Chapter 19
Day 25:
“Ready, aking Irog?” nakangiting tanong sa kaniya ni Adonis, nang makalabas na siya ng kaniyang bahay. Humihikab naman siyang lumapit dito at yumakap habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Antok na antok pa kasi siya dahil alas-dose pa lang ngayon ng madaling araw.
Sabi kasi nito ay magandang maaga pa ay makarating na sila sa Baguio para makapagpahinga muna sila kahit ilang oras bago magtuloy sa Sagada. At dahil ito naman ang magmamaneho ay wala siyang angal dito.
“Na-miss mo ba ako kaagad? Hayaan mo’t sa Sagada ko na lang itutuloy ang panggagahasa sa iyo,” pilyong turan nito habang nakayakap din ito sa kaniya.
“Ang aga-aga pa, Adonis, ha,” nakasimangot niyang saway rito.
“Maganda nga iyon, e, maaga pa lang umpisahan na nating magpainit para pag-akyat natin sa Baguio, hindi tayo ginawin,” muling banat nito kaya kinurot niya ito sa tagiliran.
“Aray! Joke lang naman, Irog ko. Hindi ka na mabiro. Tara na nga at baka mamaya ay rito pa lang magahasa na kita,” muling saad nito at kinuha ang kaniyang bag upang ipasok sa loob ng sasakyan nito. Ipinagbukas pa siya nito ng pinto ng sasakyan bago ito nagtungo sa harapan ng manibela.
“Pa-kiss nga muna. Pampainit, bago tayo pumunta sa malamig na lugar,” hirit pa nito sa kaniya saka ito dumukwang upang angkinin ang kaniyang mga labi. Hindi naman siya nagreklamo rito. Sa halip ay tinugunan pa niya ang mainit nitong paghalik sa kaniya. Nang makuntento ay umayos na ito ng upo at nakangiti na pinatakbo ang sasakyan.
Buong biyahe siyang inasar at kinulit ni Adonis para lang hindi niya ito tulugan. At nang makarating na sila sa Baguio ay tumuloy muna sila sa isang Inn kung saan maaari silang mamahinga ng ilang oras. Goal kasi nito na makarating sila sa Sagada bago magdilim.
“Paano ba iyan, aking Irog? Iisa lang ang available room nila rito. Mukhang mapapaaga ang paggahasa ko sa iyo, a,” kagat-labi pa nitong bulong sa kaniya. Pinanlakihan naman niya ito ng mga mata bago matamang nag-isip. Ilang oras lang naman sila roon at hindi naman siguro maiisipang gumawa ng kalokohan ni Adonis. Huminga siya nang malalim bago ito hinarap.
“Sige na. Kunin mo na para makapagpahinga na tayo. Pero huwag na huwag kang gagawa ng kalokohan. Kung hindi ay malilintikan ka sa akin!” pagbabanta pa niya rito.
“Oo na. Matutulog lang tayo. Promise! Ayaw ko namang makipag-sex sa taong parang isdang pumapalag. Hindi nakaka-enjoy iyon,” wika nito kaya naman kinurot niya ito sa braso.
“Iyang bibig mo nga! Nakakahiya ka!” mariing saway niya rito. Tatawa-tawa lang naman ito na muling nakipag- usap sa may-ari ng Inn habang nakahalukipkip siyang nakatingin lang dito.
Matapos nitong makipag-usap sa may-ari ay hinila na siya nito patungo sa kanilang silid. May kalakihan din naman pala ang kuwarto at kasya naman ang dalawang tao sa kama. May maliit na sofa, may maliit na mesa rin dito, at may TV pa na nakasabit sa wall.
“Maliligo muna ako. Gusto mong sumabay?” taas-baba pa ang kilay nitong tanong sa kaniya.
“Tse! Maligo ka na para makapagpahinga na tayo,” sagot niya rito saka naglakad palapit sa kama. Naghubad lang siya ng kaniyang sapatos bago humiga.
“Irog ko, hindi ka man lang ba maliligo bago matulog?” narinig pa niyang tanong nito sa kaniya.
“Sayang oras. Naligo naman ako kanina bago tayo umalis. Sa Sagada na lang ako maliligo mamaya,” tugon niya rito habang nakapikit ang kaniyang mga mata.
“Sige, bahala ka. Mas malamig ang klima sa Sagada. Pero okay lang naman, kayang-kaya kitang painitin doon.” Hindi na lang niya pinansin ang pinagsasasabi nito at umayos na lang siya sa kaniyang pagkakahiga at nag- umpisa nang matulog. Antok na antok pa kasi talaga siya.
Maaga pa naman kaya sasamantalahin na niya ang pagkakataong ito.
Nagising si Ayesha dahil sa pangangalay ng kaniyang mga hita. Dahan-dahan pa siyang napamulat nang marinig ang mahinang paghilik sa kaniyang likuran. Kumilos siya upang lingunin ang pinanggagalingan ng hilik na iyon. Nakita naman niyang si Adonis pala iyon na mahimbing na natutulog sa kaniyang tabi habang nakayakap sa kaniya at nakadantay ang isang paa nito sa mga hita niya.
Dahan-dahan siyang kumilos paharap dito at hinaplos ang pisngi nito. Kung pagmamasdan niya ito ngayon ay parang ang bait-bait nito at walang kamanyakan sa katawan. Pinakatitigan lang niya itong mabuti at parang kinakabisa ang bawat parte ng mukha ng kasintahan.
Hayst! Ma-mi-miss kita.
Biglang parang lumungkot ang kaniyang pakiramdam pagkasabi niyon sa kaniyang isipan. Alam naman kasi niyang kailangan na niyang sabihin dito ang katotohanan pagbalik nila sa kanilang lugar. Bigla itong kumilos at nagmulat ng mga mata. Napangiti ito nang makita siya nitong nakatunghay rito.
“Hi,” bati niya sa lalaki.
“Hmm... Ang sarap pa lang gumising na ikaw ang unang masisilayan ko,” tugon naman nito saka siya niyakap nang mahigpit. Gusto niyang maiyak sa sinabi nitong iyon pero pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang mag-isip ito ng kung ano kaya naman gumanti na lamang siya ng yakap dito at hinayaan ang sariling namnamin ang sandaling nakakulong siya sa mga bisig ni Adonis.
“Halika na. Baka abutan tayo ng dilim sa daan,” mayamaya ay untag niya rito. Agad naman siya nitong hinalikan sa kaniyang noo bago siya tuluyang pakawalan. Sabay na silang bumangon at tumayo mula sa kama at nag-ayos ng kanilang mga sarili. Nang matiyak nilang wala nang naiwang gamit ay magkahawak-kamay na silang lumabas ng silid na iyon.
Ilang oras din ang kanilang naging biyahe mula Baguio hanggang Sagada. Pero hindi nila alintana ang tagal niyon dahil sa magagandang tanawing kanilang nakikita. Hindi na rin nila binuksan ang aircon ng sasakyan ni Adonis at hinayaang nakabukas ang mga bintana niyon upang langhapin ang sariwang hanging nagmumula sa kapaligiran.
Tuwang-tuwa siya habang hinahangin ang kaniyang buhok at nilalanghap ang mabangong amoy ng pine trees. Tila tinatangay nito ang lahat ng kaniyang alalahanin.
Makalipas ang anim na oras ay nakarating na rin sila sa kanilang destinasyon. Nasa tapat sila ngayon ng isang malaking bahay na yari sa kahoy. May mga halaman sa paligid ng bahay at may kainan sa ibaba niyon. Ginagap ni Adonis ang kaniyang kamay at naglakad sila patungo sa bahay na iyon. Agad naman silang sinalubong nang tingin niya ay tauhan ng lugar na iyon at magalang na bumati sa kanila.
“Magandang gabi. May available room pa ba kayo rito?” magalang na tanong ni Adonis sa binatang sumalubong sa kanila.
“Opo, mayroon pa naman po. Tamang-tama at umabot kayo. Punuan na po kasi ang mga hotels at inn dito ngayong araw,” magalang namang tugon nito sa kanila.
“A, gano’n ba? Sige, kukuha kami ng dalawang kuwarto,” nakangiti namang saad ni Ayesha.
“Nako, pasensiya na ho. Nag-iisa na lang po ang kuwartong mayroon kami.”
“Ha? Akala ko ba sabi mo mayroon pa kayong available rooms?” nabibiglang tanong niya sa binatilyong kausap nila ngayon.
“Oo nga po, pero nag-iisa na nga lang po ang available room namin. Tamang-tama po sa inyong dalawa ng mister ninyo,” nakangiti pang tugon nito sa kaniya.
“Mister? Nako, nagkakamali ka. Hindi ko pa siya asawa!” mariing tanggi niya sa lalaki.
“Aasawahin pa lang,” sabat naman ni Adonis na malawak ang pagkakangiti sa kaniyang tabi.
“Sige. Kukunin na namin ang kuwarto ng future misis ko para maumpisahan na rin namin ang honeymoon namin,” pilyong turan pa nito sa lalaki.
Agad naman niya itong minulagatan na tinawanan lang naman ng siraulo niyang kasintahan. Inakbayan pa siya ng lalaki at kinabig palapit sa katawan nito. Ipiniksi niya ang kaniyang balikat ngunit hindi nagpatinag si Adonis dahil lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakaakbay sa kaniya dahilan para hindi siya makakilos.
Makaraan ang ilang sandali ay inihatid na sila ng lalaki sa kanilang magiging silid. Malinis at maayos naman ang silid. Yari sa kahoy ang lahat ng mga materyales sa kuwartong iyon. Mula sa kisame, dingding, at sa sahig nito ay yari sa kahoy.
Isang queen size bed, dalawang upuang yari sa kahoy, at mesa ang nasa loob ng silid na iyon. Mayroon ding built- in cabinet sa bandang kanan niya pagkasara nila ng pinto. At TV naman sa kaliwa na nakapatong sa lagayan nito.
“This will be our home for the next three days. Sana ma- enjoy mong kasama ako sa iisang kuwarto,” pilyong saad sa kaniya ni Adonis.
Oh my gulay! Three days! Kayanin ko kayang makaiwas sa malaking tuksong ito? tili niya sa kaniyang isipan.
“B-basta ba hindi ka gagawa ng kahit na ano mang kalokohan, e,” medyo nauutal pa niyang sambit dito.
“Hmm, hindi ko maipapangako iyan. Lalo na kapag ikaw na ang gumapang sa akin. Tao lang akong hindi marunong tumanggi sa grasiya!” nakangisi namang turan nito sa kaniya.
“Heh! Nako, Adonis, ha. Kapag lang ikaw ay may ginawang kalokohan. I swear! Iiwan talaga kita rito sa Sagada!” pagbabanta niya rito. Nilapitan naman siya nito at niyakap nang mahigpit.
“Ikaw kamo, napakaseryoso mo palagi. Chill ka lang. Baka mamaya atakihin ka niyan sa puso. Hindi pa nga kita napaliligaya, titirik na agad iyang mga mata mo.”
Mabilis niya itong kinurot sa tagiliran nito. Kahit kailan talaga ay hindi na nawala-wala ang kamanyakan nito sa katawan. Pero in fairness, nasasanay na siyang kayakap ang isang ito.
Paano na lang kapag naghiwalay na sila ng lalaki?