chapter 5-mystery

Matuling lumipas ang araw at buwan, ngayon ay halos tatlong buwan na rin simula nang mangyari ang aking panaginip na totoo.

Kasalukuyan akong nasa harap ng counter na kung saan ako nagtatrabaho. Isa akong casher sa hindi kalakihang grocery store. Hindi naman ito kalayuan sa bahay namin, kaya kung minsan ay nilalakad ko na lamang pauwi.

Napatingin ako sa labas ng grocery. At nakita kong maraming tao ang naglalakad at tila nagmamadali, tingin ko'y mamamalengke sila lalo na at malapit na ring magtanghalian.

Hindi naman kalakihan ang Barrio Puting Bato. Pero hindi rin ito masasabing naghihikahos sa buhay ang mga tao rito. Kahit na sabihing maliit lang ang lugar na ito ay masasabing maunlad din ito lalo na sa yamang dagat.

Halos dito na nga ako lumaki at nagkaisip, haggang sa umabot na ako sa edad dalawampu't tatlo. Ngunit wala naman nobyo. Iwan ko ba kung bakit mailap sa akin ang mga lalaki. Para bang natatakot silang lumapit sa akin, oh, may nakahahawa ba akong sakit. Nagtatanong tuloy ako sa aking sarili sa tuwing sumasagi iyon sa isipan ko.

Habang tahimik akong nag-iisip nang mga bagay-bagay ay. . . biglang natuon ang mga mata ko sa isang lalaki. Parang hari ito kung maglakad, ngunit ang pinagtataka ko ay nakasuot pa ito ng itim na jacket, may suot din itong salamin sa mga mata at sobrero. Kaya hindi nakikita ang buong mukha nito.

Bumaba rin ang mga mata ko sa suot nitong gwantes sa mga kamay. Parang bagong salta yata ito rito sa lugar namin. Ngayon ko lang kasi ito nakita rito. Pansin ko'y patungo ito rito sa grocery store. Siguro'y may bibilhin.

Tuloy-tuloy itong pumasok rito sa loob, gustuhin ko mang sundan ito ng tingin upang alamin kung saan pupunta ang lalaki at kung ano ang bibilhin nito. Kaso lang baka mahuli ako nito.

“Ngunit halos mahulog ako sa aking kinauupuan nang bigla na lang itong sumulpot sa harap ng counter na kung saan ako nakapwesto. Napanganga akong tumingin dito. Kahit hindi nito alisin ang suot na sunglasses ay alam kung sobrang gwapo nito.

"Tititigan mo na lang ba ako, babae?!" masungit sa sabi niya sa akin.

Doon lamang ako natauhan nang magsalita ito. Nakaramdam din ako ng hiya. Kaya naman bigla na lang akong tumungo at inasikaso ang ipapa counter nito.

Kaya lang parang nagtaasan ang mapipinong balahibo sa aking batok, hindi ko mawari kung ano ang nangyayari sa akin. Hindi na ako nakapagpigil at maliksing lumingon muli sa lalaki. Hindi ko alam kung saan ito nakatitig dahil may suot itong salamin.

Muli kong ibinaling ang mga mata ko sa aking ginagawa, baka kasi masinghalan na naman ako nito.

"Five hundred pesos po lahat-lahat po, sir," malumanay na sabi ko.

Nakita kong naglabas ito ng buong isang libo. Agad ko naman iyong kinuha upang ibigay ang sukli.

"Sir, ito ang suk..."

Napahinto ako sa aking sasabihin nang makita kong wala na ito sa aking harap.

“Nasaan na iyong?!" malakas kong pagkakasabi, tumingin ako sa buong paligid upang hanapin ang bulto nito. Pero wala talaga akong makita kahit anino nito.

"Bella! Sino ba ang hinahanap mo at panay ang lingon mo riyan," biglang sabi sa akin ni Nene. Nagtatrabaho rin ito rito.

"Iyong lalaking nakasuot ng black na jacket at salamin. Ibibigay ko sana itong sukli niyang kaso lang umalis na agad," anas ko.

"Lalaki? Pero wala naman akong nakitang lalaki riyan sa harap ng counter mo, Bella. Okay ka lang ba? Baka naman nakatulog ka tapos nanaginip ka," umiiling na sabi niya sa akin.

"Pasaway ka Nene. Alam mong bawal matulog lalo na kapag nasa trabaho tayo. Mayroon talagang lalaki rito kanina. Heto pa nga ang pera niyang inabot sa akin kani-kanina lang, oh," anas ko, sabay pakita ng hawak kong isang libo.

"Ohh! May Gosh! Totoo ba iyan, Bella?" hindi makapaniwalang sabi niya sa akin.

"Oo, totoo ang aking sinasabi Nene, nagtataka nga ako kung bakit biglang nawala ang lalaking iyon," saad ko rito.

“Jusko! Baka naman multo na 'yun? Tapos nakakagusto sa iyo, Bella."

“Ay! Grabe ka naman! Huwag ka naman manakot Nene," nakasimangot kong sabi rito.

Bigla naman tumawa nang pagkalakas-lakas ang babae. Ako naman ay napapailing na lang dito.

Hanggang sa sumapit ang hapon pero ang lalaking iyon pa rin ang laman ng isip ko. Hindi kasi ito mawala-wala sa sestema ko. Pagsapit naman ng alas-siyete ng gabi ay naghanda na ako para umuwi.

Kasalukuyan akong naglalakad nang maramdaman kong parang may nakasunod sa akin. Kahit nahihintakutan ay bigla akong tumigil para lingunin kung sino man ang nilalang na iyon. Subalit wala naman akong makitang ibang tao kundi ako lamang ang nandito.

Ano ba 'yan! Sa tagal-tagal ko nang naglalakad pauwi sa aming bahay ay ngayon lang ako nakaramdam nang takot. Saka tiwala naman akong walang masamang tao ang nandito sa lugar namin. Kaya palagay ang loob ko na maglakad mag-isa.

Pero bakit ngayon ay parang gusto kong tumakbo nang pagkabilis-bilis para makauwi na ako sa amin. Kaya naman kahit natatakot ay pinilit kong lakas ang loob ko. Pagkatapos ay muling nagpatuloy sa paglalakad. Hindi pa ako halos nakakalayo nang muli ko na naman marinig na parang may sumusunod talaga akin.

Kaya sa labis na takot ko ay maliksi akong tumakbo. Wala akong pakialam sa mga ilang tao na nakakakita sa akin.

"Diyos ko po! Iligtas mo sana ako sa nilalang na sumusunod sa akin!" malakas na bigkas ko.

"Bella! Bella! Sandali lamang bakit ba tumatakbo ka?!"

Ha! Bigla akong napahinto dahil sa pagtawag sa akin. Pagkatapos ay maliksi akong lumingon. At nakita ko si Nene, hingal na hingal ito.

"Jusko ko naman Bella. Bakit ka ba tumatakbo?!"

"Pasensya ka na. Ano kasi. . . Hmm. . . nagmamadali kasi ako dahil ginugutom na ako," saad ko rito. Mas maganda kung iyon na lang ang sabihin ko sa babae. Saka baka nagkakamali lang ako nang dinig kanina na may sumusunod sa akin. Alam kong tatawanan lamang ako nito.

"Pasaway ka talaga Bella. Ang bilis mong tumakbo," saad nito. At tuluyan na akong niyaya pauwi. Halos magkatabi lang namam ang bahay namin nito. Kaya minsan ay sabay kaming umuwi.

"Oy! May nakatira na pala rito!" palatak ni Nene. Sabay turo sa malaking bahay na dadaanan namin. Lumingon din ako roon. At nakita kong may ilaw na nga. Dati kasi ay sobrang dilim ng bahay na iyan. At kinakatakot ng mga tao rito sa lugar namin.

Sa totoo lang ito ang pinaka malaking bahay rito sa Barrio Puting Bato. Sa aking pagkakaalam ay nasa ibang bansa ang may-ari ng bahay na iyan.

"Baka may nakabili na riyan, kaya may ilaw na," saad ko.

“Siguro nga. Pero nakakatakot ang bahay na iyan Bella. Lalo at simula pagkabata natin hanggang ngayon ay walang tumira riyan. Baka nga may multo na riyan!" palatak ni Nene.

Hindi ako nagsalita. Ngunit napalingon ako sa bintana ng malaking bahay. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata mo nang makita kong may nakadungaw doon na tao. At para bang nakatingin sa ain ni Nene.

"Ne-Nene, kailangan na nating umalis," kabadong saad ko sabay hila sa braso nito.

“Hoy! Ano'ng nangyari sa iyo? Parang nakakita ka naman ng multo?”

“Huwag ka ng maraming tanong halika ka na . Nagugutom na ako,” pagsisinungaling ko sa kanya.