Chapter 7

Savina's Pov

Pumasok sa loob ng silid ang babaeng lobo na tinakasan ko kahapon na Moira ng pangalan. Matalim ang kanyang mga titig at kung nakakasugat lamang ito ay tiyak na sugat-sugat na ngayon ang buo kong katawan.

"Kahit anong gawin mo ay hindi ka makakatakas kay Alpha Desmon," kausap sa akin ni Moira. Hindi ko sinagot ang kanyang sinabi. Salita siya ng salita ngunit nananatiling tikom pa rin ang bibig ko. Sa inis ni Moira ay itinapon niya sa mukha ko ang damit na isusuot ko bilang alipin. "Bingi ka ba o bigla kang naging pipi dahil hindi mo matanggap na hindi ka nakatakas dito?"

Saka ko lamang pinansin si Moira nang marinig ko ang huling sinabi niya. "Obvious naman na hindi mo gusto na narito ako, Moira. Kaya bakit hindi mo na lang ako tulungan na makatakas dito? Nng sa gayon ay hindi mo na makita ang pagmumukha ko?" pangungumbinsi ko sa kanya. At sana ay makumbinsi ko siya. Ayaw niyang narito ako at ayoko rin namang narito ako kaya dapat ay magtulungan na lamang kami.

"Ibig mong sabihin ay tatraydurin ko ang aming alpha para lamang sa isang babaeng witch na katulad mo? Ano ang akala mo sa akin? Tanga? Hinding-hindi ko sisirain ang tiwala niya sa akin. Kaya kahit ayoko sa'yo ay wala akong choice kundi ang sundin ang kanyang utos," nakaismid na sabi sagot ni Moira sa akin. "Kaya magbihis ka na diyan at ituturo ko sa'yo ang mga dapat mong gawin. Dahil magmula ngayon ay ikaw na ang magiging personal na tagasilbi sa kanya."

Napabuntong-hininga na lamang ako. Nakalimutan kong masyado nga palang loyal si Moira kay Desmon kaya imposible na tulungan niya ako. Wala na akong choice kundi ang pansamantalang tanggapin na ako ngayon ay isa nang alipin ng isa sa mga kinamumuhian kong taong-lobo.

Pagkatapos kong magbihis ng damit na ibinigay sa akin ni Moira na siyang uniform ng mga alipin ay dinala niya ako sa maluwang na kusina ng mansion. Napakalinis ng kusina at kahit isang langaw ay wala akong nakikitang lumilipad-lipad sa paligid.

"Ano ang gagawin natin dito?"

Pinaikot ni Moira ang kanyang mga eyeball bago sinagot ang tanong ko. "Natural magluluto. Ituturo ko sa'yo kung anong klase ng luto ang gusto ni Alpha Desmon."

"Kailangan pa bang lutuin ang kanyang kinakain? Akala ko ang mga taong-lobo na katulad ninyo ay kumakain ng hilaw na pagkain lalo na ang hilaw na karne?" nakataas ang kilay na tanong ko sa kanya. Inirapan ako ni Moira ngunit sinagot pa rin niya ang aking tanong.

"Kung ang mga ancestors namin ay kumakain ng hilaw kami na mga bagong henerasyon ay hindi. Ngunit half-cook lamang ang pagkakaluto sa karne. And take note, hindi kami kumakain ng gulay lalong-lalo na si Alpha Desmon. At dahil ikaw ng magiging personal slave niya ay lahat ng may kinalaman sa kanya ay ikaw na ang gagawa. Magluto ng pagkain, maglaba ng mga damit, maglinis ng kuwarto niya at maghanda ng kanyang ipapaligong tubig. May malapit na ilog dito kung saan kami kumukuha ng tubig at naglalaba. Lahat ng iyan ay ikaw na ang gagawa magmula ngayon. Naiintindihan mo?" pagbibigay instructions ni Moira sa lahat ng mga dapat kong gawin bilang personal slave ni Desmon.

Nakisabay na nga sa pagbabago ng mundo ang lahat ng mga nilalang sa mundo maging tao man sila o ibang lahi katulad ng mga taong-lobo. Para na silang mga tunay na tao na naninirahan sa mundo. Wala nga lang gripo dahil hindi naman abot dito ang connection ng tubig. Hindi naman kasi alam ng mga tao na may malaking mansion sa gitna ng kagubatan. Ang tanging nakakakita sa mansion ni Desmon ay iyong mga tao na totoong may third-eye at iyong mga tao na may lahing taong-lobo at witch. Kung isang ordinaryong tao ka lamang ay makapal na kakahuyan lamang ang makikita sa kinatatayuan ng malaking mansion ni Desmon.

"Kailangan bang nakabantay ako sa kanya sa loob ng twenty-four hours?" nakasimangot na tanong ko kay Moira.

"Siyempre hindi. Paano mo magagawa ang mga dapat mong gawin kung lagi kang nakabantay sa kanya? Pero kapag sinabi niya na sa tabi ka lamang niya ay saka ka hindi aalis sa kanyang tabi," mabilis na sagot niya sa akin. Umpisahan mo na ang magsilbi sa kanya ngayon. Dalhan mo siya ng kanyang almusal sa kuwarto at pagkatapos ay ihanda mo ang tubig na kanyang ipapaligo."

"Bakit ko naman kailangang paghandaan pa siya ng tubig na pampaligo? Hindi ba siya marunong maghanda ng pampaligo niya?" lalong napasimangot na tanong ko kay Moira. Pakiramdam ko ay isa akong katulong ng isang bilyonaryo na nakatira sa mundo ng mga tao.

"Huwag ka nang masyadong maraming tanong, Savina. Sundin mo na lamang ang mga sinabi ko sa'yo. At tandaan mo, Savina. Ayaw ni Alpha Desmon ng taong palpak kaya kung ayaw mong makatanggap palagi ng parusa ay ayusin mo ang trabaho mo," babala sa akin ni Moira. Kahit paano ay hindi na siya katulad kahapon at kanina na parang nais na niya akong patayin sa kanyang matatalim na titig. "Marunong ka naman sigurong gumamit ng mga gamit sa pagluluto dahil sabi ni Alpha Desmon na nanirahan at nakisalamuha ka raw sa mundo ng mga tao dahil sa mundo nila ka nag-aaral."

Paano nalaman ni Alpha Desmon ang mga bagay na iyon na tanging ang pamilya ko lamang ang nakakaalam? Matagal na ba nilang minamanmanan ang aming angkan kaya marami siyang alam tungkol sa akin? Siguro ay matagal na nilang pinagplanuhan ang ginawa nilang pagpatay sa pamilya ko at nang makasilip sila ng pagkakataon ay saka nila isinakatuparan ang kanilang plano. Dahil sa naisip kong iyon ay muling nabuhay sa aking puso ang galit para sa ama ni Desmon na siyang namuno sa pagsalakay at siya mismong pumatay sa mga magulang ko. Ngunit nasaan kaya ang dating alpha ng Golden Wolf clan? Bakit hindi ko man lang nakikita kahit ang kanyang anino?

"Kahit paano ay alam kong gumamit ng mga bagay na ginagamit sa pagluluto ng mga tao ngunit ang hindi ako sigurado ay kung alam ko kung paano magluto. Hindi naman kasi ako ang nagluluto kundi ang kaibigan kong tao," may pagkabahala ang boses na sabi ko kay Moira.

"Ikaw na ang bahala kung ano ang gagawin mo dahil trabaho mo iyon. Sige, magluto ka na ng pagkain ni Alpha Desmon at dalhin mo sa kanya agad pagkaluto. Ayaw niya kasing kumain ng malamig na," sabi ni Moira pagkatapos ay agad na itong umalis. Naiwan ako na hindi alam kung ano ang gagawin? Ano ang iluluto ko? Malakas akong napahugot ng malalim na buntong-hininga. Ihahanda ko na lamang ang aking sarili sa parusa na maaaring ipataw sa akin ni Desmon.