Chapter 4

Matapos mabayaran ang lahat ng mga pinamili ay dumiretso siya sa bilihan ng pizza at um-order ng isang box ng double size overload pizza. Wala na kasi siyang panahon upang magluto kaya iyon na lamang ang magsisilbing hapunan niya.

Nakapangalumbaba siya sa mesang inokupahan niya habang hinihintay ang order nang maupo sa tapat niya ang buwisit niyang kapitbahay.

“Ano na namang ginagawa mo rito?” masungit niyang tanong matapos niya itong irap-an.

“Hinihintay ka. Kawawa ka naman kasi kung uuwi kang mag-isa habang bitbit iyang mga pinamili mo. Baka mamaya tirik na ulit ang araw ay hindi ka pa nakararating sa bahay mo,” nakangisi pang saad nito sa kaniya.

“Kaya kong umuwing mag-isa. Kaya puwede ba? Iwan mo na ako rito at naaalibadbaran na ako sa’yo!” nakasimangot niyang turan sa lalaki.

“Hihintayin na kita para sabay na tayo. Ang pangit kapag nauna ako, hindi nakaka-enjoy ‘yon. Dapat palaging sabay para pareho tayong masaya,” makahulugan nitong tugon sa kaniya. Alam niyang double meaning na naman ang sinasabi ng manyakis niyang kapitbahay. Kaya hindi na lang niya ito pinatulan.

Ilang minuto pa at dumating na ang kaniyang order. Kaya naman tumayo na siya upang damputin sana ang kaniyang mga pinamili. Ngunit bago pa man niya madampot ang mga iyon ay naunahan na siya ni Adonis. Walang kahirap-hirap nitong binitbit ang kaniyang mga pinamili, at nagpatiuna na itong maglakad palabas sa pizza parlor na pinagbilhan niya ng pizza.

“Hoy, Adonis! Saan mo dadalhin ‘yang mga pinamili ko?” tanong niya rito habang mabilis na sumusunod sa lalaking naglalakad sa kaniyang harapan. Sa haba ng mga biyas nito ay parang katumbas ng dalawang hakbang niya ang isang hakbang nito. Huminto naman ito sa kaniyang harapan at muntik na maging dahilan ng kaniyang pagkangudngod sa likuran nito.

“Huwag ka na ngang maingay. Sumunod ka na lang sa’kin nang sabay nating marating ang ating paroroonan,” nakangising saad pa nito sabay kindat sa kaniya.

“Napaka-maniyak mo talagang buwisit ka!” sabi naman niya rito sabay hampas sa lalaki. Mabilis itong umiwas kaya sa hangin lang tumama ang kaniyang kamay. Muli na itong naglakad kaya wala na siyang nagawa kung hindi ay ang sundan na lang ito. In fairness naman sa lalaki, kahit may pagkamaniyak ito, gentleman pa rin naman ang kumag.

Nang makarating sila sa kaniyang bahay ang akala niya ay aalis na ito. Ngunit ang siraulo niyang kapitbahay ay prente pang naupo sa kaniyang sofa sa sala at nakuha pang manood sa TV.

“Hindi ka pa ba uuwi?” sita pa niya rito habang inilalabas sa bag ang kaniyang mga pinamili.

“Pagpahingahin mo naman muna ako. Ang bigat kaya niyang mga pinamili mo,” wika naman nito sa kaniya.

“Bakit? Sinabi ko bang buhatin mo ang mga pinamili ko? Ikaw itong bigla na lang binuhat ang mga ‘to, ‘tapos ngayon magrerekla-reklamo ka riyan!” masungit niyang saad dito.

“E, kung hindi ko ginawa iyon ay baka hanggang ngayon nasa kalye ka pa rin. At baka putol na iyang mga braso mo bago ka pa makauwi sa bigat niyang mga pinamili mo. ‘Buti nga tinulungan pa kita riyan, e,” tugon nito sa kaniya sabay taas nito ng mga paa sa maliit na mesa sa kaniyang sala.

Matutuyuan na talaga siya ng dugo sa lalaking napakaraming sagot sa lahat ng bagay. Mariin na lamang niyang nailapat ang kaniyang mga labi saka nanggigigil na naikuyom ang kaniyang mga kamao habang nakatunghay sa feel at home na si Adonis.

Ipinagpatuloy na lang niya ang pagsasalansan ng mga pinamili. Napahinto siya nang makita ang mga prutas at gulay na pinamili ni Adonis kanina. Kinuha niya ang mga iyon at saka dinala sa sala at ipinatong sa mesitang pinagpapatungan ng mga paa nito. Napatingin naman ito sa kaniya at tinaasan siya ng kilay.

“Aanhin ko ang mga ‘yan?” tanong pa nito sa kaniya.

“E, di iuwi mo! Sa’yo kaya ‘to, ‘di ba?” nakapamaywang na tugon naman niya rito.

“Para sa’yo ‘yan. Puro lason ‘yong mga binili mo, e. Kaya binilhan na kita ng mga ‘yan. Itago mo na ang mga ‘yan sa ref mo,” baliwalang tugon nito habang nakatutok nang muli ang paningin nito sa kanina ay pinanonood niyang corny love story.

“Hindi ko kailangan ng mga ‘yan,” sabi naman niya rito saka naglakad pabalik sa kusina para mag-init ng tubig para sa kaniyang kape.

“Kailangan mo ang mga ito. Saka isa pa ay bawal tumanggi sa grasya. Sige ka. Baka malasin ka,” turan pa nito sa kaniya. Napahinga na lamang siya nang malalim saka binalikan ang mga gulay at prutas na inilapag niya sa ibabaw ng mesita. Dinampot niya ang bag saka niya maayos na isinalansan ang mga iyon sa loob ng ref.

Nang matapos ay saka naman niya hinarap ang pagtitimpla ng kape para sa kanila ni Adonis. Kahit naman naiinis siya rito ay hindi naman siya ganoon kasalbahe para hindi man lang ito pakainin at pagkapehin man lang.

“O, magkape ka muna’t kumain. Baka sabihin mo wala akong puso,” aniya rito saka inilapag ang kape at box ng pizza sa mesita. Tinapik pa niya ang paa nito upang alisin iyon sa ibabaw ng mesa. Umayos naman ito ng upo saka nakangiting dumampot ng pizza sa loob ng box.

“Akala ko wala ka nang balak na pakainin man lang ako, e,” sabi pa nito habang ngumunguya ng pizza.

“May konsensiya rin naman ako, ‘no! Kumain ka na lang diyan nang makaalis ka na!” masungit niyang sambit dito habang humihigop ng kape sa kaniyang tasa.

“Grabe ka. Napaka-sweet mo talaga sa’kin, ‘no?” wika pa nito sa kaniya. Inirapan na lamang niya ito at dumampot na rin ng pizza saka nilagyan iyon ng hot sauce bago kumagat doon. Sarap na sarap na siya sa kaniyang pagnguya nang mapansing nakatingin na lang sa kaniya si Adonis. Tinaasan niya ito ng kilay bago ito in-irap-an.

“Bakit ganiyan ka makatingin sa’kin?” tanong niya rito at muling kumagat ng pizza.

“Wala naman. Ang cute mo pala,” diretsong saad nito sa kaniya na dahilan ng kaniyang pagkasamid. Maagap naman itong tumayo at dali-daling kumuha ng tubig. Mabilis na iniabot nito iyon sa kaniya. Matapos niyang uminom ay saka niya tiningnan nang masama si Adonis.

“Buwisit ka talagang lalaki ka! Papatayin mo ba’ko?” asik pa niya rito.

“Bakit? Inaano ba kita? Sinabi ko lang na cute ka, e. ‘Buti nga pinupuri pa kita riyan,” kakamot-kamot pa sa ulo nitong sagot sa kaniya.

“So, ano’ng ibig mong sabihin? Dapat ikatuwa ko ‘yong pagsasabi mo ng cute ako? Ano ako aso?” mataray niyang hasik dito saka muling uminom ng tubig.

“Uy, ikaw ang may sabi niyan, ha. Hindi ako!” tatawa- tawang saad naman nito sa kaniya.

“Lumayas ka na nga! Wala ka namang magandang idinudulot sa akin kung hindi ay ang asarin ako!” singhal niya rito.

“Ouch! It hurts you know? May maganda akong naidudulot sa iyo, ‘no!” pagmamalaki pa nito bago nito laklakin ang kape nito na parang hindi man lang alintana ang init niyon.

“At ano naman ang magandang naidudulot mo sa akin, aber?” nakataas ang isang kilay na tanong niya rito.

“Dahil sa’kin ay hindi ka napapanisan ng laway!” sabi nito saka mabilis na tumayo at tumakbo palabas ng bahay niya. Nanggigigil na binato niya ito ng tsinelas ngunit hindi iyon umabot sa lalaki. Kaya naman inis na inis siyang dinampot na lang iyon at saka isinara ang pinto.

“Ayesha! Ang gate mo nakabuyangyang pa! I-lock mo muna! Baka pasukin kita riyan!” narinig pa niyang sigaw nito mula sa kabilang bakuran.

“Ahh! Buwisit talaga!” nanggagalaiting saad niya sa sarili saka padabog na lumabas ng bahay upang i-lock ang gate.

“Hi!” nakangising bati pa nito sa kaniya mula sa bakuran nito.

“Hi mo mukha mo!” singhal niyang muli rito.

“Hi! Mukha ko,” nang-aasar namang turan nito na lalo niyang ikinabuwisit. Kaya dumampot siya ng maliit na bato sa kaniyang halamanan saka iyon ibinato rito.

“Ang sweet mo naman, Irog ko! Good night! Sweet dreams! I love you!” sabi pa nito sabay flying kiss nito sa kaniya. Nang akmang babatuhin niyang muli ito ay mabilis na itong tumakbo papasok sa bahay nito.

“Buwisit ka talagang Adonis ka!” sigaw pa niya rito saka nagmamadaling ini-lock ang kaniyang gate.

Nang masigurong naka-lock na iyon ay saka siya bumalik sa loob ng bahay at mabilis na isinara ang pinto. Dahil naasar na naman siya ni Adonis ay mabilis niya na iniligpit ang mga pinagkainan nila at hinugasan ang mga iyon bago siya tumuloy sa kaniyang silid. Bukas na lang siya ulit mag-iisip kung ano’ng kuwento ba ang kaniyang gagawin.

“Hay, sana naman paggising ko ay may idea nang pumasok sa kukote ko nang matapos na ang parusang ito,” kausap pa niya sa kaniyang sarili saka pinatay ang ilaw sa silid at kinapa ang daan patungo sa kama.

Inalis ang makapal at malaking salamin bago nagtanggal ng ipit. Sinuklay muna niya ang alon-alon niyang buhok saka nahiga sa kama at naghanda na magpatangay sa mundo ng mga panaginip.