Chapter 10 His Diary
"Jerome, pwede bang..." Nagsusumamong tumitig si Jhasphere sa mga mata niya, "tayo na lang ulit?"
Mabilis na nagmulat ang nakapikit ng si Jerome at pilit na inaalis sa isipan ang alalaang iyon. Bumaling siya sa kaliwa. Agad na ipinikit muli ang mga mata upang makatulog na.
"Nag-aral akong magluto dahil ayaw kong humahanga ka sa ibang lalaki, lalong-lalo na kay Ethan."
Inis siyang bumalikwas ng bangon at marahas na ginulo ang kaniyang buhok.
"Jhasphere, ba't ba ayaw mo akong patulugin!" gigi na gigil niyang sabi at huminga nang malalim. Tumingin siya sa oras na nasa alarm clock. Napapalatak siya ng dila ng makitang ala-una na ng madaling araw. Kanina pa niya sinusubukang matulog subalit sa tuwing ipipikit niya ang mga mata, mga alaala ng nangyari kanina habang magkasama sila ni Jhasphere ang mabilis na naglalaro sa kaniyang isipan ng paulit-ulit na para bang sirang plaka, na kahit anong pilit niya hindi niya talaga mapigil.
Napabuntong-hininga na lamang siya. Dumapo ang kaniyang mata sa kaniyang study table at naalala ang diary ng kapatid na ibinigay ng ina. Kinuha niya ito sa drawer. Sumandal siya sa headboard at walang pag-aalinlangang binuklat ang talaarawan.
Wala naman talaga siyang balak na basahin ito, tutal hindi naman na niya kailangang magpanggap pa at hindi siya interesado sa kung ano man ang laman nito. Pero, dahil nga hindi siya makatulog kahit gusto niya at may permiso naman siya, nagpasya siyang gawin itong pampa-antok kahit inaantok na siya.
'CRUSH. KO. SIYA? SI. ETHAN? HINDI! HINDI! HINDI!!!! IMPOSIBLE! AKO? MAY. GUSTO SA LALAKING IYON? SA LALAKING HAYOK NA HAYOK NA HAYOK NA HAYOK SA PUKE! SA LALAKING PAGDATING SA BABAE WALA SA BOKABULARYO ANG SALITANG KONTENTO? BAKIT? BAKIT SA KANIYA PA HA! BAKIT? HINDI KO ITO MATATANGGAP!'
Natawa si Jerome sa nabasa. Ito ang bumungad sa kaniya pagkabuklat niya ng talaarawan. Kalmadong tao ang kakambal niya. Mabibilang lang sa daliri ng kamay ang mga pangyayaring pinangunahan siya ng emosyon. Isa ito sa mga pagkakataong iyon. Sa diin ng pagkakasulat ng bawat letra, dama niya ang pinagsama-samang inis, galit, poot, at pagkamuhi, na may kasamang kaunting bahid ng paghihinagpis. Naiiling niyang binuklat ang sunod na pahina nang hindi nabubura sa labi ang matamis niyang ngiti. Agad niyang napagtantong karugtong ito ng unang pahina.
'Hay. Hindi ko alam kung bakit, kailan at paano nagsimula itong nararamdaman ko sa kaniya. Basta kanina, nang magkasalubong kami sa hallway at kinawayan niya ako habang nakangiti, pakiramdam ko tumigil ang lahat. Nagliliwanag siya at tanging siya lang ang gumagalaw ng marahan sa dami ng estudyanteng nakapalibot sa kaniya. Kasabay ng bawat paghakbang niya palapit sa akin ay siya ring pag-doble ng pagbilis ng tibok ng puso ko. Nang mga sandaling iyon, doon ko napagtantong crush ko siya o baka nga gusto ko na siya. Sa isiping iyon, bigla akong natakot. Natagpuan ko na lang ang sarili ko na tumatakbo palayo sa kaniya. Best friend ang turing ko sa kaniya, pinakamatalik na kaibigan. Straight siya. Kaya hindi maaari. Malabo. Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin dahil lang sa kung ano man itong nararamdaman ko para sa kaniya. Sana talaga panandalian lang ito, dahil kung hindi, hindi ko alam kung magagawa ko bang pigilan ang sarili ko.'
Kumunot ang noo ni Jerome dahil sa mga huling pangungusap na nabasa.
"Hindi. Hindi mo nagawa," tumatawa niyang sabi subalit agad iyong napalitan ng isang mapait na ngiti. "Tulad ko. Baka ganoon talaga. Kapag lalo mong pinipigil, mas lalo kang nahuhulog, mas lalong tumitindi ang nararamdaman mo hanggang sa kusa ka ng sumuko at magpatianod na lang sa takbo ng tadhana."Napabuntong-hininga siya at bubuklatin na sana ang sunod na pahina ng marinig niya ang mahihinang katok sa pinto at ang boses ng ina.
"Anak, gising ka pa ba?"
"Opo. Pasok po kayo, Ma."
Sinara niya ang diary at itinago sa ilalim ng kaniyang unan kahit alam niyang hindi naman kailangan.
Pumasok ang kaniyang ina bitbit ang isang baso ng gatas. Ipinatong niya ito sa bedside table at umupo sa gilid ng kama.
"Si Jhasphere ba iyon? Ang naghatid sa'yo kanina?"
Tumango siya. "Uhm."
"Ba't hindi mo pinapasok?"
"Kasi nagmamadali siya?" alangan siyang tumawa.
"Ganoon ba? Pwede ko bang malaman kung saan kayo nagpuntang dalawa?"
"Sa ospital. Kay Ethan."
"Iyon ba ang pasiya mo? Sigurado ka na ba?"
Marahan siyang tumango. Binalot sila ng nakabibinging katahimikan.
"Patawad, Jerome."
Sinalubong ng binata ang nangungusap na mga mata ng ina, naguguluhan, nagtatanong siya kung para saan ang kapatawarang hinihingi niya.
"Patawad kung hindi ko agad sinabi sa'yo ang tungkol doon. Ang totoo'y wala talaga akong balak na ipaalam pa sa iyo iyon. Oo, gusto kong gamitin mo ang pangalan ng kakambal mo pero hindi para isakatuparan ang hiling niya. Kun'di para bumalik ang buhay mo—natin sa dati."
"Kung ganoon, bakit kailangan pa nating bumalik sa lugar na iyon? Paano tayo makapagsisimula ulit kung lahat ng sulok ng lugar na iyon ipinapaalala sa atin ang impyernong pilit nating tinatakasan?"
"Dahil sa lugar na iyon ka lang, magiging si Jerson. Ang lugar lang na iyon ang tatanggap ng buo sa lalaking kamukhang-kamukha ng isang pinagbibintangang kriminal. Ang lugar lang na iyon, ang maniniwala sa isang kasinungalingan. Isa pa, nandoon ang papa mo. Nangako kami sa isa't isa na hindi kami maghihiwalay, na hindi kami aalis sa lugar na iyon, doon kami tatanda at mamamatay. Gusto kong tuparin iyon gaya ng kung paano mo sinusubukang tuparin ang ipinangako ng kakambal mo sa kasintahan niya."
Napayuko si Jerome dahil sa konsensiya.
"Sorry, dahil sa akin hindi niya natupad ang pangako niyo."
Ngumiti si Lyllet at pinunasan ang mga luhang lumandas sa pisngi ng anak.
"Hindi pa naman huli. Buhay pa ako at medyo bata pa, matutupad ko pa ang ibang ipinangako ko sa ama mo."
Sumilay ang ngiti sa labi ni Jerome at sinunggaban ng yakap ang ina. Sa mga balikat ni Lyllet, humagulhol si Jerome gaya noong bata pa siya.
Sinong mag-aakala na ang mga loob nilang magkalayo ng mahabang panahon ay muling paglalapitan ng sandaling pag-uusap at isang mahigpit na yakap lamang?
Nang bumitaw sila sa yakap, sabay silang natawa at pinunasan ang kani-kaniyang mga luha.
"Sige na, malalim na ang gabi matulog ka na."
Mabilis na tumayo si Lyllet at naglakad palabas ng pinto.
"Ma," pagtawag ni Jerome.
Tumigil siya at humarap sa anak. "Hmm?"
"Goodnight."
Napangiti siya nang matamis.
"Goodnight." Balak na sana niyang magpatuloy ng maalala ang kaniyang tunay na pakay.
"Ah!" Dinukot niya mula sa kaniyang bulsa ang isang itim na cellphone at inabot kay Jerome. "Cellphone iyan ni Jerson. Baka kailanganin mo."
Walang pag-aalinlangan niya itong tinanggap. Nang sumara ang pinto, kinalikot niya ang telepono.
"Sabi na eh. Hindi ka lilisan ng hindi nagpapaalam sa kaniya," nakangiti niyang sabi habang pinapanood ang videong iniwan ng kapatid para kay Ethan. Ang mga ngiti niya kanina'y naglaho at napalitan ng mga luha at hagulhol.