Chapter 17

Day 21:

Magaan ang pakiramdam ni Ayesha nang bumangon siya sa kama kinabukasan. Feeling niya ay ang ganda-ganda niya ngayong araw lalo na nang makita niya ang sariling repleksiyon sa salamin ng kaniyang silid. Parang ang glow ng aura niya ngayon kumpara sa nakalipas na mga araw.

Agad niyang kinuha ang laptop at binuksan iyon upang ituloy ang binubuong nobela. Dahil maaga pa naman ay naisipan niyang simulan na agad ang nalalabing ilang kabanata ng kaniyang istorya bago maghanda ng almusal. Tutal ay wala naman ngayon si Adonis kaya walang aabala sa kaniyang pagsusulat.

Dahil sa sobrang dami ng ideas na pumapasok sa kaniyang isip ay hindi niya namalayan ang oras. Masyado kasi siyang nawili sa kaniyang pagsusulat kaya nang tingnan niya ang orasan ay mag-a-alas-tres na pala ng hapon.

Hinubad niya ang kaniyang salamin at saka papikit na inilapat ang kaniyang likuran sa kama. Ngiting-ngiti pa siya habang marahang minamasahe ang palibot ng kaniyang mga mata. Ngunit napabalikwas siya ng bangon nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Agad niyang hinanap iyon saka nagmamadaling sinilip kung sino ang tumatawag sa kaniya.

Bigla naman siyang nataranta habang kinikilig nang makita niyang si Adonis ang tumatawag. Kinuha pa niya ang kaniyang unan saka iyon kinagat-kagat habang impit na tumitili. Nang makuntento ay saka siya tumikhim at umayos ng upo bago sinagot ang tawag nito.

“H-hello?” pabebe niyang sagot dito.

“Maganda ka pa sa hapon, Irog ko! Nasaan ka?” malambing nitong tanong sa kaniya.

“Nasa bahay. Bakit?” sagot naman niya rito saka kinagat ang kaniyang pang-ibabang labi para mapigilan ang mapatili.

“Sumilip ako sa bahay mo pero nakasara lahat ng bintana’t pinto mo. Akala ko umalis ka,” tugon naman nito sa kaniya.

“Ha?” takang tanong niya rito saka natampal ang noo nang maalalang hindi pa nga pala siya tumatayo mula sa kaniyang kama, since this morning.

“A, tinanghali kasi ako ng gising kanina at tinatamad akong bumangon. Kaya nakasara pa rin ang mga bintana’t pintuan ko,” nahihiyang tugon na lang niya rito.

“So, ibig sabihin hindi ka kumain buong maghapon? Humanda ka sa akin mamaya pagkaluto ko nitong pagkain. Nagpapalipas ka ng gutom. Paano kung magkasakit ka? Hindi pa nga tayo ikinakasal mababalo na kaagad ako,” litaniya nito sa kaniya. Napangiwi siya nang banggitin nito ang salitang kasal. But at the same time, kinilig din siya. Napapakamot na lang siya sa kaniyang kilay dahil wala siyang maisagot kay Adonis.

“Hello, Ayesha? Nandiyan ka pa ba?” tanong nito sa kaniya.

“O-oo, nandito pa ako. Sige na at maliligo na ako bago mo ako sermonan lalo,” sabi na lang niya rito.

“Kita mo, pati paliligo hindi mo pa nagagawa. Ibig sabihin, kung hindi pa kita tinawagan ay hindi ka pa kikilos? Buksan mo muna iyong gate mo bago ka maligo,” utos nito sa kaniya.

“At bakit?” nakataas ang isang kilay niyang tanong dito.

“Ano’ng at bakit? Buksan mo na lang, at maligo ka na. Lagot ka talaga sa akin mamaya,” may pagbabantang saad pa nito sa kaniya.

“Sabi ko nga, e. Sige na. Bye!” paalam niya na rito at nagmamadali na siyang nagbukas ng kaniyang mga bintana at pinto. Patakbo niyang binuksan ang gate ng bahay niya bago siya nagmamadaling nanguha ng kaniyang bihisan saka nagtungo sa banyo upang maligo.

Mabilis lang ang ginawa niyang pagligo. Kaya eksaktong makapasok si Adonis sa kaniyang bahay ay nakalabas na rin siya sa banyo. Nakamaong skirt lang siya at puting blusa na may maliliit na flower prints. Kitang-kita tuloy ang mapuputi niyang mga hita. Habang ang tuwalya ay nakabalumbon pa rin sa kaniyang basang buhok.

“Hi,” bati niya kay Adonis na ngayon ay nakatingin lang sa kaniya.

“Bakit ganyan ang suot mo?” kunot-noong tanong nito sa kaniya. Napasulyap naman siya sa kaniyang sarili at muling tumingin sa lalaking ngayon ay nakangisi na sa kaniyang harapan. Tinaasan niya ito ng isang kilay habang nakahalukipkip siya sa harapan nito.

“Bakit? Ano’ng problema sa suot ko?” mataray niyang tanong dito.

“Aba, at nagtataray ka pa ngayon, ha. Teka lang,” sabi naman nito sa kaniya. Napaatras siya mula sa kinatatayuan nang mabilis itong nakalapit sa kaniya. Napatili siya nang bigla na lang siyang buhatin ni Adonis at dalhin sa kusina. Pagkatapos ay pinaupo sa ibabaw ng dining table. Inilapag muna nito ang hawak nitong baunan saka siya muling hinarap.

“Ikaw na babae ka. At bakit ka nagpapalipas ng gutom? Gusto mo bang ako pa ang magsusubo sa iyo? Ikaw rin. Baka iba ang ipasubo ko sa iyo,” pilyong saad nito sa kaniya.

“Hoy! Iyang kamanyakan mo, Adonis, ha!” sita niya rito sabay palo sa dibdib nito. Tatawa-tawa naman nitong hinuli ang kaniyang kamay at inilagay iyon sa baywang nito saka siya ikinulong sa mga bisig nito. Bigla namang napalis ang pagkainis niya sa lalaki at gumanti na lang siya ng yakap dito.

“Uy, na-miss niya ako,” panunukso pa nito nang yakapin niya ito nang mahigpit.

“Hindi, a!” kaila naman niya. Akmang kakalas siya sa pagkakayakap kay Adonis nang higpitan nito ang pagkakayakap sa kaniya.

“Ganito lang tayo para sweet,” sabi pa nito sabay halik sa kaniyang noo. Para namang natunaw ang puso niya sa ginawa nitong paghalik sa kaniyang noo. Kung kaya napasandal na lang siya ulit sa dibdib nito at muling niyakap ang kasintahan. Ilang sandali pa ay pinakawalan na rin siya nito at iniangat ang kaniyang mukha.

Tinitigan nito ang kaniyang mga mata at dahan-dahang inilapit ang mukha nito sa kaniya. Agad siyang napapikit at hinintay ang paglapat ng labi nito sa kaniyang mga labi. Ngunit ilang segundo na siya sa ganoong ayos ay hindi pa rin lumalapat ang labi nito sa kaniya. Kaya naman agad na siyang nagmulat ng mga mata. Only to find out na wala na sa kaniyang harapan ang magaling na kasintahan.

“Ano pa’ng ginagawa mo riyan? Halika na. Kumain na tayo,” nakangising saad nito habang nakatunghay sa kaniya. Nag-init naman ang kaniyang mga pisngi dahil sa pagkapahiya. Akala kasi niya ay hahalikan siya ni Adonis. Iyon pala ay bibitinin lang siya nito. Dahil sa inis ay mabilis siyang bumaba mula sa pagkakaupo sa ibabaw ng mesa at nagmamartsang naglakad patungo sa kaniyang silid.

“Irog ko, saan ka pupunta?”

“Irog mong mukha mo! Kumain kang mag-isa!” singhal niya rito habang nagpapatuloy sa paglalakad.

Mabilis naman siya nitong nasundan at nahawakan sa braso. Pumiksi siya at pilit na inaalis ang kamay nito sa kaniyang braso. Tila naman aliw na aliw ito at nakangisi pa sa kaniyang harapan.

“Bitiwan mo ako!” naiiyak na niyang singhal dito. Hindi niya alam kung para saan siya naiiyak. Siguro dahil sa pagkapahiyang naramdaman kanina.

“Bakit ka ba kasi nagagalit?” tanong nito sa kaniya.

“Ewan ko sa‘yo!” Tuloy pa rin siya sa pagpupumiglas sa pagkakahawak ni Adonis.

“Ayesha, bakit nga kasi nagagalit ka? Dahil ba sa akala mong hahalikan kita kanina?” tanong pa ng lalaki habang pinipigilan nito ang mapangiti sa kaniyang harapan.

Tiningnan niya ito nang masama at hindi na napigilan ang mapaiyak sa harapan nito. Naiinis siya rito dahil sa pang- aasar pa nito sa kaniya kahit alam naman nitong napahiya siya kanina.

“Hala, sorry na. Binibiro lang naman kita, e. Hindi ko naman alam na iyakin ka pala kapag hindi na-kiss,” tatawa-tawa pang sabi nito habang pilit siyang hinihila upang yakapin.

“Heh! Bitiwan mo na ako. Break na tayo!” parang bata pa niyang sabi rito.

“Uy, Ayesha, walang ganyanan, a. Binibiro lang naman kita, e. Hindi ko naman alam na pikon ka pala. Pero ngayong alam ko na ay lalo pa kitang pipikunin.” Sinuntok niya ito sa dibdib na sinalag lang naman ng kasintahan.

“Buwisit ka talagang lalaki ka! Lumayas ka na rito sa bahay ko! Ayaw ko na sa iyo! Bre—” Hindi na niya naituloy ang ano mang sasabihin nang mabilis siya nitong ikulong sa mga bisig nito at sakupin ang kaniyang labi.

Nagpupumiglas siya ngunit sadyang malakas ito. Kaya wala siyang nagawa nang marahas siyang halikan ng lalaki. Mariin at parang parusa ang halik na ipinagkakaloob nito sa kaniya. Hanggang sa tumigil ito at hinihingal na tumingin sa kaniyang mga mata.

“Sa susunod na sabihin mo sa aking makikipaghiwalay ka na ay hindi lang iyan ang mararanasan mo. Dahil lahat ng puwede kong iparanas sa iyo ay gagawin ko para hindi ka na makawala pa sa akin,” anito bago nito muling angkinin ang kaniyang labi.

Sa pagkakataong ito ay magaan at punong-puno na ng pagmamahal ang halik na ipinagkakaloob nito sa kaniya. Tila naman bulang naglaho ang kaniyang pagkainis dito at buong pusong tinugunan ang bawat halik nito sa kaniyang mga labi.