Chapter 27: The Proposal

Masaya si Charina habang nakasandal sa katawan ni Vladimir. Nasa Santuario de Santiago sila at tahimik na namamangka. Naroon pa sila malapit sa talon. Iyon daw ang paborito nitong puwesto. “Paano ka ba naging miyembro?” Ayaw niya munang sabihing alam niya naman na pinsan ito ni Alessandro kaya ito may membership card.

“Basta,” sabi nito at yumakap sa kanya nang ihinto nito ang pagsasagwan.

“Vladimir?”

“Hmm?”

“Kung kunwari may kasalanan ako, iiwan mo ba ako?”

“Huh? Bakit naman kita iiwan? You’re my life now.”

“Basta kapag galit ka, tandaan mo lagi na mahal na mahal kita. Totoo iyan palagi,” sabi niya at lumingon dito. Nakakunot lang ang noo nito pero biglang ngumisi.

“Are you pregnant?”

“Pregnant ka diyan,” natatawang sabi niya. Dalawang linggo na ang nakakaraan simula nang unang beses na may mangyari sa kanila. Pagkatapos ay para na silang mga unggoy na walang sawa sa pagniniig. Tinalo pa nila ang mga bagong kasal na nasa honeymoon. Kung iyon pa nga lang na boyfriend niya ito ay ayaw nitong magpaawat, lalo pa kapag ikinasal na sila. Sa naisip ay napangiti siya at lalong isiniksik ang sarili dito. Mas mahigpit ang naging yakap ni Vladimir na mukhang nadama ang pagkakilig niya.

“Kinikilig ang gilrfriend kow,” natatawang sabi nito.

“I love you,” aniya at muling lumingon dito at pinatulis ang nguso. Bumaba naman ang mukha nito para salubungin ng halik ang mga labi niya.

“Nakikita niyo ba ang nakikita ko?” Napahinto na sila ni Vladimir nang makarinig ng hiyawan at palakpakan mula sa hindi kalayuan.

“Nakita mong naghahalikan, istorbo ka na naman, ninja turtle.”

“Ang ingay niyong dalawa. Kiss na nga kayo ulit,” pang-aasar pa ng isa.

“Shut up,” nakasimangot na sabi ni Vladimir kina Donatello, Alessandro, at Jaime. Kasama ng mga ito ang mga partners nito. Kasal na si Jaime kay Dorothy Herrera habang si Alessandro ay kay Lisa, kapatid ng governor na kaibigan din ng mga ito na si Leandro.

“Ang gwapo ng boses,” sabi naman ng isa pa biglang sumulpot. Si Isaac iyon kasama ang pinsan niya.

“Charing? Charing, ikaw nga! Pinsan, jowa mo na iyang si Vladimir?”

Ngumiti lang siya kaya sabay-sabay na nagsalita ang mga lalaki. “Showbiz!”

“Nahihiya ka ba?” Ipinatong ni Vladimir ang baba sa mga balikat niya. “She’s my girlfriend. May angal kayow?”

“Wala po, Fafa Vladimir,” sigaw nina Donatello at Alessandro. Tandem pa rin ang mga ito sa kalokohan kahit may asawa na ang isa. “Kiss muna para maniwala na rin kami.”

Inirapan niya ang mga ito bago lumingon kay Vladimir. “Oh kiss daw,” aniya at hindi na hinintay na sumagot ito. Hinila niya palapit ang mukha nito at siniil ito ng halik. Ngumiti pa ito sa pagitan ng paghalik niya bago maalab na tumugon.

“Ay bold,” sigaw ng mga ito kaya natatawang naghiwalay na sila at nagsagwan na pabalik sa pampang. Kasunod nila ang iba pang kaibigan ng mga ito.

“Pupunta tayow sa isa pang bahay nina Nanay Vicky at Tatay Tiyago.”

“May bahay sila doon?”

“Oo.” Lumingon ito sa mga kaibigan. “We will go to Tatay Tiyago and Nanay Vicky.”

“Kami rin eh,” nakangiting sabi ni Isaac habang karga si Belle na malaki na ang tiyan.

“Kami rin,” magkasabay na sagot nina Jaime at Alessandro.

“Ikaw, ninja turtle?” Nakangisi nang nakakaloko dito ang tatlo pero napakamot lang ito sa batok.

“Aren’t we going to join them, lover boy?”

“Some other time,” simpleng sabi nito saka nagmamadaling kinarga ang babae at iniwan na sila. Nagtawanan ang magkakaibigan habang tinatawag si Donatello pero lumingon lang ito sabay itinaas ang gitnang daliri sa mga kaibigan kaya lalong nagtawanan ang mga lalaki.

“What are they laughing at?”

“I will tell you later.”

“Okay.” Ilang minuto silang naglakad. Ang mga lalaki ang naglakad habang silang mga babae ay karga ng mga ito. Puro buntis kasi ang tatlo kaya habang si Vladimir ay pinipilit na kargahin siya. Nang makarating sila ay nagulat siya dahil naroon nga ang dalawang matanda. Sobrang simple ng bungalow-type house ng mga ito na may mababang bakod at tarangkahan.

“Magandang umaga po,” sabay-sabay na sabi ng mga lalaki at sumaludo pa kay Tatay Tiyago.

“Tamang-tama, kakasalang pa lang ng ginataang hito. Kumakain ka ba niyon, Charina?”

“Kilala niyo po si Charina?” Takang-taka ang lahat kasama ang pinsan niya.

“Aba’y oo naman. Nasa kolehiyo pa lang iyan kasama si Hermes ay alaga ko na ang mga iyan.”

“Kilala mo rin si Hermes?” Muling nag-chorus ang mga ito.

“Kasama ko siya sa athletics department noong college. Bestfriend ko siya at ilang beses na kaming nakapunta sa bahay niya at mansiyon ni Nanay Vicky.”

“Ikaw talaga, anak, hindi naman mansiyon iyon,” nahihiyang sabi ng matandang babae.

“Pero teka, paano kayo nagkakilala nitong unggoy kong pinsan?” Si Alessandro ang nagtanong.

Napakamot na siya sa batok. Hindi niya inaasahan na magkakakilala ang lahat ng ito dahil hindi naman niya nakilala ang mga lalaki na malapit kina Nanay Vicky at Tatay Tiyago. “I almost drowned in the river. He saved me,” simpleng sabi niya.

“Ilang beses kasi siyang dumalaw sa bahay namin ni Tiyago sa liwanag. Doon sila nagkakilala at iyan na, magkasintahan na sila.”

“Ang sweet naman,” kinikilig na sabi ni Dorothy.

“Oo nga eh. Napaamo mo iyang si Vladimir Stepanenko eh Mr. Sungit Top two iyan. Top one si Kuya Isaac,” natatawang sabi ni Lisa.

“Hindi na iyan masungit. Kaunti na lang din,” natatawang sabi ni Belle at yumakap sa asawa. Paglingon niya kay Belle ay hindi na ito nakangiti. Mataman lang itong nakatitig sa kanya. Halata namang seryoso ito at alam niyang may balak itong sabihin base sa hitsura nito. Para bang sinasabi nitong may alam ito pero hindi muna nito sasabihin. Halos pareho sila ng paraan ng pag-iisip kaya kinabahan siya. Mukhang may alam ito pero nanatiling tikom ang bibig.

“Nagugutom na ako. Ang bango ng niluluto niyo, Nanay Victoria,” sabi na lang niya para umiwas ng tingin sa pinsan. Pagtingin niya kay Vladimir ay nakakunot lang ang noo nito na parang nagtataka pero ngumiti rin agad ito nang patulisin niya ang nguso para magpahalik dito. Hinalikan naman siya nito kaya nagtawanan na naman ang mga makukulit na kaibigan nito.

Ilang minuto pang nagkuwentuhan sila kasama si Tatay Tiyago bago lumabas si Nanay Victoria at sinabing luto na ang pagkain. Nagprisinta ang mga lalaking sa labas na lang kumain. Agad namang nakakuha ang mga ito ng dahon ng saging at mabilis na nilinisan. Gusto ng mga itong mag-boodle fight. Naglatag na ang mga ito habang sina Vladimir at Tatay Tiyago ang kumuha ng kaldero ng kanin at mga ulam.

Nang matapos silang kumain ay busog na busog sila. Nagkuwentuhan pa sila bago isa-isang nagsabi ang mga lalaki na babalik na muna sa cabin. Sila na lang ni Vladimir ang naiwan doon kasama ang dalawang matanda. “Hindi pa tayo uuwi?”

“Ditow muna tayow,” nakangiting sabi nito.

“Natutuwa akong dinala mo si Charina dito, anak,” sabi ni Tatay Tiyago.

“Mahal kow pow kasi siya.”

“Mabuti naman,” masayang sabi ni Nanay Victoria.

“Sige na nga sasabihin kow na sa ‘yow,” anito at nagpasintabi sa dalawang matanda. Dinala na siya nito sa isa sa mga kuwarto. Nasa pinakadulo iyon. Nagulat pa siya dahil may susi ito. Binuksan nito iyon at tumambad sa kanya ang simpleng kuwarto pero may mga papel na nakadikit sa apat na pader. Tig-da-dalawang papel bawat pader. “We made a promise that if we would bring a woman here, we would marry her. It means I love you and that I want to marry you.”

“You’re not saying?”

“I will,” anito at lumuhod. “I haven’t bought you an engagement ring. But, this is my favorite necklace. My father gave it to me. It’s a family heirloom that is passed on to the youngest man in every generation. It means a lot to me, and I promise you that I will give you everything if you marry me.”

Natutop niya ang bibig at ilang segundong natulala. “I will marry you.” Kusa iyong nanulas sa mga bibig niya. Halos bulong na lang iyon dahil hindi siya makapaniwala sa mga narinig at sa bilis ng daloy ng love story nila. Tumulo ang mga luha niya nang tumayo ito at isuot ang kuwintas sa kanya. Binuksan nito ang isang drawer at inilabas ang pantatak. Idiniin nito doon ang hinlalaki bago iyon itinatak sa isa sa mga papel. Pinalapit siya nito para itatak din ang kanyang hinlalaki. Napaluha na siya nang mabasa ang nilalaman ng papel. Para iyong marriage contract pero mas maganda ang nilalaman niyon. Walang marriage license number iyon. Puro pangako nito ang nakalagay na magiging mabuting asawa at ama ito. Mamahalin daw siya nito sa habang panahon kaya niyakap niya ito at kusa na siyang humalik dito.