Chapter 8
Savina's Pov
Dala ang ilang piraso ng niluto kong bacon at ham na half-cook lamang ang pagkakaluto ay nakasimangot na nagtungo ako sa silid ni Alpha Desmon. Mabuti na lamang nasa first floor ang kanyang silid dahil kung nagkataong nasa itaas ay tiyak na mahihirapan akong magbuhat at mag-akyat ng tubig papunta sa kanyang banyo. May generator naman ang bahay niya dahil hindi kayang maabot ng supply ng kuryente ang lugar na ito ngunit bakit hindi na lang din ginamitan ng makina para nagkaroon sila ng gripo nang sa gayon ay hindi na mahihirapan ang mga alipin sa pagsalok ng tubig. Hindi kaya biro ang paulit-ulit na magsalok at magbuhat ng tubig mula sa ilog hanggang dito sa mansion. Kailangan ng matinding lakas at stamina para magawa ang trabahong iyon. Mabuti sana kung sobrang lapit lamang ng ilog ang kaso malayo. Ang laki ng mansion na ito ngunit walang gripo.
Nang makarating ako sa tapat ng silid ni Alpha Desmon ay malakas na kumatok ako sa pintuan.
"Come in," pagalit na sagot nito mula sa loob. Huminga ako ng malalim bago pinihit ang seradura at itinulak pabukas ng pintuan. Nakita ko siyang nakaupo at nakasandig ang likuran sa headrest ng kanyang kama. "Hindi ka ba marunong kumatok ng tama lamang ang lakas? Kailangan mo ba talagang kumatok ng sobrang lakas?" mariin ang boses na sita niya sa akin at pagkatapos ay tinapunan ako ng masamang tingin.
"Akala ko bingi ang mga taong-lobo na katulad ninyo ksya nilakasan ko na ang pagkatok," matapang na sagot ko sa kanya. Kahit na sabihin pa niyang alipin niya ako ay hindi ko siya kakausapin nang bukal sa aking loob. Dahil habambuhay na mananatili sa aking puso ang galit ko para sa katulad nila at lalong-lalo na sa kanilang mag-ama. "Ayan na ang pagkain mo, mahal na alpha. Ano pa ba ang maipaglilingkod ko sa'yo?" nang-iinis ang boses na tanong ko sa kanya. Padabog na inilapag ko sa maliit na mesang nasa loob ng kanyang silid ang tray ng pagkain na dala ko. Napag-alaman ko na maliban sa gulay ay hindi rin pala kumakain ng kanin si Desmon. O baka lahat ng taong-lobo ay hindi kumakain ng kanin. Hindi sila katulad naming mga witches na kumakain ng kanin at naninirahan katulad ng mga ordinaryong tao.
Biglang naningkit ang mga mata ni Alpha Desmon at sa isang iglap lamang ay mabilis itong nakababa ng kama at nakalapit sa akin.
"Masyado kang matapang ngunit hanggang salita lang naman ang kaya mo, Savina. Ipakita mo sa akin kung ano ba talaga ang kaya mong gawin," mariin ang boses na wika ni Desmon pagkatapos ay bigla niyang hinawakan ang dalawa kong kamay at itinulak ako pahiga sa kanyang kama. "Muntik ko nang makalimutan na puro pagbabanta lang pala ang kaya mong gawin. Dahil ang totoo ay isa kang duwag, Savina. At dahil diyan ay hindi mo magagawang maipaghiganti ang pagkamatay ng iyong pamilya."
Dahil sa aking narinig ay biglang umahon ang galit sa aking dibdib. Pinilit kong makakawala sa mahigpit niyang pagkakahawak sa akin ngunit tila bakal sa lakas ang kanyang mga kamay kaya kahit anong gawin kong pagpupumiglas ay hindi ako makakawala sa kanya.
"Ang kapal ng mukha mong sabihin sa akin iyan, Alpha Desmon! Iharap mo sa akin ang iyong ama ngayon din at malalaman mo kung talagang hanggang salita lamang ako. Kung hindi ko siya makayang patayin sa harapan mo ay saka mo sabihin sa akin na isa nga akong duwag!" nagngangalit ang mga ngipin na sigaw ko sa kanya.
Hindi ko alam kung bakit ngunit biglang dumilim ang mukha ni Desmon at lalong dumiin ang pagkakahawak niya sa aking mga braso. "Gusto mong makaharap ang aking ama? Sige. Pagbibigyan kita. Ngayon din ay isasama kita sa kanya."
Pabiglang ibinangon niya ako sa higaan at hinila palabas ng kuwarto niya. Malalaki ang mga hakbang niya kaya ilang beses akong muntikan nang madapa dahil hindi ako makasabay sa kanyang paglalakad. Lahat ng mga taong-lobo na nadaraanan namin ay puno ng pagtataka na napapatingin sa amin.
"Magandang umaga, Alpha Desmon. Saan ang punta ninyo at tila nagmamadali kayo?" usisa ng isang matandang babaeng taong-lobo na nadaanan namin habang abala sa paggugupit ng mga tanim nitong halaman. Hindi ko akalain na may mga taong-lobo rin pala na mahilig maghalamanan.
Saglit na huminto si Desmon at magalang na sinagot ang matandang babae. "Magandang umaga rin po, Tandang Sepa. May alipin lamang akong parurusahan dahil hindi siya sumunod sa ipinag-uutos ko."
Tinapunan ako ng kakaibang tingin ni matandang taong-lobo. Sa halip na magbaba ako ng tingin ay sinalubong ko pa ang kanyang titig na tila ba binabasa niya ang nilalaman ng aking isip. Ngunit malas niya dahil kahit anong gawin niyang pagtatangka na basahin ang nilalaman ng aking isipan ay hindi niya makakayang gawin iyon. At malaki ang pagpapasalamat ko na hindi kayang basahin ng kahit na sinong taong-lobo ang aking iniisip dahil malalaman nila kung gaano kalaki ang pagkamuhi na nararamdaman ko para sa kanilang lahi.
"Nakikita ko nga na matigas ang ulo ng alipin na iyan, Alpha Desmon. Napakagaling niyang magtago ng kanyang iniisip pagkat hindi ko mabasa ang nilalaman ng isip niya. Saang angkan ng mga taong-lobo ba nagmula ang babaeng iyan?" usisa ng matandang taong-lobo na mukhang may pagka-tsismosa pa yata.
"Pasensiya na, Tandang Sepa. Nagmamadali ako dahil kailangan ko nang parusahan ang babaeng ito dahil baka masyadong lumaki ang ulo nito kapag hindi ko naparusahan at pamarisan pa ng iba," mabilis na sagot ni Desmon sa seryosong anyo. Tila nadama naman ng takot ang matandang taong-lobo nang makita ang seryosong anyo ng alpha kaya tumango lamang ito at hindi na nagsalita pa. Muli niya akong hinila at niyakap. Pagkatapos ay parang ipo-ipo sa bilis ang ginawang pagtakbo ni Desmon. Napakapit na lamang ako ng mahigpit sa kanyang mga braso habang nakapikit ang aking mga mata. Pagmulat ko sa aking mga mata ay natuklasan kong nakahinto na pala kami at nakatitig ng matiim sa akin si Desmon. Hindi ko alam kung bakit tila may munting pumitlag sa aking dibdib nang makasalubong ko ang matiim niyang titig. Ipinilig ko ang aking ulo at malakas siyang itinulak para pakawalan niya ako.
"Nasaan tayo?" nagtataka kong tanong nang makita kong nasa tuktok kami ng isang mababang burol.
"Hindi ba gusto mong makaharap ang aking ama, Savina? Nandiyan na siya sa harapan mo. Gawin mo na kung ano ang gusto mong gawin at hindi kita pipigilan," seryoso ang mukha na wika ni Desmon.
Saglit na napakunot ang noo ko bago napatutok ang aking mga mata sa isang maliit na lupang nakaumbok na tila ba isa itong puntod. Ano ang ibig sabihin nito? Ang puntod ba na aking nakikita ay puntod ng ama ni Desmon? Hindi! Hindi ito maaari. Hindi siya maaaring mamatay dahil ako lamang ang papatay sa kanya. Ngunit paano ko naman magagawa iyon kung patay na siya? At paano siya namatay gayong ang lakas pa niya nang huli ko siyang makita at iyon ay dalawang Linggo pa lamang yata ang nakalilipas? Ano ang nangyari sa kanya?