Kabanata 41

“Tiwala lang Catherine,” bulong ko pa sa aking sarili.

Lumakad na ako at tinungo ang daan papuntang perya. Abala ang lahat dahil sa piyesta. Puno ng kasiyahan ang buong paligid at aminado akong hinahanap-hanap ko ang mga ganito.

Nang makapasok ako sa loob ng perya ay agad kong inaliw ang aking mga mata sa samu't saring palarong pambata.

Naupo ako sa upuang gawa sa semento at tahimik lamang na napamasid sa mga taong napapadaan sa gawi ko.

“Catherine...” bulong ng hangin kasabay nang pagdampi nito sa aking balat.

Tinatawag na naman niya ako. Mukhang ipinapahiwatig nito sa akin na darating talaga siya.

“Ate, gusto niyo po?” biglang alok ng batang paslit sa akin ng kendi . Nailing ako.

“Huwag na, kulang pa iyan sa iyo.” Napanguso naman ito.

“Hindi rin naman po ito sa akin ate, pinapabigay lang ni kuya.” Kumunot ang aking noo.

“Sinong kuya?” Nailing naman ito.

“Sabi niya magkikita daw kayo mamaya. Malungkot ka raw kaya pinapabigay niya ito,” sagot niya sabay lagay sa aking kamay no'ng kendi at kumaripas na nang takbo.

Natapayo ako't napalinga sa paligid ko. Ngunit kahit gaano ko pa kapursigido ay hindi ko pa rin siya nakita. Umupo akong muli at napasapo ng aking noo.

“Kahit kailan ay matigas talaga ang ulo mo mahal ko,” naibulong ko sa kawalan.

Hindi naman masiyadong tirik ang araw ngunit mapanganib pa rin ang maglagalag siya sa ganitong oras.

“Catherine!” bungad ni Mocha sa akin at laglag ang aking panga sa mga dala niya.

“Inubos mo ang paninda ni manong?” gulat ko pang sambit at sinulyapan ang tindahan ni manong sa sulok. Napapakamot pa ito sa kanyang batok.

“Ano ka ba, sobra-sobra ang ibinayad ko. Nadismaya lang iyon dahil naubos ko ang mga teddy bear na ito.” Napangiwi lang ako. Halos tatlong tindahan din ang hindi niya pinalagpas.

“Kumain ka na ba?” aniya.

“Ito lang...” simpleng sagot ko at ipinakita sa kanya ang hawak ko.

“Masarap ba 'yan?” Napatango ako.

“Matamis,” dagdag ko pa.

“Nako huwag na, maisusuka ko lang iyan.” Nakasimangot nitong wika.

“Ano ba ang lasa?” Napaismid ito sa hawak ko.

“Dulo pa lang ng dila ko'y ayaw na. Walang lasa. Kapag dugo naman? Ewan ko na lang Catherine. Wala talang makakapantay sa sarap nito.” Bahagya pa nitong binasa ang kanyang labi na wari ay takam na takam nga talaga ito.

“Magtigil ka nga Mocha. Tinatakot mo ako,” sabi ko pa.

Napabungisngis naman ito.

“O siya, magkita na lang tayo mamaya. Maaamoy naman kita e,” anito at lumakad na habang bitbit ang mga laruang nakasilid sa malaking supot.

Napailing na lamang akong pinagmasdan ito. Napakaignorante nito ngunit hindi ko siya masisisi. Ilang taon din silang nakakulong sa likod ng malaking barikadang humaharang sa bayang ito.

Kumain na lamang ako at napagpasiyahang gumala upang 'di rin naman masayang ang pagpunta ko rito.

SUMAPIT ang gabi at mas lalo yata akong namangha sa perya. Iba't ibang mga palamuti ang ginamit nila upang maging kaaya-aya ito sa mata ng mga tao, lalo na ang mga bata.

Napasulyap ako sa aking suot na relo. Ala-syete na ng gabi ngunit hindi pa rin siya nagpapakita. Hindi tuloy ako mapalagay sa kakaisip kung nasaan na siya. Lumabas ako ng perya at tinungo ang simbahan. Doon ko na lamang siya hihintayin. Habang tinatahak ko ang daan papuntang simbahan ay may bigla na lamang pumigil sa akin.

“Catherine...” ani Zairan.

“Zairan, bakit?” taka ko pang tanong at pilit na kumakawala sa pagkakahawak nito sa aking kamay.

“Alam ko, ikaw si Ren, ang kasintahan ko. Pakiusap Catherine, huwag ka magpanggap bilang ibang tao,” pagsusumamo nito.

Bakas sa mga mata nito ang matinding lungkot sa kanya ngunit nagkakamali siya. Binawi ko ang aking kamay ng buong puwersa.

“Naging kasintahan mo si Ren?” Tila hindi ako makapaniwala sa natuklasan ko mula sa kanya.

“Oo at alam kong ikaw ay siya.” Napailing ako at napaatras ng bahagya.

“Hindi nga ako si Ren! Pati ba naman ikaw Zairan ay ganoon din ang iniisip sa akin!” Hindi napigilan kong bulyaw sa kanya.

“Alam ko, ikaw talaga si Ren. Kawangis mo siya Catherine.”

Mas lalong kumunot ang aking noo sa kanyang naging pahayag.

“Kawangis? Kabaliwan iyang pinagsasabi mo!” Akmang tatalikuran ko na sana siya ngunit bigla na lamang nito akong hinila at hinapit sa aking baywang.

“Zairan–”

Bumilog ang aking mga mata sa ginawa niya. Hinalikan niya ako!? Natulala at nagulat ako sa ginawa niya. Walang ano pa ay nagulat na lamang ako sa sunod na nangyari. Tumilapon si Zairan at halos malibing ito sa pader ng simbahan dahil sa sobrang lakas ng pagkatilapon nito. Mas lalong nanlaki ang aking mga mata dahil sa tindi ng pagkabigla ko. Pakiramdam ko'y nakapako ang mga paa ko sa sementong kinatatayuan ko.

Bigla namang may humila sa akin at hinapit ang aking baywang. Natutop ko ang aking bibig nang mag-angat ako ng aking tingin.

“Steffano...” naiusal ko.

Wala akong emosyong nakikita sa kanya ngunit bakas sa mga mata nito ang matinding galit. Mariin akong napakagat ng aking labi at napayuko. Pakiramdam ko'y ang dumi ko na. Halik lang iyon pero pakiramdam ko'y hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Pumaling ako kay Zairan. Nakatayo na ito at wari'y gulat pa ito sa kanyang nakita.

“Kuya...” ani Zairan na ikinagulat ko din naman.

Magkapatid silang dalawa!? At isa din siyang Zoldic!?

“Binigyan kita ng mga pahiwatig sa iyong panaginip ngunit sinuway mo ako,” ani Steffano.

“Steffan–” akmang pagsingit ko ngunit umiling ito sa akin na para bang pinatatahimik niya ako.

Wala akong nagawa kundi ang sundin ito kahit na ang toto'y gusto ko siyang kumprontahin dahil sa paglilihim nito sa akin tungkol sa katauhan niya.

“Kuya, siya si Ren! Alam mong siya si Ren!” ani Zairan.

“Hangal! Hindi siya si Ren. Matagal mo nang alam na wala na siya,” sagot din naman ni Steffano.

Hinawakan nito ang aking kamay at hinila na ako.

“Kuya!” tawag ni Zairan kay Steffano.

Nahinto naman si Steffano at bahagyang nilingon si Zairan na umiiyak.

“Tumigil ka na bago ko pa makalimutang kapatid kita,” maawtoridad nitong wika at tuluyan niya na akong hinila palayo kay Zairan.

Nang tuluyan kaming makalayo kay Zairan ay wala pa rin akong imik. Hinayaan ko lang siya na hilain ako. Rumihestro sa utak ko ang luhaang mukha ni Zairan kanina. Ipinipilit niya talagang ako si Ren, ang kanyang kasintahan. Hindi ko man alam kung totoo nga ang sinagot ni Steffano sa kanya na wala na nga si Ren. Ngunit bakas sa mukha ni Zairan na para bang alam niya ang totoo, ngunit pilit itong nabubuhay sa isang kasinungalingan.