Abala ako sa pag-iimpake. Nakatayo sa harap ng closet ko at paisa-isang iniitsa sa kama ang mga damit na napili kong dalhin.
It's 3:33 a. m.
Nakapameywang akong bumuntong-hininga at maya-maya'y humikab. Hindi ako makatulog. Inaantok ako pero sa tuwing ipipikit ko ang mga mata, nakikita ko ang mukha niya. Kaya inabala ko na lang ang sarili sa paghahanda para sa pag-alis namin mamaya. Namamaga pa ang mga mata ko dahil sa kaka-iyak. Nakaka-inis. Sana mawala agad ito. Muli akong bumuntong-hininga.
Bumalik ako sa ginagawa ko nang, mahagip ng mata ko ang isang maliit na kahon na gawa sa karton na nakasiksik sa pinakasulok ng closet dahilan para mapatigil ako.
Nandito pa pala 'to?
Dahan-dahan ko itong kinuha at ipinatong sa study table. Balot ito sa alikabok kaya hinipan ko na isang malaking pagkakamali. Napa-ubo ako at ilang ulit na napabahing.
Napatawa na lamang ako sa sariling katangahan.
Maingat kong inalis ang takip at bumungad sa akin ang tanging laman ng kahon. Isang polariod photo ng isang batang lalaki at isang batang babae na parehong nakangiti habang naka-akbay sa isa't isa. Gumuhit ang isang matamis na ngiti sa aking labi nang maglaro sa isip ko ang eksaktong senaryo sa litrato. Maingat ko iyong dinampot gamit ang aking hinlalaki at hintuturo. Tinitigan ko iyong mabuti.
Ang bata-bata ko pa dito.
Ang cute ko pala dati?
Natawa ako sa papuri ko sa sarili.
Kuha ito noong mismong araw ng pag-alis namin upang lumipat dito sa Manila.
Kamusta na kaya siya?
Naaalala pa kaya niya ako? Siguro naman 'di ba? Kasi nangako kaming hindi kakalimutan ang isa't isa.
Makikilala ko ba siya kung sakaling magkita kami ulit?
Hindi ko alam.
Natigil ako sa malalim na pag-iisip ng maramdamang may humablot sa litratong hawak ko.
"You still have this? Wow! Sobrang chubby mo pa dito o'." Tinitigan ako ni ate mula ulo hanggang paa. "Ngayon, buto-buto ka na lang. An'yari?"
"Tsk. Amina nga 'yan."
Mabilis niyang inilipat sa kabilang kamay ang litrato ng tangkain kong agawin iyon. Naglakad siya papunta sa kama ko at padapang ibinagsak ang sarili. Tinitigan niya ang litrato at ilang sandali pa'y, pinitik ito. Tumihaya siya at inunat ang braso na may hawak sa larawan.
"Ang gwapo talaga ni Tan-Tan 'no?"
Tumatango-tango akong naglakad palapit sa kama at umupo sa gilid. Sumandal ako sa headboard at humalukipkip. Tiningala niya ako.
"Ipupusta ko lahat ng chocolates ko sa fridge, nandudurog na 'to ngayon ng puso, hindi lang ng 'sangkababaihan pati na ng 'sangkabaklaan, iyong pinong-pino talaga."
Tumatawa akong tumango dahil sa diin ng pagkakasabi niya sa huling mga salita.
Bumangon siya at sumandal din sa headboard.
"Naaalala mo kung paano mo siya tawagin?"
Gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko dahil sa ala-alang hatid ng tanong niya.
Nagtitigan kami at sabay na tumayo sa kama. Itinaas ang kanang kamay at buong lakas na winagayway habang kumekembot na parang wala nang bukas.
"Tan-Tan!" pakanta naming wika.
"Isa pa!"
"Tan-Tan!"
"Isa pa!"
"Tan-Tan!"
Napuno ng mga tawa namin ang kwarto ko.
Intensyonal man o hindi, she always made me feel better when I'm down. Gaya ngayon.
"Isa pa!"
"Tan-Tan!"
Araw-araw kong ipinagpapasalamat sa diyos na naging kapatid ko siya.
"Isa pa!"
"Tan-Tan!"
Habol ang hiningang binagsak namin patihaya ang mga katawan sa kama habang parehong tumatawa. Ilang sandali pa'y, tanging ang malalalim naming paghinga na lamang ang maririnig sa silid.
"When did you two stop talking?" tanong niyang bumasag sa namamayaning katahimikan.
Mapait akong ngumiti.
"Eight years ago," pabuntong-hininga kong sabi.
"When was that?"
"Two years after we got here."
"That soon?"
Napatawa ako. Tawang walang 'ni katiting na saya.
"Yeah. We grew apart that soon," malungkot kong saad.
"Why?"
I shrugged my shoulders.
"I don't know. I don't really know. Bigla na lang, isang araw nawala na iyong pananabik, na dati nag-uumapaw, pati iyong sigla at saya. Bigla na lang, isang araw, wala na kaming mapag-usapan. Iyong dating katahimikan na ayos lang biglang, hindi na komportable at hindi na namin matagalan. The long night talks na minsan inaabot nang madaling araw, naging text na lang, inaabot pa nang linggo bago makapag-reply. Hanggang sa, tine-text na lang namin ang isa't isa kapag may espesyal na okasyon. Tapos, bigla na lang isang araw, wala na talaga akong natanggap na mensahe galing sa kaniya. Bigla na lang, isang araw, nagising ako na hindi na siya parte ng buhay ko. Hanggang ngayon, tini-text ko pa rin siya—kapag birthday niya, birthday ng mga magulang niya, ni ate Klaren, ni tita Triahlyn, ni tito Bogart, kapag halloween, pasko at bagong-taon. Every year. Walang palya. Not expecting to receive any reply."
Sarkastiko akong tumawa kasabay nang pagtulo ng luha sa mga mata ko.
"Absence makes the heart grow fonder? Nakakatawa."
"You're crying."
"I can't help it. Losing him hurts more than losing Alfred." Pinahid ko ang mga luha ko gamit ang isang braso at itinakip iyon sa mga mata ko.
"Facebook?"
"Sinubukan ko pero, sumuko din ako agad. Ang hirap maghanap ng taong first name lang ang alam mo sa sobrang dami ng Tristan sa buong mundo."
Naramdaman ko ang pagtaas-baba ng ulo niya.
Muli kaming yinapos ng katahimikan.
"Do you want to, see him again?"
"Uhm!"
"Kung ganoon, puntahan natin siya!"
Napabalikwas ako dahil sa sinabi ni ate.
"Seryoso? Uuwi tayo? Akala ko ba susunduin natin si kuya Justin?"
Ngumiti siya at bumangon. Sinuklay niya paitaas ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri at umupo nang maayos.
"Madadaanan natin ang probinsiya natin papunta sa resort. Kung gusto mo, pwede tayong mag-stay ng ilang araw? Tamang-tama at tapos na ang bahay namin doon. Pwedeng-pwede ng matirhan. Ano?" excited niyang wika na nagpasingkit sa mata ko dahil sa hinala.
Ang totoo, simula nang wala na akong matanggap na mensahe galing sa kaniya, palagi na akong nagbabalak na umuwi para bisitahin siya pero, sa lahat ng pagkakataong iyon, palagi akong nadadaig ng takot na dala ng sangkaterbang 'what if?'
Panahon na siguro para harapin ang takot na iyon at tanggapin kung ano man ang kahihitnan ng pagkakaibigan namin.
"Uhm!"
...
"Ate Klaren, kunan mo naman kami. Remembrance lang!" sigaw ng batang lalaki sa dalagang nakadungaw sa bintana ng isang magandang bahay subalit sunog ang kabilang parte.
"Sandali!" buong lakas niyang sigaw.
Bitbit ng dalaga ang isang camera paglabas niya ng bahay at tumabi sa babaeng malungkot na nakatingin sa katabing bahay na natupok ng sunog, ilang linggo na ang nakakaraan.
"Ngayon na pala alis niyo, ate Bridgette?" tanong niya.
"Uhm."
"Ingat na lang kayo sa byahe, kung ganoon."
Napatingin sa kaniya si Bridgette.
"Ma-miss kita, Klaren."
Ang mga katagang iyon ang naging hudyat para rumagasa ang mga luhang pinipigil ni Klaren.
"Ate!" umiiyak niyang wika at yinakap ang umiiyak na ring si Bridgette.
...
"Tan-Tan, Tin-Tin!"
Agad na inakbayan ng batang lalaki ang batang babae at hinila palapit sa kaniya nang makitang nakatutok sa kanila ang kamera ni Klaren. Ngumiti siya nang malapad.
"1. 2. 3. Smile!"
Inakbayan din siya ng babae at nakangiti ding humarap sa kamera.
...