Chapter 20

Day 26:

Sinulit nina Ayesha at Adonis ang kanilang pananatili sa Sagada. Kaya ngayong araw ay naging turista sila at pinuntahan ang lahat ng mga lugar na kanilang mapupuntahan. Pinuntahan nila ang Sumaguing Cave, at manghang-mangha siya sa kagandahan ng paligid. Noong una ay hesitant pa siya dahil papasok sila sa loob ng kuweba. Ngunit nang makapasok na sila roon ay hindi na niya naiwasan pa ang mamangha.

Hindi rin naman siya binitiwan ni Adonis at palagi itong nakaalalay sa kaniya. Napatitili pa siya kapag nababasa sila ng malamig na tubig sa loob ng kuweba. Ang gaganda ng mga rock formations sa loob ng yungib kaya naman walang tigil ang pagkuha niya ng mga larawan doon.

Nang makalabas na sila sa loob ng kuweba ay agad silang nagbihis at nagtungo sa Hanging Coffins. Muli ay nabuhay ang kaniyang pagkamangha sa mga nakasabit na kabaong sa lugar na iyon. Ilang shots din ng mga larawan ang kinuhanan niya bago sila umalis doon. Buong araw lang silang namasyal at namangha sa kanilang mga pinuntahan.

“Ang ganda naman dito!” tuwang-tuwa pang sambit niya kay Adonis nang naglalakad na sila patungo sa kainan.

“Mabuti naman at nagustuhan mo,” tugon naman nito sa kaniya habang nakaakbay ito at sinasabayan siya sa paglalakad.

“Oo naman! Maganda ang views at masarap sa pakiramdam ang malamig na simoy ng hangin, ‘tapos busog na busog pa ang utak ko sa mga information about dito sa lugar.”

“Iyon lang? Nasaan naman ako sa mga sinabi mo?” tila nagtatampo namang tanong ng kasintahan sa kaniya.

“Nandito sa tabi ko,” mabilis naman niyang sagot dito na lalo nitong ikinasimangot.

“Grabe ka naman, Irog ko. Kahit sana sa masarap naisama mo ako.”

“Sira! Sige na, isasama na kita sa masarap. Masarap kasama, kausap, at kayakap,” nakangisi pang tugon niya rito habang nakatingala siya sa lalaki.

“Yown! Pero bakit kasama, kausap, at kayakap lang? Ibig sabihin hindi ako masarap kahalikan?” Natawa naman siya sa sinabi nito.

“Kasama na iyon! Halika na nga. Baka kung saan pa makarating itong usapan natin,” yaya niya na rito bago pa man may maisingit na namang kakaiba ang kaniyang kasintahan.

Pinigilan naman siya ng lalaki at pinaharap sa katawan nito. Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi saka siya nito ginawaran ng isang magaan at mainit na halik sa labi. Napapikit naman siya at ninamnam ang halik na iginagawad nito sa kaniya. Gusto na naman niyang maiyak dahil tiyak na ma-mi-miss niya ang mga ganitong ganap sa pagitan nila ni Adonis sa susunod na mga araw.

“I love you, Irog ko!” sambit pa nito sa kaniya matapos ang mainit nilang paghahalikan.

“Tara na. Bago pa magbago ang isip ko’t ikaw na lang ang kainin ko,” pilyong saad pa nito.

“Uy! Nakakahiya iyang bibig mo!” saway naman niya rito habang lumilinga-linga sa paligid. Mabuti na lang at walang taong malapit sa kinatatayuan nila dahil kung hindi ay talagang nakahihiya iyon.

Nakangisi lang naman siya nitong inakbayan at nagpatuloy na sa paglalakad. Nang makarating sila sa loob ng kainan ay agad silang namili ng kanilang kakainin. Habang hinihintay na ma-serve ang kanilang pagkain ay muli niyang tiningnan ang mga kinuhanan niyang larawan. Nakangiti pa siya habang tinitingnan ang mga iyon. The place is magical na parang gusto na lang niyang manatili roon habang buhay.

“Ano’ng ini-ngi-ngiti-ngiti mo riyan? Nanonood ka ng bold, ‘no?” mayamaya ay sita sa kaniya ni Adonis.

“Adonis, iyang bibig mo nga!” nanlalaki ang mga matang saway niya rito.

“Patingin nga,” balewalang saad nito saka kinuha mula sa kaniyang kamay ang kamera. Inilapit nito ang upuan sa kaniyang tabi saka inumpisahang tingnan ang mga kuha niyang larawan.

“Nice shot! Ang gaganda ng mga kuha mo rito, a,” tumatango-tango pa nitong saad sa kaniya. Napangiti naman siya sa papuri nito habang nakikitingin sa mga larawan.

“Salamat,” matipid niyang sagot dito.

“Saan ka naman natutong kumuha ng ganito kagagandang mga larawan?”

“Wala. Sarili ko lang. Practice-practice. Gano’n.”

“Ang galing, a! Parang pang-professional, e,” bilib na bilib pang saad ni Adonis sa kaniya.

“Bolero!”

“Uy, hindi, a. Totoo ang sinasabi ko. Magaganda nga. Parang sa mga professional photographer. Sa susunod na launch ng menu namin, ikaw na lang pala ang kukunin kong photographer. Makatitipid pa ako. Kahit katawan ko na lang ang ipambabayad ko,” pilyong wika ng lalaki sa kaniya sabay kindat pa nito.

“Siraulo ka talaga! Kahit huwag mo na akong kunin kung puro kamanyakan lang naman iyang nasa isip mo,” tatawa-tawa naman niyang sagot sa kasintahan.

“Biro lang. Pero seryoso, magaganda ang mga larawan. Kaya sa susunod na menu launching ng restaurant ko, ikaw na lang ang kukunin kong photographer, ha?”

“Ewan ko sa iyo,” naiiling na lang niyang sagot sa lalaki. Ibinalik na nito ang kamera na kaniya namang inabot. Muli niya iyong binuksan at itinutok sa kanila ni Adonis.

“Smile!”

“Uy! Ulit, ulit! Hindi naman ako handa sa picture na iyon, e,” reklamo nito sa kaniya.

“Okay na iyon. Tingnan mo. Maganda naman, ‘di ba? Ang cute mo nga rito, o!” humahagikgik niyang saad dito habang ipinakikita ang tila na-possessed na itsura ng kasintahan sa larawan.

“Ang pangit! Akin na. Ako ang kukuha,” anito sabay agaw sa kamera niya. Lumapit pa ito nang husto sa kaniya at nagbilang ng hanggang tatlo. Pagkabilang ng tatlo ay nagulat si Ayesha nang halikan siya nito sa pisngi.

“Ayan, o! Kita mo? Mas maganda ito,” tuwang-tuwang turan pa nito nang tingnan nila ang kanilang larawan. Nakangiti siya sa larawan habang naka-kiss naman si Adonis sa kaniyang pisngi.

“Oo na! Akin na nga iyan at itatago ko na,” sabi na lang niya rito sabay kuha ng kamera at tuluyan na ngang itinago iyon sa kaniyang bag. Tamang-tama naman at dumating na rin ang kanilang mga pagkain. Hindi na umalis sa kaniyang tabi si Adonis kaya roon na lang din inilapag ng serbidora ang pagkain nito.

Matapos nilang kumain ay umuwi na rin sila sa kanilang tinutuluyan upang magpahinga. Maaga pa kasi sila kinabukasan upang puntahan pa ang ibang pasyalan na hindi pa nila napupuntahan.

“Ikaw na muna ang maligo. Ipapahinga ko lang itong mga paa ko. Napagod kalalakad, e,” aniya kay Adonis nang nasa loob na sila ng kuwarto.

“Ayaw mo bang sumabay na lang sa akin para tipid sa tubig?” taas-baba pang tanong nito sa kaniya. Binato niya ito ng kaniyang sapatos na mabilis lang naman nitong nasalo. Inamoy pa nito iyon bago maayos na inilapag sa tabi ng kanilang kama.

“Hmm, amoy patay na daga!” anito sabay takbo patungo sa banyo nang akma niya itong babatuhing muli ng isa pa niyang sapatos. Narinig pa niya ang malutong nitong pagtawa habang papasok ito sa banyo. Napailing na lamang siya at saka inamoy ang kaniyang sapatos. Baka nga kasi mabaho iyon.

“Siraulo talaga iyon!” sabi na lang niya sa kaniyang sarili. Tumayo siya upang kunin ang kapares ng sapatos niya at itabi iyon sa gilid ng pintuan katabi ng sapatos nito.

Ilang sandali pa at lumabas na ito ng banyo na tanging puting tuwalya lang ang nakatapis sa baywang nito. Napalunok pa siya nang makita ito sa ganoong ayos.

Biglang parang uminit ang kaniyang paligid. Tumutulo pa ang tubig mula sa basa nitong buhok patungo sa dibdib pababa sa tiyan nito at puson.

“Hi, Irog ko. Baka gusto mo ng dessert? Puwedeng- puwede ako,” pilyong tanong nito sa kaniya.

“Heh! Tigil-tigilan mo ako sa kamanyakan mo, Adonis, ha!” pagsusungit niya rito. Kahit na ang totoo ay tila nanunuyo na ang lalamunan niya sa nakikita ngayon sa kaniyang harapan.

Kinuha na niya ang kaniyang bihisan saka mabilis na naglakad patungo sa banyo. Pagpasok niya roon ay agad niya iyong ini-lock at sumandal sa likod ng pinto. Yakap- yakap pa niya ang kaniyang bihisan habang napapakagat- labi upang iwasan ang mapatili. Sobrang lakas din ng pintig ng kaniyang puso na tila lalabas na sa dibdib niya.

“Shocks! Ang yummy naman ng tuksong iyon!” bulong pa niya habang binabalikan sa kaniyang balintataw ang itsura ni Adonis nang lumabas ito ng banyo. Mabilis niyang naipilig ang kaniyang ulo saka umayos ng pagkakatayo.

Ayesha, nahahawa ka na ba sa kamanyakan ng jowa mo? Umayos ka, girl! sita ng isang parte ng kaniyang utak.

Mabilis na kumilos siya upang maligo. At nang matapos ay nagbihis na saka lumabas ng banyo at pinunasan ang kaniyang buhok. Nakita pa niyang balot na balot ng kumot si Adonis at nakapikit.

Himala’t tulog na siya, aniya sa kaniyang sarili. Kagabi kasi ay nakipagkulitan muna ito sa kaniya bago sila natulog.

Sinuklay niya na ang kaniyang buhok at tinuyo saka naglagay ng cream sa kaniyang mukha. Nang matapos ay saka niya pinatay ang ilaw, at dahan-dahang pumuwesto sa kabilang panig ng kama. Maingat niyang ini-angat ang kumot at saka pumaloob doon bago nahiga.

Matutulog na rin siya para maaga siyang magising bukas. Excited na rin siya sa susunod nilang destinasyon ni Adonis.