Chapter 21
Kapipikit pa lang niya ng mga mata nang biglang gumalaw si Adonis sa kaniyang tabi at mabilis siyang niyakap at hinalikan sa labi. Mapusok at tila nag-aalab ang halik na ipinagkakaloob nito sa kaniya. Bawat paghalik nito ay may kasamang paghaplos sa kaniyang katawan na nakapagpapataas ng mga balahibo niya.
Tila nilalagnat din ang mainit na katawan si Adonis habang nakalapat ang hubad nitong dibdib sa kaniyang hinaharap. Nakalalasing ang halik ng kasintahan kung kaya siya ay natangay sa kapusukan nito. Ikinawit niya ang mga braso sa batok nito at tinumbasan ang paghalik na ginagawa nito sa kaniya.
Lalo naman nitong pinalalim ang halik na kanilang pinagsasaluhan hanggang sa pareho na silang tangayin ng kanilang mga emosyon. Unti-unting natanggal ang mga saplot sa kanilang katawan hanggang sa wala nang matira sa mga kasuotan nila.
Saglit na tumigil sa paghalik sa kaniya si Adonis. Kahit sa malamlam na liwanag na nanggagaling sa labas ng bintana ng silid na iyon ay kitang-kita niya ang nangingislap na mga mata ng lalaki.
“Ayesha, puwede ka pang umayaw kung gusto mo,” paanas nitong turan sa kaniya habang mabilis ang bawat paghinga nito sa kaniyang ibabaw. Hindi naman siya umimik. Bagkus ay muli niyang kinabig ang batok nito upang salubungin ng kaniyang labi ang labi nito.
Tila naman isang senyales iyon para sa lalaki kaya tuluyan na siya nitong dinaganan at inangkin. Pinaghalong sarap, sakit, at tuwa naman ang kaniyang naramdaman nang mga sandaling iyon. Hinding-hindi niya pagsisisihan kailan man ang araw na ito—ang araw na isinuko niya ang kaniyang kayamanan sa lalaking kaniyang itinatangi.
Matapos ang mainit nilang pagniniig ay magkayakap silang nakatulog ni Adonis. Kapwa may ngiti sa mga labi nilang dala ang kaligayahang iyon hanggang sa kanilang panaginip.
Day 27:
Nagising siyang wala sa kaniyang tabi si Adonis ng kinabukasang iyon. Dahan-dahan siyang kumilos at inilibot ang kaniyang paningin sa loob ng silid. Nananakit ang kaniyang pang-ibabang parte ng katawan dahil sa naganap sa kanila ng kasintahan kagabi. Napangiti naman siya at napakagat sa kaniyang labi nang muling maalala ang pakikipagniig niya rito. Hindi niya akalaing tuluyan siyang matutukso sa maharot niyang kasintahan.
Maingat siyang bumaba ng kama at nagtungo sa banyo upang maligo at magbihis. Nang matapos siyang mag- ayos ng kaniyang sarili ay wala pa rin sa kanilang silid si Adonis. Kunot-noo niyang kinuha ang kaniyang cellphone at tinawagan ito. Nakalimang ring din bago ito sumagot.
“Hello, Irog ko. Na-miss mo ba ako? Pabalik na ako riyan. Huwag kang mag-alala,” masayang saad nito sa kaniya.
“Okay. Akala ko iniwan mo na ako rito, e,” sabi niya rito.
“Ha? Bakit mo naman naisip iyon? Ang iwanan ka’y hindi ko magagawa. Tandaan mo iyan. Pabalik na ako. Promise. I love you!” sabi pa nito na kaniya namang ikina-ngiti at ikina-kilig.
“Sige. Hihintayin na lang kita rito. Bye!” tugon na lang niya saka nakangiting itinabi ang cellphone.
Muli siyang napangiti at inayos ang kanilang higaan. Nakita niya roon ang ebidensiya ng kanilang pagniniig ni Adonis kagabi. Agad na nag-init ang kaniyang mga pisngi habang nakakagat-labi niyang tinakpan iyon ng kumot. Nagmadali pa siyang umalis doon dahil tila naaalala pa niya ang mainit na tagpong pinagsaluhan nila ni Adonis kagabi.
“Kung bakit ba naman kasi napakalaking tukso ng lalaking iyon, e,” bulong niya sa kaniyang sarili saka naupo sa silyang naroon malapit sa TV. Ilang sandali pa at dumating na nga si Adonis na may dalang malaking paper bag, at dalawang paper cups na sa tingin niya ay naglalaman ng kape.
“Hi!” nakangiting bati nito sa kaniya nang salubungin niya ito at kunin ang hawak nitong paper cups. Hinalikan siya nito sa noo bago sila nagtungo sa maliit na mesang kinaroroonan ng upuang kaniyang inuukupa kanina.
“Nainip ka ba? Ang sarap kasi ng tulog mo kanina kaya hindi na kita ginising. Mukhang napagod ka sa sexercise natin kagabi, e,” pilyong turan pa nito sa kaniya. Pinamulahan naman siya sa kaniyang mga pisngi sa sinabing iyon ng lalaki.
“Uy, nag-blu-blush siya!” panunukso pa nito sa kaniya.
“Heh! Tigilan mo ako, Adonis, ha! Tara na’t kumain nang makapunta na tayo sa pupuntahan natin ngayong araw,” paiwas ang tinging sambit niya sa kasintahan. Hanggang sa mga sandaling ito kasi ay nahihiya pa rin siya rito.
“Saan mo ba gustong magpunta ngayong araw? Puwede naman kasi kitang dalhin sa langit kung gusto mo,” pilyong saad nito sa kaniya.
Naitakip naman niya ang kaniyang mga palad sa mukha dahil nahihiya siya sa pinagsasasabi nito. Tumawa ito at saka mabilis na tinanggal ang kamay sa mukha niya. Ikinulong nito ang magkabilang pisngi niya sa mga palad nito.
“Huwag ka nang mahiya sa akin, Irog ko. Ngayon pa ba naman kung kailan nakita na natin ang katawan ng isa’t isa? At hindi lang basta nakita, nahawakan at natikman pa,” taas-baba ang mga kilay nitong turan sa kaniya. Pinalo niya ito sa dibdib at in-irap-an.
“Nakakainis ka, Adonis, ha!” nakanguso niyang wika sa lalaki. Agad naman siyang niyakap nito at hinalikan sa labi na agad namang nakapagpatunaw ng pagkainis niya rito. Namalayan na lang niya ang sariling tumutugon na sa halik na ipinagkakaloob ng kasintahan.
“Mahal kita, Ayesha, palagi mong tatandaan iyan. Kung ano man ang namagitan sa atin, hindi iyon dahil sa kamanyakan ko lang. May kasamang pagmamahal ‘yon—at kamanyakan mo na rin,” nakangising wika nito sa kaniya.
Tiningnan niya ito nang masama, at saka kinurot ang nipple nito. Napahiyaw naman sa sakit ang lalaki habang sinasapo nito ang nasaktang nipple.
“Ang sakit naman no’n, Irog ko!” reklamo pa nito sa kaniya. Pero inirapan niya lang ito saka binalingan ang paper bag na naglalaman ng mga pagkaing binili nito.
“Kumain na tayo para hindi kung ano-ano’ng kalokohan iyang naiisip mo!” aniya rito saka naupo sa harapan ng mesa. Sumunod na rin naman ito sa kaniya at nag- umpisang kumain.
Nang matapos ay gumayak na rin sila para magtungo sa susunod nilang distinasyon—ang Bomod-ok falls. Bago pa sila makarating doon ay madaraanan muna nila ang Rice Terraces. At ang huli nilang destinasyon ay ang Mt. Kiltepan. Doon na sila magpapalipas ng gabi dahil gusto nilang ma-experience na makita ang pagsikat ng araw sa tuktok ng bundok.
Sobrang na-enjoy nila ang kanilang pamamasyal. Bawat madaanan nilang magagandang tanawin ay hindi niya pinalalagpas. Kinukuhanan niya iyon ng mga larawan na talaga namang nakabibighani sa paningin. Hapon na nang makarating sila sa taas ng bundok. Kaya nag-umpisa nang gumawa ng bonfire ang mga kasamahan nila roon.
Wala siyang masabi sa adventure nilang ito ngayong araw. Naglakad man sila nang matagal ay sulit naman sa bawat madaanan nilang lugar. Tiyak niyang marami siyang babauning magagandang alaala pagbalik nila sa kanilang lugar. Ngayon pa lang ay na-mi-miss na niya ang lugar na ito lalo na ang lalaking kasama niya ngayon.
“Paano ba iyan, Irog ko? Wala munang labing-labing na magaganap. Maraming tao sa paligid at saka malamig masyado rito baka pulmunyahin tayo,” bulong ni Adonis sa kaniya. Nasa harapan sila ngayon ng bonfire at kumukuha ng init mula sa apoy. Tama naman kasi ito, masyadong malamig doon dahil parang kay lapit na ng langit mula sa kinaroroonan nila.
“Iyang bibig mo, Adonis!” mariing bulong niya sa kasintahan.
Tumawa lang naman ito at ikinulong siya sa mga bisig nito. Nagustuhan naman niya ang ginawang iyon ng kasintahan dahil sa init na hatid niyon sa kaniyang katawan. Kaya naman mas lalo pa siyang sumiksik dito at ninamnam ang mainit nitong katawan.
“Masarap?” tanong pa nito sa kaniya.
Tumango-tango naman siya rito bilang tugon. Kahit siguro magdamag pa sila sa ganoong posisyon ay papayag siya dahil mahina siya sa lamig.
Ilang sandali pa silang nanatili sa ganoong ayos bago sila niyaya ng kanilang tour guide na kumain. At dahil gutom na rin naman sila ay pinaunlakan na nila ang paanyaya nito. Habang kumakain ay dikit na dikit siya kay Adonis. Kulang na kulang kasi ang init na nakukuha niya mula sa suot niyang makapal na jacket at makapal na kumot na nakabalot sa kaniyang katawan.
“Paano ka makakakain nang mabuti niyan kung nakasiksik ka sa akin?” mayamaya ay tanong nito sa kaniya.
“Ang lamig-lamig kasi, e,” tugon naman niya rito at muling sumubo ng pagkain.
“Tsk! Sige, ako na lang ang magsusubo sa iyo. Ang nipis kasi ng katawan mo, e. Kaya ayan, mabilis kang lamigin,” sermon pa nito sa kaniya.
Napapangiti na lamang siya habang pinanonood niya itong pag-isahin ang kanilang pagkain sa iisang plato.
“Lumipat ka kaya rito sa harapan ko para mas madali kong maisubo?” anito na ikinalaki ng kaniyang mga mata. Kinurot niya ito sa braso nito habang pinandidilatan ito.
“Aray, Irog ko! Bakit ka ba nananakit? Ikaw na nga itong susubuan ko, ikaw pa itong galit,” reklamo nito sa kaniya.
“Iyang bibig mo kasi, e!” mariing bulong niya rito.
“Bakit na naman? Wala naman akong sinabing hindi maganda, a? Pinalilipat lang kita sa harapan ko para madali kitang masubuan nitong pagkain,” paliwanag nito sa kaniya.
Pero bigla itong napasulyap sa kaniya saka pilyong ngumiti na tila may naisip.
“Ayesha, ha. Ano bang iniisip mong isusubo ko sa iyo, ha? Ikaw, ha. Manang-mana ka na sa akin. Manyak ka na rin, Irog ko?” pilyong tanong pa nito sa kaniya na agad na ikinainit ng kaniyang mga pisngi.
Wala nga naman kasing masama sa sinabi nito sa kaniya kanina. Siya lang naman itong advance mag-isip.
“Heh! Tama na. Sige na. Lilipat na ako riyan sa harapan mo,” saway pa niya rito at saka mabilis na lumipat sa harapan ng kasintahan.
Tatawa-tawa naman si Adonis habang hinihintay na makaupo siya nang maayos sa harapan nito. Nakahahawa pala ang kamanyakan ni Adonis dahil pati siya ay iba na ang naiisip sa tuwing magsasalita ito ng mga double meaning.