My Name is Jerome!

My Name is Jerome!

By: VirginFlower

4.6K
views
12
Chapters
Ongoing
Status

My Name is Jerome! is an ongoing lgbtq+ novel by VirginFlower with 12 chapters, available to read online on Daisy Novel. Latest chapter added June 20, 2022.

Synopsis

Kriminal. Mamatay tao. Ang mga katagang iyan ay kadugtong na ng pangalan ni Jerome. Sa pagkamatay ng kaniyang kakambal, nais ng kaniyang inang gamitin niya ang pangalan nito upang makapamuhay ulit sila ng normal.

Dahil dito, matutuklasan niya ang isang kakaibang kwento ng pagmamahalang hindi na niya pinaniniwalaan. Magagawa ba nitong paghilumin ang sugat ng kahapon at muling bigyan ng pagkakataon ang pusong maniwala at magtiwala muli?

Magiging lakas ba ito o kahinaan sa pagharap niya sa multo ng kahapong hindi niya matakasan?

Read the first chapter

Chapter 1: Mourning

Nagpakawala ng malalim na buntonghininga si Jerome dahil sa pagod, pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto ng kaniyang silid.

Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na kutson at itinutok ang mga mata sa kisame. Muli siyang nagpakawala ng hangin at ipinikit ang mga mata kasabay ng pagtakas ng isang butil ng luha na kalaunan ay nagsunod-sunod na.

Ngayon lang niya nailabas ang naipong sakit at kalungkutan na pinigil niya ng mahigit isang linggo sapagkat ayaw niyang magmukhang mahina sa harapan ng kaniyang ina na sa kaniya kumukuha ng lakas.

Isa, dalawa, tatlo. Mabilis na lumipas ang oras sa apat na sulok na silid ng binata. Ang kaninang balot sa nakabibinging katahimikan ay napuno ng mga impit na mga hikbi. Pagtangis na naghuhumiyaw ng labis na sakit, pagdurusa at pagsisisi. Hanggang sa nilamon ng antok ang pagod na katawan at isip ng binata.

...

Mahihinang pagkatok at ang malamyos na tinig ng ina ang gumising kay Jerome. Nang imulat ang mga mata'y binati siya ng madilim na paligid. Tanging ilaw mula sa street light sa tapat ng kaniyang bintana ang nagbibigay ng munting liwanag sa silid. Pagkatapos kusutin ang mga mata'y agad siyang bumangon at binuksan ang ilaw bago ang pintuan.

"Bumaba ka na. Kakain na tayo," maikling turan ng ina. Sandali siya nitong tinitigan ngunit hindi nakatakas sa binata ang pagdaan ng lungkot sa mga mata niya.

"Opo. Magbibihis lang po ako sandali," sagot niyang pilit na pinapasigla ang tinig at sinamahan pa ng pilit na ngiti. Tanging tipid na pagkurba lamang ng labi ang isinukli ng ina bago lumisan. Pinagmasdan niya ang likod nito hanggang sa tuluyan itong mawala sa kaniyang paningin. Napabuntonghininga siya at tiningnan ang oras sa kaniyang wristwatch. Alas otso na ng gabi. Isinara niya ang pinto saka nagtungo sa kabinet upang kumuha ng pampalit.

Habang kinukuha ang isang puting sando, aksidenteng nadala ang isang jersey shirt na akala niya'y matagal ng itinapon ng ina. Ang uniporme ng varsity team nila noong junior high school. Rumagasa sa isip ni Jerome ang maraming alaala, upang pigilan ang muling pagtulo ng luha, tumingala siya at humigop ng hangin upang maibsan ang hapdi ng nagdurugo niyang puso. Ibinalik niya ang jersey at isinara ang kabinet.

Sandaling sumandal, nang kumalma, mabilis niyang hinubad ang suot na itim na t-shirt at pantalon. Tumambad ang magandang katawan ng binata at ang maputi nitong kutis. Sinuot niya ang sando at maong na short saka lumabas ng silid at tinalunton ang daan patungong hapagkainan.

Tahimik na naghahain ang kaniyang ina, pabalik-balik sa kusinang tanging puting kurtina lamang ang naghihiwalay sa kaniyang kinaroroonan. Umupo siya sa kaniyang pwesto at hinintay na maupo rin ang ina. Sandaling nabaling ang kaniyang tingin sa upuang para lamang sa kaniyang kakambal. Rumagasa sa kaniyang isipan ang mga alaala sa nakalipas na linggo, kung gaano sila kasayang naghahapunan, kung gaano ka-ingay ang hapag dahil sa kanilang mga tawa, mga kwentong tila walang katapusan at mga biruang walang halong pagkapikon.

Palihim niyang pinunasan ang namuong luha sa gilid ng kaniyang mata ng marinig ang tunog ng hinihilang upuan. Humarap siya sa ina at ngumiti nang pilit.

"Magdasal na tayo," maikli nitong sabi saka nag-sign of the cross at pinangunahan ang pagdarasal.

Katahimikan. Nakabibinging katahimikan ang yumayapos sa maliit na hapag. Parehong tutok ang mata ng mag-ina sa kinakain, marami mang nais sambitin sa isa't isa ngunit hindi nakikisama ang labing kahit anong subok ay nanatiling tikom. Alam at ramdam nila ang pighating lumulukob sa kanilang damdamin, gustuhin mang bawasan, walang maisagot sa tanong na paano? Panahon lamang ang makapaghihilom sa sugat na maski ang makabagong teknolihiya ay hindi kayang pagalingin.

"Sina Lolo, ma?" basag niya sa katahimikang hindi na niya kayang tagalan pa. "Hindi po ba sila kakain?"

More by VirginFlower

View all

You may also like

LGBTQ+

Sign in to join the discussion