Kabanata 39

“May sugat ka ba? Anong masakit sa iyo?” natataranta kong tanong.

“Catherine...” Nag-angat ako ng aking paningin.

Bigla na lamang nitong pinahiran ang aking pisngi. Hindi ko man lang namalayang naiyak na pala ako.

“Ayos lang ako...” wika niya at niyakap ako.

Mas lalo akong naiyak. Kakaiba man ang angking katangian niya ngunit hindi pa rin maaalis sa akin ang mag-alala at mabahala. Kahit man ay may pagbabagong nangyayari sa kanya'y hindi pa rin dapat ako makampanti.

“Sino ba iyon?” naitanong ko.

“Isang kaaway,” tipid nitong sagot.

“Mamayang gabi na tayo bumalik,” dagdag pa nito.

Napatango lang ako at pinunasan ang aking luha. Napamasid ako sa aking paligid. Ngayong ko lang napagtantong maganda ang loob ng bahay. Maliit man ngunit kakasya na rito ang isang maliit na pamilya.

“Dito ka nakatira?” manghang tanong ko.

“Tayo...” anito at niyakap ako mula sa aking likuran.

“Talaga?” mangha ko pang tanong.

Pilyo naman itong napatawa.

“Ito ang lugar kung saan puwede kitang masolo. Regalo ko para sa iyong darating na kaarawan,” wika nito.

Nangilid ang aking mga luha sa sobrang galak. Hindi ko akalaing ganito nga ako kahalaga sa kanya. Humarap ako sa kanya at kinantilan ito ng halik.

“Buong puso akong nagpapasalamat sa regalong ito. Napaaga man ngunit lubos ko pa rin itong ikinagagalak.” Tipid lang itong ngumiti.

Pansin kong napapadalas na ang kanyang pagtawa at pagngiti, kaya't mas lalo iyong ikinagaan ng aking pakiramdam. Habang tumatagal ay mas lalong lumalabas ang totoong ugali niya. Masayahin din pala ito at pilyo rin minsan.

“Sino ba ang pinagtataguan natin?”

Gaya nga ng inaasahan ko'y wala itong imik. Wari'y ayaw niyang pag-usapan namin ang nangyari kanina lang. Baka naman iyong anak ni Mama ang pinagtataguan namin. O kaya naman, pati nga ba siya ay nagtatago rin o ako ang itinatago niya sa kung sinong nilalang na iyon. Hindi ko na alam kung ano pa ang maari kong iisipin sa mga oras ngayon.

“Kumain ka na,” pukaw nito sa akin sabay abot sa akin ng isang buslo na punong-puno ng mga prutas.

Gusto ko mang mangulit muli at magtanong ngunit mas pinili ko na lamang ang manahimik at kumain na lamang.

Lumipas ang ilang oras at sumapit na ang gabi. Tanaw na tanaw ko mula sa bintana ang liwanag ng buwan sa kalangitan mula sa aking kinauupuan.

“Catherine...” tawag nito sa akin. Agad din naman akong napatayo at lumapit sa kanya.

“Uuwi na tayo?” tanong ko pa.

“Kailangan...” tipid lamang na sagot nito at hinawakan ang aking kamay.

Kinarga nito akong bigla ng wala man lang abiso. Lagi naman! Sa isang mabilis na pagtakbo lamang nito'y narating agad namin ang bahay. Sa hula ko'y hindi naman medyo malayo ang bahay kubong regalo niya sa bahay ng mga Zoldic.

Ibinaba nito ako sa tapat mismo ng pinto. Magpapaalam na sana ako sa kanya ngunit laking gulat ko nang pumasok ito sa loob habang hawak ang aking kamay.

“Steffano...” awat ko sa kanya.

Nahihibang na ba siya!? Paano kung makita siya ng Mama o kaya ng tiyang? Panigurado'y magugulat ang mga iyon dahil may kasama akong bampira. Ang alam nila'y wala akong kamuwang-muwang sa paligid ko.

“Steffano...” awat kong muli sa kanya ngunit para itong bingi dahil diretso lang ito sa paglakad paakyat.

“Catherine, sino iyang kasama mo?” bungad ng Mama sa amin. Halos bumilog ang aking mga mata.

“Po?” Tila lutang pa ang aking utak at 'di alam ang gagawin.

“Kaklase mo ba–” Natigilan ang Mama nang magsalubong ang kanilang mga paningin. Para itong maiiyak o kaya'y parang natutuwa. Hindi mo mahulaan ang kanyang emosyon.

“Mama, kasi... Ano...” Sumenyas ito na para bang sinasabi niyang 'Ayos lang'.

Umipod pa ito upang tuluyan kaming makadaan. Hinila akong muli ni Steffano papasok sa aking silid.

“Magkakilala ba kayo!?” unang tanong ko agad.

Hindi ito umimik. Nanlulumo akong naupo sa aking kama. Sumasakit ang ulo ko sa mga nangyayari. Kunti na lang at parang bibigay na ang utak ko.

“Catherine...” tawag nito sa akin ngunit nag-iwas ako ng aking paningin.

Lumapit ito sa akin at niyakap ako. Tuluyan ko nang ibinuhos ang aking emosyon.

“Patawad...” usal nito.

Tumugon ako sa yakap niya.

“Nahihirapan na akong mag-isip. Hindi ko na alam kung kakayanin pa ba ng utak ko ang lahat ng ito,” paglalabas ko ng sama ng loob.

“Tahan na mahal ko,” alo nito sa akin.

“Masasagot din lahat ng mga katanungan mo. Malapit na...” makahulugan nitong wika.

Nailing na lamang ako at napapikit ng mariin. May tiwala ako sa kanya ngunit mas matimbang sa akin ang kuryusidad na malaman ang totoo. Sana nga'y masagot nitong lahat.

Kinaumagahan...

Maaga akong nagising at nang magmulat ako'y wala na si Steffano sa tabi ko. Maski na ang tiyang at Mama ay walang imik tungkol sa nangyari kagabi. Para bang may hinihintay silang mangyari.

Ngunit gaya nga nang sinabi ni Steffano ay kailangan kong hintayin ang aking kaarawan upang masagot lahat ang mga katanungan ko. Wala akong nagawa kundi ang pumasok na lang ng maaga sa unibersidad dahil wala rin naman akong mapapala sa kanila.

“Catherine!” salubong ni Mocha sa akin.

“Kumusta ang araw mo?” usisa nito.

“Mabuti!” Pilit kong pinasisigla ang aking sarili.

“Mabuti naman kung ganoon. Tara na,” gayak nito sa akin.

Simpleng tango at ngiti lamang ang itinugon ko.

Nang makaakyat kami sa aming silid-aralan ay para bang kay kalmado ng lahat. Puna kong nabawasan kami dahil sa larong naganap ngunit baliwala sa kanila iyon. Sabi nga nila, matira ang matibay.

Tinungo na namin ni Mocha ang aming mesa at naupo sa kanya-kanyang silya. Pumasok naman ang aming guro at tila masaya pa ito na 'di ko mawari kung bakit.

“Malapit na ang piyesta sa bayan kaya pakiusap ko lamang sa inyo'y makihalubilo kayo ng maayos at huwag niyo sanang dungisan ang ating mga angkan. Bibigyan kayo sa sabado ng pananggalan laban sa pagkauhaw kaya't sana'y sundin niyo ang ating batas,” mahaba nitong paliwanag at lumabas ng muli.

Napabaling ako kay Mocha. Hindi maalis sa mukha nito ang matinding saya.

“Anong meron?” taka ko pang tanong.

“Isang beses sa isang taon lang kasi kaming puwede pumunta sa bayan kaya't masiyado akong masaya dahil makakabalik akong muli doon.”

Napangiwi ako. Wala akong maintindihan kaya puro na lamang ako tango. Sinulyapan ko naman si Zairan na nasa aking likuran.

“Bakit?” tanong pa nito.

“Ha? Wala!” Nailing pa ako at itinuon muli ang aking atensyon sa hawak kong libro.

“Panigurado, magpapakita si Cedrick sa araw na iyon,” Narinig ko pang sambit ni Akesha.

Ewan ko ba pero nakaramdam ako ng inis.

“Ilusyunada!” ani Mocha sabay irap kay Akesha.

Nagtagis lang ang bagang nito at umirap din kay Mocha. Matalim na titig din naman ang ipinukol niya sa akin. Pinaikot ko na lamang ang aking mga mata at napabuga ng hangin.