Chapter 1

“At sa wakas ay muling nagtagpo ang kanilang mga puso. The end. Ano ba naman ‘to, Ayesha? Wala man lang kalatoy-latoy ‘tong manuscript mo, ‘day! Bigyan mo naman ng feelings. Iyong mararamdaman ng mga mambabasa na in-love si heroine mo kay hero!” reklamo ng editor ni Ayesha sa kaniya at pabagsak na sumandal sa upuan nito.

Nakaka-ilang revise na siya sa manuscript niya at talagang tuyong-tuyo na ang utak sa kaiisip kung paanong magiging romantic ang isinulat na kuwento. Kung bakit ba naman kasi tila pinag-trip-an siya ng editor niya at gusto nitong gumawa siya ng romance novel. Alam naman nitong pang-horror lang siya.

“E, Eds naman, e. Alam mo namang pang-mumu lang ang carry ng powers ko. O kaya sige, fantasy na lang. Huwag lang romance, please?” pagmamakaawa pa niya sa kaniyang editor.

Nagtatrabaho siya ngayon sa isang publishing house— kung saan required silang mga manunulat na gumawa ng mga kuwentong papatok sa panlasa ng mga mambabasa. Isa sa requirements nila ang gumawa ng mga nobelang hindi nila forte nang sa ganoon ay mahasa pa sila sa pagsusulat at maipakita nila ang iba pa nilang talento sa bagay na iyon.

Nagkakaroon din sila ng mga bunutan kung ano-ano ang genre na susunod nilang isusulat. At malas nga niya dahil nang araw na mangyari ang bunutan ay hindi siya nakapunta.

Kaya naman bilang mabait na editor at kaibigan, si Eds ang bumunot para sa kaniya. At voila! Romance genre ang napunta sa kaniya. “Hindi!” nanlalaki naman ang mga mata nitong tugon sa kaniya.

“Hala! ‘To naman. Ayaw mo ba ‘yong may powers- powers ang gawin ko? O kaya naman ay maraming fight scenes. O kaya ay takutan? Ayyy, bet!” pumapalakpak pa niyang turan sa kaniyang editor.

“Hindi nga! Kaya hindi ka magkaroon ng kahit na kaunting kilig sa katawan e. Puro horror-suspense ‘yang mga kuwento mo. ‘Day, mag-iba ka naman ng genre, uy! Hindi ka ba nagsasawa sa mga isinusulat mo?”

“Magaling ka na sa ganoong genre, i-try mo naman ang iba,” litanya pa nito sa kaniya na ikinasimangot naman niya.

“Okay. Sige ganito na lang. Kapag nakapagpasa ka sa’kin ng romance novel sa loob ng dalawang buwan—iyong maayos, ha? Hinding-hindi na kita pipilitin ever na gumawa pa ng ganoong genre sa susunod. Deal?” sabi pa nito sa kaniya.

“Paano kapag hindi ko nagawa?” tanong naman niya rito.

“E, ‘di iyan na ang magiging genre mo hangga’t gusto ko,” nakangisi namang tugon nito sa kaniya.

“Nakakainis ka naman, Eds, e!” nakasimangot niyang turan sa kaniyang editor. Tinawanan lang siya nito at itinaboy na sa harapan nito.

“Sige na, umpisahan mo na ngayon ang pagre-reseach mo. I-research mo kung paanong kiligin at magpakilig. I- reseach mo na rin kung paanong humalik at kung ano ang pakiramdam.”

“Humanap ka na rin kaya ng jojowain for a month? Para ma-experience mo talaga ang magka-jowa at maramdaman mo iyang pinagsususulat mo riyan sa kuwento mo,” taas-baba pa ang mga kilay nitong turan sa kaniya.

“Tse! Aalis na’ko,” paalam niya rito.

“Ayesha! Baguhin mo na rin iyang get-up mo. Hindi na uso iyang masyadong balot na balot sa katawan na mga pormahan mo. Saka iyang salamin mo ay papalitan mo naman ng medyo in ngayon. Nagmumukha kang manang na nerd sa itsura mo, e!” humahagikhik pa nitong turan sa kaniya.

“Hmp!” Irap naman niya rito at nagdadabog na tumalikod na sa kaibigan. Narinig pa niya ang paghalakhak nito habang naglalakad siya patungo sa pintuan ng opisina nito.

Pinagmasdan pa niya ang sarili sa salaming pintuan ng opisina ng kaniyang editor nang makalabas na siya roon.

Ano namang mali sa suot ko? Long sleeve na white blouse na may ruffle at naka-tucked-in sa square pants na black and white, itim na doll shoes, at white bag na canvas? Okay naman, a!” kausap niya sa sarili.

Huminga siya nang malalim at inayos ang malaki niyang salaming pang-mata at taas-noong bumaling sa kaniyang harapan. Salubong ang kaniyang mga kilay habang naglalakad palabas ng gusaling iyon dahil iniisip pa rin niya kung paano siya gagawa ng genre na nais ni Eds na ipasa niya.

Nakakainis naman kasi, e! Bakit ba naman kasi sa dinami-rami ng genre na puwedeng mapunta sa’kin ay iyon pa talaga ang nabunot ni Eds! nagmamaktol na kausap niya sa sarili.

Napahinga na lamang siya nang malalim at nagpatuloy sa paglalakad. Hanggang sa makarating siya sa mall na malapit sa pub-house na pinanggalingan niya. Mag-i- ikot-ikot na lang muna siya roon upang aliwin ang sarili bago umuwi ng bahay. Baka sakaling makahanap din siya ng inspirasyong gagamitin niya sa pagsusulat.

Napagod na lang siya lahat-lahat ay wala pa rin talaga siyang makuhang inspirasyon. Kaya naman napagpasyahan na lang niyang umuwi na sa kaniyang lungga at magkulong. Bukas na lang siguro niya iisipin kung paano niya ire-revise ang kaniyang nobela.

Nang makarating siya ng bahay ay nakita pa niyang nakatayo sa labas ng kulay tsokolateng gate niya ang lalaking ayaw na ayaw niyang nakikita—si Adonis.

Ano na naman kayang ginagawa ng kumag na’to sa tapat ng bahay ko? tanong pa niya sa sarili.

Sa ilang buwan kasi niyang pananatili sa lugar na iyon ay walang pinalampas na araw si Adonis para sirain ang araw niya. Kaya naman para lang tumigil ito ay hindi na lang niya pinapansin ang lalaki. Dire-diretso siyang naglakad at binuksan ang gate na hindi man lang tinitingnan ang asungot na si Adonis.

“Hi, neighbor,” bati nito sa kaniya.

“Hi mo mukha mo! Ano na naman bang ginagawa mo rito? Busy ako kaya maghanap ka na lang ng ibang guguluhin!” masungit niyang turan sa lalaki sabay sara ng gate.

Sa pagkakataong ito ay hindi na niya natiis na hindi ito pansinin. Ilang buwan na rin naman siyang naninirahan sa bahay na iyon, at malaki na rin ang ipinagbago niyon. Mula sa masukal na bakuran at mababang bakod ay naging isang maliit na hardin na may maraming bulaklak na ngayon ang harapan ng bahay. Mataas na rin ang bakod nito. Ang gate ay bakal na at napinturahan na rin iyon ng kulay tsokolate. Habang ang bahay niya ay pinakulayan naman niya ng peach.

“Ang sweet mo talaga sa’kin, Ayesha. Kaya love na love kita, e,” nang-aasar na saad naman ni Adonis sa kaniya.

“Hoy, Adonis! Kung sa tingin mo, lahat ng babae ay magkakandarapa sa kaguwapuhan at kakisigan mo. Puwes, hindi ako! Kaya puwede bang tantanan mo na’ko?” masungit pa rin niyang saad dito habang nakahawak siya sa kaniyang gate at nasa labas naman niyon si Adonis.

“So, ibig sabihin na-g’wa-guwapuhan ka pala sa’kin, ha? Ikaw, ha. Hindi ko alam na may pagnanasa ka na rin pala sa’kin, ha?” taas-baba pa ang mga kilay nitong turan sa kaniya habang hinihimas pa ang balbas nito.

“Ano? Feeling? Umalis ka na nga rito sa tapat ng bahay ko at naaalibadbaran ako sa’yo!” singhal pa niya rito bago siya tumalikod sa lalaki upang itago ang pag-iinit ng kaniyang mukha.

Huli na kasi nang ma-realized niyang pinuri niya ang lalaki kanina nang sabihin niyang guwapo at makisig ito. Narinig pa niya ang pagtawa ni Adonis na tila aliw na aliw sa kaniya. Hindi na lang niya ito pinansin at dire- diretsong naglakad patungo sa loob ng bahay.

“Ayesha, aalis na’ko! Huwag mo’kong masayadong mami-miss ha?” sigaw pa nito—na kaniya namang ikinapihit.

Nagpalinga-linga pa siya sa paligid upang tingnan kung may mga tao sa labas ng bakuran maliban sa makapal ang mukhang si Adonis. Laking pasasalamat na lang niya nang walang sino man ang nasa paligid. Sa lakas kasi ng boses ng lalaki ay tiyak niyang makakukuha ito ng atensiyon. At iyon ang ayaw niyang mangyari.

“Hoy! Umuwi ka na nga sa bahay mo! Nakakahiya ka! Mamaya ay isipin pa nila na pumapatol ako sa siraulong kagaya mo!” gigil na gigil niyang sita rito habang nanlalaki ang kaniyang mga mata. Tumawa lang naman ulit ito at patalikod na naglakad patungo sa sariling gate nito.

“Okay lang ‘yon. Kahit siraulo ako, guwapo naman ako at single. Kaya bagay na bagay tayo!” nakangisi pang turan nito sa kaniya.

Agad naman siyang lumapit sa gripong malapit sa kinatatayuan niya at binuksan iyon. Dinampot ang hose upang itutok sa makapal na mukhang si Adonis. Humahalakhak naman itong nagtatatakbo patungo sa loob ng bahay nito.

“Ang sweet mo talaga. I love you!” sabi pa nito na lalo niyang ikinainis.

“Buwisit ka talagang lalaki ka!” tili niya rito na tinumbasan lang ng pagtawa nito. Padaskol niyang pinatay ang gripo at nagmamartsang pumasok sa loob ng bahay. Nagtagumpay na naman si Adonis na asarin siya at sirain ang araw niya.