Kabanata 40

“Iinom ka pa ba no'n Zairan? Puwede namang hindi,” ani Mocha bigla.

“Hindi na. Tinatamad na ako. Magkita na lamang tayo sa sabado,” sagot ni Zairan at tumalon sa bintana.

Nagulat pa ako sa ginawa nito ngunit agad din naman akong nakabawi.

“Hayaan mo siya,” ani Mocha.

Napatango lang ako at nagbasa na lamang. Ang gulo lang din talaga nilang kausap minsan.

Lumipas ang ilang araw at sumapit ang piyesta sa bayan.

Gaya nang napag-usapan namin ni Mocha ay susunduin niya ako.

“Tara na Catherine,” gayak nito sa akin.

Nagulat pa ako nang makita ko ang itsura nito. Mukha siyang buhay na buhay.

“Anong meron sa iyo?” tanong ko pa.

“Wala naman,” aniya at kumikit-balikat.

Napatango ako ng marahan. Alam kong may ininom siya para magmukha siyang ganyan. Naipaliwanag sa amin iyon ng guro namin no'ng nakaraan.

“Catherine...” untag nito sa akin.

“Ha? Oo.” Bago kami sumakay sa sasakyan ay pasimple pa akong sumulyap sa aking kuwarto.

Napangiti ako, nakasilip lang ito mula sa aking bintana.

“Te amo Steffano,” bulong ko sa kawalan habang ang mga mata ko'y nakatitig lang sa guwapo nitong mukha.

“Hihintayin kita...” muling sambit ko.

Nangako itong sasamahan niya ako sa oras na sumapit ang gabi. Naikuwento sa akin ni Mocha na may palabas na magaganap mamaya at gusto kong mapanood namin iyon. Mali, kahit na hindi. Basta't makasama ko lamang siya mamaya'y masaya na ako.

“Catherine, tara na,” gayak sa akin ni Mocha kaya't tuluyan na akong pumasok sa loob.

“Maganda ba talaga doon?” naitanong ko habang nasa biyahe kami.

“Magugulat ka kapag nakita mo ang lugar na pupuntahan natin.” Tila ba't tuwang-tuwa talaga ito na makapunta kami sa lugar na iyon.

Napabuga ako ng hangin at tumanaw sa labas. Wari'y nasa isang bakasyon lang ako at kay daming nangyari. Sana nga'y magustuhan ko ang lugar na tinutukoy ni Mocha.

Dalawang oras o higit pa yata ang aming naging biyahe bago namin narating ang isang napakalaking bakal na pinto. Papungas-pungas pa ako habang pilit na ipinapasok sa kukute ko na may ganito nga talagang pinto.

“Ang laki...” naisambit ko nang makalabas ako ng sasakyan.

“Dali na Catherine!” tawag pa sa akin ni Mocha at tila atat na atat itong makapasok na sa loob.

Lumapit ako sa kinatatayuan niya at napatingala. Ang laki talaga ng pinto. Nakakamangha lang dahil gawa pa ito sa bakal at para bang kay tibay nito.

“Anong meron diyan sa kabilang bakod?” tanong ko pa.

“Makikita mo...” aniya at may inihulog itong papel sa maliit na butas.

Napakunot ako ng aking noo. Para saan din naman kaya ang maliit na papel na iyon? Bigla namang bumukas ang maliit na pinto na karugtong lang din ng malaking pinto.

“Tara Catherine!” biglang hila sa akin ni Mocha papasok sa loob at para bang naiwan ang kaluluwa ko.

Laglag din ang aking panga sa tindi ng gulat. Hindi ako makapaniwalang ang bayan na tinutukoy ni Mocha ay ang bayan kung saan ako naaangkop. Ang bayan kung saan lahat ay tao at walang gaya nilang mga nilalang.

“Nagulat ka ba? May ganitong bayan ang islang ito Catherine, kumbaga ito ang bayan na ito ang aming pananggalan upang maitago ang totoong meron sa Isla Bakunawa,” ani Mocha.

Napalunok ako. Naghahalong tuwa, gulat at takot ang umiiral sa akin ngayon. Sumagi sa isipan ko si Steffano. Paano kung may mangyaring masama mamaya at hindi niya mapigilan ang sarili niya. Natatakot ako para sa kaligtasan niya at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari iyon.

“Catherine, ano ang problema?” pukaw ni Mocha sa akin.

“W-wala! Namangha lamang ako. Wala bang nakakapasok sa lugar niyo? Maliban sa akin.” Kumikit-balikat ito.

“May taga bantay na nakalaan para sa siguridad namin Catherine. Isa pa, pagmamay-ari ng mga Zoldic ang islang ito at pagdating sa bayan na ito'y kami pa rin ang batas,” paliwanag nito.

Nakahinga ako ng maluwag do'n. Mahigpit din pala sila sa mga kagaya kong naninirahan dito.

“Tara na Catherine. Isang beses sa isang taon lang kami nakakagala rito kaya't kailangang lubusin natin sa pamamasyal ang araw na ito. Alam ko rin namang nangungulila ka rin sa ganitong lugar,” wika nito at hinawakan ang aking kamay.

Napangiti ako. Dapat nga't magsaya nga ako dahil pagkatapos ng araw na ito'y babalik na ako sa totoong mundo. Huminga ako ng malalim at napalawak ang aking ngiti sa labi.

“Gusto ko magsimba,” paalam ko kay Mocha.

“Sigurado ka ba? Kaya mo na mag-isa?” alanganin pang tanong nito.

Napatango ako.

“Alam ko, gusto mo rin namang mapag-isa, kaya ayos lang ako,” nakangiti kong sagot.

“Sige! Alis na ako,” paalam nito.

Tumango lang ako at pumasok na sa simbahan. Inilublob ko ang aking mga daliri sa langis at nagbigay respeto sa simbahan. Diretso ako agad sa loob ng kuwartong nakalaan para sa pangungumpisal.

“Magandang umaga, Ineng,” bati ni Padre sa akin.

“Magandang umaga rin naman po, Padre,” bati ko rin naman.

“Ano ang bumabagabag sa iyo?” Napabuntong-hininga ako.

“Tama ho ba na sumugal ako sa isang bagay gayong wala naman po akong kasiguraduhan. Mahal ko ho siya, ngunit ang daming tanong dito sa utak ko na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot,” pahayag ko.

“Hindi kaya'y masiyado ka lamang nadadala ng iyong kuryusidad kaya gusto mo lahat ng tanong sa utak mo'y masagot. Ineng, lahat ng nangyayari sa atin ay planado ng Diyos. May mga bagay na dapat muna hintayin ang tamang panahon. Hindi kailanman minamadali ang lahat.” Napabuga ako ng hangin.

“Padre, alam ko, hindi niyo alam ang ibig kong ikumpisal sa inyo ngunit sa palagay ko'y tama kayo. Masiyado kong minamadali ang lahat at pakiramdam ko'y may nakakaligtaan ako, ang maghintay sa itinakda sa akin.” Muli akong napabuga ng hangin.

“Ineng, huwag mong pairalin ang takot sa iyong dibdib, bagkus ay tibayan mo ang iyong loob upang malagpasan mo ang ano mang pagsubok na iyong kahaharapin.”

Napangiti ako. May punto ang pari sa kanyang ipinayo kaya't mas lalo pa akong naliwanagan.

“Padre, salamat po.” Tumayo na ako at lumabas. Maging ang paring nakausap ko'y lumabas din.

“Gabayan ka sana ng Diyos,” saad nito.

Nagmano ako upang magbigay galang. Tipid na ngiti ang itinugon ko at lumakad na palabas ng simbahan. Nakahinga ako ng maluwag dahil kahit papaano'y nailabas ko ng kunti ang aking mga saloobin. Lumakad na ako. Nais kong abalahin ang aking sarili sa pamamasyal. Parang regalo na rin ito sa akin dahil bukas na ang aking kaarawan. Bukas na rin masasagot ang lahat ng mga katanungang bumabagabag sa akin.