CHAPTER 13
"Alam mo, CJ, kinakabahan na ako kay Miss Green. Baka mamaya iba na magawa niya dahil sa selos. Akalain mo ba namang tinarayan ang dalawang magandang babae kanina?!"
"Tsk!"
"Oh, see? Nagselos na naman siya kasi sinabi kong 'maganda'." Pinaparinggan ako ni Veigo na nasa passenger seat katabi ni Clark na nagda-drive. "Pwede niya naman sanang sabihin na ayaw niya, edi sana hindi na lang ako pumayag na maki-picture doon sa kanila. Siyempre mas susundin ko pa rin siya kasi siya si Miss Green."
"Ewan ko sa'yo, Veigo."
Nilingon niya ako. "Sabihin mo na lang kasi, may pagnanasa ka sa'kin kaya ka nagselos," kampante niyang sabi.
"At sinong may sabing nagselos ako?" tinaasan ko siya ng kilay. Pauwi na kami ngayon matapos naming mamili. Simula nang sinabi ko 'yon sa mga babae ay hindi na magkamayaw si Veigo sa kaaasar sa akin na nagseselos daw ako. Si Clark naman sinasabayan pa ang asar ng kaibigan.
Hindi. Ako. Nagselos. Wala akong rason para magselos. Sadyang mataas lang ang tingin ni Veigo sa sarili niya para isiping may pagnanasa ako sa kaniya. Ako pa rin naman ang nag-picture sa kanila kasama ang dalawang babae. Nainis lang ako sa mga babae kanina kasi masyadong pabebe. Makiki-picture lang ang dami pang arte.
"Alam mo, Igo, I don't think ikaw ang gusto ni Lai. I still believe na dahil sumama ako sa picture kaya siya nagalit. Ako talaga ang gusto niya at hindi ikaw," seryosong turan ni Clark kay Veigo dahilan para mabaling sa kaniya ang atensyon nito.
"Isa ka pa, eh," tinuro ko si Clark pero nag-usap na naman ang dalawa na para bang wala ako dito. Ibinaling ko na lang ang atensyon sa labas at hindi na pinansin ang dalawang lalaking gunggong sa unahan.
NAKAPAG-DESISYON NA ako, pagsisilbihan ko si Archer sa abot ng aking makakaya hangga't hindi niya pa ako pinaaalis. O kung totoo man ang sinabi niyang hindi niya ako paaalisin, hangga't kaya ko.
Kailangan kong iwaksi sa isipan ko ang mga bagay na hindi ko naman dapat isipin... o maramdaman. Professionalism kumbaga.
Naisip ko lang, kumakain pa kaya si Archer sa mga panahon na hindi siya umuuwi? Baka sa sobrang busy niya hindi na niya napapansin ang oras at laging nalilipasan ng gutom. Kaya naman naisip kong padalhan siya ng lunchbox para may makain siya sa trabaho. Gusto kong sumama sa kaniya para mas magawa ko nang maayos ang trabaho ko, isa pa ay nababagot na ako dito sa mansyon na wala namang ginagawa. Kung hindi man siya uuwi, at least parehas kaming wala dito sa bahay at hindi ako maiiwang mag-isa.
Maliban sa dahil trabaho ko ito, at sa hindi pa rin ako pormal na nakakapag-pasalamat sa ginawa niyang pagligtas sa akin, naalala ko ang offer sa akin ni Madam noon. Kahit na pakiramdam ko ay pagta-traydor ang gagawin kong pag-espiya kay Archer at pag-report ng ginagawa niya kay Madam, wala akong pagpipilian. Desperado na akong kumita ng pera nang hindi gumagawa ng krimen.
"Where are you going?"
Umangat ang tingin ko sa nagsalita. Inaayos ko kasi ang mga pagkain na nakalagay sa lunchbox niya.
"Bakit may malaki kang bag na dala? I told you hindi na kita paaalisin. Well, unless maglalayas ka. That's fine with me too."
"Hindi ako maglalayas."
"Then why–?"
"Sasama ako sa'yo," walang halong biro kong turan.
Kumunot ang noo ni Archer bago sarkastikong natawa. "Why would you do that?"
"Para mas magawa ko nang maayos ang trabaho ko. I'm your personal maid after all, so sasama ako sa'yo."
"I don't need you," mariin niyang sabi. "Hindi na ako bata para sa personal-personal maid na 'yan."
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. "Itong bag na 'to, just in case na maisipan mong hindi umuwi at least man lang ready ako."
"I don't need you, woman." Magalit ka man sa'kin wala ka pa ring magagawa kasi sasama ako sa'yo sa ayaw at sa gusto mo.
Kinuha ko ang lunchbox, at sinabit sa balikat ang bag na suot. Sa totoo lang, nahanap ko lang itong bag dito. Wala naman yatang gumagamit kaya hiniram ko muna, Archer doesn't seem to mind either. "Tara na, ano pang hinihintay mo diyan? Male-late ka na!"
Nauna akong maglakad papunta sa garahe. Sa dami ng kotse ni Archer, hindi ko alam kung anong gagamitin niya ngayon. Salubong ang kilay na nakita ko siyang pumasok sa garahe. Sumunod ako sa kaniya nang sa kabilang bahagi siya nagpunta, mahirap na baka iwan niya ako.
Nakasunod lang ako sa likod hanggang sumakay siya sa isang itim na sports car. Mabilis kong binuksan ang back seat at kaagad na sumakay, baka bigla niyang paharurutin ang sasakyan at iwan ako dito.
Maingat kong pinatong ang lunchbox niya sa katabing upuan katabi ng bag ko. Ibinalik ko ang tingin sa unahan na kaagad na sinalubong ng nakamamamtay na titig ni Archer mula sa rearview mirror.
"Bakit?" pa-inosente kong tanong.
"Ano sa tingin mong ginagawa mo diyan?"
"Nakasakay? Hindi naman ako mukhang nagbe-breakdance 'di ba?" sarkastiko kong sabi.
Napapikit siya kasabay ng pagbuntong hininga, halatang pinapakalma ang sarili. "What I meant was, what are you doing there in the backseat?"
"Nakaupo nga! Sasama ako sa'yo sa ayaw at sa gusto mo. Nababagot na ako sa bahay mo at saka isa pa magaling naman na ako." Napahalukipkip ako at determinadong hindi aalis sa sasakyan.
"'Wag mo akong gawing driver mo."
"Oh eh anong gusto mo, maglakad ako? Mag taxi? Ang mahal mahal kaya ng pamasahe. Mabuti ka lang kasi mayaman ka kaya di mo ramdam–"
"Lumipat ka dito." Napatigil ako nang magsalita siya.
"Ha?"
"Ang sabi ko, lumipat ka dito sa harap. Huwag mo akong gawing driver mo."
Napatunganga ako sa kaniya ng ilang sandali. Totoo ba ang narinig ko? O baka naman mali lang ako ng pagka intindi? Hindi niya talaga ako paaalisin at sa halip ay papalipatin niya lang sa unahan? Nagdadalawang-isip ako na bumaba kasi baka bigla niyang paharurutin ang sasakyan at iwan ako dito.
"What the hell are you still doing there?!" Napaigtad ako dahil sa malakas niyang boses.
"Ito na nga lilipat na!" Lumabas ako ng kotse at mabilis na lumipat sa passenger seat. Ilang sandali na akong naka-upo pero hindi pa rin umaandar ang kotse. Balak ko sana siyang tanungin pero nagulat ako nang bigla siyang lumapit sa akin. Sobrang lapit na akala ko hahalikan niya ako.
Ilang dangkal lang ang layo ng mukha niya sa akin na halos maduling ako.
"Anong ginagawa mo?!" pagalit kong tanong.
Nakatitig lang siya sa mga mata ko. Ramdam ko ang init ng aking mukha habang nakatitig sa kaniya. Ang tsokolate niyang mga mata na kahit pa laging walang emosyon ay parang mayroong sinasabi.
"Seatbelt." Kasabay nu'n ay ang pag-buckle niya ng seatbelt sa akin. Napakurap ako nang tuluyan na siyang lumayo at minaobra ang sasakyan.
Pasimple kong hinawakan ang puso ko. "Kalma lang," bulong ko sa sarili. "Kumalma ka lang. Focus sa goal. 'Wag kang munang madi-distract."
Mangha akong nakatingala sa napakataas na building. Nakababa na kami sa sasakyan at ibinigay ni Archer ang susi sa isang valet.
"Wow," hindi ko maiwasang hindi mapanganga sa nakakalulang taas at lawak ng building sa harapan ko. Natauhan lang ako nang makitang wala na sa tabi ko si Archer. Umikot ako para tingnan kung nasaan siya pero hindi ko na siya makita.
Binalik ko ang tingin sa building at nakita ko mula sa dingding na gawa sa salamin ang pamilyar na bulto ng tao na naglalakad sa loob. Si Archer. Hindi man lang ako hinintay. Tsk!
Inis akong nag-marcha palapit sa building bitbit ang lunchbox niya, at backpack sa likod ko. Pagpasok ko ay kaagad din akong napatigil dahil hindi ako makadaan. Nakahilera kasi ang mga hanggang baywang ang taas na mga scanner. Nakita kong itinapat ng isang lalaking empleyado ang suot na ID sa isa sa mga scanner bago lumabas ang kaniyang profile sa maliit na monitor sa taas ng scanner. Nagsalita ang boses ng isang babaeng AI kasabay ng pagbukas ng maliit na harang na gawa sa salamin na nasa tapat ng lalaki. "Welcome to ATV building, Marcus Mendoza."
Hinanap ng mga mata ko si Archer pero nakitang nasa malayo na siya. Maraming mga empleyado ang nasa lobby at alam kong pagsisisihan ko ang gagawin ko pero wala akong choice.
"Archer!" Dagundong sa buong lobby ang malakas kong sigaw. Agad na napatingin sa akin ang lahat maliban sa lalaking tinawag ko. "Hoy, Archer!" Hindi niya pa rin ako napapansin. "Archer Thiago Valle! Bingi ka ba?!" Nakikita kong nagbubulungan na ang mga empleyado at masama ang tingin sa akin.
Ilang sandali pa ay naramdaman kong may biglang humawak sa magkabila kong braso, muntik ko pang mabitawan ang lunchbox na dala. "Hoy, anong ginagawa mo?" alma ko habang pilit inaalis ang sarili sa pagkakahawak niya.
"Ma'am, don't make a scene here," mahinahong sabi ng isang matangkad na lalaki. Magtatanong sana ako kung sino siya pero nakita ko sa suot niyang itim na uniporme ang kaniyang pangalan sa iba ng salitang 'Security'. Mukha siyang men in black kaysa security guard.
"Well, Rodan Aquino, I'm not making a scene kaya bitawan mo ako!" Malakas kong hinila ang mga braso ko sa pagkakahawak niya. Matagumpay kong nakaalis dahil na din sinadya niya akong bitawan.
"Ma'am, it is better for you to go away because sir boss will..." sandali siyang napatigil at nag-isip. "Will..."
"Will?"
"Will– basta he will make galit to us if you will not go away."
"Pinahirapan mo pa ang sarili mo, sana tinagalog mo na lang."
Gulat siyang napatingin sa akin. "Marunong po kayo magtagalog, Ma'am?"
"Ay hindi, hindi ako marunong magtagalog. Korean talaga ang sinasalita ko ngayon. Malamang, Kuya! Narinig mo pa lang ako 'di ba?" sarkastiko kong sabi.
Napakamot sa ulo ang lalaki. "'Yung mata niyo po kasi."
"Anong problema mo sa mata ko?" Nakapamaywang ako habang pinanlalakihan siya ng mata.
"Mukha ka pong foreigner."
"Aanhin ko ang mukha foreigner kung hindi mo naman ako papapasukin?"
"Eh, Ma'am, bawal po talaga. Mapapagalitan kami ni boss kapag nagpapasok kami. At isa pa, papalayasin ka lang din nu'n kapag nakita ka niya," sinserong paliwanag ni Kuya.
"Kuya, kilala ko po ang lalaking sinasabi mo, ang boss mo. Ang pangit ang ugali mong boss na iniwan ako dito sa labas na nagkataong boss ko din."
Magsasalita sana si Kuya nang may lumapit sa amin na isang babae. "Excuse me?" wika niya sa matinis at maarteng boses. Lumingon ako sa babaeng naka-kulay pink mula ulo hanggang paa. Ang bag, dress, lipstick, headband, pati ang 5 inches niyang stiletto ay kulay pink din. "Uhm, what's the problem here ba? You're making a scene na, eh." Hindi mataray ang pagkakasabi niya, pero napaka-arte.
Tinaasan ko siya ng kilay pero nanatiling nakatuon ang pansin niya kay Kuya guard.
"Ma'am, gusto daw po pumasok ni ma'am," turo niya sa akin. Saka pa lang ako nilingon ng babae at umaktong nagulat.
"Hey, ahm, why do you want to pasok in the building ba? Do you have an ID? Do you even work here?" sunod-sunod niyang tanong saka pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Alam kong hinuhusgahan ng pink niyang pagkatao ang simple kong suot na tanging jeans at t-shirt lang. Mas mukha akong turistang naligaw sa siyudad kaysa yaya ni Archer.
"I don't work here–"
"So you don't have an ID." Hindi niya man lang ako pinatapos sa pagsasalita. "That means you shouldn't be here."
"I SHOULD be here, because I know your boss."
Umayos siya ng tayo at tinaasan ako ng kilay. "And how did you know him?"
"That's something you need not to know. If you'll excuse me, I'll just give him a call." Gagong Archer, iniwan ba naman ako dito.
Tumalikod ako sa kanila at humarap sa labas kung saan tanaw ko ang empleyadong pumapasok at napapatingin sa komosyon. Kinuha ko gamit ang libreng kamay ang cellphone mula sa aking bulsa pero agad ding napatigil nang may maalala. Wala pala akong number ni Archer.
Napakagat ako sa labi habang nag-iisip ng paraan kung pa'no siya masusundan sa loob.
"What's the matter ba and you seem frozen?" Rinig kong sabi ng babae sa likod ko. Taas noo ko siyang hinarap at matapang na nagsalita.
"Pakisabi na lang kay Archer na nandito si Adelaide at naghihintay sa kaniya."
Natawa ang babae. "I thought you'll call him ba? Why hindi mo tinawagan? Let me guess, you don't have his number, do you?"
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya.
"You're lucky I'm here. Ako lang ang may hawak ng personal number ni Thiago sa buong building na 'to. I'll call him for you na lang." Nakaka-irita ang boses niya, the way na magsalita siya, ang pink niyang fashion na masakit sa mata, ngayon pa lang hindi ko na siya nagugustuhan.
Kinuha niya ang cellphone sa kulay pink na shoulder bag at nag-dial ng number. Pinindot niya ang loud speaker. Dalawang beses itong nag-ring bago tumigil. Pinindot ulit ng babae ang call bago nag-ring ang telepono. This time isang ring lang ay tumigil agad ito.
Natatawa ako dahil in-end ni Archer ang tawag kahit hindi niya pa nasasagot. Bakas na ang irita at hiya sa mukha ng babae. Hanggang sa hindi niya na matawagan ang numero ni Archer.
"Number ba talaga ni Archer 'yan?" natatawa kong tanong.
"Yes!"
"Mukhang bin-lock ka na. Kailan ang huling beses na tinawagan mo siya? Or should I ask, tinawagan mo na ba siya noon? I guess hindi pa, kasi kung oo, edi sana matagal ka na niyang na-block," I smirked.
Namumula na ang mukha ng babae. Ilang sandali pa ay narinig kong nagsalita si Kuya guard.
"Boss, may naghahanap po sa'yo dito." Sabay kaming napalingon ng babae sa kaniya. May kausap ito sa cellphone. Akala ko ba ang babaeng 'to lang ang may hawak ng number ni Archer. Lumingon sa akin si Kuya. "Mukha hong foreigner, Adelaide daw po ang pangalan." Taas-noo ako habang nakikinig. Ilang sandali na lang at makakapasok na din ako sa loob. "Opo, boss, green ang mga mata niya– po?" Lumingon ulit sa akin si Kuya guard bago nagsalita. "Sige, boss."
Nang maibaba niya ang telepono ay kaagad akong nagtanong. "Anong sabi? Papasukin na daw ako? Sabi ko sa inyo kilala ako nu'n, eh!"
"Ah, sa totoo po," panimula ni kuya guard, "pinapaalis niya na kayo. Wala daw siyang kilalang Adelaide na green ang mga mata."
Bumagsak ang balikat ko. Naramdaman kong uminit ang pisngi ko sa galit. Nakita ko namang bumingisngis ang babaeng sinukahan ni Barbie bago mayabang na pinakita ang kaniyang ID.
Nakatitig lang siya sa akin habang in-scan ang ID niya. Nakita ko ang profile niya sa maliit na monitor. Steffi Villamor, 27 years old, at nagta-trabaho siya dito bilang Architect.
Bumukas na ang harang na salamin sa harapan niya at binati na ng system pero hindi pa rin siya pumapasok. "Too bad you can't get in. You deserve not to enter this building anyway. Goodluck on your journey of pretending to be known by people who don't actually even know your existence." Maarte siyang kumaway sa akin bago naglakad papasok.
"At least hindi ako sinukahan ni Barbie!" sigaw ko sa kaniya na hindi niya pinansin.
Hindi na ako kailangang pagsabihan ni Kuya guard, kusa na akong lumabas.
Inis akong tumayo sa labas ng building nang hindi alam ang gagawin. Wala akong pera pamasahe pabalik sa bahay ni Archer kaya it's either sapilitan akong pumasok, or hintayin siyang lumabas. Pwede rin namang maglakad na lang ako pauwi. Sa layo ng village nina Archer dito, baka abutan ako ng hapon sa paglalakad.
Shuta talaga ang Valle na 'yan. Hindi niya ako kilala? Nahiya ang dictionary sa kakapalan ng mukha niya. Dinala niya pala ako dito para lang iwanan. Ha! Akala mo naman kung sino.
Pilit kong pinakalma ang sarili habang nakatayo sa gilid malapit sa bukana ng building. Ilang saglit pa ay tumigil ang isang limousine sa tapat ng gusali. Agaw pansin ang mamahaling sasakyan hindi lang sa mga taong naglalakad, kundi pati sa mga empleyado. Pagsilip ko sa loob ng gusali ay nakita kong aligaga silang lahat na para bang may darating na napakaimportanteng bisita.
Hindi ko maiwasang ma-curious kung sino ang sakay ng limousine.
Bumaba ang driver ng sasakyan saka mabilis na naglakad palikod para pagbuksan ang nakasakay. Mula sa kinatatayuan ko ay likod ng driver at ang pinto ng kotse ang nakikita ko kaya hindi ko alam kung sino ang sakay nito.
Humakbang ang taong sakay ng limousine hanggang sa makita ko na ang buo niyang itsura. Lumiwanag ang mga mata ko at tumaas ang pag-asa ko nang makita kung sino ang bumaba sa sasakyan. Sa wakas hindi ko na kailangan maglakad pauwi. Nandito si Madam!