CHAPTER EIGHT

Talitha's Pov

"Ang lakas naman ng ulan, may bagyo ba?" Tanong sa'kin ni Talia habang nakatingin sa bintana

"Meron pero hindi naman dito sa atin, gawa lang siguro yan ng hanging habagat" sagot ko sa kanya

"Huwag niyong kalimutang magdala ng payong lalo kana Talia ang tigas ng ulo mo" sabi ni Mama

"Obviously kahit ayokong magdala ng payong ay no choice ako" bulong naman ni Talia

"Tama na yan ke aga aga, kumain na kayo" utos naman ni Papa

"Tapos na ako" sabi ko at nag paalam sa kanila at lumipat sa sala para manood ng balita.

"Ate sasabay ako sa'yo ha? Ang lakas ng ulan eh"

"Sige bilisan mo lang at maaga ang klase ko"

"Aye aye captain!" Sumaludo pa ito sa akin

Tulad nga ng sinabi ko kay Talia hanging habagat ang nagdadala ng ulan ngayon sa amin lalo na papasok pa ang isang low pressure area. Pagkatapos kong panoorin ang weather update ay naghanda na ako para pumasok. Nakaligo na ako kanina kaya magbibihis nalang ako ng kulay ubeng uniporme namin. Hindi ko hilig ang mag make up pero para maging maayos naman akong tignan ay gumagamit ako ng press powder at lipsticks.

Pagkatapos kong magbihis ay siya namang pasok ni Talia sa kwarto namin na kakatapos lang maligo.

"Bilisan mo baka ma late tayo" bilin ko sa kanya bago lumabas ng kwarto

Naabutan ko si Papa na nasa sala at tinuloy ang pinapanood ko kanina. Nakangiting umupo ako sa tabi niya at naglambing. Isang security access control si Papa at kadalasan ay dose oras ang trabaho niya minsan nga mas mahaba pa. Kahit minsan ay hindi ko nakitang nagpabaya siya sa trabaho niya kaya nga siya na ang chief ngayon sa department nila.

"May gusto ka?" Tanong ni Papa sa'kin na nakangiti

"Wala ah! Bawal nabang maglambing sa'yo?" Nakanguso pang sabi ko

"Hahaha! Naalala ko noong bata ka, lalapit ka lang sa'kin kapag may ipapabili ka" tumatawang sabi nito

"Tsaka magsusumbong kapag may nang aaway sa'kin" tumatawang sabi ko

"Parang kailan lang ang liit liit mo pa, ngayon pwede ka ng mag asawa at gumawa ng sarili mong pamilya"

Napatingin ako kay Papa na nakangiti habang ang mata'y nakatutok sa pinapanood.

"Bakit lagi niyo nalang binabanggit ni Mama ang pag aasawa ko? Kagabi kulang nalang ibugaw ako sa anak ni Aling Tina"

"Sino sa mga anak niya? Si Teo o Arnold?" Interesadong tanong niya na tumingin pa sa'kin.

Sumimangot ako at humiwalay ng yakap sa kanya.

"Si Mang Ruffo Pa!" Inis na sagot ko na tinutukoy ay ang asawa ni Aling Tina

"Bakit gusto mo ba si Ruffo?" Natatawang tanong nito

"Papa naman eh!" Pagdadabog ko

"Hahaha! Kung gusto mo si Ruffo hintayin mo munang ma deadbol si Tina para malaya kayo" tumawa ulit siya

"Kapag ako nagka boyfriend who you kayo ni Mama sa akin" pagmamalaki ko

"Kapag ikaw nagka boyfriend mag papa party kami" sabat naman ni Mama na lumabas galing sa kusina

"Sinabi niyo yan ah! Kapag ako nang uwi ng lalaki dito kailangan niyo siyang tanggapin agad" nakangising sabi ko

"Kapag ikaw nang uwi ng lalaki dito ipapakasal ko kayo agad!" Sabi naman ni Papa na tumatawa tawa pa

"Deal!" Sabi ko na pinalo pa ang mesa

"Magsusulat naba ako ng agreement?" Tanong naman ni Talia na sumulpot nalang

"Sige at ipapa notaryo ko pa" sagot naman ni Mama

Nagtawanan kaming apat sa kalokohan namin. May kundisyon pa silang sinasabi pero hindi ko na sineryoso.

********

Pagkahatid ko kay Talia sa Montreal University kung saan siya nag aaral ay dumiretyo na ako sa Don Mariano Academy kung saan naman ako nagtuturo bilang guro sa mga pitong baitang na mag aaral.

Malakas ang ulan na may dala rin na malakas na hangin, mabuti nalang at kinaya ng payong ko ang hangin at nakarating sa office ng maayos.

Ten minutes nalang at magsusimula na ang klase ko kaya naman minabuti ko ng pumunta sa classroom para magturo.

Pagdating ko sa silid aralan ay mapapansin agad na marami ang lumiban sa klase, naiintindihan ko naman dahil inaalala lamang ng mga magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak dahil sa sobrang lakas ng ulan.

Nagsimula akong tawagin ang mga pangalan ng mga estudyante ko at sa 36 na estudyante ko ay 20 lamang ang pumasok. Ngumiti ako sa lahat at inumpisahan na ang leksyon na hindi namin natapos kahapon.

Bago mag lunch break ay nagpasya ang Mayor sa bayan namin na kanselahin lahat ng pasok ngayong araw mapa publiko at pribadong paaralan. Masaya ang mga bata sa binalitang walang pasok at ganoon din naman ako, ibig sabihin maaga akong makakapunta sa Mt. Isabella.

Nagligpit na ako ng gamit para makauwi na. Isang malakas na kulog naman ang nagpa wala ng kuryente sa buong paaralan.

"Brown out" sabi ng isang kasamahan ko sa trabaho

"Dapat umaga palang kinansela na ang klase" sabi naman nung isa pa

Hindi ako kumibo at mabilis na nag ayos, dadaan pa ako sa supermarket dahil nangako ako kay Wolf na dadalhan sila ng pasalubong.

Sakay ng kotse ko ay huminto ako sa supermarket, bumili ako ng dog treats na gustong gusto ni Yu at dog biscuits narin. Kumuha ako ng ilang pirasong spicy noodles, delata at biscuits bago nagpunta sa counter at nagbayad. Napapailing na napapangiti nalang ako, para akong nagkaroon ng mga anak simula ng makilala ko si Wolf at ang tatlo pang lobo.

Dahil malakas ang ulan minabuti kong umuwi muna sa bahay. Nagpaalam agad ako kay Mama ng makapag palit ako ng damit at ayaw pa ako nitong payagan noong una.

*******

Pagkarating ko sa entrance para makaakyat sa bundok ay hinarangan na agad ako. Nagtataka ako kung bakit kaya naman inilabas ko ang payong ko at lumabas sa kotse.

"Kuya anong problema?" Tanong ko sa Marshall na pumigil sa akin

"Ma'am close muna ngayon ang bundok delikado kasi, may mga gumuguhong lupa at maputik ang daan baka ikapahamak niyo lang" sagot nito

"No Kuya, okay lang po malapit lang naman pupuntahan ko" sabi ko

"Hindi talaga pwede Ma'am"

"Please Kuya saglit lang po ako" pakiusap ko

"Yun ngang mga professional hikers hindi namin pinayagan"

Lumapit naman yung dalawa pang Marshall at tinanong kung anong problema. Nakiusap rin ako sa kanila pero ayaw talaga nila akong payagan. Wala naman akong nagawa kaya bumalik nalang ako sa sasakyan at tumingin sa bundok bago umuwi.

********