Chapter 4- Mag-apply
Thea’s POV
"O siya. Halika na nga. Sumakay ka na rito at gabi na."
Sangbakol pa rin ang mukha ni Tiya Marga kaya mabilis na akong sumunod sa traysikel na sinakyan niya. Mabuti naman at pagkasakay namin ay tumigil na ito sa pagsesermon sa’kin. Pareho kaming tahimik habang tumatakbo ang traysikel patungo sa Santa Lucia na baryo nina Tiya Marga. Inabala ko na lang ang aking sarili sa panonood sa dinaraanan namin.
Ang Santa Lucia ay isang subdibisyon na panay may kaya sa buhay ang mga nakatira. Patunay na ang mga naglalakihang bahay na dinaraanan namin. Iba- ibang yari at pagkagaganda. Kaya naman naaliw nang husto ang aking mga mata.
Nakakamangha na sobrang maunlad na ang itsura ng bayan ng Santo Cristo ngayon. Ilang taon na ba ang nakalipas simula ng una akong tumuntong rito? Anim na taon ako nang dumating dito. Bagong mag-asawa lamang noon si Tiya Marga at Tiyo Renato. Kakamatay naman ng nanay ko noon kaya nga napunta ako sa kanila. Breast cancer ang ikinamatay ni Mama at biglaan.
Stage four agad nang ma-diagnosed. My father was devastated. Alak ang naging karamay nito ng mga panahong iyon. Kaya nga kinuha muna ako ni Tiya Marga na kapatid nito. Palagi nang lasing kasi si Papa noon. At hindi nakatulong iyong pagiging tila bungang pinagtiyap daw namin ng aking ina. Lalo daw napapaiyak si Papa kapag namamasdan ako.
Dito ako nag-aral ng grade one hanggang grade six. Nakapag-asawa naman ulit si Papa kaya muli akong kinuha kina Tiya Marga pagkatapos ko ng grade six. Twenty-two years old na ako ngayon. Nagkaroon pa ulit ako ng dalawang kapatid. Sina Kiel Albert at Yana Glaiza na parehas nasa high school.
Si Tiya Marga at Tiyo Renato naman ay iisa ang naging anak. Isang lalaki. Si Gabe na fifteen years old na ngayon kung hindi ako nagkakamali. Maselan kasi kung magbuntis si tiya. Dalawang beses nakunan bago pa naipanganak si Gabe. Five years old na si Gabe ng umalis ako kaya natatandaan niya ako. Ako raw si Ate Thei niya. Naalagaan ko pa siya noon kaya nga iyak to the max ito nang umalis ako.
Dahil doon ay sumama pa nga ang loob ni Tiya Marga kay Papa. Ayaw na ako nitong ibalik. Kaya lang mag-ha-high school na na ako noon kaya kinailangan ko nang umuwi sa tunay kong pamilya. Unfair naman kasi na silang mag-asawa ang magpa-aral sa’kin. Nagsisimula pa lamang silang magpamilya noon.
"Uy lika na. Wala ka bang balak bumaba?" ani Tiya Marga matapos akong sikuhin nang bahagya. Nagulat pa ako. Nakahinto na pala ang traysikel. Mabilis naman akong bumaba. Baka masermonan na naman ako.
"Salamat, Ka Pedring," anito sa driver pagka-abot ng bayad.
"O, pasok na," sabi naman sa’kin. Kaya agad na akong sumunod rito. Pagkabukas ng pinto ay parang may bumangga sa’king isang tipak ng bato. Nagka-landslide ba? Kamuntik na ako tumilampon ah.
"Yey! Ate Thei! I miss you! I miss you," anang baritonong boses na nakayakap sa’kin. Gosh! Si Gabe ba ang bumalya sa’kin? Grabe naman ang pinsan kong ito. Ang laking tao eh, halos ibalya talaga ang katawan sa’kin.
Pero anyway, na-miss daw niya ako kaya okay lang hihi.
"Gabe! I miss you din, baby ko!" niyakap ko rin ito nang mahigpit.
"Uy, Gabe, bitawan mo na si Ate Thea mo. Laki-laki mong tao eh. At ikaw naman, Alethea, hindi na baby 'yang si Gabe kaya tigilan mo nang kakatawag riyan ng baby. Hindi na bagay," agad na saway sa’kin ni Tiya Marga. Pero halata namang natatawa. Agad namang kumalas si Gabe sa pagkakayakap sa’kin. Parang napahiya yata.
Sa tingin ko ay parang nabigla lang talaga ito sa pagyakap sa’kin eh. Siguro ay dahil sa matinding tuwa kaya nagawa iyon. At ngayon biglang naging awkward sa’kin. Kaya naman inakbayan ko na lang ito. Pero ang hirap palang akbayan ang taong malaki ang tangkad kesa sa'yo. Nangawit ang braso ko, haist!
"Tiya naman. Malaki lang si Gabe pero baby pa rin talaga ito," saad ko para maalis iyong pagka-awkward ng pinsan ko.
Kunwari pa naman si Tiya pero ang totoo niyan, siya nga iyong kung ituring ang anak ay baby pa. Understandable naman iyon. Unico Hijo niya si Gabe eh.
"Ate Thei, hatid kita sa kuwarto mo," ani Gabe na abot tainga ang ngiti. Tuwang-tuwa talaga siyang makita ulit ako. Agad nitong binitbit ang dala kong maliit na bag. Ang bait lang! Mabilis nitong inakyat ang ikalawang palapag ng bahay. Medyo naninibago naman ako. Mabagal ang mga hakbang ko nang inakyat ang hagdan.
Inililibot ko kasi ang aking mga mata sa kabuuan ng bahay. Malaki ang ipinagbago nito. Ang ganda na at ang daming dekorasyon. Isang simpleng two-storey ang bahay nina Tiya Marga. Dalawang kwarto sa itaas at isa naman sa ibaba. Ibinaba ni Gabe ang bag ko sa tapat ng isang kwarto.
"Ito ang sa'yo, Ate Thei. Dito naman ako sa kabila,"anitong tila biglang kinapitan ng hiya. Ang tiya naman kasi. Sukat sabihing malaki na ito.
"Thank you much, much, Gabe," habol ko sa likuran nito bago muling makababa. Pagkatapos ay pumasok na ako sa kwarto. Sinalubong ang ilong ko ng mabangong amoy. Mukhang bagong linis pa yata. Napangiti naman ako saka padipang ibinagsak ang aking katawan sa malambot na kamang may cover na printed na pink. Ang bait talaga ni Tiya Marga hihi.
Saka ko lang naramdaman ang pagod. Nang maalala iyong nangyari kanina sa ibaba ng tulay ay napapikit ako sabay buga ng hangin. Parang tama nga yata ang pinamukha sa’kin ng lalaking iyon. May taglay nga talaga akong katangahan minsan.
***
"Mag-apply ka sa munisipyo. Naghahanap ng sekretarya si Mayor," ani Tiyo Renato sa’kin. Empleyado ito sa munisipyo ng Santo Cristo. Kasalukuyan kaming naghahapunan noon.
"O, bakit nabakante 'yon? Ano'ng nangyari kay Gretchen na sekretarya niya?" agad na tanong ni Tiya Marga na mabilis na napaangat ang ulo.
"Nag-resign na."
Hindi nakakibo si Tiya Marga. Tumaas ang kilay at bumuka ang bibig na tila may sasabihin ngunit isinara at ipinagpatuloy na lang ang pagkain.
Nakatingin naman sa’kin si Tiyo Renato. Nag-aantay ng sagot ko.
"Eh Tiyo, pwede naman kaya ako doon? Baka hindi ako qualified," naalangang tugon ko.
"Aba eh, bakit hindi ka naman magku-qualify eh, tapos ka ng kolehiyo. Iyon ngang si Gretchen hindi gradweyt iyon pero umubra naman."
"Oo nga, Ate Thei, apply ka. Siguradong tanggap ka na agad. Mahusay ka kaya sa computer," si Gabe iyon.
"Gabe, nagpunta si Ate mo dito para magbakasyon hindi magtrabaho," kontra ni Tiya Marga. "Pero kung gusto naman niyang magtrabaho, okay lang," habol nito sabay kibit ng balikat.
"O, ayan, Ate. Payag na si Mama. Hatid kita do'n araw-araw habang bakasyon."
Nginitian ko si Gabe. Hindi ko rin alam kung gusto ko nang magtrabaho. Pagbabakasyon lang talaga ang sadya ko rito. Sa imbitasyon na rin ni Tiya. At dahil kakagradweyt ko lang ay pumayag naman ako. Parang pahinga lang matapos ang apat na taong nakakapagod na pag-aaral sa kolehiyo. Parang mag-so-soul-search lang. Makapag-isip kung ano na next step ko sa buhay.
Pero parang na-excite naman ako sa isiping magkakatrabaho na. Kikita na ng pera. Gawin ko na lang kayang working vacation ito? Parang nag-e-earn lang ako ng experience. Kailangan ko iyon bago ako mag-apply sa Maynila. Gusto ko doon magtrabaho. Sa Makati. Exciting sigurong maging Makati girl. Napangiti ako sa isiping iyon.
Kaya lang baka masungit ang mayor. At malamang sobrang metikuloso iyon. Mahirap pakisamahan. Ganoon naman kasi ang matatanda.
"Baka naman ang sungit ni Mayor. Baka iyon ang dahilan kaya napilitang mag-resign ang sekretarya niya," nakaingos kong sabi.
"Ewan ko kung may mas babait pa kesa kay Mayor," ani Tiya Marga habang ang atensyon ay nasa gulay na isa-isang tinutusok ng tinidor saka isinusubo. Chopsuey ang ulam namin at pinapapak nito ang natirang gulay sa pinggan nito.
Napangiti lang naman si Tiyo Renato.
"Naku, Ate Thei, hindi ganoon si Mayor. Baka nga magka-crush ka pa doon pag nakita mo," nakatawang wika ulit ni Gabe.
Hinabaan ko ng nguso ang pinsan ko. "Hindi ako nagkaka-crush sa matatanda at may asawa na."
"Hindi matanda si Mayor at single pa siya,"singit ni Tiya Marga.
Napataas ang mga kilay ko. Nagtatakang napalingon ako kay Tiya Marga. Aaminin ko na nagsisimula na akong maintriga sa Mayor ng Santo Cristong iyon. Hindi matanda? Ang bait? Single? Well, malamang pangit. Lihim akong napangiti sa naisip kong iyon.
"Malamang pangit," nagulat pa ako nang marinig ang sariling boses. Nasabi ko pala iyon nang malakas. Gusto kong bawiin pero pano pa eh, nasabi ko na. Bahagya naman akong napahiya. Baka isipin nina Tiya Marga at Tiyo Renato pintasera ako. Hindi naman ako kagandahan.
"Pag nakita mo si Mayor, babawiin mo lahat ng sinabi mo, Ate Thei," natatawang babala ni Gabe.
Wow ha! Naiintriga na talaga ako sa mayor na iyon. Parang walang kapintasan eh. Ganoon ba kataas ang tingin dito ng mga nasasakupan nito? Ano siya? Santo? Hindi raw matanda. Ibig sabihin medyo bata pa. Wala na raw mas babait pa rito. Kung ganoon, superbait? Hindi rin pangit. Ibig sabihin guwapo. Ano iyon perpekto?
Sus… walang ganoon, okay.
"Ah, alam ko na, babaero," agad na bulalas ko naman. Galak na galak sapagkat nakaisip ako pingas sa malasantong imahe ng Mayor ng Santo Cristo. Isa-isa kong sinulyapan ang mga kasama ko sa hapag. Nag-antay ng kokontra sa winika ko.
Sa pagtataka ko biglang nag-concentrate sa pagkain ang mag-anak na kasalo ko. Kung ganoon ay swak sa banga. Babaero nga. Napabuga ako ng hangin. I was disappointed. Wala na talagang faithful na lalaki sa mundo, hay!
Parang ang tabang na tuloy iyong pagkasarap-sarap na chopsuey ni Tiya Marga. Hahanga na sana ako sa mayor na iyon eh. Kaso sa dinami-dami ng kapintasan iyon pang number one na ayaw na ayaw ko sa isang lalaki. Iyong mga feeling regalo ng Diyos sa kababaihan. Hindi masiyahan sa isa. Hay!
*****