Kabanata 38

“Catherine, bakit?” ani tiyang. Napatuwid ako nang tayo.

“Ho? Wala po tiyang, salamat po dito,” alanganin ko pang sagot at pilit na inaagaw ang atensyon nito huwag lamang mapalingon sa likuran niya.

“O siya, aalis na ako,” anito at lumabas na ng aking silid.

Ikinandado ko pa ang pinto dahil baka'y pumasok bigla ang tiyang, lalo na si Mama.

Napailing na lamang ako at akmang uupo ngunit bago pa man ako makaupo ay naunahan na ako ni Steffano. Nakakandong tuloy ako sa kanya ngunit hindi na ako nagreklamo pa. Naglalambing ito sa akin at gusto ko rin namang makabawi sa kanya. Alam kong nagseselos pa rin ito kay Zairan at hindi ko naman iyon maiaalis sa kanya.

“Kumain ka na...” aniya.

Isiniksik nito ang kanyang mukha sa aking leeg at ipinulupot ang kanyang mga bisig sa aking baywang. Napabuga ako ng hangin at nagsimula nang kumain.

“Hindi ka ba nagugutom?” naitanong ko.

“Abala ang ulam ko...” bulong nito.

Napalunok ako sa isinagot niya. Minadali kong tinapos ang aking agahan. Nagsisitayuan ang mga balahibo ko dahil sa sinabi niyang iyon.

“Natatakot ka...” Nailing ako.

“Nagulat lamang ako,” sagot ko. Sinulyapan ko ito.

“K-kung gusto mo, puwede naman,” alok ko pa at hinawi ang hibla ng aking buhok na natatakip sa aking leeg.

Idinampi nito ang kanyang labi at tila nanuyo ang aking lalamunan dahil sa tindi ng aking kaba. Ramdam ko ang pag-awang ng bibig nito na para bang handa na itong kagatin ang aking leeg. Ngunit imbes na kagatin ito ay dinilaan niya lamang ito. Para tuloy akong nawalan ng lakas sa ginawa niyang iyon. Malutong itong napatawa ngunit mahina lamang. Inaasar niya lamang ako at talaga ngang naasar naman ako sa ginawa niya.

“Pilyo!” inis kong sambit at inirapan siya.

“Gusto ko maglaro,” anito.

“Ha–ay!” gulat kong sambit nang mabaliktad na lamang ako nang upo sa kandungan niya.

Kung kanina ay nakatalikod ako, ngayon naman ay talagang nakaharap na ako sa kanya.

“Anong laro?” usisa ko.

“Domino...” sagot niya sabay latag ng malapad na kahoy sa pagitan namin. Korte itong parisukat na talagang ginagamit para sa larong domino.

“Saan mo nakuha iyan?” taka ko pang tanong.

“Dala ko kanina, regalo ko sa iyo,” simpleng sagot niya lang.

Pagkunot lamang ng aking noo ang tanging naisagot ko.

Binuksan naman niya ang kahon na naglalaman ng mga maliliit na bloke ng domino. Napaawang ang aking mga labi ng may maliit na itim na rosas itong kasama. Kinuha ko ito at inamoy.

“Salamat...” wika ko.

Hindi ito umimik at ipinagpatuloy ang ginagawa niya.

“Mamili ka...” utos niya pa sa akin. Kumikit-balikat lang ako at sinimulan na namin ang laro.

Makalipas ang ilang oras na paglalaro namin ay umayaw na ako. Lagi niya kasing nahuhulaan ang mga galaw na ititira ko kaya lagi akong talo.

“Tumira ka na,” utos niya pa. Napairap ako at inalis iyong kahoy na nakalatag sa pagitan namin. Inilapag ko ito sa lamesang maliit.

“Ayoko! Dinadaya mo ako!” maktol ko.

Bigla niya naman akong kinabig ng husto kaya halos magkadikit na ang mga katawan namin.

“Kailan ka magpapagupit?” naitanong ko bigla habang ginugulo ang kanyang buhok na may kahabaan na't hanggang leeg na ito.

“Kapag naikasal tayo,” simpleng sagot lamang nito at aminado akong kinilig sa sinabi niya.

“Talaga?” paniniguro ko pa.

“Hmm...” simpleng tugon niyang muli.

Napasinghap na lamang ako sa sunod niyang ginawa. Dinampian niya ng halik ang aking dibdib. Alam ko, uhaw na uhaw siya sa akin ngunit pinipigilan niya lang na masaktan ako.

“Nagugutom ka?” tanong ko pa.

“Hindi...” tipid niya lang na sagot.

“Anong gusto mong gawin?” Tila napapaisip pa ito kung ano nga ba talaga.

“Makasama ka...” Napanguso ako at ipinulupot ang aking mga braso sa kanyang batok.

“Gusto kong gumala sa dati naming tinitirhan,” wika ko.

“Kapag maayos na ang lahat, dadalhin kita sa lahat ng lugar na gusto mo.” Napangiti ako ngunit sumagi sa isip ko iyong naitanong ni Mocha sa akin, kung sino talaga si Steffano.

“Maari ko bang malaman ang totoo mong pangalan?” lakas-loob kong tanong.

Nag-aalangan man ngunit kailangan ko pa ring malaman ang buo niyang pagkatao.

“Sa darating na kaarawan mo'y malalaman mo ang sagot sa lahat ng katanungan mo.” Nahilig ako sa dibdib nito.

“Bakit kailangan pang itaon sa kaarawan ko,” may panghihinampo ko pang tanong.

Hindi ito umimik bagkus ay niyakap lamang ako. Napahikab pa ako dahil pakiramdam ko'y hinahatak na ako ng antok.

“Te amo...” Narinig kong sambit nito bago ako tuluyang makatulog.

NAGMULAT ako ng aking mga mata at laking tuwa ko't hindi niya ako iniwan. Tinabihan niya pa talaga ako sa aking pagtulog. Hinaplos ko ang mukha nito at pinadaan ang aking mga daliri sa buong mukha niya.

“Alam ko, 'di ka tulog,” mahina kong wika.

Idinilat nito ang kanyang kaliwang mata at pilyong ngumiti sa akin.

“Pilyo!” Hinampas ko ng kunti ang kanyang balikat.

“Sinabi ko na sa iyong sasamahan kita ngayon,” aniya.

“Salamat.” Sumiksik pa ako lalo sa kanya.

Wala man akong marinig na tibok ng puso nito, hindi ko man ramdam ang init ng katawan nito ngunit para sa akin siya'y walang katulad.

“May ipapakita ako...” wika nitong bigla at laking gulat ko ng itapat niya ang kanyang kanang kamay sa sikat ng araw.

“Huwag!” tutol ko ngunit inawat niya lang ako.

Laking pagkamangha ko't hindi man lang nalapnos ang kanyang kamay.

“Kaya ko na tumagal ng limang minuto sa ilalim ng araw,” wika niya. Napabangon ako sa sinabi niya.

“Hindi ka ba nagbibiro?” Tila namamangha ko pang paniniguro sa kanya. Inalis nito ang kanyang kamay at naupong kagaya ko.

“Totoo...” Sa sobrang tuwa ko'y niyakap ko siya nang mahigpit.

“Masaya ako para sa iyo mahal ko,” naiusal ko.

Tinugon nito ang aking yakap at muli ay ginawaran ako ng halik sa aking labi. Ngunit bahagya itong natigilan at napalingon sa pinto. Kumunot ang noo nito na tila ba at hindi niya gusto ang nararamdaman niya sa labas ng aking silid.

“Bumalik siya...” wika nito.

Mabilis nitong kinuha ang kanyang tsaketa at isinuot ito. Agad din niya akong kinarga at walang ano pa ay tumalon ito sa bintana habang karga ako. Walang kahirap-hirap niya akong itinakas at mabilis kaming nakalabas ng bahay. Para pang naiwan ang kaluluwa ko dahil sa tindi ng aking pagkagulat.

“Steffano...” pukaw ko rito.

Kasasabi niya lang na limang minuto lang ang kaya niyang itagal sa ilalim ng sikat ng araw at lubos ko iyong ikinabahala.

Isang kurap lang ay ibinaba niya ako sa harap ng isang bahay kubo at agad niya akong hinila papasok sa loob. Agad akong nakabalik sa sarili ko at inusisa ito.