Chapter 18
Day 24:
Nasa balkonahe ng bahay niya ngayon si Ayesha at tinatapos ang manuscript nang tumawag si Eds. Agad niya iyong sinagot habang patuloy pa rin siya sa pagtipa sa kaniyang laptop. Nasa huling kabanata na kasi siya ng kaniyang isinusulat kaya naman ayaw niyang tigilan ang pagsusulat doon. Lalo na at inuulan siya ng magagandang eksena sa kaniyang isipan.
“Eds, napatawag ka?” aniya rito habang tutok ang kaniyang atensiyon sa kaniyang isinusulat.
“I-re-remind lang kita na malapit nang matapos ang deadline na ibinigay ko sa iyo. Kumusta na ang manuscript mo?” tanong nito sa kaniya.
“Yeah, I know, I know. Heto na nga’t nasa huling kabanata na ako ng isinusulat ko, e. Kung hindi ka tumawag, malamang tapos ko na ito,” tugon naman niya sa kaibigan.
“Very good! Siguraduhin mo lang na magugustuhan ko iyan, dahil kung hindi ay magpaalam ka na sa mga horror- suspense mong genre!” tumatawang turan nito sa kaniya.
“Tse! Sige na, para matapos ko na ito’t ma-proofread na bago ko i-send sa iyo!” paalam na niya rito.
“Okay, babush!” wika naman nito at tuluyan na ngang nawala sa kabilang linya.
Mabilis niyang ibinaba ang kaniyang cellphone at muling binalikan ang pagsusulat. Ilang sandali pa at may ngiti na sa kaniyang mga labing pinindot ang save button sa laptop.
“Finally, natapos ka rin!” bulalas niya habang pinagmamasdan ang kaniyang obra. Ilang araw din silang hindi masyadong nagkasama ni Adonis dahil sa abala ito sa negosyo.
Napag-alaman niyang isa pala talaga itong Chef sa sarili nitong restaurant. Ang nakamamangha pa roon ay pagmamay-ari pala nito ang Seafood Restaurant na kinainan nila noon sa mall. Kaya naman pala ang lakas ng loob nitong mag-one, two, three.
Muli siyang napangiti habang iniisip ang mukha ng kaniyang kasintahan. Ngunit agad ding napalis ang kaniyang ngiti nang maalalang kailangan nga pala niyang ipagtapat dito ang katotohanan—na ginamit lang niya ito para sa kaniyang isinusulat na nobela. Napahinga siya nang malalim nang muling maisip ang ‘tungkol sa bagay na iyon.
“Paano ko kaya gagawin iyon? Baka magalit siya sa akin kapag nalaman niya ang totoo,” kausap niya sa kaniyang sarili.
Puwede rin naman kasing hindi na lang niya sabihin iyon dito. Tutal, bukod sa katotohanang ginamit lang niya ito para sa kaniyang nobela ay lahat naman ng ipinakita at ipinaramdam niya sa lalaki nitong mga nakaraang mga araw ay totoo. Totoong mahal na niya ito at walang halong pagkukunwari. Ang mga halik at yakap na kanilang pinagsasaluhan sa tuwing magkasama sila— lahat iyon ay totoo.
Napapitlag siya nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Sinulyapan niya kung sino ang tumatawag, at biglang natuwa ang kaniyang puso nang makitang si Adonis ang tumatawag na iyon.
“Hello?” masigla niyang bati rito.
“Hello, aking Irog! Nasaan ka?” masayang tanong nito sa kaniya.
“Nandito sa bahay. Bakit?” nakangiti niyang tanong dito.
“Wala lang, tinanong ko lang. Sige, bye!” paalam na nito sa kaniya at nawala na ito sa kabilang linya.
Kunot-noong napatingin na lamang siya sa kaniyang cellphone at muling bumalik sa pagmumuni-muni. Kailangan na talaga niyang masabi kay Adonis ang ‘tungkol sa bumabagabag sa kaniya. Magalit na ito kung magagalit. Basta kailangan na niyang aminin dito ang katotohanan.
Iniligpit na niya ang mga gamit sa pagsusulat at pumasok na sa loob ng bahay. Maliligo na lang muna siya bago maghanda ng pagkaing iniwan para sa kaniya ni Adonis. Palagi kasi siya nitong ipinagluluto ng pagkain bago ito pumunta sa restaurant nito. Baka raw kasi kumain siya ng lason kaya ito na mismo ang nagluluto ng pagkain para sa kaniya.
Napahinga na lamang siya nang malalim at nagtungo na sa kaniyang silid upang kumuha ng bihisan. Matapos niyang maligo at mag-ayos ng sarili ay ininit niya ang pagkain saka nag-umpisang kumain. Hindi pa man siya nakaka-ilang subo nang tumunog ang doorbell.
Yes, may doorbell na siya, courtesy of her jowa.
Binitiwan ni Ayesha ang hawak na kubyertos saka naglakad palabas ng bahay. Napangiti pa siya nang makita ang kasintahang nakangiti habang nakatayo sa labas ng gate.
“Hi! Buksan mo na’t papasukin mo na ako nang mapasok na rin kita,” pilyong saad nito na kaniya namang sinaway. Inilagay pa niya ang sariling hintuturo sa tapat ng kaniyang labi habang pinanlalakihan ito ng mga mata.
“Ikaw talaga, iyang bunganga mo!” sabi pa niya rito nang mabuksan na niya ang gate. Agad naman siya nitong siniil ng halik nang makapasok na ito sa bakuran. Wala naman siyang nagawa kung hindi ay gantihan ang halik nito at mapayakap na lang dito.
“Hmm, grilled salmon,” sambit pa nito habang tinitikman ang sariling labi nito matapos siyang pakawalan. Natatawang tinampal niya ito sa dibdib nito at hinila na ito papasok sa loob ng bahay. Agad naman itong naupo sa silyang katapat ng kaniyang inuupuan kanina.
“Ang aga mo yata ngayon?” nagtatakang tanong niya rito saka ipinagpatuloy ang kaniyang pagkain.
“Na-miss kasi kita kaya inagahan ko ang pag-uwi,” nakangiti namang saad nito sa kaniya. Napangiti naman siya sa sinabi ng kasintahan. Kaya iniumang niya ang kaniyang labi upang halikan nito. Hindi naman siya nito binigo dahil inilapit din ng lalaki ang mukha sa kaniya saka siya hinalikan.
“Teka, kumain ka na ba?” mayamaya’y tanong niya kay Adonis.
“Hindi pa. Bakit? Magpapakain ka ba?” taas-baba ang mga kilay nitong tugon sa kaniya.
“Ayan ka na naman sa kamanyakan mo, e!” aniya rito saka inirapan. Tatawa-tawa lang ito sa kaniyang harapan habang pinagmamasdan siya nito.
Naglagay siya ng pagkain sa kutsara saka iniumang iyon sa bibig ng kasintahan. Agad naman nitong isinubo ang kutsarang may lamang pagkain at ngumiti sa kaniya habang ngumunguya. Pinagsaluhan nila ang pagkaing nasa mesa habang masaya silang nagkukulitan.
Matapos nilang kumain ay inutusan niya na itong manood na lang muna sa sala habang inililigpit niya ang mga pinagkainan. Sumunod naman ito sa kaniya kaya mabilis niyang natapos ang paghuhugas ng maruruming kasangkapan. At nang matapos ay nagtungo na siya sa sala at tinabihan na ang kasintahan sa sofa. Agad naman siya nitong kinabig pasandal sa dibdib nito at niyakap habang nanonood.
“Adonis, bakit ka nga maaga ngayon?” mayamaya’y tanong niya ulit dito.
“Hmm, bukod sa na-miss kita ay yayayain sana kita sa Sagada, e,” sagot nito sa kaniya. Tiningala niya ito upang malaman kung seryoso ba ito, o nan-ti-trip na naman.
“Seryoso ba iyan o pinagti-trip-an mo na naman ako?” tanong niya rito.
“Ako? Man-ti-trip?” kunwari ay gulat na tanong nito sa kaniya.
“Oo! Palagi mo nga akong pinagti-trip-an, e!” pairap naman niyang tugon dito.
“Grabe ka, Irog ko, a! Totoo nga. Pupunta tayong Sagada para masagad kita—este masagad ko ang mga araw na kasama kita,” nakangiting wika nito sa kaniya kaya nakatikim tuloy ito ng kurot sa braso.
“Ayaw kong sumama. Baka magahasa mo pa ako roon!” sagot niya rito.
“Irog ko, kung gagahasain kita, bakit sa Sagada pa? E, puwede naman dito. Gusto mo ngayon mismo, gahasain na kita, e!” sabi pa nito.
Agad siyang napalunok at kinabahan sa sinabing iyon ni Adonis. May punto nga naman ito. Kung gagahasain siya nito ay kahit ngayon mismo puwede nitong gawin iyon.
Bigla tuloy siyang napakalas sa pagkakayakap nito at dumistansiya sa kasintahan. Nakaloloko naman siyang tiningnan nito na parang manyakis sa pelikulang kaniyang napapanood.
“Adonis, umayos ka! Baka sipain kita riyan!” nagtatapang-tapangang pagbabanta niya rito.
Hindi naman siya pinakinggan ng lalaki na dinilaan pa ang labi saka unti-unting lumapit sa kaniya. Kinakabahan naman siyang napaatras sa kaniyang kinauupuan hanggang sa wala na siyang maatrasan. Mabilis siyang tumayo ngunit mas mabilis si Adonis dahil niyakap siya nito sa kaniyang baywang at hinila pabalik sa sofa.
“Adonis, maghunos-dili ka! Huwag mong gagawin ang isang bagay na pagsisisihan mo!” patiling sambit niya rito habang inilalapit nito ang katawan nito sa kaniya. Nakaloloko itong ngumiti at tila aliw na aliw sa kaniyang itsura. Habang siya naman ay hindi malaman kung paanong tatakasan ang kasintahan habang nakahiga na siya sa sofa.
“Wala naman akong gagawin na pagsisisihan ko. Saka, magugustuhan mo rin naman ang gagawin ko, Irog ko,” pilyong saad pa nito sa kaniya.
“Heh! Umayos ka na kasi! Huwag kang ganyan. Sige na. Sasama na ako sa Sagada. Umayos ka na kasi ng upo!” Palakas nang palakas ang pagtibok ng kaniyang puso habang patuloy pa rin ito sa paglapit sa kaniya.
“Aba, Irog ko, maayos ako. Ikaw lang naman itong hindi maayos. Hahalikan lang naman kita kung ano-ano na iyang iniisip mo,” sabi nito sa kaniya. Kaya naman hinampas niya ito sa dibdib nito at buong lakas na itinulak para makawala na siya rito.
“Siraulo ka talagang, lalaki ka! I hate you!” Ang lakas lang naman ng pagtawa ni Adonis habang sinasalag nito ang kaniyang mga kurot at hampas. Ang buwisit na lalaki ay naisahan na naman siya.
“Break na tayo!” aniya rito saka tumayo at tumalikod sa lalaki.
“A, gano’n. Gusto mo talagang magahasa, ha. Halika rito at gagahasain na talaga kita nang hindi mo na ako iwan!”
Pagkasabi niyon ay mabilis siya nitong binuhat at inihiga sa sofa. Wala na siyang nagawa nang daganan siya nito at siilin ng halik ang kaniyang labi. Naikawit na lamang niya ang mga braso sa batok nito, at tinugunan ang halik na ipinagkakaloob nito sa kaniya.