Chapter 31

"Kakain ka na ba? Nagdala ng ulam si Bethy?" ani ni Claire sa akin.

"May dinala rin kami ng fruits ni Cloud Mica, gusto mo?" sabi naman ni Shemaia habang hinahaplos ang buhok ko.

Nasa kwarto sina mama, Marie, Yana, Shemaia, Claire at Bethy na galing pa mismo ng Samar at pumunta lang dito sa Negros para mapuntahan ako.

Hindi ako umimik, tulala habang nakatingin sa kisame, dahil pakiramdam ko kapag binuksan ko ang bibig ko ay iiyak lamang ako sa harapan nila.

Ayokong makita nila ako na kawawang-kawawa, hindi ako ito. Malakas ako, matapang ako, matatag ako pero ngayon na wala pa rin sa piling ko ang anak ko para akong baliw sa kakaisip kung ano na ang nangyayari sa kanya sa mga oras na ito?

Wala pa ring balita, ang bagal naman ng sistema nila.

Wala si papa at Tuko dahil nasa presinto, yun ang narinig ko sa usapan nila kanina. Pero ang isang 'to nandito lang sa loob ng kwarto at walang ginagawa kundi palagi lang nakatutok sa cellphone niya.

Maayos naman daw ang kalagayan ko at ang baby sa sinapupunan ko. Kailangan kong maging malakas para sa dalawa kong anak. Kung ako ang kailangan ni Eula, dapat ako ang haharap sa kanya.

Kinapa ko ang cellphone ko sa gilid ko na alam ko dito ko lang yun nilagay. Chinarge ba nung na lowbat?

"What is it Mica?" tanong ni Rey.

"Nasaan ang cellphone ko," sabi ko sa malamig ko na boses. Wala akong intensyon kung kanino ako malamig.

"Here!" nasa harap ko na ang cellphone at tiningnan ko yun na inabot ng panglalaking kamay at alam ko na kung sino. Hindi ko siya tinapunan ng tingin.

Agad ko yung hinablot sa kamay niya, tatalikod na sana siya na nagsalita ako. "Lumayas ka!" bigla siyang lumingon pero hindi ako nakatingin sa kanya. "Umalis ka sa paningin ko. Ayaw kitang makita kahit kailan." malamig na wika ko.

"Anak! " tawag ni mama sa akin.

Bumaling ako kay mama na lumapit ito sa akin. "Bakit ma? Nawawala si Saul pero saan siya ngayon? Hindi ako lumpo para bantayan pa. Kaya ko ang sarili ko, inubos ko lang ang dextrose na nakakabit sa akin, pero siya bakit pa siya nandiyan? Kung hindi naman pala niya kayang hanapin ang anak pwes ako ang hahanap sa kanya o baka naman alam niya talaga kung nasaan si Saul at ayaw niya lang sabihin sa atin!" hinihingal ko na sumbat. Bumubuo na naman ang luha ko sa mata at huli na para marealize ko ang sinasabi ko.

Hindi ko alam kung bakit ito ang lumabas sa bibig ko, sinisisi ko siya na kung hindi pa siya ulit dumating sa buhay ko ay hindi sana ito nangyari kay Saul. Mali yata na minahal ko siya? Pero kung hindi ko siya minahal o hindi naging kami marahil ay wala rin akong Saul at baby na nasa tiyan ko pa.

Gulong-gulo na ako but then…

"Lumabas ka muna iho.. baka mapano pa ang mag-iina mo." narinig kong sabi ni mama.

" Pero… "

"Sige na Ignacio. Para ito sa ikabubuti ni Michaella," sabat ni Shemaia Rey.

Wala na akong pakialam kung lumabas pa siya o nasa loob pa rin. Parang nabingi yata ako na biglang nag vibrate ang cellphone ko na hawak ko lang kahit mahina lang ito.

May nagtext sa akin, agad ko itong binuksan ng makita ko ang unknown number na kung saan same digits sa ginamit ni Eula.

From Unknown number:

Ready ka na bang makita ang anak mo? Pero sa isang condition.

Yun lang ang text niya kaya agad akong nagtipa ng sagot ko.

To unknown number:

Oo, ano ang condition? Please Eula huwag na huwag mong saktan ang anak ko. Maawa ka sa kanya, please

And then sent.

Tulala ako ng ilang minuto sa cellphone ko, nag-uusap ang mga kaibigan ko at si mama, ikinuwento kung ano ang nangyari. Kapag may lumalapit sa akin para magtanong kung kakain o iinom ba ng tubig ay binabalik ko ang screen sa photos para kunwari na tinitingnan ko ang picture ng anak ko na halos lahat nakasave sa files ko.

Kapag wala ng nakatingin sa banda ko ay binabalik ko agad ang paningin ko sa text ni Eula hanggang may message nga akong natanggap.

Agad ko itong binuksan at binasa.

From Unknown number:

Pumunta ka sa lugar na ito na walang kasama kundi ikaw lang. Walang kasama Mica, gusto ko kasi sa isang iglap mawala na kayo sa paningin ko, kung may makasurvive man sa inyo, bunos na yon pero babalikan ko pa rin kayo. Mag-isa ka lang Mica, mag-isa lang kasi kapag nabalitaan ko na nagpasama ka baka hindi mo na maabutan ang anak mo na buhay. Baka mas mauna pa siya kaysa sa'yo. Kaya pumili ka ng maigi Mica, 12 to 1 am lang ang palugit ko, Mica.

Chat ni Eula at puno ng laughing emoji ang nilagay niya. Kung saan man daw ako ay may magsusundo sa akin na tauhan niya para mas mabilis akong makarating sa kanya. Wala siyang sinend na address.

Hindi na ako nag-iisip pa at agad akong nagtype na okay.

Tahimik lang ako at walang sinabi, naka silent mode ang cellphone ko at wala silang idea na sa mga oras na ito, nag-iisip na ako kung ano ang palusot ko para makaalis ako na mag-isa mamaya sa ospital na ito na walang nakakapansin.

Nanggagalaiti pa ako sa galit ng may senend siya sa akin na larawan na kung saan nasa kwarto ang anak ko at nakapiring ang mga mata at tinakpan ng tela ang bibig. Mabuti at hindi itinali ang anak ko sa kamay o baka tinanggal lang muna ang pagkatali pero ibabalik din agad? Tama ba ako? Awang-awa ako sa sitwasyon ng baby ko.

Gustuhin ko man na ipakita sa kanila ang text namin ni Eula sa akin ay hindi ko ginawa dahil ayokong makatunog si Eula at masaktan niya lang ang anak ko. Kung naghahanap nga ang ibang kapulisan o sino pa yang inutusan nila eh di sana nasa kanila na ang anak ko. Pero wala pa rin hanggang ngayon.

Alas sais na ng gabi at umuwi na muna ang mga kaibigan ko dahil hinahanap na ang iba ng kanilang mga anak ang iba ay uuwi dahil hindi pwede ang maramihan na bisita sa isang pasyente lalo na sa ganitong oras kaya natuwa ako na kami na lang ni mama ang nasa kwarto. Umuwi muna ang mga kapatid ko at babalik na lang sila bukas. Absent sila ng ilang araw sa school kaya naawa ako sa kanila na dahil lang sa nangyaring ito.

Wala pa rin sina papa at Tuko. Wala rin si Ignacio, nagsisi na agad ako kung bakit ko siya pinaalis.

"Kumain kana anak habang mainit pa ang sabaw ng bulalo, gusto mo ito di ba?" tumango ako dahil sa sinabi ni mama, kailangan kung magpalakas para sa pagkikita naming ng panganay ko.

Nginitian ko si mama habang inilapit sa akin ang tray na may pagkain. Pinapakiramdaman ko ang sarili ko at wala na akong iniinda na sakit, parang alam yata ni baby na sasagipin namin ang kuya niya kaya nagpalakas din siya sa tiyan ko.

Maya-maya ang tingin ko sa oras na nasa cellphone ko, kailangan nasa baba na ako ng quarter to 12.

"Nakita na ang sasakyan na ginamit ng mga suspects para makuha si Saul pero dumaan sila sa lugar na walang cctv kaya nung nakita ang sasakyan wala ng tao, pero may nakita sila na bag ni Saul. Nasa kapulisan na para gamitin na ebidensya at mapatunayan na nasa kanila ang apo ko." ani ni mama. Nagpipigil lang ako na umiyak dahil hindi ko kaya ang ibinalita ni mama sa akin. Sumisikip ang dibdib ko at hindi ko maimagine kung paano nagwawala ang anak ko habang pinipilit siyang pasakayin, sinasaktan ba siya kapag umiiyak ang anak ko para humingi ng tulong?

Dapat ko bang sisihin ang paaralan na nag-iisa o iilan lang ang guard nila? Dapat sa ganitong sitwasyon ay hindi lang security guard ang magbabantay sa paaralan dahil sa panahon ngayon, iba na ang nasa isip ng mga masasamang tao, wala na silang pakialaman sa kung saang lugar at anong oras sila gagawa ng kasamaan. Mga hayop sila.

Wait for me anak, hintayin mo si mama, ililigtas kita… kami ng kapatid mo. Uuwi ka sa amin. Babalik ka sa piling namin baby Saul.

"Manalig lang tayo anak, alam ko na hindi pababayaan ng Panginoon ang anak mo at apo namin ng papa mo. Kailangan mo ngayong magpakatatag. Isipin mo na may anak ka pa na nasa sinapupunan mo at baka sa pangatlong pagkakataon na lagi kang dinudugo ay sumuko na ang anak mo. Gusto mo ba 'yon?" pananakot pa ni mama sa akin. Agad kong hinawakan ang tiyan ko habang umiiling.

"Ayoko pong mawala sila sa akin, mama! Mawala lang ako, 'wag lang ang mga anak ko. Hindi ko yata kaya, hindi ko talaga kaya," sabi ko habang walang sawang lumalabas na ang mga luha ko, hindi ko mapigilan ang sarili na isipin na wala na sila sa akin. Mababaliw ako.

Eleven na at mahimbing ng natutulog si mama, dahil siguro sa ilang araw ng nagbabantay sa akin, hindi niya ako iniwan. Sila naman ni papa at Tuko ay babalik na raw dito sa ospital at may kinuha lang na gamit sa bahay. Sila ni Kimmy at Keville ay nasa bahay na matutulog dahil may pasok pa sila bukas at may exam, baka hapon na sila dadaan dito.

Bumangon ako sa kama na hindi gumagawa ng ingay. Natanggal na ang dextrose sa akin kaninang umaga pa at kung kaya ko na raw ay pwede na akong iuwi sa bahay. Nasa sofa natulog si mama at humihilik. Hindi naman siguro siya magigising kapag binuksan ko ang pinto, di ba? Sana isipin na lang ni mama na nurse ang pumasok para icheck ako. Kinuha ko ang makapal na jacket na nasa puting silya nakapatong. Alam ko na kay Ignacio ito. Hindi man lang niya binalikan para maisuot, baka malamig sa labas.

Sinabi ko na lumabas siya at ayaw ko siyang makita pero ano ang ginawa niya? Sinunod naman niya.. uto-uto rin eh. Sana maayos lang siya ngayon, kung totoo man ang sinasabi niya ay doon pa lang ay kaya ko na siyang kausapin. Pero sa ngayon, bahala siya dahil malaki na siya.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto para hindi makagawa ng ingay at hindi magising si mama. Sinilip ko muna sa labas at baka may nagbabantay at mabuti na lang at wala.

Nakasuot rin ako ng cap na galing kay Keville na naiwan din yata at jacket ni Ignacio. Kung may makakita man sa akin sa cctv ay hindi naman agad yata sila makakahalata na isa akong pasyente. Naka bestida naman ako. Dinala ko na rin ang sling bag ko at nagsimula ng maglakad na parang dumalaw lang sa isa sa pasyente ng ospital.

Nilagay ko sa tenga ang cellphone ko para kapag may dumaan na nurse ay hindi nila mahalata na ako ito. Nagtext na ako at kanina pa raw nakabantay ang driver sa may parking area sa labas ng hospital. Ayokong masira ang plano ko kaya ayokong sinasabi sa kanila at baka ano pa ang mangyari kay Saul at baka mapahamak pa siya lalo.

"Oh really, kaya nga, na miss din kita. Alright. Sige pupunta na ako ng club pagkatapos ko bisitahin si grandma. Aha! Okay day, ingat!" Maarte kong wika sa kabilang linya kahit wala naman talaga akong kausap. May dumaan kasi na tatlong nurse kaya nasabi ko iyon. Wala naman silang pakialam sa sinasabi ko at hindi sila ang nag-asikaso sa akin kaya hindi nila ako nakilala kaya nagpatuloy ako.

Nagmamadali na ako sa paglalakad at baka nagising na si mama at hinahanap na ako. Mahirap na.. anong sasabihin ko? Na nagpapahangin ako sa labas mismo ng hospital?

Sa huling tawag ko sa driver ay mayroon agad na nagpailaw na sasakyan sa hindi kalayuan. Nagdala ako ng alcohol spray na nasa maliit na lagayan para kung may gagawin silang masama sa akin ay alam ko na ang gagawin ko.

Pagkarating nila sa harapan ko ay agad nilang binuksan ang pintuan ng kanilang sira na pick-up. Luma na ito at hindi ko alam kung aabot kami nito sa paroroonan. Sana lang.

"Siguraduhin niyo lang na makakarating ako sa anak ko ha, ang pangit ng sasakyan niyo," galit ko na sabi.

Ngumisi ang isa na nasa gilid ko lang. Tatlo kasi sila na mga lalaki na alam mo na ilang araw ng walang ligo. Pinipigilan ko ang sarili ko na masuka kahit ramdam na ramdam ko na ito sa aking lalamunan.

"Wag kang mag-alala, buhay ka parin pagdating," ngising-aso niya.

"Hindi Ikaw ang pinaparinggan ko, ang driver… kaya wag na wag kang sasabat diyan!" ani ko. Walang pakialam kung magagalit sila at kung ano pa ang gagawin nila sa akin.

"Aba! Ang tabil pala ng bunganga nitong babae na 'to ah."

"Ganyan talaga pare, basta buntis!" halakhak ng isa pa, katabi ng driver.

"Ay kaya pala na parang tigre kung makaasta pare," nagtatawanan ulit sila kaya matalim ko lang silang tinitingnan.

Hanggang natahimik na sila at patuloy parin sa pagmamaneho ang driver na hindi ko na inalam o pinakinggan kung ano ang mga pangalan nila.

Nagsisisi ako kung bakit nakatulog ako sa sasakyan. Hindi ko tuloy alam kung saang lugar nila ako dinala. Naramdaman ko lang na may tumatapik sa balikat ko kaya nagising ako.

"Akala ko hindi kapa magigising, bumaba kana diyan at maglakad ka na lang sa abandonadong building." ani ng lalaki.

"Ano? Bakit ayaw niyo na lang akong dalhin kung nasaan ang anak ko? Baka mamaya hindi pala dito itinago ang anak ko, malilintikan kayo sa akin!" tanong ko sa kanila. Naiinis na.

"Wag kang mag-alala, nasa loob ang anak mo dahil nandiyan na kami galing. Tapos na sa oras na ito ang mission namin, uuwi na kami sa bahay namin para makapagpahinga na rin, kaya ikaw na lang ang maglakad papunta dyan sa gusali. May malaking entrance at nasa pangalawang palapag ang anak mo," mga gagong ito. Iiwan ako? Ang dilim ng building.

"Sigurado kayo?" tanong ko ulit at baka wala diyan ang anak ko at sayang lang ang effort ko. Kinakabahan ako na ganito ako sumasagot sa kanila, oo lalo at mga armadong itong kumuha sa akin pero hindi ko mapigilan eh naiinis ako lalo na sa mga pagmumukha nila na wala na ngang ligo, wala pang toothbrush.

"Oo nga, kulit nito!"

Agad akong bumaba sa bulok nila na sasakyan, nasa loob pa nga ang tatlo at wala talagang balak na bumaba para samahan ako sa loob.

"Ang pangit niyong ka bonding!" sabi ko sabay malakas na isinirado ang pintuan ng sasakyan. Mabingi man kayo wala akong pakialam.

May lalabas pa sana na lalaki na pinigilan siya ng kasamahan nila at agad pinaharurot ang sasakyan paalis doon kung saan nila ako pinababa. I gritted my teeth. Nakakainis ang mga pagmumukha nila.

Hindi masyadong familiar ang lugar na kung saan nila ako binaba. Takot ako sa mga na oras na ito dahil madilim pa lang. Tanging tunog na kung anong insekto ang maririnig ko at malamig na hangin. Mabuti na lang at nakajacket ako.

Ito na naman ako, tulad ng dati naniwala sa isang text pero ngayon positibo na nandito ang anak ko. At least ngayon ay alam ko kung ano ang nangyayari, hindi tulad dati na clueless sa lahat at bigla-bigla na lang malalaman ang mga rebelasyon sa buhay ko, sa pagkatao sa paligid ko.

Kung saan nagsimula ang inggit ni Eula sa akin. Bakit hindi niya magawang kausapin ang mama niya ng maayos, bakit nakikinig siya na alam naman niya na mali na ang ginagawa sa kanya. Hindi niya ba naisip na dinadala siya ng kanyang ina sa kapahamakan? Bakit mas nanaig pa sa kanya ang gumawa ng masama kaysa mamuhay na magaan ang kalooban, nakapagpatawad sa mga taong dahilan kung bakit sila nasasaktan.

Di ba sa mundong ito ay yan naman talaga ang isa sa mas mahalaga, ang magpatawad. Kung hindi man madali bakit kailangan niya pang gawing komplikado. Bakit sa ganitong paraan pa?

Naawa ako kay Eula hindi ko alam kung ano ang mga pinagdaanan niya sa mga nagdaang panahon at bakit sunod-sunuran siya ng kanyang ina at ngayon gagawin niya pa ang sarili niya na maging mamamatay tao kaysa ang mabuhay ng tahimik at buong pagmamahal. Kung Hindi man siya itinuturing na anak ng kanyang ina, alam ko for sure may iba dyan na binibigyan siya ng halaga. Pero bakit?

"Wag kang gumalaw!" Naputol ang iniisip ko na may narinig ako na nagsalita sa likuran ko. May dala itong flashlight kaya kita ko ang anino niya sa pader ng building na ito. Hindi ko naman namalayan na nasa loob na pala ako.

Lumapit siya sa akin at kinuha ang dalawang kamay ko, nilagyan niya yun ng pangtali. Mabuti na lang sa harap niya ako tinalian at hindi sa likod.

"Nasaan ang anak ko? Ilabas niyo siya sa akin! Gusto ko na siyang makita." pagmamakaawa ko sa lalaki na nagtali sa akin. Kung madaan sa mabuting usapan ay mas maayos. Sana lang makikinig si Eula sa akin.

"Diretso ang lakad sa itaas kung gusto mo pang makita ang anak mo!" hindi ko na siya hinintay at binilisan ko ang lakad paakyat sa itaas. Baby, hold on please.. para kay kuya. Para kay kuya ito baby.

Pagkarating ko sa itaas ay halos hindi ko na makita ang buong paligid. Hindi niya masyadong itinutok ang flashlight kung saan ako, in short ang bagal niyang umakyat. Mabigat siguro ang itlog ng mamang ito.

May narinig akong binuksan ang pinto.

"Pasok!" sabi niya. Kinuha niya sa akin ang bag, mabuti na lang at nasa bulsa ko ang cellphone ko. Bobo naman tong mga kidnapper na ito, kulang sa training. Pero ganun pa man, nagpapasalamat pa rin ako na isa nga silang bobo.

Nasaan kaya si Eula?

"Ang anak ko? Nasaan ang anak ko? Sabi niyo dadalhin niyo ako sa kanya!? Maawa kayo, dalhin niyo na lang ako kung nasaan ang anak ko! Parang awa niyo na!" Sigaw ko pagkatapos nila akong iwan sa isang kwarto na wala man lang ilaw.

Ang yaman ng amo nila, hindi marunong magbayad ng kuryente.

Pinipihit ko pa rin ang doorknob para mabuksan. Pero ayaw talaga.

"Nasaan ang anak ko? Ilabas niyo ako dito mga gago! Ang anak ko, hinahanap na ako! Ilabas niyo ako dito? Nasaan ang anak ko!"

"Mama…!"

"Ahhh…multo…!"

"Mama…it's me Saul!" mahina niya na tawag. Alam ko ang boses ng anak ko. No..

Ba... baby Saul…"

"Mama…''

"Anak ko…"

"Save me, mama… "