Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at bumangon. Sumandal ako sa headboard ng kama. Kinusot ang mga mata at inunat ang katawan. Napabuga ako ng hangin saka tumayo, dumiretso ako sa banyo at ginawa ang morning routine ko—ihi, mumog at hilamos.
Lumabas ako ng banyo na pinupunasan ang mukha ng bimpo, pagkatapos, isinampay ko ito sa aking balikat. Umupo ako sa gilid ng kama at tinanggal ang cellphone kong naka-charge. Binuksan ko ito at napangiti nang mapait nang bumungad sa akin ang hindi pamilyar na screensaver. Napabuntong-hininga ako ng maalala kung bakit.
8:44 a. m.
Basa ko sa oras. Dinampot ko ang polariod photo na nakapatong sa bedside table ko at ipinalit ang cellphone ko.
Ibinagsak ko ang katawan sa kama at itinaas ang brasong may hawak sa larawan.
Ngumiti ako nang matamis ngunit may halong pangamba.
"See you later, Tan-Tan."
Napaigtad ako at muntik ng mapamura dahil sa sunod-sunod at malalakas na katok sa pinto ng kwarto ko, hindi na nga katok e', hampas na, na pati tulili ko napatalon sa gulat.
"Sandali!"
Agad akong bumangon at ipinatong sa cellphone ko ang litrato saka mabilis na naglakad palapit sa pinto. Agad ko itong binuksan bago pa masira.
Sinalubong niya ako nang matamis na ngiti.
"Good morning, baby sister!" masaya at punong-puno ng sigla niyang bati na nakapagpa-ngiti sa akin.
"Good morning. Halatang hindi ka excited na makita ang bago niyong bahay. Hindi talaga. Promise."
"Hindi nga!" tumatawa niyang sagot.
"Sabi mo e'."
Nang madamay sa sunog ang ancestral house namin at natupok, taon ang binilang bago nasimulang ipatayo ang bagong bahay, na kalauna'y napagpasyahang ibigay kay ate bilang regalo sa kasal niya, na labis naman nilang ikinatuwang mag-asawa.
Pinagsalikop niya ang kamay namin at marahan akong hinila.
"Let's go! Let's eat breakfast already and go on our way!" sigaw niya na ikina-iling ko na lamang habang nakangiti. Nagpatianod ako kasabay ng paghila ko pasara ng pinto ng aking kwarto.
"Oh! By the way, if you don't want to be yelled at, don't call either mom or dad, in the next few days."
Kumunot ang noo ko.
"Bakit?"
"Kasi, tinawagan ko si mom kagabi, pagkabalik na pagkabalik ko sa kwarto ko galing sa kwarto mo para sabihing uuwi tayo ng probinsiya."
"No, ate you did not!" natatawa kong sabi at napatampal sa noo.
"Bigla ba naman akong sinigawan na 'istorbo!' tapos sinabihang huwag daw silang tatawagan sa mga susunod na araw. Hmp! E'di sige! Madali naman akong kausap!"
Tuluyan na akong napahalakhak.
"Malamang, ate! Tinawagan mo sila ng madaling araw kung kailan malalim at masarap na ang tulog ni-la," a sudden realization hit me, "or not?"
Just a week ago, mama and papa renewed their vows and now they're in Boracay for their month long honeymoon.
Sabay kaming napatingin ni ate sa isa't isa.
"Are you thinking what I am thinking?" tanong ni ate ni may malawak na ngiti sa labi sabay taas-baba ng mga kilay niya na sinagot ko ng paulit-ulit na kindat.
"Magkaka-number three na!"
"Ate na ako!"
Sabay naming sigaw at nagtatalon paikot habang magkahawak-kamay.
"May number three na!"
"Ate na ako!"
Paulit-ulit naming kantang dalawa.
"Kayo talagang dalawa, oo! Itigil niyo nga iyan at bumaba na kayo dito!" galit na galit na sigaw ni lola.
Agad kaming napatigil at napayuko. Napatingin kami ni ate sa isa at bumaba. Agad na pinikot ni lola ang mga tainga namin at hinila papunta sa hapagkainan.
"Ba't ba kayo nagtatatalon at sa dulo pa talaga ng hagdan? Paano kung may namali ng tapak sa inyo at nahulog? Paano kung—ay naku! Balak niyo ba akong patayin sa kaba?" sermon ni lola.
Nagkatinginan kami ni ate at nakangiting tumango sa isa't isa. Sabay naming kinulong si lola sa mga bisig namin at nakanguso siyang tiningila.
"Sorry na, lola. Hindi na mauulit," pabebeng wika ni ate at tinitigan ako, sinasabing dugtungan ko ang sinabi niya.
"Oo nga, lola, hindi talaga mauulit. Promise. Kinabahan po ba kayo nang sobra?" wika ko at marahang minasahe ang gitna ng dibdib niya.
Ang mga kamay niyang kaninang nakahawak sa dulo ng tenga nami'y nakaakbay na sa magkabilang balikat namin ni ate.
Nakangusong tumango si lola.
"Aw. Sorry," sabi ko.
"Lola, don't worry, hindi ko na hahayaang makita mo kami sa susunod para hindi ka na kabahan."
Natawa ako sa sinabi ni ate.
"Aba'y siraulo ka talaga, Bridgette, oo! Ay siya, siya, bitaw na, ang init! Kumain na tayo para makaalis kayo ng maaga at makarating doon ng maaga."
Marahas na humiwalay si ate at humarap sa amin na lukot ang mukha at parang iiyak na ano mang segundo.
"Pinapalayas niyo ba na kami?"
Kinindatan niya ako. Agad kong naintindihan ang ibig niyang sabihin.
Agad din akong humiwalay kay lola at ginaya ang ekspresyon ng mukha ni ate.
"Oo nga! Pinapalayas niyo na kami?" nanginginig kong sabi na parang nasa gitna ng paghagulhol.
"Naku! Tigil-tigilan niyo ako sa kadramahan niyong dalawa," mariing wika ni lola habang sinusubukang kurutin ang mga singit namin pero agad kaming nakatakbo habang humahalakhak.
Ilang minutong napuno ng mga tawa namin ang buong kusina hanggang sa napalitan ito ng kalansingan ng mga kubyertos at babasaging plato.
"Tinawagan ko na si Pyerrot kanina, siya ang sasalubong sa inyo. Nagpahanda na rin ako ng makakain." Itinaas niya ang ginagamit niyang tinidor at itinuro sa amin. "Kayong dalawa, huwag kayong pasaway. Huwag niyong bibigyan ng sakit sa ulo si Pyerrot. Nagkakaintindihan ba tayo, mga apo?"
"Opo!" sabay naming sabi ni ate.
"Pero, hindi ko po ipinapangako," dagdag ni ate na umani ng masamang tingin kay lola. "Pero, ngayon, nangangako na ako."
I chuckled softly and secretly.
Kapitbahay namin si lolo Pyerrot, matalik na kaibigan ni lola, at ninong ni papa maging sa kasal. Siya ang kasalukuyang nagsisilbing bantay at taga-pangalaga ng bahay nina ate, base na rin sa kahilingan ni lola sa kaniya sapagkat, wala siyang pamilya at nakikitira lamang sa kaniyang pinsan na nitong nakaraan lamang naka-alitan niya at pinalayas siya.
"Oo nga pala, nang huling bisita ko doon, nagkita kami ni Tan-Tan. Ang gwapo niya pa rin, mali, sobrang gwapo na niya at ang tangkad-tangkad pa. Kinamusta ka niya sa akin, Tin-Tin, apo," nakangiti niyang sabi sa akin.
Nabigla ako sa sinabi ni lola at nabilaukan. Walang-tigil akong napa-ubo.
Agad kong tinanggap ang tubig na inabot ni ate at inisang-lagok. Humugot ako nang malalim na hinga at sinamaan siya ng tingin, sapagkat halos mamatay na siya sa kakatawa.
Tumikhim siya at umayos ng upo.
"Anong bang nakakatawa? Wala namang nakakatawa? Normal lang naman na mabilaukan kapag narinig mong kinamusta ka ng fiance mo. Hindi ba, Tin-Tin? Hindi ba, lola?"
"Oo," nakangiting pagsang-ayon sa kaniya ni lola at sabay silang tumawa at nag-appear.
"Tsk. Mga bata pa kami noon."
"But the sincerity and emotion are real, so genuine, that is why you hold on to that promise for a long while. Right? Until you met Alfred."
Mapait akong ngumiti at tumango.
"Uhm." Marahan akong tumango.
Kasabay ng pagbalik ko sa tagpong iyon, noong gabi kung kailan namin inusal ang dalawang pangako, sa ilalim ng libo-libong mga bituin at bilog na bilog na buwan.
...
Naka-upo sa dulo ng slide sina Tin-Tin at Tan-Tan. Nakaharap sa magkabilang direksyon-nakasandal sa likod ng isa't isa. Malungkot na pinagmamasdan ang madilim na kalangitang pinalalamutian ng nagniningning na mga bituin at isang bilog na bilog na buwan na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na paligid.
"Aalis na talaga kayo bukas?"
"Uh-Uhm."
"Saan na kayo titira?"
"Kina tita. Doon muna kami hanggang sa makahanap sina lola ng malilipatan."
"Saan iyon?"
"Sa Manila."
"Malayo ba iyon?"
"Oo? Hindi ko alam."
"Hindi ka na babalik?"
"Hindi ko din alam," malungkot na wika ni Tin-Tin.
Tumayo si Tan-Tan at nagsumiksik sa tabi ni Tin-Tin. Tinitigan niya siya ng maigi at maya-maya'y itinaas ang nakakuyom na kamao liban sa hinlalait. Kumunot ang noo ni Tin-Tin.
"Pinky promise?"
Napatigil si Bridgette nang marinig ang boses ng kapatid. Itinuro ng kaniyang lola ang taas ng slide. Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang kapatid na kanina pa nila hinahanap. Tatawagin niya sana ang kapatid pero pinigilan siya ng kaniyang lola.
"Uhm. Let's promise that we will not forget each other."
"Uhm. Promise!" nakangiting turan ni Tin-Tin at itinaas ang kaniyang hinliliit.
Pinagbigkis nila ang kanilang mga daliri at sinelyado ang kanilang pangako.
"Ah! One more thing! In the future, let's get married, so that we will never, ever, ever, ever, be apart from each other."
"Married? Ano 'yon?"
"I don't really know. When I ask ate Klaren earlier of a way so that we could stay at each other's side forever, she told me that getting married is the perfect way. I told her I will get married to you right away but she told me that, that it is only possible when we are old enough."
"Kailan naman iyon?"
"I don't know. But, let's promise."
"Uhm!"
"I promise that I will get married to Tin-Tin when we are old enough," wika ni Tan-Tan habang tinataas-baba ang mga nakabigkis nilang mga hinliliit. "It's your turn."
"I promise that I will get married to Tan-Tan when we are old enough at hindi na kami maghihiwalay!"
"Yehey!" sabay nilang sigaw dalawa.
Nakangiting napa-iling-iling si Bridgette sa ka-inosentihan ng dalawang bata. Habang nakangiti naman ng abot-tenga ang kaniyang lola na mamasa-masa na ang mga mata.
"Shooting star!" masayang sigaw ni Tin-Tin. "Wish! Wish! Wish! Dali!"
Sabay nilang itinaas ang mga kamay sa ilalim ng kanilang baba at nilapat ito sa isa't isa. Pinikit ang mga mata at inusal sa isipan ang kanilang mga kahilingan.
'Sana, matupad namin ang mga pangako namin sa isa't isa.'
'I hope, we met again, soon."
"Tin-Tin! Tan-Tan!"
Agad na napamulat ng mata ang dalawa at tumingin sa direksyon kung saan nanggaling ang boses na tumawag sa kanila.
"Ate?"
"Kayo talagang dalawa. Baba!"
Agad namang sumunod ang dalawa at nagpadulas pababa at nakayukong tumayo sa harap nina Bridgette at Solidad.
"Alam niyo ba kung anong oras na? Alas-onse na—"
Hinawakan ni Solidad ang kamay ni Bridgette dahilan para mapatingin sa kaniya ang apo. Nakangiti siyang umiling. Napabuntong-hininga si Bridgette at humarap sa dalawa.
"Tara na! Tara na! Hatid ka na namin, Tan-Tan. Nakasulubong namin si tita Triahlyn at ate Klaren mo, hinahanap ka rin nila. Pinag-alala niyo kami ng sobra, kayo talagang dalawa," wika ni Bridgette at ginulo ang buhok ng dalawa.
"Sorry po," sabay na sabi ng dalawang bata.
"Alam mo bang, halos maihi ang ate mo sa takot at kaba nang magising siyang wala ka sa tabi niya. Halos baliktarin niya ang buong covered court mahanap ka lang. Inisa-inisa niya ang mga tent at tumigil lang ng may nakapagsabi sa amin na may nakakita sayo na sumama kay Tan-Tan."
Matapos sabihin ni Solidad iyon, mahigpit na yinakap ni Tin-Tin si Bridgette at muling humingi ng paumanhin ganoon din si Tan-Tan.
"Huwag niyo ng uulitin iyon."
"Uhm!" Masiglang sigaw ng mga bata.
Napangiti nang mapait si Bridgette nang mapagtantong malabo na talagang maulit iyon at hindi nila naiintindihan iyon.
...