Chapter 30
Ang sakit ng ulo ko ng idilat ang mga mata ko. Agad akong bumangon galing sa pagkahiga dahil may naalala. Sa amoy pa lang ng kwarto alam ko na kung nasaan ako.
Bumukas ang pinto at nakita ko ang mga magulang ko na nag-alala, ngayon lang siguro nalaman kaya ngayon lang nakarating.
"Mica… anak!" tawag ni mama sa akin at niyakap ako pagkalapit niya. Sa pagyakap niya pa lang bumuhos ang lahat ng emosyon ko. Umiyak agad ako.
"M.. ma.. ma si Saul ma… kailangan kung iligtas ang anak ko mama. May kumidnap sa anak ko baka.. baka hindi siya pinapakain.. baka nauuhaw ang anak ko mama, tulong ma.. papa…ang anak ko, " hagulhol ko sa kanila habang hinahaplos ni papa ang likuran ko.
"Anak huminahon ka anak!" Ani ni papa na mas lalong nagpahikbi sa akin.
"Late na namin nabalitaan anak, wag kang mag-alala hinahanap na siya ng mga kapulisan. Humingi na rin kami ng tulong kay mayor para sa agarang pagligtas ni Saul. Tumulong na rin ang principal nung nalaman ang balita," sabi ni mama.
Bababa na sana ako ng kama na agad akong pinigilan ni mama.
" Bawal pa anak, kumalma ka muna. Dumudugo ka raw sabi ng nurse nung dinala ka dito sa ospital." mas lalo akong nanginig at hinaplos ang anak ko sa tiyan.
"M. ma.. ma.." agad niya akong pinakalma sa pamamagitan ng paghaplos sa buhok ko.
"Walang nangyaring masama kay baby Mica, malakas ang kapit ng bata pero suggestion ng doctor na wag ka munang kumilos, hintayin natin ang doctor mo ha!" Pag-aalo ni mama sa akin.
" Pero mama…si Saul…kailangan niya ako." halos hindi ko na maklaro ang mama ko dahil sa hilam ng luha sa mga mata ko. Lumabas si papa para yata ipaalam sa doctor na gising na ako.
"Maging okay rin ang lahat anak, huminahon ka muna baka mapano pa kayong dalawa ni baby. Pinaghahanap na ngayon ang Ang apo ko. Kaya please anak, huminahon ka," ani ni mama na umiiyak din.
"Si Ignacio? Nakarating na ba mama?''
"Hindi namin macontact si Ignacio Mica, out of coverage din ang mga magulang niya nasa ibang bansa ngayon kaya ipinaalam na lang namin sa mga katulong nila! "
Dahil sa sinabi ni mama kaya inabot ko ang bag ko na nasa tabi lang ng kama ko, hindi ko alam kung sino ang nagdala sa akin dito kaya magpapasalamat ako sa kanya pagkatapos ng lahat na ito.
Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Ignacio at gaya ng sabi ni mama ay hindi ko macontact si Ignacio. "Why? Ignacio please. Ang anak natin," pakiusap ko, umaasa na tumunog man lang ang cellphone niya. Pero wala pa rin.
Tiningnan ko ito pero on naman at alam ko na may load pa ako. Tinawagan ko ulit pero instead na may sumagot. May nag pop up sa messenger ko na isang mensahe. Kaya agad ko itong pinuntahan sa messenger ko pero may nahagip ako na videos na kanina pa yata naka upload dahil sa oras na nakalagay. Nasa likuran ko pa rin si mama at hinahaplos ang likuran ko para kumalma ako.
Bumalik si papa na kasama ang nurse. Habang chinecheck ako ng nurse ay binuksan ko naman ang video sa hindi ko pa alam kung kanino galing.
Pero namilog na lang ang mga mata ko at walang tigil ang mga luha ko na parang gripo sa kakaagos habang nanonood kung sino ang nasa video.
No… hindi maari ito.. si Ignacio ay nasa kama at si… si Eula ay nasa ibabaw nito at naghahalikan sila habang nakatingin si Eula sa camera at pareho na silang naka hubo't-hubad? "No!" sigaw ko habang walang awa kong sinasakal ang cellphone ko. "No.. mama… papa… si Ignacio… niloko nila ako," iyak ko sa kanila at mas lalo akong niyakap ni mama. Nakaantabay na rin ang iilang nurse kung sakaling ano man ang mangyari sa akin. Ang sikip ng dibdib at ulo ko. Para itong nabibiyak pero wala man lang akong lakas para sabihin sa kanila.
"Humihon ka Miss at baka mapano ka at ang anak mo!" narinig ko na paalala ng nurse sa akin pero hindi pa rin ako tumigil sa kakaiyak.
Maya-maya ay narinig ko na may nagtext sa cellphone ko. Binasa ko ito kahit halos hindi ko na makita ang mga letra. Binasa ko muna ang mga naunang na sent.
Unknown number:
Napanood mo ba? Ang galing ko di ba, Mica? Napaniwala ka namin ni Ignacio. Mas mahal niya ako at gusto niya ang performance ko kaysa sa'yo sa kama. Pinatay ko na ang video at baka makadisturbo ka lang. Gusto ko pa naman ang ginagawa niya sa katawan ko. Matagal na namin itong gusto kaya ngayon salamat sayo natupad ko rin
Anyway, yung anak mo? Wag kang mag-alala. Isusunod ko siya sa mga plano ko.
Ayon sa text at tadtad ito ng nakakatawang emojis.
Mas lalong nanginig ang mga kamay ko habang tinatype ang salitang mga hayop kayo.
Binasa ko ang kasunod na chat at walang ibang nakachat doon kundi kung paano siya kasarap, paano kagaling ni Ignacio sa kama. Magtatype na sana ako pero bigla itong umilaw dahil sa isang tawag. Unknown number at same number sa pinasa sa akin ng video kaya agad ko itong sinagot.
Tawa ng isang babae ang unang bumungad sa akin.
"Surprise Mica!" boses ni Eula ang narinig ko. Mas lalo kung hinigpitan ang paghawak ng cellphone ko na parang siya ay si Eula ang nasa harapan ko at ginagawa ko ito sa kanya.
"Hayop ka! Hayop ka Eula!" sigaw ko sa kabilang linya at wala ng pakialam kung maririnig man ako sa labas ng ospital. "B. Bakit mo naman ginawa ito. Bakit Eula? B. bakit ang anak ko pa na walang kamuwang-muwang, dinamay niyo pa? Please baka hinahanap na ako ni Saul. Please baka takot na takot na ang anak ko sa mga baril na nakatutok sa kanya. H.. hahayaan ko kayo ni Ignacio basta ibalik mo lang sa akin ang anak ko." pagmamakaawa ko sa kanya. Kung nandito lang siya sa harapan ko ay baka lumuhod na ako para lang pakiusapan siya.
"Really? Wow. How sweet naman? Kaso sabi ni mommy na guguluhin ko pa rin kayo dahil hindi siya mananahimik na makita kayo na masaya kaya ayun dahil mahal ko ang mama ko at gusto niya ay dapat sinusunod ko," aniya na patuloy pa rin na tumatawa. Umiling ako dahil maling-mali siya. Bakit hanggang ngayon ay hindi ka parin nagbabago Eula. Bakit?
"Pero hindi mo kailangan mangdamay ng ibang tao Eula? Ibalik mo sa akin ang anak ko!" sigaw ko sa kanya, bahala na kung mabingi siya sa kakasigaw ko .
"Anak! Kumalma ka! Ang baby mo please!" Sabi ni mama. May pumasok na pulis kanina at si papa na ang kumausap sa labas at ngayon nakabalik na sa loob ang ama ko kasama ang pulis at nakikinig sa pinag-usapan namin ni Eula. Nasa gilid ng kama katabi ko lang ang mga kapatid ko na umiiyak na ngayon.
"Wag kang mag-alala Mica, kakausapin ko si Ignacio, yun kung gusto niya bang ibalik sa piling mo ang anak m—"
"Ma'am nakatakas ang bihag!" sabi ng lalaki.
"Ano?" galit na sabi ni Eula at agad napatay ang tawag. Sinubukan kong I dial ang numero pero pinatay agad-agad. Mas lalo akong naiiyak at gusto ng makaalis sa kwarto na ito para ako na ang maghahanap sa anak ko. Pero may dextrose ang kaliwa kong braso at sobrang tamlay ko ngayon na halos wala na akong lakas habang wala pa sa piling ko ang anak ko.
Sobrang sweet niya pa sa akin kanina. Siya ang nagtimpla ng coffee ko at naglagay ng pagkain sa plato ko para yon ang kakainin ko ng breakfast at habang hinatid ko siya sa paaralan niya ay panay I love you niya sa akin.
Hindi ko talaga matatanggap kung may masamang nangyari sa anak ko.
"Ma'am, sir may nakuha na po kami na impormasyon at positive na yung tumawag sa inyo ang kumuha sa anak niyo po. Sa ngayon patuloy na naghahanap ang mga tauhan ko at sa tulong na rin ng mayor. Naka trace na po ang mga cctv kung saan dumaan ang mga sasakyan na ginamit ng suspect ay walang cctv kaya nahihirapan kami pero we're doing our best na ma solve sa lalong madaling panahon ang kaso," ani ng pulis at mas lalo kaming naiyak. For sure hinahanap na ako ni Saul. For sure takot na takot na ang anak ko lalo at alam niya kung ano ang ibig sabihin ng baril at para saan ito. Matalino ang anak ko.
"Paano kung pumiglas ang anak ko sa takot at mabaril siya? Paano kung biglang ikinalabit ang baril ng mga armadong lalaki at matamaan si Saul!" kausap ko sa sarili ko.
Niyakap ako ng mga kapatid ko. Kung makapagsalita lamang sila ng maayos, alam kong marami silang gustong sabihin.
Inabutan ako ng tubig ni mama at agad ko naman itong kinuha sa nanginginig na mga kamay. "Masama ba akong tao?" Hindi ko alam kung kanino ko tinatanong, basta lang lumalabas sa dila ko. Gusto ko lang naman maging masaya. Wala akong kasalanan pero bakit ginaganito ako ng kapalaran.
Gusto ko lang naman ng masayang pamilya pero bakit nangyari pa sa akin ito. Hindi ko kasalanan kung bakit nagkagustuhan sina mama at papa habang may ibang nasasaktan. Wala.. wala akong kasalanan pero bakit ako pa.. bakit kailangan na maranasan ko pa ito? I want my baby back. Siya ang mundo ko. Silang dalawa na nasa sinapupunan ko pero bakit. Kung may mangyari sa anak ko hindi ko kailanman mapapatawad ang sarili ko.
"No!" Si papa.
"Hindi anak, hindi ka kailanman naging masamang tao anak. Mabuti kang anak, kapatid at ina sa mga anak mo. Mabuti kang tao anak. Ang buti-buti ng puso mo." mas lalo akong naiyak sa sinabi ni mama.
"Pero bakit?" tanong ko sa paos na boses.
Pero bago pa makasagot ang mga tao sa sa loob ng hospital ay biglang bumukas ang gate at nasa harapan ko na ang taong gusto kong sumbatan at saktan.
Taas baba ang kanyang dibdib na parang kanina pa tumatakbo. Kusot ang polo na wala na sa ayos ang pagka butones. Putok ang kaliwang kilay at may sugat ang kaliwang bibig. Pagod o napagod sa ibang dahilan? Mas lalong dumilim ang paningin ko na makita siya na ganyan ang ayos.
Mas lalong naninikip ang dibdib ko na makita ko siya ulit, biglang sumakit ang ulo ko habang papalapit siya sa akin.
"Babe!" tawag niya sa akin, pero bago pa siya makalapit ay isang suntok ang pinakawalan ng papa ko.
"Roger!" tawag ni mama kay papa.
Nakahandusay si Ignacio sa sahig at ngayon nadagdagan ang dugo sa kanyang kaliwang labi.
Lumuhod si papa at hinawakan ang kwelyo ni Ignacio. "Saan mo dinala ang apo ko ha? Saan gago ka?" galit na tanong ni papa at nasuntok na naman niya ito.
"Roger! Please tama na yan!" Sigaw ni mama.
"Hindi ko alam papa, galing po ako ng Maynila at nalaman ko na lang ang nangyari sa anak ko na si Saul kaya..."
"Sumasagot ka pa at bakit hindi mo na lang ituro kung saan niyo dinala ng kabit mo ang apo ko!" Galit na ani ni papa. Pinigilan siya ni Keville at Kimmy sa pagtangka na suntukin ulit si Ignacio.
"Tama na yan Roger, hayaan na muna natin ang mga bata na mag-usap sa isa't-isa para magkaalaman na. Bigyan natin sila ng panahon baka sakali lang masabi ng batang ito kung saan nila dinala ang apo nating si Saul. Tara na muna sa labas ng kwarto, okay?" Pagmamakaawa ni mama kay papa na ngayon mas matalim ang tingin kay Ignacio.
"Pinagkatiwalaan ko sa'yo ang anak ko. Kung hindi mo man siya mabigyan ng halaga, ibalik mo lang sila na kumpleto sa akin dahil ako ang magmamahal sa kanila ng lubos at hindi ipaparanas na masaktan sila gaya ng ginagawa mo. Ibinigay ko siya na buo sa'yo pero sana man lang wag mo siyang ibalik sa akin na wasak na ang puso dahil sa walang kwentang tao na kagaya mo," ani ni papa at nagkanya-kanya na sila ng labas. Nahagip ng paningin ko si Tuko pero pinigilan ito ni mama na pumasok at isinirado ang pinto.
Kami na lang dalawa ang naiwan sa kwarto ng ito. Nagmamakaawa siyang tiningnan ako.
"Babe, I'm. I'm sorry na ngayon lang ako nakarating," saad niya habang umuubo. Pinahid niya ng palad ang dugo na nasa bibig niya at mahinang tumayo.
Nang makalapit na siya sa harapan ko ay gusto man niyang hawakan ang mga braso ko pero isang malakas na sampal ang ginawad ko sa kanya. Hindi pa ako nakuntento sinampal ko naman ang kaliwang pisngi niya kaya biglang tumabingi ang ulo niya.
"S-saan niyo dinala ang anak ko hayop ka? Saan niyo dinala si Saul ha, sagot! Sagot! Please ang anak ko!" walang humpay ko na galit habang pinagpapalo ko siya sa kanyang dibdib.
"Babe.. hindi ko alam," ani niya sa napapaos na boses.
"Sinungaling!" sigaw ko sa harapan niya.
"Totoo babe, may nangyari lang sa Maynila at late ko ng nalaman kaya agad akong pumunta dito dahil baka mapan–" sinampal ko ulit siya sa pisngi niya para matauhan siya. Gusto ko lang naman na sabihin niya na kung saan ang anak ko dahil baka sa mga oras na iyon ay gutom na ang anak ko. Umiiyak habang hinahanap ako.
"Sinungaling.. sinungaling ka!" patuloy pa rin ako sa kakahampas sa dibdib niya at hindi man lang niya ako pinigilan.
Hinawakan ko ang kwelyo niya at biglang lumuhod sa kanya.
"No Mica, what are you doing?" Lumuhod din siya at pilit na pinapakalma ako.
"Please! Ibalik niyo lang sa akin ang anak ko, hindi ko kayo guguluhin ni Eula, pangako. Ibalik niyo lang talaga siya sa akin, Ignacio please ang baby ko," ani ko, nagmamakaawa sa kanya. Basa na ang buong mukha ko ng luha. Mas tanggap ko siguro na pagmamay-ari siya ng iba kaysa wala sa tabi ang anak ko na si Saul.
"Bakit? Bakit lagi mo naman itong ginagawa sa akin ha? Akala ko ba okay na tayo? Kinalimutan ko na ang ginawa mo sa akin dati pero bakit ngayon hindi ka parin tumitigil, kayong dalawa ni Eula na guluhin ang pagkatao ko? Huh? Tapos.. tapos idinamay niyo pa ang baby Saul ko. Ang mundo ko. Why? Hmm. Bakit Ignacio?" hagulhol ko sa harapan niya habang hinahawakan parin ng madiin ang kwelyo niya.
"Mica, hindi ko alam ang sinasabi mo!"
"Sinungaling!" may diin ko na sabi habang umiiling. Tapos na ako sa drama niyong dalawa ni Eula. "Hindi pa ba sapat yun ha? Hindi pa ba sapat na.. gusto ko lang naman na makausap ka pagkatapos ng graduation natin para sabihin sayo na walang namamagitan sa amin ni Roland, gusto lang kitang kausapin kung tayo pa rin ba na pero anong ginawa mo ha? Tenext mo lang ako para pumunta sa dalampasigan na lagi nating pinupuntahan at para ano? Iniwan mo lang ako kay Eula para pahirapan, saktan, sampalin. Huh? S–sobrang sama mo Ignacio!" wika ko sa mga mata niya pero agad siyang umiling.
"Hindi babe, hindi ako nagtext sayo pagkatapos nung nangyari sa party."
"Sinungaling !" putol ko agad sa iba pa niyang sasabihin at nasampal na naman siya sa pisngi pero hindi naman sobrang malakas.
"Nandoon ka, nagtext ka sa akin! Nakita pa kitang paalis nagmamakaawa na huwag akong iwan sa madilim na karagatan. Pero hindi mo na ako nilingon at hinayaan mo ako sa dati mo na palang fiancee na si Eula! Walang awa niya akong sinampal, sinabunutan at higit sa lahat pinatay ang upos ng sigarilyo sa balikat ko. Kung hindi ako nagpaniwala sa mga text mo, hindi sana ako napadpad doon kaya nung nakaligtas ako sa pagkagapos sa akin. Sinubukan ko ulit para maligtas ko lang ang sarili ko, inilayo ko ang pamilya ko dahil sa takot na akala ko napatay ko si Eula and I did pero alam mo yung masakit na sa ilang taon na nangyari iyon ay gusto mo lang naman para gumaling pero dinadalaw ako ng trauma, anxiety at depression sa araw- araw na maalala ang naging kahapon ko simula na minahal kita. Sa araw na gusto kong kalimutan ang lahat pero ngayon… ito na naman ang gagaawin niyo sa akin, huh? "
Panay ang iling niya, nakakunot ang noo at magkasalubong ang kilay habang nakikinig siya sa akin. Hinawakan niya ang dalawang balikat ko, kahit suntok-suntukin ko pa siya ng ilang beses ay hindi niya ako binitawan.
"Hindi ko alam ang pinagsasabi mo Mica? Wala ako sa sinabi mo na dalampasigan sa oras na iyon dahil pagkatapos ng graduation natin nung highschool ay nasa bahay lang ako at nilubog ang sarili ko sa alak dahil sa hindi ko pa rin makalimutan na tenext mo ako gamit ang cellphone ng kaibigan mo na hindi mo ako minsan minahal, na mas mahal mo si Roland kaysa akin. Ayokong maniwala Mica na everytime na may pumapasa sa message ko na litrato niyo na magkasama at masaya habang nasa Maynila ako at inaalagaan ko ang mga magulang ko ay natanto ko na baka may relasyon kayo kaya agad akong naniwala nung hinalikan ka niya. Umalis ako dahil hindi ko kaya. Pumunta ako sa lugar na ako lang ang nakakaalam at isinigaw ang sakit na nararamdaman ko you know why? Mahal na mahal na kita Mica! Kung nagpapanggap ka pa lang pwes ako sa panahon na yun hindi na ako nagpapanggap pero yun pa ang naabutan ko at sa text mo na wala na tayo kaya itinapon ko ang cellphone ko. Pagkatapos ng graduation at pagkalasing ng buong araw na iyon, kinabukasan gusto na kitang puntahan sa inyo para humingi ng tawad at second chance na iwan mo si Roland at ako na lang ulit ang gustuhin mo pero wala na kayo sa bahay niyo, gusto kitang hanapin pero may nangyari rin sa nanay ni Shemaia kaya wala na akong lakas para hanapin ka dahil natanto ko na hindi mo talaga ako minahal, hindi Mica. Kaya kung ano man yang binebentang mo sa akin na kagagawan ni Eula ay hindi ko kayang gawin yun sayo." mahabang linyahan niya.
Mas lalong kumirot ang puso ko dahil hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi niya o nagpapanggap lang. Hinarap ko siya mata sa mata.
"Kung hindi man totoo ang nangyari dati then ano yung nakita ko sa video na sinend niya sa akin ha? Bakit nasa ibabaw si Eula sa'yo habang may ginagawa kayo ng kababalaghan? You cheated on me!" sigaw ko.
"No ! I did not! For sure walang nangyari sa amin. Someone's drugged me. Habang nasa party kami na dinaluhan namin for celebration. Hindi ko namalayan na ang kasunod na drink na inabot sa akin ay may halong kakaiba. Believe me or not I knew walang nangyari sa amin ni Eula, Mica! Hindi ko kayang gawin yun sayo." saad niya.
Mas lalo akong umiyak dahil gulong-gulo na.
Bumukas ang pinto at nagsisipasukan ang mga kaibigan ko, saka sina Shemaia at ibang kaklase ko dati.
Tumayo ako ng maayos para batiin sila.
"Oh my Mica, dinudugo ka!" sigaw ni Yana.
Dahil sa sinabi niya kaya yumuko ako para makita iyon pero bigla na namang dumilim ang paningin ko at unti-unting nawalan ako ng malay. Sigaw ni Ignacio ang huling narinig ko.