Chapter 3

Dalasan mo ang pagdadasal, pero ingatan mo rin ang hihilingin mo t'wing magdadasal ka kasi..... gumagana yun. PALAGI.

Sikat ng araw ang sumalubong sakin pagmulat ko. Napalingon ako sa labas ng bintana, makulimlim yung ibang parte ng langit pero ang maganda, nandyan pa rin ang araw kahit papano. Tinatamad akong pumasok ngayon dahil bukod sa may kutob akong bubuhos ng malakas ang ulan mamaya at mahihirapan akong makasakay pauwi eh ayaw ko rin makaharap si Mam Loyzaga na professor namin sa Soc-Anthro, namumuro na kasi ko sa kanya at may "chanzzz" talaga na bumagsak ako sa kanya. Hindi naman bago yun, halos lahat naman ng subjects ko ngayong sem alam kong babagsak na ko.

Tok! Tok! Tok!

"Aya! Gising na! May pasok ka pa!"

Si Mama. Naalala ko bigla yung nangyari kagabi nung nasa simbahan ako, naiyak at nagmamakaawa sa Diyos nung biglang nagdilim lahat o baka nahimatay ako? Pero pano ko nakauwi? Sigurado ko na may nakakita sakin dun na nakahandusay sa sahig at pagkakita, tinawagan agad sila Mama at Papa na mas mabilis pa sa alas kwatro ang pagpunta para malaman kung ano nangyari sakin. Ang ganda isipin na nag-alala sila sakin pero ang 'di maganda eh yung sermon nila na mas malakas pa sa bagyo ngayon.

"Aya! Pag 'di ka pa bumangon dyan kukunin ko na yung susi nitong kwarto mo at ako mismo ang papasok dyan!" Napabalikwas ako sa higaan at halos mahulog na mula sa kama, buti na lang yung isang paa at kalahati ng pwetan ko lang ang napalabas sa gilid ng kama. Tayo agad ako sa takot na buksan nga ni Mama ang pinto ng kwarto ko. Ayokong pumapasok kahit sino dito lalong lalo na ang mga magulang ko kasi 'di ba nakakatakot isipin na pagpasok nila baka maghalungkat at makita ang mga nalimutang itagong tumataginting na ZERO sa mga exam.

"Ma, teka lang po! Nag... nag... nag-aayos na po ako!" Sagot ko pabalik.

"Bumaba ka na agad! Bilisan mo dyan!" Narinig ko ang mga yabag ng paa ni Mama na papalayo na galing sa harap ng pinto ng kwarto ko at dun, nakahinga na ko ng maluwag. Tumayo na ko agad at nag-umpisang ayusin ang higaan ko pero napahinto ako nang may makapa akong kakaiba sa ilalim ng kumot. Hinatak ko ang kumot pataas para ipagpag at habang ginagawa ko iyon may lumaglag sa ibabaw ng kama. Umupo ako sa tabi nito na para bang babasagin ang bagay na yun at konting maling galaw ko lang ay pwede itong mabasag at masira. Bumalik nanaman sa alaala ko yung mga nangyari kagabi pero imbis na makaramdam ng takot o lungkot, saya at gaan ng pakiramdam ang bumalot sa katawan ko. Sinubukan kong ipikit ang mga mata ko at nang mangyari ito inumpisahan kong kausapin ang Panginoon.

God, sana po maging maayos ang lahat mamaya. Sana di ko na ulit maramdaman yung naramdaman ko kagabi. At sana rin po mamaya 'di ako pagalitan ni Mam Loyzaga, kung pwede lang sana na umiksi ang oras para 'di ko na kailangan pumasok. Haaaay.

Bumaba na ko agad pagkatapos kong maligo at kahit 'di na ko nakapag-ayos ng sarili na tipong yung buhok ko pag piniga, eh tutulo ng bonggang bongga. Dumiretso agad ako sa kusina at umupo na sa silya para mag-almusal. Ayoko ng madagdagan pa yung isesermon sakin ni Mama at Papa baka daigin pa namin yung Harry Potter sa haba ng sasabihin nila sakin habang ako naman nakaupo, tungo at 'di alam kung paano sasagutin at ipapaliwanag sa kanila yung nangyari sa simbahan; kung bakit ako nandun sa ganung oras, kung paano ko nawalan ng malay at bakit ako nahimatay.

Tahimik ang lahat pagkaupo ko, galit nga talaga sila o baka naghihintay lang na makaupo si Mama bago nila umpisahan ang sermon. Napatingin ako kay ate nang bigla niyang kunin ang pitsel na nakalapag halos sa harapan ko. Hinintay kong magsalita siya, magtanong at usisain ako tungkol sa nangyari kagabi pero wala ni isang salita, sinalinan niya lang yung baso niya ng juice at pagkatapos ay ibinalik na ulit ang pitsel sa pwesto nito. Lumingon ako kay Papa na tahimik lang na nagbabasa at nainom ng gatas. Wala talaga. Nag-uumpisa na kong makaramdam ng inis. Ganun ba kalaki yung kasalanan ko para hindi nila ko pansinin? Sana man long bigyan nila ko ng pagkakataon magpaliwanag bago nila ko parusahan ng ganto. Kinuha ko na lang ang kanin at nilagyan ko ang plato ko sabay hingang malalim. Tama, si Mama siguradong kakausapin niya ko, pumunta siya kanina sea kwarto at pinagalitan pa nga niya ako.

"Belle, nakita ko yung kotse mo. Ano nangyari dun?" Nagulat ako pagkasalita ni Papa. Tumingin sa kanya si ate na super busy sa pagtetext kanina.

"Wala yun, Pa." Natatawang sagot ni ate.

"Ayaw pang sabihin... siguro si Ren nanaman may gawa nun, nag-incredible hulk sa sobrang selos." Biro ni Papa at sabay-sabay silang nagtawanan pati na rin si Mama na kauupo lang.

"Hahaha! Bakit, Pa, ganun ka din ba magselos, nag-iincredible hulk?" Balik ni ate.

"Hay naku, Belle..." Biglang singit ni Mama. "Yang Papa niyo pag nagseselos hindi lang nag-iincredible hulk, nag-piPeter Pan pa yan kasi nung minsang nag-selos yan tumalon galing sa tuktok ng bubong ng jeep.

Hahahahahahahahaha!!!!!

Narindi ko bigla sa lakas ng tawa naming lahat. Pero napahinto ako dahil bigla kong naalala yung away nila kagabi. Yung sigawan at sumbatan nila.

"Ma..." Napahinto lahat at nagtinginan sa akin.

"Ano yun, Aya?" Nakangiting tanong sakin ni Mama. Tumitig ako maigi sa kanya at napansin kong masaya siya kahit maraming hindi magandang nangyayari sa pamilya namin.

"A-ahmm... Papano p-po ako nakauwi kagabi? Kayo po sumundo sakin 'di po ba? A-ano pong nangyari sakin dun sa simbahan?"

Natigilan si Mama pati na rin si Ate at Papa. Nawala na rin isa-isa ang mga malalaking ngiti nila sa mukha kanina.

"Hindi kita maintindihan anak. Anong paano ka nakauwi?" Seryoso si Mama at nagkatinginan Sila ni Papa. Ano yun? Anong ibig sabihin ng mga tinginan nila? Kasama ba 'to sa parusa nila? Magmaang-maangan at wag ipaalam sakin ang mga nangyari.

"Ma, please naman... kung pinaparusahan niyo ko dahil sa paglabas ko ng late, tama na po. Ang dami ko ng iniisip kaya please lang wag niyo na po dagdagan." Narinig kong tumaas ng konti ang boses ko kaya huminga ko ng malalim para mawala ang inis na namumuo sa loob ko.

"Aya, ano bang sinasabi mo?" Nagtatakang tanong ni Ate, nakikita ko si Papa sa gilid ng mata ko, ibinaba niya sa mesa yung hawak niyang dyaryo. Pumanik lahat ng dugo ko na para bang gusto kong sumigaw.... at mangyayari nga.

"Yung kagabi, Ate! Ma! Ano ba?! 'Di po ba nasa simbahan ako kagabi kasi lumabas ako! Nagdadasal ako tapos bigla kong nawalan ng malay! Syempre kayo lang susundo sakin dun kaya tinatanong ko po kayo..." Biglang hina ng boses ko kasabay ng pagkawala ko ng lakas magsalita. Nagkatinginan sila pare-pareho, akala ko malalaman ko na ang totoo pero bigla silang sabay-sabay humagalpak ng tawa.

***********

"Good morning." Malamig na bati sa amin ni Mam Kathy. Siya ang Department Head namin at kahit halos kasing tanda na siya ni Mama feeling teenager siya. Ayaw niyang tinatawag siyang Katalina o Mrs. Medina, sabi niya samin nuon sa orientation nung freshmen pa kami, pag tinawag daw namin siya ng ganun eh bibigyan niya kami ng P. Card at ni isang estudyante dito walang nagnanais na makatanggap ng ganun.

"Good morning, Mam Kathy." Sabay-sabay naming sagot. Ngumiti siya ng malaki at sigurado ako na dahil yun sa tuwa niya na tinawag namin siyang "Mam Kathy."

"PSYCH1239, right?"

"Yes, Mam." Malakas na sagot ng class Mayor namin.

"I'm sure you are all confused why am I here instead of seeing Mrs. Loyzaga, your professor in Sociology and Anthropology. Yes?" Tumango kaming lahat at lumakad siya papalapit pa sa gitna. "But I'm afraid you won't see her for the rest of the semester..."

"Po?" Yun ang narinig kong sabi ng dalawa kong katabi.

"Mrs. Loyzaga is in Singapore and she will stay there for at least two months to tend to her sick father. As we all know, we will be having our final examinations two weeks from now and I know you have a lot of lessons to catch up so I find someone to fill in for her position so you could resume to your regular discussions in this subject."

Ngumisi siya at ako naman... nadismaya. Ang totoo, lahat kami nadismaya. Pwera na lang siguro dun sa mga nakaupo sa harap na laging super ganado dito sa subject na 'to. Napakamot na lang ako ng ulo dahil sa pagkadismaya. Lumakad si Mam Kathy pabalik sa pinto sabay hatak nito pabukas; inilabas niya ang ulo niya at kalahati ng katawan na para bang may sinisilip na kung ano sa labas. Pinapanuod lang siya ng buong klase habang ako naman ay nakatulala at imbis na ma-excite ako na may bagong professor kami mas nangibabaw ang pag-aalala ko dahil baka mas masungit at mas mahigpit ang papalit kay Mam Loyzaga. Lalo lang akong babagsak.

"Class..." Napaayos kaming lahat ng upo pagbalik ni Mam Kathy at kapansin-pansin ang lalaking kasama niya. "This is Mr. Nazareno, siya ang papalit kay Mrs. Loyzaga." Naramdaman kong tumingin ang lahat sa lalaking pinakilala ni Mam Kathy bilang Mr. Nazareno; isang mataas na lalaki at mala-Paulo Avelino ang katawan at kahit 'di ko nakikita ang mismong "katawan" niya alam kong siya yung tipo ng lalaki na naglalagi sa gym at adik sa pagwowork out.

"Hi, Sir." Sabi ng ilan kong mga malalanding kaklase. Tumango lang si Mr. Nazareno at as usual bigla nanaman umagaw eksena si Mam Kathy at inumpisahan ang siguradong mahaba niyang speech pero buti na lang at may kumatok na estudyante, sa pagkakaalam ko si Marco yun na Student Assistant sa Psychology Department, hinahanap niya si Mam Kathy dahil may emergency meeting daw ang lahat ng Department Heads. Agad-agad na nagpaalam si Mam Kathy na ikinatuwa naman ng lahat dahil nag-umpisa ko ng marinig ang "haaay", "buti na lang", at "sa wakas" ng mga kaklase ko pero napatigil at tumahimik ang lahat nang maalalang nandito nga pala si Mr. Nazareno.

"Good morning." Masayang bati niya sa amin. Ang ganda niya ngumiti, parang nakakahawa. Sumagot kami ng pareha at napansin kong nakangiti ako.

"Nag-almusal na ba kayong lahat?" Tanong niya sa amin. Yung iba sumagot ng 'oo' pero mas malakas yung 'hindi'. Napangiti siya lalo. "Pero hindi halata ah. Ang tataas ng energy niyo nung lumabas na si Mam Kathy." Nagtawanan lahat sa biro ni Mr. Nazareno at pati siya natawa sa sinabi niya. Sumenyas siya sa amin na tumayo kami at agad naman namin yun ginawa na para bang ganado kaming magtayo-upo kahit ilang beses.

"Sir, ice breaker?" Masiglang sabi ni Dion na ni minsan hindi naging interesado sa mga activity sa bawat klase namin pero ngayon mukha siyang ganado at interesado na kinatuwa naman ng lahat.

"Hmmm.. Pwede." Ngumiti ulit siya sabay tingin sa taas na para bang may nakikita siya dun na 'di namin nakikita. Napatingin din ako pataas at tiningnan ko na baka may kaaya-aya sa kisame pero nasilaw lang ako sa liwanag ng ilaw at agad kong iniwas ang paningin ko mula dun. "Mahal naming Ama, ipinagpapasalamat po namin ang napakagandang araw na ito gayon din ang mga saya at ngiti na ipinagkakaloob niyo sa amin. Ipinagpapasalamat ko din po ang mga batang nasa harapan ko ngayon, sana, sa gagampanan kong tungkulin ay marami akong maipamahagi sa kanila na kaalaman. Gabayan Niyo po kami at ilayo sa masama. Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen."

"Amen."

Kinilabutan ako. Habang nagdadasal siya para bang kung saan nanggagaling ang boses niya. Yung parang mga nagvovoice over sa mga fairytale na pelikula at ang nakakataka at nakakamangha pa, hindi niya pinupwersang ilakas ang boses niya pero halos parang naka-mic siya dahil umuugong ang boses niya sa apat na sulok ng kwarto. Pinaupo niya na kami agad pagkatapos ng dasal, agad din siyang pumunta sa tabi ng white board at nag-umpisang magsulat. Nanlaki ang mga mata namin nang mag-umpisa siyang magsulat. Ang ganda, dikit-dikit at parang pang-babae ang sulat niya, bigla kong nahiya sa itsura ng sulat ko.

Mr. Kristoffer Nazareno

"Ito ang buo kong pangalan pero pwede niyo na lang akong tawaging Sir Kris. Para kasing masyadong pormal pag Mr. Nazareno. Pag tinatawag ako ng ganun pakiramdam ko hindi ako yun." Hindi nawawala ang ngiti niya, nagsasalita man o hindi. Lumapit siya sa mesa na nasa gitna at isa-isang inangat ang mga folder na nakalapag duon na para bang may hinahanap siya na napakaimportante at many mahanap na niya, binuksan niya ito at binasa ang unang pangalan na nakakuha sa atensyon niya. "De Leon, Peter."

"Sir?" Kinakabahang sagot ni Pete na nakaupo sa dulo ng klase. Natawa kami sa reaksyon niya. Siya kasi yung tipo ng estudyante na magaling lang dumaldal pero pag tinawag ng professor, nauutal. Tumayo siya agad pagkatapos.

"Ah. Ikaw pala..." Umpisa ni Sir Kris. Tinitigan niya maigi si Pete na para bang tuwang-tuwa siyang makita ito. "Alam mo, may kaibigan din akong Peter ang pangalan. Natutuwa ako na makakilala ulit ng isang tao na may kaparehong pangalan tulad sa kaibigan ko." Hindi sumagot si Pete at dahil nahalata yata ni Sir Kris ang kaba niya, pinaupo name niya ito agad at tinawag ang isa pang pangalan. "Mendoza, Reena Paula."

"Busy po siya, Sir. Maya na lang daw." Nagtawanan lahat pagkasabi nito ni Ree sabay tayo niya at biglang kambyo ng 'joke."

Tumingin ako kay Sir Kris at inaasahan kong maiinis siya pero laking gulat ko na ni isang bakas ng pagkainis eh wala sa mukha niya at para bang tuwang tuwa nanaman siya na makita ang panibagong estudyante niya.

"Ikaw si Reena Paula?"

"Ahhh..." Dahan-dahang sabi ni Ree habang nakakunot ang noo niya at parang nag-iisip ng malalim. "Siguro po Sir. Ako po yung tumayo eh." Tumango-tango siya na parang kala mong sumasang-ayon siya sa plano sa kung ano dapat gawin ng pangulo para mabawasan ang kahirapan. Tawang-tawa kaming lahat sa pinag-gagagawa ni Ree at ganun din si Sir Kris. "Pero baka si Aya si Reena, Sir. Aya, Reena Paula ka ba kahapon?"

Nagulat ako nang banggitin ni Ree ang pangalan ko pero naibalik ko naman agad sa normal ang sarili ko. "Aya ako kahapon... Aya pa rin naman ako ngayon sa awa ng Diyos."

Ang lakas ng tawanan naming magkakaklase sabayan pa nito ang halakhak ni Sir Kris. Natuwa kami sa kanya dahil hindi siya tulad ng ibang professors na hindi marunong makipagbiruan sa mga estudyante nila samantalang si Sir Kris, naiiba siya, parang mga bunsong kapatid ang turing niya sa amin.

Nang matapos ang klase agad na nagpaalam siya sa amin dahil may susunod pa daw siya na klase at ganun din naman kami kaya nagmadali ang lahat na mag-ayos ng gamit at lumabas mula sa classroom para makapunta na sa susunod naming subject. Nauna na kong lumabas at 'di ko na hinintay si Ree at Shen, ayokong madamay si Ree sa away namin ni Shen pero hanggat may tampuhan, hindi kami pwedeng magsama-sama, magkakailangan lang kaya ako na ang iiwas. Lumakad ako ng mabilis para kung sakaling tawagin ako ni Ree pwede akong magpanggap na hindi ko siya narinig dahil nasa malayo na ko. Dumaan muna ko sa canteen para bumili ng tubig dahil parang nanunuyo na ang lalamunan ko at pagkatapos ay dumiretso na ako sa Education Building kung saan nandun ang classroom namin para sa Educational Psychology. Ang haba ng pila sa elevator pagkapasok ko sa entrance, inisa-isa ko yung mga nakapila at nagbabakasali na may kakilala ko para makasingit sa pila pero sa kasamaang palad, wala. Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa pader. 10:25 na, limang minuto na lang at mag-uumpisa na ang susunod kong klase. Kung hihintayin ko pang makasakay ako ng elevator baka abutin ako ng sampung minuto pa.

Kumanan na lang ako papunta sa hagdan at nag-umpisa na kong umakyat. Mas maigi na to kaysa naman maghintay ako dun at ma-late, ayoko ng mapagalitan ni Sir Espinosa. Ang sakit sa bangs ng mga salita niya eh. Nasa 3rd floor pa lang ako pero ramdam kong hinihingal na ko pero tuloy pa rin sa paghakbang paakyat. 4th floor, pakonti na ng pakonti ang estudyante na nasa corridor siguro maagang nagsimula ang ibang mga klase kaya nagpasukan na agad sa kani-kanilang classrooms. 5th floor, dalawang estudyante ang nasalubong ko na nakaupo sa pangalawang baytang ng hagdan, yung isa nagbabasa, yung isa naman may hawak na maliit na salamin sa isang kamay at yung isang kamay niya, lipstick naman ang laman.

6th floor. Tahimik na at wala na ni isang estudyante na nakakalat sa corridor. Nagmadali akong lumakad. 601... 603... 605... 607. Huminto ako at humingang malalim. Bubuksan ko na sana ang pinto nang mapatingin ako sa babaeng matanda na nakatayo sa harapan. Hindi siya ang professor namin. Tumingin ako pataas para siguraduhing nasa tama akong kwarto. 607. Tama naman.

"Aya." Muntik na kong mapasigaw sa gulat. Lumingon ako sa direksyon kung saan galing yung boses at nakita ko ng papalapit ang grupo nina Winona.

"Dito tayo 'di ba?" Tinuro ko ang pinto na katabi ko. "Kaso ba't iba ang nagkaklase?"

Nagkatinginan silang apat at parang takang taka sa mga sinabi ko. "Aya, ano ka ba? Kanina pa tayo tapos dyan. Gutom ka na yata, di ka pa siguro nagla-lunch." Biro ni Sarah habang tinatalian ang mahaba niyang buhok. Lahat sila ngumiti at natawa pwera lang sakin na malapit ng mapikon.

"P-pero 'di ba..."

"Ayun na si Mam Santiago!" Mahinang sigaw ni Loisa at agad silang nagpaalam sakin sabay tumakbo papunta sa kabilang hagdanan para habulin si Mam Santiago. Naiwan akong naguguluhan. Ano bang pinagsasasabi ni Sarah? 607 naman talaga kami pag Educational Psychology ang subject pero bakit parang 'di nila alam at 'di sila nababahala na may ibang nag-ookupa sa classroom namin? Lumakad-lakad muna ako para tingnan isa-isa ang mga kwarto at siguraduhing wala nga talaga sa palapag na ito ang mga kaklase ko pero umabot na ko sa dulo at wala pa rin ni anino nila. Inikot ko ang paningin ko, nagbabakasaling makasalubong ko ang class mayor namin o kung sino mang officer ng klase namin. Wala. Nasaan ba sila? May reminder ba si Sir na lilipat kami sa ibang classroom? Isip Aya. Isip maigi.

Beeeeeep!

Ree: San ka?

3:52PM

Me: d2 ko EB607. bt iba ngkklase d2? san kayo? wla b taung educ. psych ngaun?

3:54PM

Beeeeep!

Ree: Ha???? Knna p yun no! Dka nga pmsOk eh! Punta ka dtO sa gate3 knna kO pa kyO hnhnap ni shen

3:59PM

Ano daw? Ano bang pinagsasasabi ni... Huh? B-bakit ganto? 'Di ako makagalaw. Totoo ba 'to? Tama ba 'to??? Hindi... Hindi... Mali 'to, maling mali. Ramdam na ramdam ko ang pagkabog ng puso ko at para ng sasabog sa sobrang bilis. Nanghina bigla ang mga tuhod ko na para bang mapapaupo ako sa sobrang pagnginig nito. Imposible. Imposible talaga.

Me: anong oras na sau?

4:06PM

Beeeeep!

Ree: Muka nb kOng orasan ngayOn??? 4:09 pgkasend kO ntO. Bkt??

4:09PM