Basta. Trust me. Anyway, mamaya sabay tayo mag-lunch. Hindi na babalik si Mayor. Maraming public events ang pupuntahan nila. Ipinagbilin ka na sa’kin. At para mabigyan na rin kita ng ideya sa mga magiging kaganapan sa opisina ni Mayor sa araw-araw. Halika magmeryenda ka muna.”
Sa lahat ng sinabi ni Tita Vera ay doon ako natuwa. Nagugutom na kasi ako. Kumilos ako at isinukbit ang sling bag na ibinaba ko sa mesa kanina at lumakad patungo sa pinto. Napahinto ako sa pagbukas nito nang pigilan ako ni Tita Vera.
“Saan ka pupunta?” tanong nito.
“Sabi n’yo po magmemeryanda muna tayo?”
“Oo nga pero dito sa kitchen ni Mayor. Lusubin natin ang ref niya,” dumiretso na si Tita Vera sa kitchen.
“Ay naku, ayoko po, Tita Vera. Nakakahiya. Sa ibaba na lang ako magmemeryanda. May carinderia akong nakita doon sa harap ng munisipyo.” Kumilos ako papalabas pero hinila ni Tita Vera ang isa kong braso.
“Hindi. Dito tayo. Okay lang, Thea. Ako ang naglalagay ng pagkain dito. It’s really for us. We can even cook if we want to.”
Wala na rin akong nagawa kundi sumunod kay Tita Vera. Maigi na rin naman kung libre ang pagkain. Wala pa naman akong pera. Kelangan kong tipirin ‘yong baon kong three hundred na muntik nang matangay ng mga batang kawatan.
Nag-chikahan kami habang kinakain ang sandwich at kapeng inihanda niya. Napansin ko na makuwento si Tita Vera at masayahin din. Palagi itong nakangiti at mabiro din naman. Ito iyong tipo ng taong makakasundo ko agad.
“Tita Vera, bakit hindi na lang ikaw ang maging personal assistant ni Mayor?”
“Gusto ko sana pero hindi pwede?” natatawang sagot nito.
“Bakit naman po hindi pwede? Mabuti nga kung ikaw na rin ng PA niya. At least makatipid naman ang gobyerno, di ba? Kaysa naman dala-dalawa pa ang sunusuwelduhan eh, pwede namang isa na lang.”
“Una sa lahat para lang malinaw hano! Si Mayor mismo ang nagpapasuweldo kay Gretch.”
“Weh, totoo po? Paano po kayong nakasisiguro?”
“Sigurado ako dahil nauna pa ako dito sa munisipyo kaysa kay Mayor. Una kong pinaglingkuran ‘yong lolo niya na matagal na Mayor ng Santo Cristo. At wala sa payroll ng munisipyo si Gretch. Ako mismo ang nagbibigay na sweldo niya galing sa personal bank account ni Mayor.”
Nawalan naman ako ng kibo. Hindi ko maiwasang magtaas ng kilay. Parang hindi ko mapaniwalaan na may angking kabaitan at walang bahid na korupsyon ang pagkatao ng masungit na lalaki. Ganunpaman hindi pa rin ako siguradong makakaya kong maging PA nito. Ano ba naman ang malay ko sa trabaho ng isang personal assistant eh, kagagradweyt ko nga lang. Kumain na lang ako at nanahimik habang nakikinig sa patuloy na chika ni Tita Vera.
***
“Alethea!” kamuntik ko nang mabitawan ang pinggang hawak-hawak ko. Kung makatawag naman kasi si Tiya Marga, tila sinasakop na ang Pilipinas.
“Ano bang ginagawa mo d’yan? Bakit hindi ka pa nakabihis? Nakaalis na si Tiyo Renato mo. Hindi ka ba sasabay sa owner niya? Iwan mo ‘yang mga ligpitin d’yan. Male-late ka sa opisina. D’yos kong bata ka. Kaybago-bago mo nagpapa-late ka. Ano na lang ang sasabihin ni Mayor,” salubong ng mga kilay nito habang nakatingin sa’kin. Tila nais akong kutusan.
“Eh, Tiya Marga, meron naman ho palang sekretarya si Mayor. Si Tita Vera. Si Gretchen pala ay hindi sekretarya kundi personal assistant.”
Dahan-dahan kong ibinaba ang hawak kong pinggan at humarap kay Tiya Marga. Nagliligpit kasi ako sa kusina. Ito naman niya ay kakabangon lamang. Late na itong natulog kagabi dahil napuyat. Meron itong habol na tahi. Mananahi ang hanapbuhay ng tiya ko. Isa rin ito sa mga mother leader dito sa purok at tumutulong sa barangay hall kapag walang masyadong tahi.
“Ay naku, sekretarya, personal assistant, pareho lang naman iyon. Tigilan mo na ‘yan at magbihis ka na.” Lumapit ito sa’kin at pinagtulakan pa talaga ako.
“Sige na, sige na. lakad na.”
“Pero Tiyang. Ayoko na pong mamasukan sa munisipyo. Hindi ko po alam ang ginagawa ng personal assistant eh. Saka ang sungit ni Mayor. Galit pa nga sa’kin.”
Natigilan naman si Tiya Marga. “Ano kamo? Galit sa’yo. Bakit magagalit ‘yon sa’yo. May ginawa ka bang kalokohan?” penameywangan na talaga ako.
“W.. wala ho Tiya,” saad ko sabay yuko. Hindi ko kasi nakukuwento rito ‘yong nangyari kahapon ng umaga. Parang ayaw ko talagang ikuwento rito kasi alin sa dalawa pagalitan ako nito o kaya pagtawanan. Sasabihin tiyak nitong umiral na naman ang kalokahan ko. Kaso naman tiyak na malalaman din nito iyon. Hindi naman ganoon kalaki ang bayan ng Santo Cristo. Tingin ko nga magkakakilala ang mga tao rito eh. Kaya siguro mas mabuti na ako na nga ang magkuwento rito. Baka kung ano pang version ang marinig nito.
Kaya ayun isinalaysay ko na ang lahat. Pati na iyong unang araw na nakikilala ko si Mayor.
“Aysus ginoo kang bata ka. Kaya pala nag-antay ako sa’yo nang kaytagal sa paradahan. Iyon pala ay may nangyari na sa’yo. Mabuti na lamang at dumating si Mayor. Kung hindi ay baka napahamak ka na. At bakit hindi mo sinabi sa’kin ang tungkol doon? May nangyari na pala sa’yo, wala kaming kaalam-alam.” Nanlalaki ang mga mata ni Tiya Marga sa matinding pag-aalala.
“Eh, Tiyang ayos naman ho ako. Wala naman nangyaring masama sa’kin.”
“Salamat sa Diyos at walang nangyari sa’yo. Pero uli-uli wag kang naglilihim. Lalo na sa mga ganoong bagay. At iyong ginawa mo kahapon ng umaga. Dios kong bata ka! Si Mayor, ginawa mong terorista! Nakakahiya kang bata ka. Sa susunod lang eh, umayos ka, Alethea. Umakto ka ng ayon sa edad mo. Hindi ka na bata!”
Haist! Nakinig na lang ako sa pang-na-nag ni Tiya. Sanay naman kasi ako dito. Ganoon lang talaga ang tiyahin kong ito. Pero mabait talaga at alam kong sobrang mahal lang ako. Ito naman kasi ang nakalakhan kong ina eh. Hindi ko lang talaga mapigil na mapangiti. Ano ba talaga kasi? Bata ba ako o hindi na bata?
“Gumayak ka na,” sabi pa nito bago ako tinalikuran.
“Pero Tiyang…tanghali na ho. Ayoko nang pumasok ng ganitong oras. Ano na lang ang sasabihin ni Mayor.” Parang gusto kong magpapadyak.
“Ihahatid kita at hihingi ako pasensya kay Mayor dahil sa mga pinaggagawa mo.” Pinal na sabi nito. Alam ko kung kelan dapat tumahimik na lang kaya iyon na nga aking ginawa.
Gosh, talagang wala na akong magagawa kundi muling harapin ang supersungit na Mayor ng Santo Cristo.
*****