Chapter 28: Mission Abort
Isang linggo nang nasa Santuario de Santiago sina Charina at Vladimir. Doon sila tumutuloy sa cabin nito. Naintindihan na niya kung bakit gusto nito roon kahit nagdesisyon itong magtago pansamantala. Mahigpit ang seguridad ng lugar. Hindi basta makakapasok ang hindi miyembro. Ang mga nagpa-book ng hotel ay makakapasok lang kapag bayad na nila iyon. May access sila pero hanggang sa loob lamang ng hotel at mga establishments sa loob niyon. Ang sinumang gustong magkaroon ng access sa iba pang establishments at activities ay magbabayad ng napakalaking halaga. Milyon ang membership fee doon at ang paggamit sa mga facilities at amenities ng lugar sa mga hindi miyembro ay dapat ding magbayad ng milyon. Isa pa ay bawal ang media roon o kahit sinong related sa media para mapangalagaan ang privacy ng mga may-ari at miyembro. Ang mga may kontrol sa CCTV cameras ay mga may-ari lang din. Mahalaga sa lahat ang confidentiality ng mga private liaisons. Nang pumunta sila sa bahay nina Nanay Vicky at Tatay Tiyago, doon niya lang nalaman na isa sa mga may-ari ng lugar si Vladimir.
Nang araw na iyon ay nasa isang coffee shop sina Charina at Vladimir sa loob ng hotel. “Ang tahimik naman ng boyfriend ko,” sabi niya at pinisil ang pisngi nito.
Ngumiti lang din ito nang matipid at pinisil ang isa niyang kamay. “Sweetheart, sinow si Hermes?”
Pinagmasdan niya muna ito at natawa nang mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. “Seloso! Wala iyon kaibigan ko lang iyon. Mas pogi at macho ka doon. Walang lalamang sa ‘yo,” sabi niya na ikinangiti nito. Kinikilig din siya pero mula kahapon pa siya kinakabahan dahil alam niyang magtatanong ito nang magtatanong tungkol kay Hermes. Hindi nito kilala ang binata dahil sa Ukraine ito naglalagi. May basketball, volleyball, football, tennis, baseball field sa lugar. Si Hermes ay nakilala daw ng mga kaibigan nito dahil nagkaroon ng annual football game sa Santuario. Katuwaan lamang iyon ng mga miyembro at ang lalaki ang naging coach ng mga may-ari. Hindi rin miyembro ang kaibigan niya sa lugar kaya hindi rin nito kilala nang personal si Vladimir.
Muli niyang inilibot ang tingin sa lugar. “The name really suits the place. Santuario de Santiago is really a sanctuary, especially for the handsome men.” She giggled. Puro gwapo naman kasi ang mga may-ari, maging ang mga miyembro. Ilang beses niyang tinanong ang mga ito kung required ba na gwapo ang mga miyembro na sinagot ng mga ito ng oo pero alam niyang nagbibiro lamang ang mga iyon.
“But, I’m the most handsome,” kampanteng sabi nito at humalukipkip pa.
“Seloso talaga! Oo na, ikaw ang nakakahigit sa lahat,” aniya at yumakap dito nang mahigpit.
“How did you know Hermes?”
Napatingin na siya muli rito. “He’s my friend.” Nabahala na siya. Ayaw nitong palagpasin ang tanong. Nakita niya nang i-search nito sa social media si Hermes at nalamang may-ari ito ng sports magazine.
“Do you work for him?”
“Alam ko na ang next na tanong. Ex ko rin ba siya. Ikaw lang ang lalaki sa buhay ko, wala nang iba pa,” aniya at kiniliti pa ito bago marahang bumaba ang kamay niya sa crotch area nito. She didn’t know she could be bold.
“You tease,” bulong nito. Dinig niya ang malakas na kabog ng dibdib nito.
“Mamaya na lang pala,” aniya saka sumenyas sa waiter na o-order na. Pag-alis ng waiter ay saka tumunog ang cellphone niya. Si Romina ang tumatawag.
“Charing,” halos bulong na lang ang pagkakasabi nito.
“Bakit?” Nanibago siya sa pagtatanong nito.
“Nandito kami ni Daddy Hermes sa labas ng hotel. Pinapunta siya ng mga may-ari raw. Kasama mo ba si pogi?”
“Oo,” natataranta niyang sabi. Lumayo muna siya sa lalaki bago nagpatuloy. “Romina! Kasama pala sa may-ari si Vladimir!”
“Ano?” Napatili na ito.
“Bakit ba kasi kayo nandito?”
“Ayun nga, pinapunta daw si Hermes ng mga may-ari para mag-coach ng football. Nasa kabilang sasakyan siya at kausap pa sa cellphone ang asawa niya. Eh hindi ko sinabi na nandito kayo kasi hindi niya naman alam na may something na kayo ni Vladimir baka pagsabihan ka. Ang dami niyang tanong sa development ng project mo dahil hindi mo raw sinasagot ang tawag. Sabi ko na lang umalis ka kasama si Vladimir dahil pumayag na sa interview.”
“Oh sige, aalis na kami dito sa Santuario. Ngayon din mismo!” Bumalik siya sa puwesto ng nobyo na kaswal na umiinom ng kape. “Vladimir! We have to get back to my friend’s house. Nagkaproblema raw eh.”
“How about Romina?”
“Umalis daw siya at nasa biyahe pabalik ng Metro Manila,” aniya sa kawalan ng maidadahilan.
“Let’s go,” anito nang mapansng namumutla siya.
Lumabas na sila at nagmamadaling tinakbo ang parking lot. Pasakay na sila nang marinig niya ang pagtawag sa pangalan niya. “Cha!” Parang huminto ang tibok ng puso niya paglingon niya at nakitang palapit si Hermes sa kanila. Nakangiti ito. “Hi, I’m Hermes Ledesma,” pakilala nito.
“Vladimir Stepanenko,” pormal na pakilala nito.
“Yes, I know you. I’m your fan,” anito at nakipagkamay sa lalaki. “I’m glad you and Charina are doing great.”
“Yes.”
“So how was the interview?
Kumunot ang noo ng lalaki. “Interview?”
“Yes.” Nagtatakang tumingin sa kanya si Hermes. Pagtingin niya kay Romina ay nasa likod lang ito ng boss nila at namumutla na rin. “Cha?”
“V-Vladimir, I’ll explain everything.”
“Please explain,” anito na kay Hermes nakatingin.
“Oh I get it,” nakangiting bulalas ni Hermes. “I know you want it to be confidential. Don’t worry, we will not disclose anything aside from your career details, plans, and other related information. Charina is good at keeping secrets. She’s my most trusted sports writer and editor.” Tumango lang din ang kanyang nobyo at tumingin sa kanya na nakakunot ang noo.
“I still don’t get it.”
“Hermes, ako na ang bahala dito. Please, give us time. He’s my boyfriend.”
“What?” Bilog na bilog ang mga mata nito sa pagkabigla.
“Let’s go,” walang kangiti-ngiting sabi ni Vladimir sa kanya at nauna nang sumakay ng kotse. Huminto ito sa harap ng cabin nito at dire-diretsong pumasok. Sinundan niya ito at nakitang inaayos na ang mga gamit.
“Vladimir…”
“I understand everything now.”
“You d-don’t understand.”
“I know I’m not good at speaking Tagalog, but I already connected the dots. It just so happened that we both know Nanay Vicky and Tatay Tiyago. All along, you were looking for me to get an interview from me. You seduced me to gain my trust. I know you think I’m stupid, but I won’t let you do any further damage,” sabi nito at nilagpasan siya. Nang makasakay ito sa kotse ay sumakay din siya.
“Hindi ako bababa! Sasama ako kahit saan ka pumunta. Please let me explain. Mahal na mahal kita. Please maniwala ka naman, Vladimir.” Hindi ito kumibo. “Oo, inaamin kong balak ko talagang makakuha ng interview sa iyo at may nakapag-tip sa amin na pinsan ka ni Alessandro Borromeo. Kakilala naman siya ng pinsan kong si Belle pero wala akong makuhang impormasyon kaya bumalik na lang ako sa Rosario para puntahan si Nanay Victoria. Hindi naman sinasadya ang pagkakakilala natin sa ilog. Hindi nga kita agad nakilala eh pero ang puso ko, nakuha mo agad kahit nainis ako sa ‘yo noong una. Siguro kasama nga sa plano ko ang pakikipaglapit sa ‘yo pero mahal kita eh kaya lapit ako nang lapit. Nakita mo namang kapag magkasama tayo wala akong dalang notebook at ballpen. You can check my phone. I never recorded any of our conversations because when I’m with you, I tend to forget everything. Nothing else matters, ikaw lang ang mahalaga, Vladimir. Mahal na mahal kita, maniwala ka sana.”
Hindi ito kumibo at nagpatuloy lang sa pagmamaneho hanggang huminto ito sa tapat ng bahay ng kaibigan. “Ayokong bumaba,” aniya at napahagulgol na. Lalo lang siyang napaiyak dahil hindi man lang siya niyakap nito. Nakatingin lang ito sa harap ng windshield. “Mahal na mahal kita, Vladimir. Ngayong hindi mo ako niyayakap, para akong sinasaksak.”
“Please leave me alone,” sabi lang nitong hindi nakatingin sa kanya.
“Binibitawan mo na ako?”
“I don’t want to talk to you anymore.”
“Dahil galit ka sa akin. Kunsabagay, nakuha mo na ang lahat sa akin. Nakuha mo ang puso ko at ang pinakaiingatan kong sarili na para lang sa ‘yo.”
Matalim ang tingin nito nang lumingon sa kanya at mariin siyang hinawakan sa isang braso. “Don’t act as if you’re the victim. I fell in love with you, but you fooled me,” anito at binitiwan siya.
“Please Vladimir, don’t break up with me. Hindi ko kakayanin,” aniya at luluhod na sana pero pinigilan siya nito. “Kasalanan ko naman eh pero bigyan mo naman ako ng chance. Takot na takot na akong magmahal pero binigyan din naman kita ng chance eh.”
“I don’t know what to believe anymore, sweetheart,” sabi nitong naging malumanay na ang boses at tumingin sa kanya.
“I’m sorry, Vladimir, kung hindi ko sinabi agad. Gusto ko namang sabihin kaya lang alam kong ganito ang mangyayari. Mahal na kita eh. Nakalimutan ko na nga ang interview dahil ikaw lang ang mahalaga sa akin. Mag-re-resign ako ngayon din para maniwala kang mahal kita at hindi kita niloloko.”
“Mas magagalit akow kapag ginawa mow iyan. I know you really love your job. Please leave me alone and let me think things over for now.”
“Ayoko! Ayoko! Ayoko!” Hysterical na siya at patuloy sa paghagulgol. “Please don’t do this to me. Bakit ba mahirap para sa ‘yong maniwala na mahal kita?” Tumawag siya agad kay Hermes at sinagot nito iyon saka niya inilagay sa loud speaker. “I’m tendering my resignation effective immediately.”
“What?” Sabay na nagtanong si Vladimir at ang kaibigan sa kabilang linya.
“I’m sorry, Hermes. I’m giving up on the project. I’ll also return the advance bonuses you’ve given. I’ll send my resignation letter via email within the day.” In-off na niya ang tawag.
“I told you not to do that!” Nakasimangot na ito kaya bahagya siyang napanatag. Mas gusto niyang ganoon ito kaysa kaninang walang ekspresyon ang mukha nito na parang hindi siya mahalaga dito.
“Mas mahalaga ka sa akin. Mahal na mahal nga kita, hindi ka pa rin ba naniniwala?” Muli niyang inilabas ang cellphone at mabilis na nag-send ng formal resignation sa email ni Hermes saka ipinabasa iyon sa kanyang nobyo. “Paandarin mo na itong kotse dahil hindi ako hihiwalay sa ‘yo. Sa ex ko, hinayaan ko siyang makipag-break sa akin pero hindi sa ‘yo. Walang-wala iyung feelings ko sa kanya sa feelings ko sa ‘yo. You want me to stay away from you when you already have my heart and my soul.” Hindi na muna ito nagsalita. Muli lang itong tumingin sa kanya bago umiling na parang nadidismaya saka pinaarangkada ang kotse. Hindi siya papayag na makipaghiwalay ito nang basta na lang sa kanya. Dapat muna silang magkalinawan bago pa ito gumawa ng isang desisyon nang hindi siya pinakikinggan.