Chapter 3

Matapos kumain sa bahay ni Adonis ay muli na ngang nanumbalik ang kaniyang sigla. Siguro nga ay sadyang gutom lang siya kanina kaya hindi niya magawang magsungit sa kaniyang kapitbahay.

“Salamat sa pagpapakain mo sa’kin, ha,” nakangiti niyang saad dito nang ihatid siya nito sa kaniyang bahay.

“Uy, grabe. Hindi naman ako nagpakain sa’yo, a!” nakalolokong turan naman nito sa kaniya. Bigla naman niya itong nahampas sa braso nito na ikinatawa lang ng siraulo niyang kapitbahay.

“Alam mo, ikaw? Napaka-manyak mo! Sige na. Basta salamat sa pagkain,” paalam na niya rito bago binuksan ang gate ng kaniyang bahay.

“Walang ano man, Sungit!” tugon naman nito. At bago pa man niya ito muling mahampas ay mabilis na itong tumakbo patungo sa bahay nito. Narinig pa niya ang malutong na halakhak nito habang pumapasok ito sa sariling bakuran. Napapailing na lamang siya sa inasal nito bago siya tuluyang pumasok sa kaniyang bakuran.

“Psst!”

“Bakit?” kunwari ay masungit niyang tanong dito nang lingunin niya ito sa bakuran nito.

“Hindi pa ba tumatalab?” nakangisi pang tanong nito sa kaniya.

“Ang alin?” kunot-noong tanong din niya rito.

“Iyong nilagay kong gayuma sa pagkain mo!” mabilis na tugon naman nito saka muling tumakbo papasok sa loob ng bahay nito.

Natawa na lamang siya sa lalaki at nagpatuloy na sa paghakbang patungo sa balkonahe. Aaminin niyang masarap ngang magluto si Adonis. At base sa ayos ng bahay nito ay mukha ngang mahilig itong magluto. Ang kusina nito ay kumpleto sa kasangkapan, at mas malaki ito kumpara sa kaniyang kusina.

Kung sabagay ay mas malaki ang bahay nito kumpara sa bahay niya. Iniligpit na niya ang mga gamit sa balkonahe at pumasok sa loob ng bahay.

Hindi na rin naman siya makapagsusulat dahil talagang walang pumapasok na kahit na ano’ng idea sa kaniyang isip. Manonood na lang siguro siya ng mga romantic movies at baka sakaling saniban siya ng espiritu ng kalandian at magawa na niya ang assignment mula sa kaniyang editor.

Nakahiga siya ngayon nang patagilid sa kulay abo niyang couch paharap sa TV habang yakap ang furry white throw pillow niya. Nanonood siya ngayon ng corny love story movie na nahalungkat niya mula sa kaniyang hard drive.

“Ang boring naman nitong mga ‘to. Binigyan lang ng bulaklak, kinilig na? Ew! ‘Tapos magki-kiss agad sila? Yuck!” kausap niya sa sarili na patihayang nahiga sa couch at tumitig sa kisame ng sala.

“Paano ba kasi ako kikiligin? Kailangan ko na bang sundin ang sinabi ni Eds? Pero ang baduy naman kasi talaga, e! Nakakainis kasi itong si Eds, sa dinami-rami ng puwedeng mabunot ay iyon pa talagang genre na wala akong kaalam-alam ang nakuha niya!” nagmamaktol niyang kausap sa sarili.

Eds and her were friends since college.

Ito lang ang matiyagang sumusunod-sunod sa kaniya noon para maging kaibigan. Aloof kasi siya sa mga ka- eskuwela niya noon lalo na sa mga lalaki dahil natatakot siya sa mga ito. Parati kasi siyang pinagti-trip-an ng mga ito dahil sa kaniyang pananamit.

Manang kung tawagin siya ng ilan habang nerd naman sa iba pang mga ka-eskuwela nila. Hindi na lang niya pinapansin ang mga ito dahil para sa kaniya ay wala naman siyang mapapala kung papatulan niya ang mga iyon.

Sa kaniyang isip ay hindi naman ang mga ito ang nagpapaaral at nagpapakain sa kaniya. Kaya keber!

Hanggang sa isang makulit na Eds ang lumapit sa kaniya at nakipagkaibigan. Kagaya niya ay laman din ito ng tuksuhan dahil sa may katabaan ito. Ngunit kumpara naman sa kaniya ay maganda si Eds. Kahit mataba ay magaling magdala ng damit. Puwede na nga itong maging modelo ng mga damit na para sa mga chubby, e.

Noong una ay hindi niya ito pinapansin at pilit na iniiwasan. Ngunit sadya yatang makulit ang babaeng ito kaya hindi siya tinantanan nito hangga’t hindi siya pumapayag na maging magkaibigan sila. Kaya naman para matigil na ito sa pangungulit sa kaniya ay pumayag na lamang siyang maging kaibigan ito.

Simula noon ay hindi na nga sila nagkahiwalay nito at naging matalik pang magkaibigan. Ito ang dahilan kung bakit siya nasa Magic Publishing House ngayon, at nagtatrabaho bilang writer. Pagmamay-ari iyon ng pamilya ng kaibigan kaya wala siyang kahirap-hirap na nakapasok doon.

Nagtapos siya ng kursong AB Mass Communication at nakapagtrabaho na rin sa ibang kumpaniya. Hanggang sa magkasakit nga ang kaniyang Tita Esme kaya napilitan siyang magbitiw sa trabaho para alagaan ang kaniyang tiyahin.

Inalok siya ni Eds na magsulat na lang sa publishing house ng mga ito nang sa ganoon ay hindi na niya kailangan pa ang pumasok ng opisina araw-araw. Dahil passion naman niya ang pagsusulat ay tinanggap na rin niya ang alok ng kaibigan.

Malaking tulong ito sa kaniya dahil bukod sa hawak niya ang kaniyang oras ay natututukan pa niya ang pag-aalaga sa kaniyang Tita. At ngayon ay ito rin ang dahilan ng pananakit ng kaniyang ulo ka-iisip ng kuwentong isusulat niya.

Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang tumunog ang kaniyang cellphone. Nilingon niya ang pinaglapagan niyon saka pahinamad na dinampot. Tiningnan niya ang screen ng kaniyang cellphone at sinagot iyon.

“Hello?” pahinamad niyang bati sa kaibigan.

“Hello. O, ano na? Kumusta na ang pagre-research mo?” tanong ni Eds sa kaniya.

“Heto, nganga! Eds naman kasi, e. Ibang genre na lang kasi, please?” nakasimangot niyang saad habang nakiki- usap sa kaibigan.

“Hindi nga puwede! Unfair naman iyon sa iba. Sila nga kahit lumuluha na kare-revise, go pa rin sila, e. Kaya dapat ay kayanin mo rin,” tugon naman nito sa kaniya.

“Nakakainis ka naman kasi, e! Sinadya mong bunutin ‘yong romance genre, ‘no? Umamin ka!” pambibintang niya sa kaibigan.

“Hala ka. Bintangera ka, teh? Basta, you still have forty days to go para sa ipinagagawa ko sa’yo. Bye!” nang- aasar pang paalam ng kaibigan sa kaniya sa telepono. Naiinis naman niyang ipinatong ang cellphone sa ibabaw ng kaniyang tiyan saka sinabunutan ang buhok.

“Bruha ka talagang, Eds ka! Malaman ko lang na sinadya mong bunutin ang romance genre na napunta sa’kin. Naku, naku, naku ka talaga! Kakalbuhin ko talaga iyang kilay mong makapal!” umaatungal niyang kausap sa sarili.

Bumangon siya mula sa pagkakahiga at tiningnan ang oras sa cellphone. Alas-singko na pala ng hapon at hindi pa siya naliligo. Nakasuot pa rin siya ng pajama at loose shirt. Inamoy niya ang sarili at saka tumayo mula sa kinauupuan. Maliligo na lang siya at baka sakaling ma- refresh ang utak niya at makaisip na ng plot sa gagawin niyang istorya.

Nagkuskos siyang mabuti ng katawan habang nag-iisip ng maaari niyang gamitin sa kaniyang istorya. Sa totoo lang ay okay naman iyong manuscript niya. Ito lang talagang si Eds ang pasakit sa buhay niya. Gusto kasi ng kaibigan niya na mas intimate ang mga eksena sa kuwento niya. E, paano naman niya gagawing intimate iyon kung siya nga mismo ay hindi pa nakararanas na magkaroon ng intimate relationship?

Matapos niyang maligo at mag-ayos ng sarili ay nagpasiya siyang lumabas at magtungo sa grocery store upang mamili ng stocks para sa bahay. Naubos na kasi ang kaniyang stocks kaya naman wala na siyang mangata sa kaniyang lungga.

Abala siya sa pamimili nang may kumalabit sa kaniyang balikat sa bandang likuran. Kunot-noong nilingon niya iyon at tinaasan ng isang kilay nang makitang si Adonis pala iyon.

“Hi!” nakangiting bati nito sa kaniya. Hindi niya ito pinansin at ipinagpatuloy lang ang pagdampot ng instant noodles at inilagay iyon sa cart.

Bawat lagay niya ng mga noodles sa cart ay siya namang balik ni Adonis ng mga iyon sa lagayan nito. Hanggang sa hinarap na niya ito upang sitahin.

“Ano na naman ba’ng trip mong lalaki ka, ha?” masungit niyang tanong rito habang nakatingala siya sa lalaki. Sa liit kasi niyang iyon ay effort ang kailangan niya para lang makita ang mukha nito.

“Wala naman. Inilalayo lang kita sa mga pagkaing hindi masustansiya sa katawan. Ang dapat mong binibili ay mga gulay, prutas, at isda. Hindi iyang mga de lata at noodles na punong-puno ng lason,” litaniya nito sa kaniya habang pinagtatanggal ang mga de lata at noodles na kinuha niya. Pagkatapos ay ibinalik iyon sa lagayan ng mga ito.

“Alam mo ikaw? Hindi por que pinakain mo ako ng libre kanina sa bahay mo ay may karapatan ka nang diktahan ako sa kung ano ang gusto kong bilhin! At ano ba’ng ginagawa mo rito? Sinusundan mo ba ’ko?” pagtataray pa niya rito habang dinuduro-duro pa ang lalaki.

“Whoa! Grabe sa sinusundan, ha?” anito habang nakataas ang dalawang kamay nito sa kaniyang harapan.

“Pero, Irog ko. Hindi nga kasi maganda sa katawan iyang mga pinagdadampot mo. Concern lang naman ako sa’yo. Tingnan mo nga ‘yang katawan mo, ang payat-payat mo. Baka mamaya humangin lang nang kaunti ay bigla ka na lang liparin diyan. At saka, mas masarap yakapin ang medyo malaman,” mahaba-habang turan nito habang nakatunghay ito sa kaniya.

“Heh! Salamat sa concern mo, mamang manyak. Pero katawan ko naman ‘to at hindi sa’yo! Kaya puwede ba? Mind your own business. Saka hindi naman ikaw ang magbabayad nitong mga pinamili ko, e!” naiinis na niyang turan dito saka tinalikuran na niya ito.

“O, ‘di sige, ako ang magbabayad sa mga bibilhin mo. Pero kailangan, ako rin ang masusunod sa kung ano’ng bibilhin mo. Deal?” wika pa nito sa kaniya. Nilingon naman niya ito saka inirapan.

“Nek-nek mo! May pambayad ako sa mga bibilhin ko kaya huwag kang nakikialam! Kung gusto mo ay bumili ka na lang din ng sa’yo para hindi mo ako iniistorbo sa pamimili ko,” litaniya niya rito saka siya nagpatuloy sa paglalakad.

Akala niya ay titigilan na siya ng kurimaw niyang kapitbahay dahil nawala na ito sa kaniyang tabi.

Ngunit ilang sandali lang pala iyon dahil ngayon ay nasa tabi na naman niya ito at may hawak-hawak na rin itong basket na may lamang mga gulay at prutas.

“O, para saan naman iyang mga ‘yan?” tanong pa niya rito.

“Walang pakialamanan. Mamili ka ng gusto mo at bibili ako ng gusto ko,” tugon naman nito habang nakangisi sa tabi niya.

Aba’t ang antipatiko! naibulong na lamang niya sa sarili.

Hindi na lang siya umimik at ipinagpatuloy na lang ang pamimili.