Chapter 11
Savina's Pov
Sa pamamagitan ng aking mga daliri ay itinaas ko sa ere at binaluktot ang tinidor na dinala ko sa loob ng aking silid papunta mula sa kusina. Kailangan ko nang mag-umpisang matutunan ang kahit pinaka-basic na kapangyarihan naming mga witches. Ang magpagalaw ng mga bagay sa aking paligid. Kanina ay sinubukan kong palutangin sa gamit ng aking mga kamay ang lahat ng mga nakikita kong gamit sa loob ng aking silid at natuwa ako nang kahit paano ay kaya ko nang magpagalaw o magpalutang ng bagay. Ngunit ilang segundo lamang ang itinagal sa ere ng mga pinalutang kong bagay at bumagsak agad. Para sa katulad kong nag-uumpisa pa lamang matutuhan ang aking mga kapangyarihan ay hindi na iyon masama bilang pagsisimula. Sa katagalan ay mamamaster ko rin ang mga kapangyarihan ko.
"Yes!" nagagalak kong sambit nang magawa kong pabaluktutin ang tinidor. Sa kakayahan kong ito kahit paano ay magagawa ko nang maipagtanggol ang aking sarili kapag may magtangka sa aking buhay. Ngunit bigla rin akong natigilan. Kapag gumamit ako ng kapangyarihang natutunan ko ngayon ay tiyak malalaman ng lahat na isa akong witch. Naalala kong binalaan nga pala ako ni Desmon na huwag na huwag kong ipapaalam sa kahit na kanino ang tunay kong pagkatao. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinagbawalan na ipaalam sa iba ang aking tunay na katauhan ngunit may pakiramdam ako na may hindi magandang mangyayari kapag na-expose sa lahat na ako ay isang witch at ang nag-iisang survivor sa pamamaslang sa buobg witches canary clan. Kaya magandang sundin ko ang kanyang sinabi. Mukhang pinoprotektahan lamang niya ko. Pero bakit naman niya iyon gagawin? Isa pa ay binalaan din ako ni Moira na huwag ipaalam kay Allana ang tunay kong katauhan para hindi malagay sa panganib ang buhay ko. "Ang galing mo talaga, Savina! Hindi magtatagal ay matututuhan mo na rin ang iba pang mga kapangyarihan ng mga witches na nakasulat sa itim na aklat," masayang puri ko sa aking sarili.
Mabuti na lamang may photographic memory ako kaya kahit nasunog na ang aklat na itim ay kaya ko pa ring maalala ang mga nakasulat sa loob. Kaya makakapag-praktis ako kapag oras na ang aking pamamahinga.
Naudlot ang aking ginagawa nang biglang may kumatok ng malakas sa pintuan ng aking silid. Nagmamadaling lumapit ako sa pintuan para pagbuksan ang kumakatok.
"Bakit? Huwag mong sabihin na may ipag-uutos sa akin si Alpha Desmon? Oras ng pahinga ko ngayon, ah," may pagkainis ang boses na sabi ko kay Moira nang mapagbuksan ko siya ng pintuan.
"Nakalimutan mo na ba na mag-iigib ka pa ng tubig ni Alpha Desmon para pampaligo niya mamayang gabi?" nakasimangot na balik-tanong niya sa akin. "Bilisan mo diyan dahil naghihintay na sa'yo ang mga alipin na omega para naman hindi ka nag-iisa sa pagpunta mo sa ilog."
Walang kibo na lumabas ako ng kuwarto ko at kumuha ng timba sa lagayan pagkatapos ay lumabas na ako at sumama sa mga babaeng alipin para mag-igib ng tubig. Ngayon ay hindi na ako mahihirapan sa pagbubuhat ng tubig dahil gagamitan ko ng aking kapangyarihan.
"Ang suwerte mo naman, Savina. Ikaw ang napili para maging personal maid ng ating alpha," kausap sa akin ni Freya, isa mga aliping omega. Bakasa sa boses niya ang pagkainggit habang nagsasalita. Agad na sinang-ayunan naman ng iba ang sinabi nito.
"At bakit naman ako masuwerte?" nakaismid na tanong ko sa kanila. Masuwerteba ang maging maid ng walang pusong lalaking iyon? Sa bahay nga namin kahit maghugas ay hindi ko ginagawa pero dito sa bahay ni Desmon ay natuto ako ng iba't ibang gawain. Sa una ay nahirapan ako lalo na ang pagluluto ngunit pasalamat ako dahil tinulungan at tinuruan ako ni Aling Iska, isang matandang babaeng omega.
"Dahil ikaw ang nagsisilbi sa ating alpha kaya palagi mo siyang nakakasama. Samantalang kami ay hanggang sa pangarap na lang namin siya mapagsisilbihan," sagot ni Freya.
Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Pinapangarap nila na maging tagasilbi ni Desmon samantalang ako ay pinapangarap ko namang makalaya at makalayo sa kanya. Nahinto ang pag-uusap namin nang makita masalubong namin sa daan ang taong pinag-uusapan pa lang namin.
"Magandang hapon po, Alpha Desmon. Magandang hapon din Allana," sabay-sabay na bati ng mga alipin sa dalawa kasabay ng bahagyang pagyuko ng kanilang mga ulo maliban sa akin. Bakit naman ako magbibigay ng galang sa aking mga kaaway? Hindi ako tanga para gawin iyon. Bigla tuloy nawala ang ngiti sa mga labi ni Allana at tinapunan ako ng matalim na tingin.
"Bakit hindi ka marunong magbigay-galang sa mga nakakataas sa'yo alipin? Hindi mo ba kami iginagalang?" mariin ang boses na tanong niya sa akin.
Sa halip na magyuko at humingi ng paumahin ay itinaas ko pa ang aking noo at walang takot na sinalubong ko ang kanyang mga mata. "Bakit naman kita kailangang igalang? At saka hindi ako obligado na igalang ka."
Biglang dumilim ang mukha ni Allana nang marinig niya ang aking sinabi. "Ang lakas ng loob mong sagutin ako ng ganyan! Hindi ka ba natatakot na maaari kitang patayin ngayon din?" nanlilisik ang mga banta niya sa akin. Itinaas niya ang kanyang mga kamay na biglang nanghaba ang mga kuko at naging kuko ng isang lobo pagkatapos ay humakbang siya palapit sa akin. Ngunit hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa akin ay agad na humarang si Desmon sa harapan ni Allana.
"Hindi mo dapat pinag-aaksayahan ang isang walang kuwentang alipin, Allana," kausap ni Desmon sa babae pagkatapos ay ako naman ang hinarap. "Isa ka lamang alipin at wala kang karapatan na sagutin ang nakatataas sa'yo. Dahil sa ginawa mo ay kailangan kitang parusahan."
"Hindi mo na kailangan pang abalahin ng sarili mo, Desmon. Ako na ang bahalang magparusa sa aliping ito," sabi ni Allana sa alpha. Hindi yata siya sanay na may alipin na hindi nagbibigay ng galang sa kanya at sumasagot pa sa kanya kaya napagalit ko siya ng husto. Ngunit hindi naman nila ako alipin kaya hindi ko kailangang magyuko ng aking ulo sa kanilang harapan.
"Personal na alipin ko ang babaeng ito, Allana. Kaya natural lamang na ako ang magbigay ng parusa sa kanya at wala nang iba," mariing sagot naman ni Desmon.
Muli akong tinapunan ng masamang tingin ni Allana. Natitiyak ko na nakatatak na ngayon sa isip niya ang aking pangalan.