THIRTY-SEVEN (37)
-Third Person’s POV –
“Tapos na bang kumain ang lahat?” Sigaw ni Uno.
“Anong meron, boss?” Tanong naman ni Fist habang ngumunguya.
“Magpapagames tayo.” Sagot ni Uno saka ininom ang coke na hawak nito at nilagay ang bote sa ilalim ng mesa, kung saan naka. cattering ang mga pagkain.
“Sali!” Halos magkakasabay na sigaw nila Otso at Sais habang nakataas ang mga kamay.
Tumayo naman si Akinka at tumingin sa kanila, “Syempre hindi mawawala si Otso. Reyna ng kalokohan.” Dugtong pa nito saka naglakad papunta sa timba kung saan nakalagay ang mga platong pinagkainan.
“Ako mag-hohost ng games.” Tugon naman ni Otso habang naglalakad papunta sa harap ng unang cottage kung saan kumakain ang lahat, “Pero bago tayo magsimula, partner muna tayong lahat.”
Agad naman silang naghilahan ng mga members na gusto nilang maging partner. Kahit yung iba ay hindi pa tapos kumain ay agad namang sumali sa hilahan. Tawang-tawa si Otso na pagmasdan silang lahat, ngunit iba pala ang nasa isip niyang paraan upang makahanap sila ng kanilang magiging partner.
“Ako pipili ng magiging partner niyo!” Natatawang pahayag ng dalaga.
Halata sa mukha ng iilan na dismayado sila ngunit ang iba naman ay natutuwa at excited sa magiging partner nila. Kahit yung iba ay naka-pout, ang ilan naman ay naghihiyawan na simulan na ang palaro.
“Lahat ng boys pumila sa left tapos lahat ng girls pumila sa right.” Paliwanag naman nito.
“Tutuhugin mo ba kami, Otso?” Pangaasar pa ni Juviler.
“Basta si Otso, kinakabahan ako.” Bulong pa ni Lil_ron.
“Pagkatapos tumalikod ang lahat.” Pagpapatuloy pa ni Otso.
Nasisiyahan naman silang sumunod sa utos ng kanilang co-founder. Kahit panay ang chismisan nila at harutan ay pumila naman sila kasabay ng kanilang pagtalikod.
“Sumali ka, Mj.” Anyaya ni Almira sa kanya habang nakangiti itong hinihila ang kamay niya.
“Ayoko…” Sagot nito na halatang nagpipigil ng ngiti.
“Sige na. Siguradong mag-eenjoy ka.” Pangungulit pa ni Almira kasabay ng paghatak nito sa kanyang kamay papunta sa kanan upang pumila.
Nagpipigil ng ngiti si Otso habang naglalakad papunta sa gitna ng dalawang linyang nakatalikod. Palipat-lipat ang tingin nito na halatang sinusuri ang bawat linya.
“Sa linya ng mga babae, atras ang nasa ika-10 linya.” Pahayag nito, “At sa linya ng mga lalaki, atras ang nasa ika-5 linya.”
Isa mula sa babae at isa mula sa lalaki ang magkasabay na umatras papunta sa gitna ng dalawang linya. Parang may santos na dumaan dahil sa katahimikan ng lahat.
“Stop!” Sigaw ni Otso at pumagitna ito sa dalawang nakatalikod, “Pwede na kayong humarap.”
Humagalpak sa tawa si Juviler ng makita niyang si Sais ang nasa kanyang harap habang mahina namang tumawa si Sais.
“Ang dewende sa clan.” Pangaasar pa ni Juviler, “Tabi-tabi po.”
“Umaayos ka. Baka karmahin ka sa akin.” Pabirong banta ni Sais.
“Eto yung game.” Huminto muna si Otso saka bumunot ng isang deck ng baraha sa kanyang bulsa, “Huhulugan ko ng isang baraha ang gitna ninyong dalawa. At gamit ang eye contact at mind cooperation, kailangan niyong masalo ang baraha gamit ang inyong mga labi.”
“Paano kapag hindi nasalo?” Tanong ni Juviler.
“Eh di maghahalikan kayo.” Nagpipigil ng tawa si Otso nang sumagot.
Umalingawngaw ang hiyawan at asaran mula sa lahat ng members habang sila Juviler at Sais naman ay natatawa.
“Umupo kayong dalawa na magkaharap.” Utos ni Otso.
Nakabungisngis lang dalawa habang umupo itong magkaharap sa isa’t-isa. Habang si Otso naman ay naghanda ng isang baraha sa taas ng kanilang ulo para ihulog sa kanilang gitna. Panay pa rin ang pangaasar ng buong clan habang nanonood ito sa kanila.
“Isa. Dalawa. Tat–“
“Wait!” Biglang pambabara ni Sais habang nagpipigil ng tawa, “Pwedeng tumawa muna? Natatawa ako sa mukha ni Juviler eh.”
Humagalpak naman sa tawa ang binata, “Pasalamat ka, matitikman mo ang labi ko. Hindi lahat ng babae makakatikim nito.”
Tumawa naman si Sais, “Ang kapal mo. Ang laspag nga ng labi mo.”
“Pero ang daming lumuha nito.” Pagmamayabang pa nito.
“Sige na. Ready!” Tugon pa ni Otso na halos matatawa, “Isa. Dalawa. Tatlo!”
Pagkasabi ng tatlo ni Otso ay binitawan na nito ang baraha. At nahulog ito sa gitna nila Juviler at Sais. Nilapit ni Juviler ang mukha niya kay Sais habang nakanguso pero umatras naman si Sais na halatang nagpipigil ng ngiti. Kaya panay ang halakhak ng lahat. Lalo na si Otso na halos mabaliw sa kakatawa.
“Ano ka ba!” Sigaw ni Juviler.
“Hahalikan mo ba ako?” Nagpipigil ng tawa si Sais.
“Kailangan magtagpo yung lips natin para masalo yung baraha! Sira!” Paliwanag naman ni Juviler sa naiinis na tono.
Hindi na nagawang pigilan pa ni Sais at humagalpak na rin siya sa tawa habang natatawa naman ang binatang nasa kanyang harap.
“Isa pa! Kapag dalawang beses hindi nasalo iba na naman!” Sigaw ni Otso habang pinapakalma ang kanyang sarili.
Muling kumuha si Otso ng baraha at pinuwesto ito sa ibabaw ng kanilang ulo. Nakangiti namang nagkatitigan ang dalawa.
“Isa. Dalawa. Tatlo!”
Muling naghulog ng baraha si Otso sa kanilang gitna. Magkasabay na nilapit ng dalawa ang kanilang mukha ngunit biglang umatras ulit si Sais.
“Hoy! Hinayaan mong mahulog yung baraha!” Reklamo pa ni Juviler.
“Hindi tayo aabot!” Natatawa pang sagot ni Sais.
Tawang-tawa ang lahat habang pinagmamasdan sila. Kahit si Otso ay hawak-hawak ang kanyang tiyan habang tumatawa.
“Next!” Natatawang sigaw ni Otso.
Bago pa man makatayo sila Juviler at Sais ay nag. unahan na ang ilan sa mga lalaking member na pumunta sa gitna. Game na game na makipagkulitan. At akmang tatayo na sila Juviler at Sais nang sinampal sa kanilang mukha ang isang paper plate na puno ng harina.
Tumili si Sais habang si Juviler naman ay tawang-tawa na hinabol si AkinKa. Ang nagsampal sa kanila ng paper plate.
“Ready na kami, Otso!” Sigaw ni Nono. Umupo na ito sa gitna kasama ni Uno.
Tumatawa naman si Otso habang naglalakad ito papunta kina Nono at Uno. Nakabungisngis ang dalawang binata habang hinahanda nila ang kanilang sarili.
Tumahimik ang lahat nang maglabas si Otso ng baraha. Pero nakangiti naman itong nakatingin sa kanila.
“Ready! Isa. Dalawa. Tatlo!”
Binitawan na ni Otso ang baraha at nahulog na ito sa kanilang gitna. Magkasabay na nilapit ng dalawa ang kanilang mukha. Pero aatras sana si Uno ng biglang hinatak ni Nono ang leeg nito at diniin niya ang kanyang labi sa labi Uno.
Humagalpak sa tawa ang lahat na halos kanilang ikabaliw. Lalong lalo na si Otso na kulang nalang gumulong siya sa lupa.
Malakas na tinulak ni Uno si Nono, “Tarantado ka!”
Tumayo naman si Nono at pabirong dumura, “Lasang panis! Langya!”
Imbis na magpatuloy sila ay sinampal ng paper plate ni Akinka si Nono. Diniin niya ang kanyang kamay sa mukha ni Nono kaya bumagsak ito sa lupa. Bago pa man makaganti si Nono ay kumaripas na sa pagtakbo sila Akinka.
Muling umalingawngaw ang malakas na halakhakan ng lahat kasabay ng kanilang paghihiwahiwalay. Yung ibang babae ay halos kapusin sa boses dahil sa sobrang lakas ng tili. Sa pagaakalang pati sila ay sasampalin rin ng paper plate. Hindi naman nagkamali ang lahat at nagsimula na silang maghabulan. Kung sinu-sino na ang nagsasampal ng mga paper plate.
Tahimik na kumakain ng salad si Almira ng bigla siyang mabangga ni Dope. Nanlaki ang kanyang mga mata sa gulat at tumama ang likod niya sa dibdib ni Uno na may hawak na paper plate. Automatikong napalingon ang dalaga sa kanya at nagtama ang kanilang tingin.
Seryosong nakatingin sa kanya si Uno habang si Almira naman ay nanlaki ang mga mata. Pareho silang natigilan at gulat sa bilis ng pangyayari.
Ngunit sinira nila Tagj at Dope ang moment nila ng bigla nilang tinapunan ng paper plate ang mukha ng dalawa. Tawang-tawa silang pinagmasdan ang dalawa na humiwalay sa isa’t isa.
Inis na inis namang hinabol ni Uno ang dalawa na kumaripas sa takbo habang tumatawa ang mga ito.
“Yung salad ko!” Galit na sigaw ni Almira nang makita niyang nabalutan ng harina ang salad na hawak niya.
Nagtungo ito sa ikalawang cottage kung saan nakalagay ang mga paper plate na may harina at kumuha rin siya ng isa. Sumali na rin siya sa habulan at siniguro niyang makaganti kay Dope at Tagj.
Naabutan niya si Dope na nakaupo malapit sa dagat na halos kapusin na sa paghinga. Maingat siyang naglakad papunta sa kanyang likuran. Mukhang hindi siya napansin ng binata dahil tawang-tawa itong nanonood sa ibang members na naghahabulan at nagtatapunan ng mga paper plates. Kaya agad naman niyang sinampal sa mukha nito ang paper plate na hawak niya habang dinidiin ito sa kanyang mukha.
Napahiga si Dope habang halos hindi makahinga si Almira sa kakatawa. Hindi rin naman napansin ni Almira ang papalapit na si Uno sa kanyang likuran.
Tumili ng sobrang lakas si Almira ng tinapunan siya ni Uno ng tubig. Gulat na gulat siya kaya nanginginig itong pinunasan ang kanyang mukha.
“Lorenz! Humanda ka!” Inis na sigaw nito kay Uno at hinabol siya.
Umabot hangang takipsilim ang habulan nila at tapunan ng paper plates. Yung iba ay sa dagat na naglinis ng katawan habang yung iba ay gumulong na sa lupa dahil hindi na halos makagalaw. Pero kahit takipsilim na ay nagkukulitan pa rin yung iba. At yung ilan naman na hindi na halos makagalaw sa sobrang pagod ay panay pa rin ang halakhak habang pinapanood ang iba.