Chapter 11 A Lover's Quarrel
Agad na nabura ang ngiti sa labi ni Jerome at napalitan ng pagkadisgusto ng pagbukas niya ng pinto ng silid ni Ethan, si Jhasphere ang una niyang nakita. Agad na tumayo ang binata at lumapit sa kaniya.
"Anong ginagawa mo dito?" inis niyang tanong.
Ngumisi si Jhasphere at kinuha ang basket ng prutas na bitbit ni Jerome.
"Para makita ka."
Kumunot ang noo niya.
"Paano ka naman nakakasiguradong bibisitahin ko siya ngayong araw?"
Itinaas ni Jhasphere ang kaniyang dalawang balikat. Kinuha niya ang isa pang upuan at nilagay sa tabi ng inupuan niya kanina. Umupo siya at marahang tinapik-tapik ang bakanteng upuan.
Napabuntong-hininga si Jerome at umupo dito.
Abot tenga ang ngiti ni Ethan sa dramang live niyang napapanood.
"Alam ko lang na darating ka. Ramdam ko."
"Ano ka, manghuhula? Tsk."
Napahalukipkip si Ethan at masamang tinitigan si Jhasphere.
"Kung ganoon, hindi ka nandito para sa akin?" tila naiiyak niyang wika.
"That's the second reason."
Nakangusong napatingin si Ethan sa nakangiting si Jerome.
"Jer-" mangiyak-ngiyak niyang sumbong at malapad niyang binuka ang mga braso upang yakapin sana si Jerome ng biglang bumukas ang pinto at maputol ang pagtawag niya sa pangalan nito. Iniluwa ng pinto si Stayck. "... son!" Agad na tumayo si Jerome at umupo sa gilid ng kama, malapad niya ring binuka ang kaniyang kamay at yinakap nila ang isa't isa. "Away ako Jhasphere. Ganti mo ako," tila bata niyang sumbong.
Napangiwi si Stayck sa nasaksihan at puno ng pandidiri ang kaniyang mukha. Dali-dali siyang lumabas ng silid habang umaarteng naduduwal. Sabay na humagalpak ng tawa si Ethan at Jerome. Subalit, agad din iyong natigil ng hilahin ni Jhasphere ang braso ni Jerome dahilan para humiwalay siya kay Ethan at maupo sa mga hita ni Jhasphere. Napaawang ang labi ni Jerome dahil sa gulat. Masama niyang tinitigan ang seryosong mukha ni Jhasphere.
"Problema mo?" Agad siyang tumayo at hinila ang upuan papunta sa kabilang bahagi ng higaan.
"Selos ka 'no?" nang-iinis na wika ni Ethan. "Boyfriend ko siya, hindi na sa'yo."
Masama siyang tinitigan ni Jhasphere pero hindi natinag ang nakangiting si Ethan. Binelatan niya si Jhasphere at hinawakan ang kamay ni Jerome. Pinagsalikop niya ang mga ito at itinaas. Napailing na lang si Jerome sa pagiging maloko ni Ethan samantalang napa-rolyo naman ng mata si Jhasphere. Napatingin sa kaniyang wristwatch si Jerome, alas diyes na ng umaga. Napatingin siya sa bintana ng silid kung saan kitang-kita ang asul na kalangitan at puting-puting mga ulap.
"Ethan," seryosong niyang tawag sa kasintahan ng kakambal.
"Hmm?"
"Paano mo nalamang wala na siya at kung saan siya nakalibing?"
Napangiti si Ethan. Ngiting punong-puno ng sakit. Ilang sandali pa'y naglandas ang kaniyang mga luha pababa sa kaniyang pisngi.
"Kagabi pa ako binabagabag ng tanong na 'to. Kung hindi ko ba nalaman, wala ba talaga kayong balak na sabihin sa akin ang tungkol sa pagkamatay niya?" humihikbi niyang tanong.
Marahang tumango si Jerome.
"Iyon ang hiling niya. Kaya nga 'di ba gusto niya akong magpanggap na siya? Nangako siya sa'yo na nasa tabi mo siya hanggang sa huling hininga mo, gusto niya tuparin 'yon gamit 'tong mukhang 'to na xerox copy ng mukha niya. Why didn't you tell him, that you know he's also dying?"
Napatingala si Ethan, pinipigil ang tuluyan niyang paghagulhol.
"Hinintay kong kusa siyang magsabi... at pinagsisisihan ko iyon ngayon. Ano bang ikinakatakot ko ng mga panahong iyon? Hindi ko na maalala."
Tuluyang bumulwak ang emosyon na kanina pa niya pinipigil. Nagtama ang mga mata nina Jhasphere at Jerome, subalit agad na nag-iwas ng tingin ang huli bago pa man magrigodon ang puso niya. Paulit-ulit man niyang itanggi, alam niya sa sariling mahal niya pa rin talaga ang binata ngunit nilalamon ng takot ang pagmamahal na iyon. Halos masiraan siya ng bait ng talikuran siya nito, hindi na niya alam kung kaya niya bang magtiwala ulit sa binata. Hindi ganoon kadaling buuin muli ang nasirang tiwala. Kung mabuo man, nandoon na ang takot, pagdududa at pagdadalawang-isip. Huminga siya nang malalim.
"Naniniwala akong lahat ng bagay na nangyayari sa buhay natin may rason, na parte iyon ng malaki niyang plano para sa atin." Tumingin siya kay Ethan at tinuro ang itaas. "Who knows, hinayaan niyang mangyari ang lahat ng nangyari sa inyong dalawa upang sa susunod na buhay, lahat ng pagsisisi at pagkakamali niyo sa buhay na 'to, ay maitama niyo."
"Tell me, Jerome, kailangan pa ba nating hintayin ang susunod nating buhay para itama ang lahat ng pagsisisi at pagkakamali nating dalawa?" biglang sabi ni Jhasphere.
Nanunuyang ngumisi si Jerome at tumingin kay Jhasphere.
"Nating dalawa? Ikaw lang ang may pinagsisisihan, ikaw ang may pagkakamaling kailangang itama."
"Bigyan mo ako ng pagkakataon para maitama iyon."
"Hindi na kailangan."
"I'm just asking you for a chance. Bakit hindi mo maibigay iyon?"
Sarkastikong tumawa si Jerome.
"Sa tingin mo ba ganoon kadali iyon? Na kapag sinabi mo sa akin ang rason kung bakit mo'ko iniwan two years ago, ayos na? Sinira mo ang tiwala ko sa'yo, Jhasphere. Tinalikuran mo ako nang mga panahong kailangan na kailangan kita. And it took you two years para ibigay sa akin ang paliwanag na dati ko kailangan. Durog na durog na ang tiwala ko sa'yo, at sobrang hirap nang buuin. Kung sakaling mabuo ko man, may lamat na, may takot na, na baka isang araw, bigla mo na lang ulit akong talikuran kapag sinabi ng ama mo. Sabihin mo sa akin, paano kita bibigyan ng pagkakataon gayong maski ang sarili ko, hindi ko mabigyan ng pagkakataong muling magtiwala at mahalin ka," huminga siya nang malalim at pinunasan ang mga luhang lumandas sa kaniyang mga pisngi. "Let's just drop that. Bakit nasa sementeryo ka? Anong ginagawa mo doon? Huwag mong sabihin na alam mong nandoon ako, kasi ramdam mo?"
Humalukipkip si Jhasphere at sumandal sa upuan.
"He ask me for a favor to drive him there," nginuso niya si Ethan, "na hindi ko pinagsisisihan dahil sa lawak ng siyudad na ito hindi ko alam kung ilang buwan ang gugulin ko makita ka lang."
Napatingin si Jerome kay Ethan, binalewala ang mga katagang sinabi ni Jhasphere.
"Oo nga pala, hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko kanina."
Masamang tinitigan ni Ethan ang dalawa.
"Sasagutin ko na sana, nagsagutan naman kayo bigla. Paano ako sisingit? Nagdadrama iyong tao, magdadrama din kayo! Ano 'to, nagkokompetensiya tayo kung sino ang mas nasasaktan sa ating tatlo?"
Napayuko na lang si Jerome at tinitigan nang masama si Jhasphere.
"Sa susunod kasi, sagutin mo ng diresto 'yong tanong."
Napaawang ang labi ni Ethan sa sinabi ni Jhasphere.
"Narinig mo ba ang sinabi ng ex mo?"
"May punto naman siya." Alanganin siyang tumawa.
Mas lalong umawang ang labi ni Ethan at marahas na napabuga ng hangin.
"So, ngayon pinagtutulungan niyo akong dalawa?" Hindi niya makapaniwalang bulalas.
"Sagutin mo na lang iyong tanong," wika ni Jhasphere habang abala sa kakakalikot sa cellphone niya.
"Bago iyon, sagutin niyo muna ang tanong ko. Ba't wala 'ni isa sa inyo ang nagtatanong kung ayos lang ako? Matapos iyong nangyari kahapon, parang hindi kayo nag-aalala sa akin ah. Kaibigan ko ba talaga kayo?"
Nagkatinginan sina Jerome at Jhasphere. Umayos ng upo si Jhasphere at tinitigan ng seryoso si Ethan.
"Because it's useless and stupid."
Kumunot ang noo ni Ethan.
"Why bother asking someone if they're okay when clearly they're not?" wika ni Jerome.
Ngumiti ng mapait si Ethan.
"Because sometimes, even when they're not okay, when someone ask if they're, they feel okay." Tinitigan niya si Jerome at Jhasphere.
Ibubuka sana ni Jerome ang bibig niya nang agad na magsalita si Ethan.
"Nagising ako na may kausap si mom sa labas ng pinto, didiretso na sana ako ng banyo nang marinig kong nagtanong si mom, kung kailan namatay si Jerson, kung saan siya binurol at kung saan siya inilibing. Hindi ko alam kung ilang minuto akong tulala basta, narinig ko na lang na pinag-uusapan nila ang tungkol sa plano ni Jerson na pagpanggapin kang siya."
"Kaya ganoon ka na lang kasigurado na hindi ako si Jerson nang makita mo ako?"
Umiling si Ethan.
"Best friend kita at boyfriend ko ang kakambal mo, kahit magkamukhang-magkamukha pa kayong dalawa, makikilala't makikilala ko kung sino ang kaharap ko."
"Totoo 'yon," biglang wika ni Jhasphere.
Binato siya nang masamang tingin ni Jerome at tinarayan.
"I just wished na sana nakapagpaalam ako sa kaniya."
"He did."
"Anong ibig mong sabihin?"
Dinukot ni Jerome ang cellphone ni Jerson sa kaniyang bulsa at sandaling kinalikot bago ibigay kay Ethan.
"Phone ni Jerson 'to ah?"
"Makatingin ka naman. Binigay iyan sa akin ni mama kagabi. Baka kailanganin ko daw. Habang kinakaykay ko ang gallery niya, nakita ko 'tong video na 'to, na rason kung 'bat namamaga ang mga mata ko ngayon, na wala 'ni isa sa inyong dalawa ang nakapansin."
Ilang saglit lamang, naglakbay sa tenga ng binata ang tinig ni Jerson at pumuno sa kaniyang mga mata ang nakangiti nitong mukha.
"Hello, Ethan! Ethan, hello! Hi! Hello!", masiglang panimula ni Jerson habang kumakaway gamit ang dalawa niyang kamay at kumikiling-kiling ang ulo kaliwa't kanan."Goodbye? Yeah. This video is all about me saying goodbye to you, my first and last love."
To be continued...