Chapter 5

Kinabukasan ay nagising siya nang dahil sa ingay na nanggagaling sa labas ng kaniyang bahay. Hindi tumitigil ang kung sino mang nasa labas niyon sa pagtuktok sa gate niya bakal. Kaya naman kahit ayaw pa niyang bumangon ay napilitan siya at pahikab na sinuklay ng kaniyang mga daliri ang buhok niyang magulo, saka basta na lang iyon itinali pataas.

Kinusot niya ang kaniyang mga mata saka niya isinuot ang kaniyang makapal at malaking salamin. Pagtayo niya mula sa kama ay nag-inat muna siya at pinatunog ang mga buto sa katawan bago naglakad palabas ng silid. Hindi pa rin tumitigil ang pag-iingay ng kung sino mang istorbo sa gate.

“Sandali!” sigaw na niya rito nang nasa pintuan na siya ng sala. Nang mabuksan na niya ang pinto ay agad siyang napasimangot nang makita kung sino ang malaking istorbo na nakatayo sa labas ng gate. Isasara na sana niya ang pinto nang muli nitong tuktukin ang gate.

“Ano na naman ba’ng ipinunta mo rito? Ang aga-aga pa nambubulahaw ka na ng mga kapitbahay!” salubong ang mga kilay na sita niya kay Adonis.

“Ito naman, ang aga-aga, HB! Dinalhan lang kita ng pagkain. Baka kasi lason na naman ang kainin mo, e,” wika nito sa kaniya sabay taas nito ng baunang pinaglagyan nito ng pagkain niya noong nakaraang araw.

“Sa’yo na ‘yang pagkain mo! Kaya ko na’ng magluto ng pagkain ko!” masungit niyang saad dito. Pagkasabi niyon ay bigla namang kumulo ang traydor niyang tiyan. Napahawak siya roon saka napatingin sa kinaroroonan ni Adonis. Nakangisi ito habang nakatingin sa kaniya at iwinawagayway pa nito ang baunang hawak nito.

“Kunin mo na kasi. Huwag kang mag-alala, ikinulong ko na si Honey para hindi ka niya agawan ng pagkain,” ngiting-ngiti pa nitong turan sa kaniya. Dahil nakaramdam na rin naman siya ng gutom ay naglakad na siya palapit dito at binuksan ang gate. Iniabot naman ni Adonis ang baunan sa kaniya saka ito kumindat.

“Ubusin mong lahat ‘yan, ha? Para naman magkalaman ka,” pilyong saad pa nito sabay dako ng mga mata nito sa kaniyang hinaharap. Mabilis naman niyang niyakap ang baunang hawak niya upang ikubli ang kaniyang dibdib sa manyak niyang kapitbahay. Pinanlakihan pa niya ito ng mga mata at inambahan ng suntok. Mabilis itong dumistansiya sa kaniya para hindi niya ito maabot.

“Bakit ba napakamanyak mong lalaki ka? Umalis ka na nga. Sinisira mo lang ang araw ko, e!” hasik niya rito habang tatawa-tawa lang naman ito sa kaniyang harapan.

“Okay. Ubusin mong lahat ng ‘yan, aking Irog, ha? I love you! Huwag mo nga pala akong mami-miss. Maghahanap buhay lang ako,” paalam nito sabay flying kiss pa sa kaniya.

“Heh! Kahit hindi ka na bumalik ay hinding-hindi kita mami-miss, Manyak!” sigaw naman niya rito na tinawanan lang ng walang hiyang lalaki.

Ngunit sa kabilang banda ay tila natuwa naman ang kaniyang puso sa sinabi ni Adonis. Napahinga na lamang siya nang malalim. Akmang isasara na niya ang gate nang makita niya si Eds. Nagniningning ang mga mata nitong nakatayo sa bandang kanan ng kalsada sa hindi kalayuan sa kaniyang bahay. Agad itong lumapit sa kaniya habang tinatanaw ang nakalayo nang si Adonis.

“Teh, hindi mo naman sinabing may poging jowa ka na pala!” nakangisi pang saad nito sa kaniya.

“Ano’ng jowa ang pinagsasasabi mo riyan? Kapitbahay ko lang iyon, ‘no! Manyak na kapitbahay,” nakataas ang isang kilay na sagot niya rito.

“Ano’ng ginagawa mo rito nang ganito kaaga?” masungit niyang tanong sa kaibigan.

“At kailangan dito tayo mag-usap? Hindi mo man lang ba muna ako papapasukin sa’yong munting tahanan?” ganting pagtataray nito sa kaniya. Tila naman natauhan siya sa sinabi nito at iginiya papasok ang kaibigan. Isinara muna niya ang gate at saka sila naglakad papasok sa loob ng bahay. Dire-diretso siyang nagtungo sa kusina at inilapag doon ang baunang bigay ni Adonis kanina.

“O, bakit ka narito? Wala ka bang trabaho ngayon?” tanong niya sa kaibigan habang nagtitimpla ng kape nila.

“Ay, ang sungit! Mayroon ka ba ngayon? Kukumustahin lang sana kita dahil alam kong hindi mo pa rin alam kung paano mo ire-revise ang manuscript mo. Kaso mas interesting pala ang makikita ko, early in the morning,” nakangising sagot nito sa kaniya saka nito pinakialamang buksan ang baunang bigay ni Adonis para sa kaniya.

“Wow! Ang sarap naman nitong ibinigay sa’yo ng sabi mo’y manyak mong kapitbahay,” anito sabay kuha ng piraso ng tingin niya’y chicken nuggets at diretsong isinubo iyon sa bibig nito.

“Hmm! Kasing yummy kaya nito ‘yong kapitbahay mo?” tanong pa nito sa kaniya habang feel na feel pa nito ang pagnguya sa kinakain nito.

“Heh! Magtigil ka nga riyan, Eds,” saway niya sa kaibigan sabay lapag niya ng kape sa tapat nito. Naupo naman si Eds sa katabi nitong upuan saka humigop ng kape sa tasa. Habang siya naman ay kumuha na ng mga plato at kubyertos para ma-sentensiya-han na nila ang pagkaing ibinigay ni Adonis kanina.

Pagkalapag ni Ayesha ng mga plato at kubyertos sa mesa ay naupo na rin siya sa upuan at nagsalin ng pagkain sa plato. Kumuha siya ng sautéed vegetables, nuggets, at grilled fish, bago iyon ipinaubaya kay Eds.

“Wala pa rin akong makuhang inspirasyon para sa nobela ko. Nakailang corny romantic movies na ako, wala pa rin talaga. Palitan mo na lang kasi iyong genre, please?” pagmamakaawa niyang muli sa kaibigan.

Baka sakaling maawa na ito sa kaniya this time. Ngunit sa kaniyang pagkadismaya ay umiling-iling lang si Eds habang nilalantakan ang mga pagkain sa baunang ipinaubaya niya rito.

“No! You have to do your homework, dear,” sabi pa nito na kaniya namang ikinasimangot. Padabog siyang sumubo ng pagkain at agad niyang nalasahan ang masarap na putaheng niluto ni Adonis. Tila iyon may magic na biglang nakapagpalimot ng kaniyang pagmamaktol kay Eds. Sunod-sunod na pagsubo pa ang kaniyang ginawa hanggang sa maubos niya ang pagkain.

“Wow! In fairness sa luto ng kapitbahay mong manyak. Ngayon lang kita nakitang ganiyan kaganang kumain,” wika pa nito sa kaniya nang pareho na silang natapos sa pagkain.

“Gutom lang ako kaya naubos ko ang pagkain,” depensa naman niya kahit pa alam niyang ang totoo ay masarap talaga ang pagkakaluto ng mga pagkaing kanilang pinagsaluhan.

“Hmm, well, may naisip na’ko kung paano mo matatapos ang ipinagagawa ko sa’yo,” mayamaya ay saad nito sa kaniya. Kunot-noo naman niya itong tiningnan bago siya uminom ng kape sa tasa.

“Paano?” tanong niya rito matapos ilapag ang tasa sa mesa.

“Bakit kaya hindi mo gamitin ang kapitbahay mong manyak?” nakangising tanong nito sa kaniya.

“No way!” mabilis niyang turan kay Eds. Isipin pa lang niya ang nais mangyari ng kaibigan ay kinikilabutan na siya. At siya? Having an affair with her maniac neighbor? No, no, no, no, no! Nunca! Ekis! No puede! Basta hindi puwede!

“Girl, makinig ka muna kasi sa’kin. Hindi mo naman seseryosohin, e. Makikipaglapit ka lang sa kaniya para malaman mo, at ma-experience mo kung paano makipag- interact sa mga boys. Magpaligaw ka para malaman mo kung ano ang feeling ng nililigawan. Kung paanong kiligin. Ganoon! Para magkaroon ng feelings ‘yong nobela mo. Then after that... Kapag natapos mo na ang nobela mo... E ‘di bye, bye na,” litaniya pa nito sa kaniya.

Napatingin naman siya rito at muling napahigop ng kape. Paano naman niya gagawin ang mga pinagsasasabi ng kaibigan niya? E, sa ayos pa lang niya tiyak na hindi siya liligawan niyon. Baka mamaya pagtawanan lang siya nito.

“Ah, basta hindi! Iba na lang ang aakitin ko,” saad niya sa kaibigan.

“Ikaw ang bahala. Ako naman ay nagsa-suggest lang. Para sa’kin kasi ay mas convenient kung siya na lang. Malapit sa’yo at nakaka-usap mo na. Somehow, may connection na kayo. So, hindi ka na mahihirapan sa kaniya,” paliwanag pa nito.

At some point, may punto naman si Eds. Pero kasi, paano nga niya maaakit ito para ligawan siya? Alam niyang manang siyang manamit at nerd. Kaya, how-how de carabao?

“E, sa itsura kong ito? Sa tingin mo kaya ay gugustuhin akong ligawan niyon?” nakangiwing saad niya sa kaibigan.

“Iyan lang ba ang inaalala mo? Ang basic naman, girl! Magbihis ka,” anito na lalong ikinakunot ng kaniyang noo.

“Bakit? Saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong pa niya rito.

“Bibigyang solusyon natin iyang problema mo. Kaya kumilos ka na’t magbihis. Dali!” excited na turan nito sa kaniya.

Kulang na lang ay hilahin siya nito patungo sa banyo at paliguan. Kaya naman sumunod na lamang siya rito at mabilis na nag-ayos ng sarili. Hindi niya gusto ang idea nitong pakikipaglapit kay Adonis. Ngunit kung iyon lang ang paraan upang matapos na ang kaniyang paghihirap sa kaniyang manuscript ay payag na siyang subukan iyon.

“I’m ready!” anunsiyo pa niya kay Eds na ngayon ay prenteng nakaupo sa sofa.

“Okay. Let’s go and make you beautiful!” excited nitong turan sa kaniya saka sila magkapanabay na naglakad palabas ng bahay.

“This will be the last time na magiging ganyan ang itsura mo. Kaya pagsawaan mo na iyang tingnan,” sabi pa nito sa kaniya nang makasakay na sila sa sasakyan nito.

Natawa na lang siya sa kaibigan bago pinasibat ni Eds ang sasakyan paalis ng bahay. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng kaibigan pero bahala na. Gusto lang niyang matapos na ang paghihirap sa paggawa ng manuscript para makabalik na siya sa normal niyang pagsusulat.