CHAPTER 6

Walang permanente sa mundo. Lahat ng bagay lumilipas, umaalis, namamatay. Kaya naman aligaga ang mga tao na gawin ang mga bagay na gusto nila hangga't mayroon pang oras.

'You only live once', yan ang madalas kong marinig sa kahit na sino. Karamihan sa mga tao health conscious, maalaga para humaba pa ang buhay. Pero kahit anong pilit nating iwasan, darating pa rin ang araw na tuluyan na tayong mawawala. Tuluyan na tayong lilisan na para bang araw sa kanluran na tuluyan nang lumubog kasunod ng pagsapit ng dilim.

Kaya naman habang nabubuhay ay ginagawa na natin ang mga dapat, kailangan, at gusto nating gawin. Kagaya ng pagbilin sa mga taong mahahalaga sa atin. Pero ang kadalasang pinagbibilinan ay ang taong malapit sa'yo o di kaya nama'y kapamilya, kaya hindi ko mawari bakit sa akin pinapaubaya ni Madam ang apo niya.

Magkahalong gulat at pagtataka ko siyang tiningnan. "Ho?" Gusto kong linawin kung tama ba ang narinig ko. "Ipapaubaya niyo sa'kin ang apo ninyo? Eh sarili ko ngang mga kapatid hindi ko na naaalagaan, eh!" Hindi ko sinasadyang pagtaasan siya ng boses. Nagsisi agad ako na hinayaan ko pa ang sarili na magsalita. Dapat nakinig lang ako, baka galit na sa akin si Madam dahil sa kawalang respeto ko.

Pero kung iisipin, maaaring hindi niya na iiwan sa akin ang apo niya dahil 'masama' ang ugali ko. Kaso baka tanggalan niya din ako ng trabaho ngayon din.

Mahinang tumawa si Madam, bagay na hindi ko inaasahan matapos ang naging asal ko sa kaniya. "Mas lalo mo lang pinatunayan na bagay ka nga sa apo ko. You see, alam ko lahat ng ginagawa niya sa loob at labas ng pamamahay ko. Alam ko lahat lahat, pero hindi ko siya pinigilan. Hindi ko siya kayang pigilan dahil nabubulag ako sa pagmamahal ko sa kaniya na nagiging ayos lang sa akin ang lahat kahit pa alam kong mali." Bakas ang lungkot sa mga mata niya habang sinasabi ang mga katagang iyon. "Pero ikaw, nararamdaman kong hindi ka magpapabulag sa pagmamahal na iyon at mas pipiliin mong gawin ang tama higit sa lahat. Nakikita kong isa kang taong may paninindigan at ipaglalaban ang alam mong dapat at tama. Kaya rin kampante akong iwan siya sa'yo kapag nawala na ako," malungkot siyang ngumiti.

"Pero–" Pinigilan ko ang sarili dahil baka kung ano naman ang masabi ko. Pero hindi pwedeng hindi ko mailabas ang saloobin ko. "Pero malaki na po siya, kayang-kaya niya na ang sarili niya. Imposible po iyang sinasabi niyo dahil nasa tamang edad na siya para magdesiyon para sa sarili niya. Hindi na po siya bata para diktahan o gabayan pa. Ni ayaw niya nga na nandito ako sa bahay niya."

"Dodoblehin ko ang sweldo mo, sa isang kondisyon. Gusto kong samahan mo siya kahit saan para malaman ang lahat ng ginagawa niya at sabihin sa akin kung may hindi siya magandang ginawa."

"Parang espiya?"

"Parang ganu'n."

"Marami ka naman pong pera, bakit hindi ka na lang mag-hire ng mas bihasa sa pag-espiya ng ibang tao?"

"Sa tingin mo ba hindi ko na 'yan ginawa?" mahina siyang natawa saka umiling. "Tsk tsk, 'yang apo ko magaling mag-sense kung may ibang taong nakasunod o magmamanman sa kaniya. Kaya kailangan kita para sumubaybay sa mga ginagawa niya nang hindi napaghihinalaan."

"Bakit?"

Umangat at tingin niya sa akin na takang nakatingin sa kaniya.

"Bakit kailangan mo pang malaman ang mga ginagawa niya? Bakit hindi mo na lang siyang hayaan kung ano man ang gusto niya? Wala ka bang tiwala sa kaniya? O masyado ka lang natatakot na baka hindi mangyari kung ano man ang gusto mo?"

Hindi kami close ni Archer. Ni hindi ko nga siya gusto. Pero hindi maganda sa pakiramdam na malaya ka nga pero parang hindi naman. Sa tingin ko mas mabuting hayaan na lang siya sa kung ano mang nangyayari sa buhay niya.

"Alam mo, nagsisimula na akong mainis sa'yo. Tatanggapin mo ang alok kong doblehin ang sweldo mo? O tatanggalan kita ng trabaho?" Seryoso niyang sabi.

Tumigil ako sa ginagawang paghalo ng sangkap para mag-isip. Siyempre mas pipiliin ko ang pera. Aarte pa ba ako kung alam ko naman kung ano ang may kailangan ko? Simple lang naman ang gagawin, alamin ang mga ginagawa niya. Kung paano? Mamaya ko na iisipin.

Akmang ibubuka ko ang bibig para sumagot nang biglang malakas na tumawa si Madam.

"Joke lang, ito naman masyadong seryoso. Kung ayaw mo, edi okay lang, hindi kita tatanggalan ng trabaho. Gusto ko lang talagang malaman kung may tao ba siyang nagugustuhan. Kung babae ba talaga ang gusto niya o lalaki din. Natatakot lang ako na baka tumanda siyang mag-isa. At saka napag-isip isip ko din na baka kaya sinasabi niyang ayaw niyang mag-asawa ay dahil hindi naman babae ang gusto niya kundi lalaki din. Baka natatakot lang mag-out."

Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon ko.

"Paano kung bakla pala talaga siya?"

"Gusto kong sa kaniya mismo manggaling 'yan. Nga pala ngayon pa lang binabalaan na kita, sooner or later aalukin ka ng pera ni Achie para lang umalis." Sinalubong niya ang mga mata ko. "'Wag na 'wag mong tatanggapin ang alok niya. 'Wag na 'wag kang magpapasilaw sa pera kasi 'yon mismo ang magpapahamak sa'yo. Kapag sinabihan ka niyang umalis, hindi lang sa bahay ang ibig niyang sabihin, kundi sa mundong ibabaw. At kapag tinanggap mo ang pera, ibig sabihin tinatanggap mo ang alok niya. At kapag tinanggap mo ang alok niya, para mo na ring hinatulan ang sarili mo ng kamatayan."

Hindi umuwi si Archer ngayong gabi kaya't kami lang nina Madam at ng driver niya ang kumain ng hapunan. Kahit pa busog na ako ay hindi ako tumanggi dahil ayokong maging bastos. Umalis na din sila ilang sandali pagkatapos kumain.

Ngayon, habang nakahiga ako sa pinakakomportableng kamang nahigaan ko sa buong buhay ko, ay iniisip ko ang alok ni madam kanina. Hindi ko sinabing hindi ako payag, ang totoo ay sasabihin ko na sanang payag ako kung hindi lang niya akong naunahang magsalita.

Pero ang tanong, paano ko naman gagawin 'yon? Ayaw ako ni Archer dito sa pamamahay niya, baka nga 'yon ang rason kung bakit hindi siya umuwi ngayon.

Imposible. Kahit na doble ang ibabayad sa akin, napaka imposible naman ng gustong ipagawa sa akin. Paano ko naman siya masusundan kung ayaw niya ngang nakadikit ako sa kaniya?

Haist.

Humarap ako pakaliwa habang iniisip kung anong maaari kong gawin. Humarap naman ako pakanan dahil walang pumapasok sa utak ko. Eh paano nga ba kasi? Pera na nakasalalay dito kaya kailangan kong sumunod sa gusto ni madam. Kailangan ko lang naman malaman kung bakla ba o hindi ang apo niya, o kung kamusta na lovelife ng apo niya kahit pa hindi ko alam bakit hindi niya na lang tanungin si Archer tungkol doon.

Pero kahit mukhang imposible, gagawin ko pa rin.

SINIMULAN KO ANG araw na hinanap si Archer. Wala pa din siya hanggang ngayon. Napansin ko din na malinis ang buong bahay kahit pa wala akong nakitang ibang tao maliban sa akin. As in ako lang mag-isa sa napakalaking bahay na 'to– mansyon pala.

Kung dadalhin ko kaya rito sila Amber, mapapansin kaya ni Archer? Napakawalang hiya ko naman pag ganu'n.

Dahil wala naman akong trabaho, kasi wala pa si Archer, napagpasyahan kong libutin at kabisaduhin muna ang buong lugar. Sinimulan ko sa harap ng mansyon kung nasaan ang topiary garden.

Iba-iba ang hugis, mayroong mga hayop, tao, bulaklak, at ang iba ay simpleng bilog pero lang pero napakalinis ng pagkakagawa. Hindi kagaya ng sa lola niya na puro bulaklak, ang kay Archer naman ay puno berdeng mga halaman.

Sa kanang bahagi kung paharap ka sa mansiyon ay ang garahe kung nasaan nakaparada ang mga mamahalin niyang kotse. Sa kaliwang bahagi naman ay ang isang pathway sa ibabaw ng bermuda grass na dadalhin ka patungo sa isang gazebo.

Puro berde talaga ang bubungad sa'yo pagkapasok sa gate. Sa first floor ng mansyon matatagpuan ang living room, dining room, mini bar, kitchen, entertainment room, at bowling alley. At bawat parte ng first floor ay malalapad, doble ang lawak sa bahay namin, ganu'n ito kalaki.

Ang hagdan paakyat sa second floor ay gawa sa salamin, yes, salamin kaya kita mo ang nasa baba habang paakyat ka ng hagdan. Napakakapal na salamin na kahit pa alam kong matibay ay hindi ko parin maiwasang mag-isip na baka mabasag at mahulog ako sa baba.

May sampu na kwarto sa second floor, pito sa mga ito ay bedroom– isang master's bedroom kung nasaan natutulog si Archer, at isang kwarto na inuokupa ko. Malaki ang kwarto ko, halos kasing laki ng bahay namin. May queen size bed, walk-in closet, at banyo na mas magara pa sa bahay namin.

Isang kwarto ang naka-lock kaya hindi ko alam kung anong nasa loob. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa dinala ako ng mga paa ko sa harap ng double door na abot kisame ang taas. Gawa sa matibay na kahoy ang pinto na inukitan ng magagarbong disenyo.

Noong una ay inakala kong nakakandado din ito kasi kahit anong tulak ko ay hindi ko siya mabuksan. 'Yun pala sliding door siya, kaya din pala walang door knob kasi i-slide mo lang ang pinto. Mabigat pero nakaya ko naman.

Nang tuluyan nang mabuksan ang pinto ay tumambad sa akin ang lugar na nakikita ko lang dati sa movies at pictures. Lugar na pangarap kong magkaroon sa dream house ko, library.

Napakalawak na kwartong puro naglalakihang shelf na puno ng mga libro. Pa-curve ang hugis ng mga shelf para maayon sa pabilog na estruktura ng library. Sa gitnang bahagi ay malawak na space at isang lamesa at sa itaas nito ay bubong na gawa sa salamin kaya't makikita mo ang nasa labas.

Lumapit ako sa mesa at inangat ang tingin sa pabilog na salamin na sakto lang para makita mo ang mga ulap– at mga bituin kung gabi– at masinagan ng araw ang palibot ng nag-iisang mesa sa gitna. Para kang nasa spotlight habang nagbabasa.

Pansin ko lang, hindi ko ramdam ang init kahit pa nasa ilalim ako nito. Hinawakan ko ang ibabaw ng lamesa at upuan, hindi din mainit.

Nilibot ko ang buong library, wala akong pinalampas kahit na isang shelf. Pinadadaan ko ang mga daliri sa bawat librong matatapatan ko habang naglalakad at bahagyang nakaangat ang kamay.

Dati pa lang ay mahilig na akong magbasa kaya madalas akong tambay sa library ng eskuwelahan ko noong highschool kapag vacant. Pero pagkatapos ng senior high school wala na akong panahong pumunta sa library kasi nagsimula na akong magtrabaho.

Kahit gustuhin ko mang manatili muna dito at magbasa, mas gusto ko munang alamin at kabisaduhin ang bawat kwarto dito sa mansiyon.

Nasa second floor din ang gym kung saan tanaw ang infinity pool sa likod-bahay. Gawa kasi sa salamin ang dingding kaya makikita mo talaga ang nasa labas.

Lumapit ako sa mga equipment at hinagod ang daliri sa bawat isa. Sigurado mas mahal pa ang mga 'to sa lahat ng gamit namin sa bahay.

Nabaling ang tingin ko sa isang parte ng gym kung nasaan ang iba't ibang laki ng barbell. Mayroon mahaba na kagaya ng sa weightlifting na nakikita ko sa TV, at mayroon namang maikli lang at cute size. Linapitan ko ito at biglaang binuhat ang cute size na barbell sa pag-aakalang kaya ko itong buhatin.

Pero shuta muntik nang humiwalay ang braso ko sa katawan ko pag-angat ko ng barbell.

"Grabe, ambigat pala." Bigla kong nabitawan ang barbell dahilan para mabagsakan ang paa ko. "ARGH!"

"What the fuck are you doing?"

"Ay puta!" Lumingon ako sa likod habang hindi ginagalaw ang katawan. Nakakagulat naman kasi ang biglaan niyang pagsalita. Ang lalim na ng boses plus out of nowhere biglang maririnig ko na may nagsalita, sino ba naman ang hindi mabibigla 'di ba?. "Problema mo?" Pagalit kong tanong habang nakataas ang kilay.

"Ikaw. Why are you still here?" Nasa bukana pa rin siya ng pinto at hindi tuluyang pumasok na para bang nakita niya ang pinaka ayaw niyang bagay kaya ayaw niyang tumuloy.

Naka-squat ako habang hinihimas ang paa kong feeling ko ay namamaga na. "Hindi mo naman ako pinaalis."

"Well, now I'm ordering you to leave."

Pinaikutan ko siya ng mata at binaling na lang ang tingin sa kanang paa ko na siyang nabagsakan ng barbell.

"Hindi pwede."

"Why not?"

"Kailangan ko ng pera," diretsahan kong sabi. Kung aalis ako dito edi wala din akong kikitain.

"How much do you need?"

Natatawa ko siyang nilingon sa pag-aakalang nagbibiro lang siya. But his expression says otherwise. Napaka seryoso, madilim, at alam kong hindi nagbibiro. "Dalawang milyon. Aalis ako kung bibigyan mo ako ng dalawang milyon."

Kung totohanin niya ang sinabi, hindi ko na iisipin ang pambayad sa utang ni nanay lalo na sa taong ahas na walang hiyang nang-kidnap sa'kin.

"Dalawang milyon lang? Sure, expect the money on your account."

Doon ako napanganga. Sandaling hindi ko maramdaman ang sakit sa aking mga paa habang pino-proseso ang sinabi niya. Ganu'n lang? Ibibigay niya sa akin ang pera nang ganu'n ganu'n lang? Basta umalis ako babayaran niya ako ng dalawang milyon? Pwede higher pa?

"Sigurado ka?" magkahalong pagdududa at pagkabigla kong tanong.

"Do I look like someone who's fond of telling jokes?"

Unti-unting lumawak ang ngiti ko habang iniisip ang magagawa ko sa dalawang milyon. Ang isa't kalahating milyon ay gagamitin kong pambayad sa taong ahas, ang natitirang kalahating milyon ay gagamitin kong pambayad sa iba pang pinagkaka-utangan ni nanay at kung may matitira pa sa pera ay iyon ang gagamitin kong pampuhunan sa pagpapatayo ng isang maliit na negosyo para may pang tustos kami sa araw-araw.

Marami na akong pwedeng gawin sa dalawang milyon. Nakahanda na ang plano sa utak ko, ngunit unti-unti itong nabasag nang marinig ko sa isip ko ang sinabi ni madam kagabi.

"... kapag sinabihan ka niyang umalis, hindi lang sa bahay ang ibig niyang sabihin, kundi sa mundong ibabaw. At kapag tinanggap mo ang pera, ibig sabihin tinatanggap mo ang alok niya. At kapag tinanggap mo ang alok niya, para mo na ring hinatulan ang sarili mo ng kamatayan."

Gusto ko ang dalawang milyon, pero mas mahal ko ang buhay ko. Pero paano kung nagbibiro kang pala si madam kasi ayaw niyang magbigay ng pera ang apo niya sa akin. Pero paano kung totoo pala ang sinabi niya?

Walang ibang mas nakakakilala kay Archer maliban sa Lola niyang nagpalaki sa kaniya. Alam niya ang kayang gawin ni Archer kaya kusang naniniwala ang sarili ko sa kaniya. Pero paano kung paraan niya lang pala 'to para malaman kung hanggang saan ang kaya kong gawin para sa pera? Pero paano kung totoo din ang sinabi niya?