CHAPTER 19 WORKBOOK
Badtrip.
Sobrang badtrip kasi akala niya part pa rin ng laro naming dalawa 'yong pagsagot ko sa kanya kanina.
And guess what? Lasing siya ngayon. Actually, hindi lang siya. Pati sina Callen , Shawn at Ian lasing na rin.
Sina Rhian at Ashley 'yong nag uwi kina Shawn, Ian at Callen habang ako naman e nagpaiwan para kausapin itong si Bright.
Naka-upo siya ngayon sa sofa habang mahimbing na natutulog. At tingin ko, hindi ko na maiistorbo pa ang isang 'to sa sobrang himbing ng tulog niya. Ayoko na sanang magpaiwan pa rito kaso lang gusto ko pa siyang makausap. Gusto kong linawin sa kanya na hindi na part ng laro namin ang pagsagot ko sa kanya kanina.
Kasi totoong sinagot ko na talaga siya. Sa puso ko, boyfriend ko na siya. Pero para sa kanya, part lang 'yon ng laro. At 'yon ang gusto kong linawin.
Umupo ako sa tabi niya habang nag-iisip ng paraan kung papano ko siya gigisingin. Medyo nagdadalawang isip pa akong gisingin siya kasi baka hindi na ulit siya makabalik sa pagtulog mamaya.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko ngayon habang nakatitig sa mukha niya. Hindi ko alam kung papano ko siya gigisingin. Kakalabitin ko ba siya o wag na lang? Pano ba 'to? Pano kung magalit siya sakin kasi ginising ko siya?
Napatayo ako sa gulat nang gumalaw siya. Ang akala ko gising na siya pero hindi pala. Nawala ang kaba ng dibdib ko nang makumpirmang tulog pa siya.
Naramdaman kong nag vibrate ang cellphone ko sa bulsa ko kaya naman kinuha ko 'yon para tingnan kung sino ang nag text. At nang makita kong si Mama na 'yon na tinatanong kung anong oras ako uuwi, do'n na ako nagpanic kasi wala ng oras at kailangan ko na siyang gisingin.
Agad kong niyugyog ang balikat niya para gisingin siya. Ilang beses ko siyang niyugyog sa balikat hanggang sa magising siya.
At heto na, gising na siya. Pero nakahiga pa rin. Ilang segundo bago siya napatitig sa mukha ko. Do'n ko lang nakitang namumula 'yong mga mata niya. Talagang antok na antok siya.
"Bakit?" mahinang sambit niya at muling pinikit ang mga mata na para bang gustong bumalik sa pagtulog. At bago pa man siyang tuluyang makatulog ulit ay nagsalita na ako.
"'Yong pagsagot ko sa'yo kanina, hindi 'yon part ng laro."
Agad naman siyang napamulat ng mata na tila nagulat sa sinabi ko at napatitig sa mga mata ko.
Pakiramdam ko sa naging reaksyon niyang 'yon ay nawala bigla ang antok niya.
"E, ano 'yon?" nagtataka nitong tanong.
Hindi ko alam kung papano ko i-explain sa kanya 'to, pero bahala na.
"Totoo 'yon." seryosong sagot ko.
Pero mukhang hindi niya na gets.
"Totoong ano?" nakakunot noo nitong tanong.
Nahihiya ako ngayon kasi hindi ko alam kung papano ko sasabihin 'to sa kanya. . . Pero bahala na.
Bumuntong hininga ako sabay sabing,
"Totoong sinagot na kita." saad ko.
Wala siyang naging reaksyon sa sinabi ko. Tahimik siya saglit habang pilit na iniintindi 'yong sinabi ko. Pero maya-maya pa ay bigla siyang tumawa. Nagtaka naman ako kasi 'di ko alam kung anong nakakatawa do'n sa sinabi ko.
"Ano? Gusto mo'ko? Nagpapa-tawa ka ba?" natatawa niyang sabi. "Pina-prank mo'ko 'no?"
Napa-irap naman ako sa sinabi niya.
Pina-prank? Sira talaga ang isang 'to. Bakit ko naman gagawin 'yon?
Pambihira naman, oh.
"Seryoso ako." inis kong sabi.
Sino ba naman kasi ang hindi maiinis. Umaamin ako tapos tatawanan niya ako at sasabihing pinaprank ko siya. Sira ulo ba siya?!
"So sinasabi mong gusto mo'ko?" paglilinaw niya.
Tumango naman ako. "Oo nga. Gusto nga kita."
Muli siyang natawa.
Ewan ko ba, ganito ba siya kung malasing? Parang baliw. Tumatawa kahit wala namang may nakakatawa.
Sinandal niya 'yong ulo niya at muling pinikit ang mga mata niya pero hinawakan ko ang mukha niya at hinarap 'yon sakin.
"Maniwala ka. Hindi na 'yon part ng laro. Hindi ako nagbibiro. Kasi totoong gusto na kita, Bright." dagdag ko pa.
Inangat niya 'yong kamay niya at hinawakan 'yong mukha ko at pinisil 'yon bago nagsalita.
"Alam mo," tapos ngumiti siya, "Cute mo."
Napalunok naman ako ng laway dahil do'n sa sinabi niya. "P-pano mo nasabi?" nauutal kong tanong.
"Matagal ka ng cute sa panigin ko, hindi ko lang sinasabi." sagot naman niya.
Natahimik ako kasi inisip ko saglit na na ku-kyutan pala siya sakin.
Ibig sabihin ba nito. . . May crush siya sakin? Kasi cute ako sa paningin niya.
Pero. . . Hello? Hindi naman porket na ku-kyutan siya sayo Danielle e crush kana agad. Wag assuming.
Dibale na. Ayokong mag isip ng mga ganito. Gusto kong makakuha agad ng sagot tungkol do'n sa sinabi ko sa kanya.
Huminga ako ng malalim habang humuhugot ng lakas ng loob para tanungin siya pabalik. Siguro mga halos ilang minuto rin akong bume-bwelo hanggang sa magsalita na ako.
"E ikaw?" kabadong tanong ko. "Gusto mo rin ba ako?"
Hindi niya ako sinagot.
No'ng una akala ko nagulat siya or nag iisip ng sagot sa tanong ko kaya hindi siya nakapagsalita agad pero nang makita kong nakapikit pala siya at napagtanto kong tulog na siya, do'n na ako na badtrip lalo.
Gigisingin ko pa sana ulit siya nang may marinig akong footsteps tapos biglang bumukas 'yong pinto ng bahay nila. Do'n ko nakitang dumating na pala 'yong Mom at Dad niya galing sa trabaho. Nag hello lang ako sa kanila nang makita nila ako at natuwa naman 'yong Mom niya no'ng makita ako rito. Hindi raw niya in-expect na pupunta ako. Kinamusta pa niya si Mama sakin at tinanong din niya kung nasaan ang iba pa naming mga kasamahan dito.
"Umuwi na po sila, Tita." nakangiting sagot ko.
Nilingon ko si Bright, do'n ko nakitang sobrang himbing na ulit ng tulog niya. Badtrip naman ang isang 'to. Papano siya nakatulog nang gano'n-gano'n na lang?
Dibale na, mas okay siguro kung umuwi na lang ako. Bukas na lang kami ulit mag-usap.
Nagpa-alam ako sa Mom at Dad niya. Maglilinis pa sana ako ng mga kalat namin kanina pero ang sabi ng Mom niya siya na raw bahala ro'n. Kaya ayon, hinatid na lang niya ako sa labas ng bahay nila since tulog na si Bright.
Habang nakasakay ako ng taxi pa-uwi, nakasimangot ako. Ang layo kasi nitong pangyayareng 'to sa ine-expect ko. Hindi ganito 'yong gusto kong mangyare pero anong magagawa ko? Ito 'yong gusto ng tadhana, e.
***
Kinabukasan, late siya ng 10 minutes. Pero hindi naman nagalit 'yong teacher namin kasi nag ku-kwento lang naman siya samin no'n at hindi nag le-lecture. 'Yong mga ka-klase ko kasi gumawa ng paraan para maudlot 'yong lecture kaya ayon tanong sila ng tanong sa teacher namin tungkol sa mga bagay-bagay hanggang sa napa-kuwento na lang ito.
No'ng breaktime, nag decide ako na kausapin siya. Saktong lahat ng mga ka-klase ko e nagsi-puntahan na ng canteen para bumili ng pagkain at kaming dalawa 'yong naiwan sa classroom kaya naman kinuha ko na ito bilang pagkakataon para makausap siya.
Tumayo ako at nilapitan siya, 'yong itsura niya no'n e parang kulang sa tulog.
Pero cute pa rin.
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Tumango siya pero parang napipilitan lang,
"Sige." tapos tumayo siya sa upuan niya. "Tungkol saan ba?"
Wow naman. Nag ku-kunwareng walang alam.
"Tungkol sa sinabi ko sayo kagabi." sagot ko at bumuntong hininga ng sobrang lalim. "Totoo lahat ng 'yon."
Nakita kong kumunot 'yong noo niya na parang 'di alam kung ano ang tinutukoy ko.
"May sinabi ka?"
"'Yong kagabi."
"Ano ulit 'yon? Sorry, di ko maalala."
Anak ng tokwa!
"Anong hindi mo maalala? E, kausap kita no'n. Sumasagot kapa nga, e."
"Ang naalala ko lang, sinagot moko ng pakunware. Kaya simula ngayon, ang akala ng mga kaibigan natin ay totoong tayo na."
"May isa pa akong sinabi." dagdag ko pa.
Napakamot siya sa ulo niya at pilit na inaalala 'yong kung ano man ang tinutukoy ko. Pero mukhang hindi niya maalala. "Lasing ako kagabi. Hindi ko maalala. Sorry. Pero pwede mo namang sabihin ulit sakin ngayon."
Ay potek.
Wala na akong lakas ng loob para sabihin 'yon sa kanya ngayon.
"Dibale na, kalimutan mo na lang 'yon." inis kong sabi at tinalikuran siya at pumuntang canteen.
No'ng lunch time, kinausap ako ng mga kaibigan ko. Tinanong nila ako kung kamusta ang unang araw na kami na ni Bright. Siyempre, nagkunware naman akong masaya kahit na deep inside e hindi naman talaga.
Sinabi ko rin kay Callen na totoo 'yong pagsagot ko kay Bright at hindi lang 'yon basta-basta part ng laro naming dalawa. Ni hindi nga siya makapaniwala.
"Seryoso ka? Sinagot mo na dapat siya? As in 'yong totoo mismo?"
"Oo nga. Kaso lang akala niya e part lang 'yon ng laro namin."
Napaisip siya saglit bago nagsalita, "Kahit ako 'yon din 'yong akala ko. Di ko naman in-expect na tinutoo mo na pala. Pero diba, nagpaiwan ka kagabi no'ng umuwi na kami? Hindi mo man lang ba siya kinausap ulit?"
"Ginawa ko." sagot ko. "Sinabi at nilinaw ko sa kanya pero nakalimutan niya."
"Nakalimutan ba talaga? O baka naman gumaganti lang siya sa'yo?"
"Gumaganti?"
Bakit naman siya gaganti?
"Kasi 'yong scratch paper na binigay niya sa'yo hindi mo na gets. Kaya naisip ko na baka nagpapanggap lang siya na nakalimutan niya dahil lasing siya no'n pero 'yong totoo hindi pala niya nakalimutan. Gano'n."
Hindi kaya tama itong hinala ni Callen?
Gumaganti lang kaya siya dahil hindi ko na gets 'yong Schrodinger Equation na 'yon? Pero impossible naman. Hindi naman siya 'yong tipo na gumaganti. Kilala ko ang isang 'yon. Hindi siya gano'n kaya malabo itong sinasabi ni Callen.
Napailing ako, "Impossible 'yang sinasabi mo. What if, nagsasabi talaga siya ng totoo, diba? Wag nating siyang i-judge."
"Hay naku, bahala ka na nga." tapos kinuha niya 'yong phone niya. May nagtext kasi. Tiningnan niya 'yon saglit bago siya nagpaalam sakin.
No'ng uwian, niyaya ako nina Rhian at Ashley na sumama sa kanila mag mall. Hindi dapat ako sasama kaso nabalitaan kong kasama si Bright kaya naman nag decide na akong sumama sa kanila. Pero since may kanya-kanya pa silang ginagawa e nagpunta muna akong Cr para mag ayos. Na co-conscious kasi ako sa itsura ko. Feeling ko hindi ako maganda. Gusto ko namang maging cute at maganda sa harap ni Bright mamaya para magustuhan rin niya ako. Baka lang naman.
Nang makatanggap ako ng text galing kay Rhian na paalis na raw kami ay tsaka na ako lumabas ng CR at nagtungo sa labas ng gate kung saan hinihintay nila ako ngayon. Grabe, hindi man lang nila ako hinintay para sabay-sabay na kaming lumabas ng campus. Talagang nauna sila ah.
Pero dibale na, sana ma appreciate man lang niya ang paglagay ko ng blush on tsaka paglagay ng liptint at paglagay ng mascara ko sa pilik mata ko.
Nang makalabas ako ng gate, agad ko silang natanaw. Pero isa lang ang hindi ko inasahang makita ngayon dito. 'Yon ay ang babaeng kulot ang buhok na may gusto sa kanya.
Ano nga ulit pangalan nito? Geneva ay mali. . . Genevieve pala.
At ano namang ginagawa niya rito? Bakit kasama nila si Genevieve? At talagang naabutan ko pa silang magka-usap ni Bright.
Naiinis ako. Ay mali, hindi ako naiinis dahil nagseselos ako.
Worse, Wala man lang may nakapansin sa presence ko dahil busy sila sa pag uusap-usap. Kainis naman. Para naman akong hangin dito.
Nang makita ako ni Rhian, tinawag niya ako kaya napalingon silang lahat sakin pati na rin si Genevieve at Bright.
"Nandito ka na pala." saad ni Rhian at lumapit naman ako sa kanila ng wala sa mood.
"Kakarating ko lang." malamig sa sambit ko.
"O siya, tara na." saad ni Bright at nagsimulang maglakad patungong waiting shed sa harap ng campus.
Dahil do'n, nainis ako lalo. Kasi hindi man lang niya napansin itong make over ko. Tapos hindi man lang niya ako nilapitan at kinausap kahit isang 'hi' man lang o kahit smile lang 'di niya ginawa. Kulang na sa attensyon kung kulang, basta, nasasaktan ako ngayon kasi feeling ko mas masaya pa siyang kasama si Genevieve kaysa sakin.
Sabagay, sino ba ako para ibigay niya ang buong attensyon niya?
Napatigil ako sa paglalakad. "Guys, nagbago isip ko." saad ko at nagtaka naman nila akong nilingon.
Tapos lumapit sakin si Ashley, "Ha? Anong nagbago isip mo?"
Ngumiti ako sa kanila kasi ayokong ipakitang na ba-badtrip ako, "Hindi na ako sasama. Naalala ko bigla na may gagawin pa pala ako. Kayo na lang, enjoy kayo." tapos ngumiti ako sa kanila ng peke.
Tatalikod na sana ako nang biglang lumapit sakin si Genevieve para kumbinsihin ako na sumama. At siya pa talaga gumawa no'n, ha. Feeling ko tuloy walang paki si Bright kung sasama ako o hindi. Hays.
"Why naman? Is it because of me ba?"
Ayan na naman siya. Kaloka talaga 'yong salita niya.
"Hindi, ah." pagsisinungaling ko. "May gagawin lang talaga ako. Kayo na lang."
Hinawakan niya ang kamay ko, "But I want to know you. So come with us, please." pagmamakaawa niya na may kasamang pagpapa-cute pa.
"Bakit mo naman ako gustong makilala, ha?" tanong ko, halatang naiirita.
"Because you're Bright's Girlfriend. So I want to know my friends Girlfriend." nakangiting sagot niya.
Oo nga pala, ang akala niya e girlfriend na ako ni Bright dati pa. Kung hindi ko siya sinagot kagabi, baka magtaka 'yong mga kaibigan ko tungkol dito at mahihirapan na naman akong magpaliwanag sa kanila. Hays. Buti na lang talaga.
Pero hindi naman ako girlfriend ni Bright. Walang sense kung gusto niya akong kilalanin. Tsaka, hindi ko kaya makalimutan 'yong sinabi niya noon na babalik na lang siya rito kapag nag break na kami. Ibang klase rin siya, ah. Bakit kaya siya nandito? Para ano? Para agawin si Bright sakin?
Hah! Sorry na lang siya. Kasi hindi ako papayag.
Pero sa ngayon, wala akong magagawa para paglayuin silang dalawa. Naiinis ako kay Bright kasi pakiramdam ko wala siyang paki sakin kung sasama ba ako sa kanila o hindi.
Napatingin ako sa kanya, nakatitig lang siya sa phone niya ngayon na parang walang paki sa paligid. Muli akong napatingin kay Genevieve at binigyan siya ng pekeng ngiti, "Next time na lang, ha. Busy ako, e."
"Uy, sigurado ka? Ayaw mong sumama?" bulong sakin ni Ashley. "Sasama pa naman si Bright."
'Yon na nga, e. Sasama siya pero wala siyang paki sakin kung sasama ako o hindi.
"Hindi na, Ashley. Kayo na lang. Enjoy kayo." bulong ko sa kanya pabalik.
"Sige na, Guys. Una na ako." paalam ko sa kanila bago ako tumalikod at umalis.
Habang naglalakad ako, naisipan kong lingunin sila. Paglingon ko, nakita kong pinantayan ni Bright 'yong lakad ni Genevieve habang nag-uusap silang dalawa.
Akala ko pa naman wala siyang gusto kay Genevieve. Pero ano 'tong nakikita ko ngayon? Kainis talaga.
Pagdating ko ng bahay, pahiga-higa lang ako sa kama ko habang hinihintay 'yong oras na lumipas.
Dalawang oras na simula no'ng maka-uwi ako ng bahay at heto ako, iniisip kung naka-uwi na ba siya ngayon o nando'n pa rin kasama si Genevieve?
Nag-aalala ako na baka sa isang iglap e makalimutan niya ako dahil lang sa may kasama siyang iba.
Hays. Bakit ba ako nag-aalala? Ano ko ba siya? Ano ba niya ako? Jowa ko ba siya? Shota ba niya ako? Hindi naman, ah. Wala namang kami kaya hindi dapat ako nag i-illusyon dahil wala akong karapatang gawin 'yon.
Tiningnan ko kung online si Rhian. Icha-chat ko sana siya kung naka-uwi na sila pero hindi ko alam kung online ba siya o offline kasi naka-turn off 'yong active status niya gano'n din si Ashley pati na rin si Bright. Hays. Ano ba 'tong nangyayare sa mga kaibigan ko't ayaw nilang may maka-alam na online sila?
Turn off ko na lang rin kaya itong active status ko. Nang sa gano'n ay walang may maka-alam na online rin ako.
Maya-maya pa biglang may nag pop up na message sa phone ko. Pagtingin ko, si Bright 'yon.
Your Bright✧
active now•
Nasan ka?
Baby Deyn♡
active now•
Bakit mo tinatanong?
Your Bright✧
active now•
Wala lang.
Bakit parang galit ka?
Baby Deyn♡
active now•
Hindi ako galit.
Tinatanong lang kita.
Your Bright✧
active now•
Nandito ako sa labas ng bahay niyo.
Agad akong napabangon sa kama ko dahil sa gulat nang mabasa ko 'yong reply niya.
At ano naman ang ginagawa niya sa labas ng bahay nang ganitong oras?
Baby Deyn♡
Actiive now•
Ay wee??
Tumayo ako at sumilip sa bintana ng kuwarto ko. Pagtingin ko sa baba, nakita kong nasa labas nga siya ng gate.
Oh my gosh!
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Ano naman kasi ang ginagawa niya rito?
Nataranta ako saglit habang pinag-iisipan kung anong gagawin ko.
Kung lalabas ba ako ng ganito lang ang itsura o mag-aayos muna ako?
'Yong suot kong short sobrang ikli tapos naka sleeveless lang ako. Tiningnan 'yong itsura ko sa salamin, ang gulo ng buhok ko tapos ang hahard ng itsura na animo'y kulang sa tulog.
Naks naman, sana man lang nagsabi siya na pupunta siya rito para nakapag handa man lang ako.
Mukhang kailangan kong magbihis at mag-ayos saglit.
Kinuha ko ang phone ko at chinat siya.
Baby Deyn♡
active now•
Wait, lalabas ako after two minutes.
Your Bright✧
active now•
Bakit? Ano ba ginagawa mo?
Baby Deyn♡
active now•
Basta.
Tapos nag-ayos na ako. Naghanap ako ng matinong damit tsaka hindi masyadong maikling short na mukhang maganda at maayos tingnan tsaka ko sinuklay ang buhok ko at naglagay ng pulbo sa mukha at tsaka naligo ng pabango bago ako lumabas ng kuwarto ko at lumabas ng bahay.
Pagbukas ko ng gate, nando'n siya. Nakatayo siya sa mismong harap ng gate at may hawak siyang libro.
'Yong libro ko na naiwan ko pala sa upuan ko kanina.
Inabot niya sakin 'yon, "Nakalimutan mo kanina sa upuan mo. Nakalimutan ko rin isuli sa'yo kanina no'ng nagbalak kang wag sumama samin."
Kinuha ko 'yong libro na 'yon at nag thank you sa kanya. Tapos ayon lang. Wala na siyang sinabi kaya naisip ko na baka nagpunta lang talaga siya rito para isuli itong libro ko at wala nang ibang dahilan.
Kung alam ko lang na ganito pala, sana hindi na ako nag-ayos. Sayang 'yong isang bote ng pabangong pinaligo ko sa sarili ko.
"Nagpunta ka lang ba rito para isuli sakin 'to?" tanong ko pa. Hoping na baka may iba pang dahilan.
Nalungkot ako no'ng tumango siya.
"Sige, thank you." mahinang sambit ko at pinilit na ngumiti sa harap niya. "Kamusta 'yong lakad niyo? Nag enjoy ka ba?"
Tumango ulit siya, "Oo. Sayang wala ka."
Dibale nang wala ako. Mukhang nag enjoy ka naman. Kung talagang nasayangan ka kasi wala ako kanina, edi dapat hindi ka nag enjoy.
"Good." malamig kong sabi. "Sige, pasok na ako. Ang daming lamok, e. Kita na lang tayo sa school bukas." paalam ko sa kanya. Pero sa loob-loob ko, gusto kong humaba pa itong usapan namin at ayoko pa siyang umalis. Kasi sayang, e.
Kaso lang,
"Sige." sagot niya tsaka nag wave, "Una na rin ako." tumango lang ako at pumasok na sa loob ng gate tsaka padabog na pumasok sa loob ng bahay at dumeretcho sa kuwarto ko at nilapag 'yong libro ko.
"Kainis ka talaga!" sigaw ko matapos kong ilapag 'yong libro sa study table ko. "Kung wala kang gusto sakin, edi okay. Do'n ka kay Genevieve. Bagay kayo."
***
Kinabukasan, pagbaba ko pa lang ng tricycle na sinasakyan ko papuntang school e biglang bungad agad sakin si Genevieve kaya bigla na namang nagkasalubong ang mga kilay ko habang papalapit sa gawi niya.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko at gulat naman niya akong nilingon.
"Oh, you're here!" tapos nag wave siya na parang nag 'hello'. "I am waiting for him."
Tsk. Sino nagsabing pwede niyang hintayin rito sa labas ng gate si Bright? Tsaka, ang tigas rin ng ulo nitong babaeng 'to, ano? Alam niyang may girlfriend na 'yong tao pinagsiksikan pa niya sarili niya. Ganito ba talaga siya ka desperada?
Napa-halukipkip ako habang taas kilay siyang tinitigan, "Excuse me, may kailangan ka ba sa kanya?" mataray na tanong ko. "Kasi you're crossing the line na. Kilala mo naman kung ano niya ako, hindi ba?"
Kumunot 'yong noo ni Genevieve na tila hindi naintindihan 'yong sinabi ko, "What do you mean?"
Napa-irap ako, "Wag mo na siyang kausapin, pwede?" utos ko. "Sa totoo lang, naiinis ako. Lalo na kapag magkasama kayo. Kaya pwede ba, wag ka nang bumalik dito. Wag mo ring ipagsiksikan ang sarili mo sa taong alam mong taken na."
"Hindi kita maintindihan."
"Pwes, intindihin mo." inis kong sabi at tinalikuran siya tsaka ako pumasok sa loob ng gate.
Habang naglalakad ako sa hallway, nagdadabog ako. No'ng umakyat ako ng hagdan patungong second floor e bigla kong nakasalubong si Bright na tinatanong ako kung nakita ko ba si Genevieve.
"Nakita mo ba si Genevieve?"
Napa-irap ako sa tanong niyang 'yon at taas kilay siyang tinitigan, "Nando'n sa labas. Magsama kayo pareho. Sarap niyong pag untugin."
"Ha?"
Hindi ko na siya sinagot at umakyat na lang ako ng hangdan. Alam kong kinakausap pa niya ako no'n pero hindi ko na siya nilingon pa.
At pagkatapos ng ilang minuto, biglang lumapit sakin si Callen. 'Yong itsura niya no'n e parang susugurin ako.
"Anong sinabi mo kay Genevieve?"
Ayan na naman. Puro na lang Genevieve ang naririnig kong pangalan. Kay aga-aga puro sila Genevieve. Ano bang meron sa kanya na wala ako?
Hindi ko siya pinansin kasi baka hindi ko mapigilan itong galit ko at mailabas ko na lang bigla kaya nilampasan ko siya pero hinarangan niya ako.
"Hoy, anong sinabi mo sa kanya? Bakit nagtatampo siya?"
"Ano ba!" sigaw ko. "Kay aga-aga puro kayo Genevieve! Ano bang meron sa kanya na wala ako, ha?!"
Na blanko 'yong reaksyon ni Callen sa sinabi ko. At kahit ako hindi ko rin inasahang lalabas 'yon sa mismong bibig ko. At pagtingin ko sa may labas ng classroom, nando'n sina Rhian at Ashley na nakatitig sakin. At base sa reaksyon nila, nagulat rin sila sa sinabi ko.
Wala akong ginawa that time kundi ang timakbo patungong CR dahil alam kong napahiya ako. Nakakahiya 'yong sinabi ko. Nakakuha tuloy sila ng clue na nagseselos ako kay Genevieve. Hays.
"Uy, Deyn. Bakit hindi mo sinabi samin na piangseselosan mo pala si Gen?"
Napatingin ako sa repleksyon ni Rhian sa salamin. Hindi ko alam na sinundan pala niya ako.
Ayoko sanang mag kuwento kaso lang, ayoko naman kasing kimkimin 'to.
Nilingon ko siya,
"Alam mo, hindi ko naman kasi in-expect na gano'n sila ka lapit sa isa't isa." sagot ko.
"Natural lang 'yon, Deyn." sagot ni Rhian.
"Anong natural? Hindi 'yon natural, Rhian. At sa totoo lang, naiinis talaga ako sa kanya. Kanina hindi ko napigilan ang sarili ko at naging rude ako sa harap niya."
Natigilan si Rhian sa sinabi ko,
"Kaya pala gano'n na lang si Callen kung makatanong sayo kanina."
"'Yon na nga, e." pagsang-ayon ko. "Mas kinakampihan pa niya si Genevieve kaysa sakin."
"Wala naman siyang kinakampihan. Tinatanong ka lang niya kanina."
"Ewan ko sa kanya. Basta, galit ako sa kanya ngayon tsaka kay Bright. Ayoko silang kausap." tapos nag beautiful eyes ako kay Rhian, "Wag mo na akong piliting makipag bati ngayon. Hindi ko gagawin. Hindi kakayanin ng pride ko."
"Pero Deyn, may kailangan kang malaman."
"Hindi ko na kailangan pang malaman kung ano man 'yon."
"Pero importante 'to—"
"Rhian, please." pigil ko.
Tinikom ni Rhian 'yong bibig niya pagkatapos tsaka tumango. Pagkatapos no'n, lumabas ako ng CR.
Paglabas ko, nando'n si Callen na tila inaabangan 'yong paglabas ko ng CR. At sa tingin ko, narinig niya 'yong usapan namin ni Rhian ngayon lang.
"Ano na naman?" Inis kong sabi.
"Wala akong kinakampihan sa inyo. Pero kailangan mong mag sorry kay Gen."
"Callen, hindi ko kailangan mag sorry. Kung ano man 'yong mga sinabi ko sa kanya, totoo 'yon." pagpapaliwanag ko. At sana naman maintindihan niya ang point ko. "Totoong naiinis ako sa kanya."
"Mag sorry ka pa rin."
"Ayoko. Bakit ba kinakampihan mo siya over me? Ako 'tong pamangkin mo, bakit mas kinakampihan mo pa 'yon? Ano mo ba siya?"
"Kasi Girlfriend ko siya." sagot niya na ikinagulat ko.
Wait, what???
"At mali lahat ng bintang mo sa kanya." dagdag pa niya.
Ano raw??
Girlfriend?
Totoo ba 'yong narinig ko?
"Teka, girlfriend mo si Genevieve?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya at tumango naman siya.
"Oo."
Hala!! Kailan pa naging sila??
At papano naging sila?
"So your dating her. Bakit hindi mo sinabi?" tapos napatingin ako sa likod ko kung nasaan si Rhian, "Alam mo ba 'to, Rhian?" tanong ko sa kanya at tumango naman siya.
Kung alam ni Rhian, bakit ako hindi?
"Bakit hindi niyo sinabi sakin?"
"Kahapon ko lang rin nalaman." sagot ni Rhian. "Sasabihin ko sana sayo ngayon lang pero ayaw mong makinig."
"Pero sana sinabi mo pa rin." sagot ko tsaka nilingon si Callen, "At kailan pa kayo nagsimulang mag date, ha?"
Ngumiti siya na parang kinilig bigla. Sira talaga 'to.
"Last week." sagot niya.
Bigla kong naalala 'yong tungkol do'n sa scratch paper na binigay sakin ni Bright kung saan alam ni Callen kung ano 'yon. Kaya pala nagpapaturo siya kay Bright ng mga gano'n kasi may pino-pormahan siya. At ang pino-pormahan niya ay walang iba kundi si Genevieve.
At kaya pala napatawad na niya si Rhian kasi naka-moved on na pala siya.
At grabe! What a small world! Hindi ko in-expect na magiging girlfriend niya ang babaeng 'yon.
"Ngayong alam mo na, mag-sorry ka sa kanya. Wag ka ring magselos. Wala siyang gusto kay Bright."
Dahil do'n, napanatag ang loob ko. Ngayong alam kong may boyfriend na si Genevieve, hindi ko na kailangang magselos pa.
"Kailangan mo ring mag-sorry kay Bright. Alam kong hindi maganda 'yong ugaling pinapakita mo sa kanya." dagdag pa niya.
"Pano mo alam?"
"Kwine-kuwento ka sakin."
Napangiti ako bigla knowing na kwine-kwento niya ako kay Callen.
"Ano 'yong mga kwine-kwento niya sayo?"
"Secret." tapos pinindot niya 'yong noo ko, "Mag sorry ka, ha."
"Oo na. Mag so-sorry na ako." sagot ko. "Asan ba girlfriend mo? Para makapag sorry na rin ako sa kanya. Grabe pa naman 'yong sinabi ko sa kanya kanina."
"Alam ko. Inaway mo 'yong girlfriend ko. Nextime kapag inulit mo 'yon magagalit na talaga ako sa'yo."
"Sorry na po Tito." pang aasar ko. "Hindi lang talaga ako updated sa mga nangyayare o sa mga nagiging ka relasyon niyo kaya gano'n."
"Ayan. Tsaka, wag mo kasing pairalin 'yong pagiging selosa mo." panunukso niya. "Alam kong nagseselos ka, pero wag mo masyadong ipaghalata, baka isipin niya ulit na part lang 'yon ng laro."
Sinuntok ko siya sa braso bago umalis at hinanap si Bright para mag-sorry.
Hinanap ko siya sa classroom pero wala siya ro'n kaya lumabas ulit ako para hanapin siya sa kung saan hanggang sa makasalubong ko ulit siya sa may bandang hagdan.
"Bright."
"Deyn."
Parehas naming tinawag ang isa't isa nang magkasalubong kami.
"Kanina pa kita hinahanap." saad niya.
Napangiti ako.
"Ako rin." sagot ko. "Actually, gusto kong mag-sorry. Hindi ko kasi alam na nag de-date pala sina Callen at Genevieve."
"Oo alam ko." sagot niya. "Wala ka kasi no'ng sinabi nila 'yon samin. Tsaka, alam kong nagseselos ka lang kasi akala mo ako 'yong pinupuntahan ni Genevieve dito."
"Aba, teka, pano mo alam 'yan?"
Tapos tumawa siya pero 'yong labas sa ilong na tawa, "Ang obvious kaya."
Obvious? Ibig sabihin nahahalata niyang nagseselos ako. E, 'yong sa part na may gusto ako sa kanya, nahahalata rin kaya niya?
"Matanong ko lang," tumango ako as a sign of 'ano 'yon'. "'Yong pagseselos mo, kunware lang ba 'yan? Nagkukunware ka lang bang nagseselos para maniwala silang maeron talagang tayo?"
Natahimik ako. Iniisip ko kasi kung aamin na ba ako? Since mukhang papunta na rin do'n 'yong topic.
Pero kinakabahan ako. At hindi pa ako gano'n ka handa. Kaso lang kapag pinalagpas ko 'to, kailan na naman ulit ako makakapag amin? Alam kong matagal na naman ulit bago magkaroon ng kunting chance na umamin ng nararamdaman, kaya hindi ko na papalagpasin pa 'to.
Better not to waste time at umamin na lang sa kanya.
Humugot ako ng lakas ng loob saglit bago nagsalita.
"Pagsinabi ko bang hindi ako nagkukunware at totoong nagseselos talaga ako, maniniwala ka ba?"
Kinakabahan ako habang hinihintay ang sagot niya. 'Yong mga kamay ko pinagpapawisan na. Pero heto, hinihiling ko na sana kayanin ng puso ko ang magiging sagot niya.
Pero hindi.
Kasi iba 'yong lumabas sa bibig niya kasi bigla niyang binalik 'yong topic tungkol do'n sa sinabi ko no'ng birthday niya na nakalimutan niya.
"'Yong sinabi mo no'ng birthday ko. . ." napatigil siya saglit at seryosong napatitig sa mga mata ko, "'Yong hindi ko na maalala pagkatapos. . ." napatigil ulit siya dahilan para mabitin ako.
"Bakit? Naaalala mo na ba ngayon?" Kabadong tanong ko.
Tapos nagulat ako nang lumapit siya sakin ng tatlong hakbang. No'ng time na 'yon hindi ako makatingin sa mga mata niya kasi kinakabahan ako sa sasabihin niya.
Baka kasi magkaiba kami ng nararamdaman.
Pero nagulat ako sa lumabas sa bibig niya,
"GUSTO KITA."