Chapter 2
Kanina pa nakapangalumbaba si Ayesha sa harapan ng laptop habang nakatitig sa monitor niyon. Nakailang tasa na rin siya ng kape. Ngunit wala pa ring pumapasok na idea sa kaniyang isipan kung paano niya uumpisahan ang pagsusulat ng romance novel.
Nasa balkonahe siya ngayon ng bahay at pasalampak na nakaupo sa malaking bean bag na naroon habang nakapatong naman sa mababang mesa ang kaniyang laptop, cellphone, at malaking mug ng kape.
“Ano ba naman ‘yan? Bakit wala akong mapiga sa utak ko? Kung horror lang ‘to, malamang kanina pa ako nakatapos ng ilang chapters. Pero hindi, e! Waahhh!” wika niya sa sarili sabay sabunot sa buhok na basta na lang niyang itinali kanina nang bumangon siya sa kama.
Nasa ganoon siyang ayos nang may buwisit na namang nambulabog sa kaniya. Inayos niya ang kaniyang salamin sa mata at tumayo mula sa pagkakasalampak sa kinauupuan niya. Pahalukipkip siyang humarap sa gate at nakataas ang isang kilay na tiningnan ang istorbong si Adonis.
“Magandang umaga, aking irog!” anito sa kaniya sabay ngiti nang malapad.
“Ano namang ikinaganda ng umaga, aber?” masungit niyang saad dito.
“Ikaw!” mabilis namang sagot nito.
Bigla siyang natigilan sa isinagot nito at tila nakaramdam siya ng tuwa sa kaniyang puso. Nagsirko-sirko pa yata ang puso niya sa loob ng kaniyang dibdib dahil biglang bumilis ang pagtibok niyon. Mabuti na lang at malayo- layo ang distansiya nila ni Adonis. Dahil kung hindi ay malamang na lalo lang siyang aasarin nito sa kaniyang pananahimik.
“Tigil-tigilan mo ako sa kalandian mo, Adonis, ha! Kung mang-aasar ka lang ay puwede bang sa ibang araw na lang? Busy ako ngayon at wala akong panahon para makipaglokohan sa’yo!” pairap niyang tugon dito. Akmang babalik na sana siya sa pagkakasalampak sa bean bag nang batuhin siya ng siraulo niyang kapitbahay.
Tinapunan niya ito nang masamang tingin at saka ibinalik dito ang ibinato nito sa kaniya. Tatawa-tawa naman itong umilag sa ibinato niya rito.
“Alam mo, aking irog? Palagi ka namang busy at walang panahon sa kaguwapuhan ko, e. Wala ka na bang ibang magandang excuse para ipagtabuyan ako?” nakangisi pang tanong nito sa kaniya. Napahinga naman siya nang malalim at naiinis na napakamot sa buhok na kanina pa magulo. Pinamaywangan niya ito at nakasimangot na muling hinarap ang lalaki.
“Ano na naman ba kasing kailangan mo? Sabihin mo na kaagad nang makalayas ka na rito!” naiinis niyang pahayag sa lalaki.
“Grabe ka naman sa akin, aking irog,” nakanguso pang turan nito sa kaniya.
“Ipinagluto lang naman kita ng pagkain dahil alam kong hindi ka pa kumakain, e,” sabi pa nito. Doon lang niya napansing may hawak pala itong maliit na bag. Napahawak naman siya sa tiyan dahil bigla iyong kumalam. Hindi pa nga pala siya kumakain dahil puro kape ang tinira niya simula kaninang magising siya. Naglakad siya palapit sa gate saka iyon binuksan.
“Masarap ba ‘yan?” masungit pa rin niyang tanong dito.
“Aba! Kung hindi mo naitatanong, mahusay ako sa larangan ng pagluluto!” pagmamalaki naman nito sabay tapik pa nito sa sariling dibdib.
“Weh? Akin na nga. Nang malaman natin kung totoo nga ‘yang sinasabi mo,” sabi naman niya rito saka inilahad ang kaniyang kamay sa harapan nito.
“Kiss muna!” tugon naman nito sabay umang ng nguso nito sa kaniya. Dahil may kataasan ang gate niya ay halos magkapantay lang sila ngayon ng lalaki. Tinampal niya ang noo nito at mabilis na isinarang muli ang gate. Ngunit mabilis nitong naiharang ang sariling kamay roon. Kaya ang ending ay naipit tuloy ito roon.
“Aray!” hiyaw pa nito na kaniya namang ikinataranta. Muli niyang binuksan ang gate saka natatarantang napatingin kay Adonis na hawak-hawak ang nasaktang kamay.
“Ayan! Kasi ang harot-harot mo!” paninisi pa niya rito habang hindi malaman kung ano ang gagawin niya.
“Ahm, masakit ba?”
Ano namang klaseng tanong ‘yan, Ayesha? Natural, masakit ‘yan! Ikaw kaya ang maipit? sita ng kaniyang isip.
“Ay, hindi. Nag-iinarte lang ako. Siyempre, masakit! Grabe ka. Dinalhan lang naman kita ng pagkain. Puputulin mo pa yata ang kamay ko. Ginagamit ko pa naman ‘to sa pagpapaligaya,” sagot nito na ikinalaki ng kaniyang mga mata.
“Ang bastos mo talaga! Bahala ka nga sa buhay mo! Maputol na nga lang sana talaga ‘yang kamay mo. Maniac!” singhal niya rito. Akmang tatalikod na siya nang mabilis nitong nahawakan ang kamay niya.
“Bastos agad? Hindi naman ako nakahubad, a!” nakangisi pang turan nito sa kaniya. Pumiksi naman siya dahil sa kakaibang kilabot na naramdaman sa pagkakahawak nito sa kamay niya. Hinarap niya ito at marahas na binawi ang kamay niya mula rito.
“Ewan ko sa’yo, Adonis! Umuwi ka na nga lang. Mamumuti lang ang buhok ko sa’yong lalaki ka, e!” masungit niyang saad sa lalaki saka muling tumalikod dito.
“Hala! Ikaw nga ’tong nang-aakusang bastos ako samantalang ibibigay ko lang naman ‘tong pagkain sa’yo. O, kunin mo na bago pa magbago ang isip ko,” sabi pa nito sa kaniya.
Nang lingunin naman niya ito ay nakalahad na ang maliit na bag na dala nito. Nag-aalangan pa siyang abutin iyon. Ngunit nang muling tumunog ang kaniyang tiyan ay mabilis niyang kinuha iyon mula rito. Nakangisi naman ito habang nakatingin sa kaniya matapos niyang kunin ang bag.
“O, ano’ng iningi-ngiti-ngiti mo riyan?” nakataas ang isang kilay niyang tanong sa lalaki.
“Wala naman. Ubusin mong lahat ‘yan, ha? Pinaghirapan kong lutuin ‘yan,” wika ni Adonis saka ito naglakad palayo sa kaniya habang nakalagay sa likod ng ulo nito ang magkasalikop nitong mga kamay. Inihatid na lang niya ito ng tingin saka pumasok sa loob ng bakuran at isinara ang kaniyang gate. Nang naglalakad na siya pabalik sa balkonahe ay saka naman siya nito sinitsitan mula sa bakuran nito.
“Huwag kang magtitira, ha?” nakangisi pang bilin nito sa kaniya.
“Bakit?” kunot-noo naman niyang tanong dito.
“Para tumalab ang gayumang inilagay ko!” sabi nito saka mabilis na tumalilis nang takbo papasok sa loob ng bahay nito.
“Adonis! Buwisit ka talagang lalaki ka!” tanging nasambit niya saka nagdadabog na nagtungo sa balkonahe. Pasalampak siyang muling naupo sa bean bag habang ang bag na naglalaman ng pagkain ay inilapag naman niya sa sahig katabi ng kaniyang kinauupuan.
Muli niyang hinarap ang nakabukas na laptop nang muling kumulo ang kaniyang tiyan. Sinulyapan niya ang ibinigay sa kaniya ni Adonis saka iyon dinampot at binuksan ang baunang nasa loob ng bag.
Agad na nanuot sa kaniyang ilong ang amoy ng pagkaing laman ng baunang hawak niya. Nakagugutom ang amoy ng afritadang manok kaya naman mabilis niyang itinabi ang kaniyang laptop at ipinatong doon ang baunan.
Hmm! Kung palagi ba naman niya akong dadalhan ng pagkain, baka magkasundo pa kami, natatakam niyang saad sa sarili at mabilis na tumayo upang kumuha ng kubyertos at tubig na inumin.
Pangiti-ngiti pa siya habang naglalakad pabalik sa balkonahe ng kaniyang bahay. Ngunit agad ding napalis ang kaniyang ngiti nang makitang nilalantakan na ng pusa ang pagkain.
“Shoo! Shoo!” pagtataboy niya sa pusa at nagmamadaling lumapit sa mababang mesang pinaglapagan niya ng baunan. Napaiyak na lang siya nang makitang halos wala nang matira sa pagkain. Ang saklap lang talaga. Kung kailan gutom na gutom na siya ay saka naman may umagaw ng pagkain niya.
“Napakasama mong pusa ka. Wala na nga akong maisulat, pati ba naman pagkain ko ay kinain mo pa!” naluluha niyang wika at pabagsak na naupo sa bean bag.
Ilang sandali rin na masama ang loob niya saka naisipang hugasan na lang ang pinagkainan ng mabait na pusang kumain niyon. At nang matapos ay naisip niyang ibalik ang baunan sa kapitbahay na maniac bago siya pumunta sa malapit na convenience store para bumili ng makakain. Minsan na nga lang siya makakakain ng tunay na pagkain ay napurnada pa.
Pa-buntong-hininga na lang siyang naglakad patungo sa gate ng bahay ni Adonis at nag-doorbell. Hindi niya tinantanan iyon hangga’t hindi lumalabas ang kurimaw niyang kapit-bahay. Kahit na nakalapit na ito sa gate nito ay hindi pa rin niya tinigilan ang pagdutdot doon.
“Grabe ka naman makadutdot sa doorbell ko. Hayaan mo’t kakabitan kita ng ganiyan bukas,” napakamot pa sa ulong turan nito sa kaniya.
Tiningnan lang niya ito at iniabot ang hawak niyang bag sa lalaki. Nang abutin nito iyon ay saka siya umalis sa harapan nito at malungkot na naglakad palayo rito. Masama pa rin talaga ang loob niya sa pusang kumain ng pagkain niya. Kapag nakita niya ulit ang pusang iyon ay ibibitin niya iyon patiwarik.
“You’re welcome, ha!” sabi pa ni Adonis sa kaniya na hindi na niya pinansin.
“Hoy! Ayesha! Hindi ba masarap? Nakaka-hurt ka ng damdamin, ha!” muling sigaw nito kaya lumingon siya rito at eksaktong nandoon ang pusa sa tabi nito.
“Itanong mo riyan sa pusa. Tutal iyan naman ang kumain sa ibinigay mong pagkain sa akin, e,” matamlay niyang sagot sabay turo sa pusang nasa may paanan ng binata.
“Ha? Itong pusang ‘to?” tanong pa nito sa kaniya sabay buhat sa pusang nasa paanan nito.
“Honey, bakit mo naman kinain ang pagkaing hindi para sa’yo? Bad ka, ha,” kausap pa nito sa pusang tinawag nitong honey. Tumalikod na siya rito at napa-hinga na lamang nang malalim habang ipinagpapatuloy ang paglalakad.
Napahinto pa siya nang may humila sa braso niya. Napatingin siya sa parteng iyon bago napatingala sa may- ari ng kamay na nakahawak sa kaniya.
“Alam mo? Hindi ako sanay na hindi ka nagsusungit. Sorry sa pag-kain ni Honey ng pagkain mo,” hingi ng paumanhin nito na tinanguan lang naman niya. Wala naman na siyang magagawa, e. Nasa tiyan na ng pusang iyon ang pagkain. Alangan namang botsakin niya ang tiyan nito at kunin ang pagkain mula roon.
And then what?
“Uy, sungitan mo naman ako. Hindi kasi talaga ako sanay na hindi ka nakikipag-bangayan sa akin, e,” untag pa ni Adonis sa kaniya.
“Ahm, ganito na lang. Ipagluluto na lang kita ng pagkain sa bahay. Sige na... Para naman makabawi ako sa panlalapastangan sa’yo ni Honey,” pamimilit pa nito sa kaniya.
“Huwag na. Bibili na lang ako ng pagkain ko riyan sa convenience store,” tugon naman niya rito.
“Naku, wala namang nutrisyon ang mga pagkain doon. Ipagluluto na lang kita. Sige na at nang makabawi naman ako sa’yo,” pamimilit pa rin nito sa kaniya.
Napahinga na lamang siya nang malalim saka pumihit pabalik sa bahay nito. Nakita pa niya ang pag-aliwalas ng mukha ni Adonis habang magkapanabay silang naglalakad pabalik sa bahay ng lalaki. Hindi niya alam kung bakit pero parang bigla na lang nawala ang inis niya rito. Siguro dahil gutom lang siya at wala sa mood para makipagtalo rito.
Siguro pagkatapos mo kumain, baka bumalik na ulit ang pagkainis mo sa lalaking ‘yan, wika pa ng isang bahagi ng kaniyang isipan.
Muli na lamang siyang napahinga nang malalim habang sumusunod sa lalaking papasok sa loob ng tahanan nito.
In fairness naman kay Adonis, malinis at maayos ang bahay nito. Malayong-malayo sa ugali nitong balahura at puro kamaniyakan ang alam.