Chapter 2

'Di ka marunong magdasal. 'Di ka nagsisimba. 'Di ka naniniwala sa nakalagay sa Bibliya. Pinipintasan mo ang mga naniniwala sa Diyos at umaasta ka na kala mong alam mo na ang lahat. Sinasabi mong kahit maraming nagsabing may Diyos 'di ka pa rin maniniwala hangga't 'di mo nakikita. Pero bakit nung sinabi sa eskwela na may utak ang tao naniwala ka? Oh e bakit, nakita mo na ba?

Ang lamig. Ang sakit ng ulo ko. Ang sakit ng buong katawan ko at higit sa lahat, pagod na ko. Umakyat ako agad sa kwarto pagkadating. Hindi ko na pinaalam kanila mama at papa na nandito na ko sa bahay dahil nung napadaan ako sa kwarto nila narinig kong nag-aaway nanaman sila. Nawalan ako ng gana. Nagtatalo sila tungkol sa kung kanino kami mapupuntang magkapatid pag naghiwalay na sila. Wala ko sa mood para makiusyoso sa problemang yun, hindi ko alam kung 'di ako interesado o sadyang takot lang ako harapin ang totoo. Nagmadali na kong pumunta agad dito sa kwarto at mabilis na naligo dahil basang basa ako ng ulan bukod pa dito, yung damit na suot ko tulo na ng tulo at pwede ng pigaan.

Beeeep!

Tiningnan ko agad ang cellphone ko na buti na lang ay hindi kasama sa mga nabasa kong gamit sa loob ng bag. 4 new messages?

Ree: Nkauwi knba?

9:02 PM

Clarisse: girl! bt ka nnman umabsent sa fil. psych khpon??? ala ka grade sa grupwork nten. ibbgsak kna dw ni mam.

7:24 PM

Rico: 2 wiks b4 finals. hope u'r redi 4 ur report. nksalalay syo grades ntin. just reminding u

6:51 PM

Ate: Skul ka pa? Malakas ulan sunduin kita?

11:20 AM

Nagreply ako kay Ree at pinaalam kong nakauwi na ko. Hindi ko na pinansin yung messages ni Clarisse at Rico nakakadagdag lang ng stress. Yung text naman ni ate hinayaan ko na lang rin, ang totoo kanina ko pa yun napansing dumating pero 'di ko na pinagkaabalahang basahin. Hindi kami magkasundo ni ate siguro dahil masyado siyang magaling kaya pag nagkakasalubong kami walang nangyayari kung hindi away, barahan. Nung bata kami maayos naman ang lahat, masaya ang pamilya namin at laging magkasundo sila mama at papa. Kami naman ni ate, siya ang nag-aalaga sakin, binabantayan niya ko palagi at kahit sa school nuon siya ang taga pagtanggol ko. Parehas kami ng hilig pero nung nag-high school na siya at ako naiwan sa elementary dahil grade 5 pa lang ako nuon dun na nagsimula na magbago lahat samin. Mas gusto na niya sa barkada niya, hindi na kami nagkakaroon ng pagkakataon gawin ulit yung mga dati naming hilig gawin, hanggang sa nanawa na rin ako kakahintay sa kanya na bumalik siya sa dati at nag-umpisa na rin lumayo ang loob ko sa kanya. Simula nun naging iba na pakikitungo namin sa isa't-isa, lagi niya kong pinapagalitan at lagi ko rin siyang iniinis. Pakiramdam ko ang tingin niya alam niya lahat pero ang totoo, hindi, kasi hindi naman alam kung ano naramdaman ko nung lumayo siya at iniwan ako sa ere.

Nung nagbirthday ako nung June marami akong regalong natanggap pero sa inis ko kay ate hindi ko binuksan yung regalo niya para sakin. Itinabi ko na lang sa drawer at kung 'di ako nagkakamali, halos tatlong buwan na ang lumipas mula nung nilagay ko yun dun.

Napatingin ako sa drawer kung san ko itinago ang regalo ni ate, hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nakaramdam na gusto kong malaman kung ano ang binigay niya sakin. Nag-aalangan ako nung una pero sa huli kinuha ko na rin ito galing sa drawer. Isang maliit na pabilog ang hugis ang korte regalo niya na nakabalot sa light green na gift wrapper at may maliit na ribbon sa tuktok na kulay green din at may nakasingit sa gitna na maliit na mukha ni bugs bunny. Kahit walang nakasulat na pangalan o kung ano alam kong sa kanya 'to galing dahil siya lang naman nakakaalam na ang paborito kong kulay ay green at sa nakakatawang fact na fan ako ni bugs bunny. Mula kasi nung nagkalayo ang loob namin pilit kong iniba ang lahat ng gusto ko, ang lahat ng tungkol sakin. Simula sa mga malalaking bagay o mapasimple man tulad na lang ng paborito kong kulay.

Tinanggal ko ang ribbon na may nakadikit na mukha ni bugs bunny at inilapag ko sa tabi ko. Sinira ko na rin ang balot nito at dun ko nakita ang isang maliit na bilog na lalagyan na parang gawa sa kahoy. Unti-unti kong inangat ang takip ng lalagyan.

Rosary?

"Hindi mo pwedeng kunin sakin si Aya! Ako ang ina kaya sakin sila mapupunta ni Belle!"

"Papano naman ako?! Tatay pa rin ako ng mga bata at anak ko rin sila pareho! Hindi naman ako nagpabaya bilang ama nila kaya wala kang karapatan para tanggalan ako ng papel sa mga anak ko!"

Sila Mama at Papa yun. Lumabas ako galing kwarto at hinihintay kung ano ang mga susunod nilang sasabihin. O kung magsasakitan ba sila at least nandito ako para umawat.

"Hindi kita tinatanggalan ng papel bilang ama nila! Ang sinasabi ko, sakin sila dapat mapunta pero pwede mo naman silang dalaw-dalawin! I-provide mo pa rin pangangailangan nila kung gusto mo pero sakin sila! SAKIN SILA!"

"Yan ang hirap sa'yo, Barbara! Masyado kang makasarili! Lahat na lang gusto mo sa'yo......"

Tama na. Tama na. Hindi ko na kaya ang mga naririnig ko. Ayoko na! Ayoko na!!!! Tumakbo ako pababa at palabas ng bahay, hindi ko alam kung saan ako pupunta pero mas maigi na kahit saan kaysa nandun ako sa bahay puro away lang at sigawan ang naririnig ko.

Ang lamig pa rin ng hangin pero wala ng ulan. Basa ang kalsada at bawat hakbang ko naririnig ko ang tunog ng tubig, hinihingal na ko pero ayaw kong tumigil sa pagtakbo dahil pakiramdam ko masyado pa rin akong malapit mula sa bahay namin. Ayoko ng marinig sila Mama at Papa, ayoko ng marinig ang sigawan nila! Binilisan ko lalo ang pagtakbo pero makailang hakbang pa, binigo na rin ako ng lakas ko at napatigil na sa gitna ng daan. Natulala ako, nagblangko ang isip at nanuyo ang lalamunan sa sobrang hingal. Hindi ko malaman kung ano ang iisipin, kung saan pupunta o kung ano ang dapat gawin. Nanghihina ako na parang gusto ko ng mahimatay dito pero bigla kong nagulat nang may narinig akong bumagsak. Nagbalik ako sa wisyo sabay napatingin sa baba.

Yung Rosary. Dala-dala ko pa rin pala hanggang dito. Yumuko ako at dinampot ang Rosary, medyo nabasa na dahil sa pagkakahulog sa basang daan. Pinunas ko ito sa dulo ng damit ko para matuyo at habang ginagawa ko yun bigla kong naalala ang Diyos. May isa kong kaklase nung first year college na masyadong relihiyosa, si Carla. Isang beses sa Philosophy subject namin napag-usapan si Friedrich Nietzche na kilala sa pagiging Atheist o sa madaling salita, hindi naniniwala sa Diyos. Katabi ko nun si Carla at bigla na lang niyang sinabi sakin: "Nakakaawa siya noh?" Napatingin ako sa kanya at tinanong ko kung sino, sabi niya si Nietzche. "Bakit naman?" Tanong ko. "Eh kasi 'di niya kilala ang Diyos. Naiisip ko kasi nung namatay siya siguradong ang lungkot niya pagkatapos kasi 'di rin siya makikilala ng Diyos." Nagtaka ko kung ano yung sinasabi niya, 'di ko magets kahit anong gawin kong pag-intindi at simula nun weird na siya sa paningin ko.

Ngayon na bigla kong naalala ang Diyos, nagkasense sakin yung mga sinabi ni Carla. Tama siya, kung hindi mo kilala ang Diyos habang nabubuhay ka, papano ka Niya makikilala pag namatay ka at magkita kayo sa kabilang buhay? Ako kaya, kilala pa ba Niya ko? Kilala pa kaya Niya ang isang nilikha Niya na hindi man lang makaalalang magdasal o magsimba? Na hindi naniniwala sa Kanya? Na ang tingin sa mga napunta sa simbahan eh nagpapaloko lang sa kathang isip? Kung lalapit ba ko sa Kanya ngayon papakinggan ba Niya ko? Sasagutin ba Niya ang dasal ng isang suwail na tulad ko? Papano Niya yun gagawin kung ako mismo ang lumimot sa Kanya? Siguradong nilimot na rin Niya ko. Napatingin ako sa langit, walang bituin at parang mapula ito. Sabi nila pag ganun daw, uulan pa. Tinitigan ko maigi ang kalangitan, nagbabakasakaling may makitang sagot mula sa Diyos nang biglang umihip nanaman ang malakas na hangin at nagpasukan sa mata ko ang ilang malilit na dumi. Napapikit ako ng sunod-sunod na parang nagbibeautiful eyes na bata at nung mawala na ang mga dumi halos maluha luha ako pero hindi ko na yun napansin dahil pagmulat ko, dun ko lang nakita na nasa harap pala ako ng Chapel.

Tumingin tingin ako sa paligid at naghahanap ng clue kung bakit bukas pa ito sa gantong oras. Madalas kasi pag hanggang 7:30 ng gabi ang huli kong klase mga gantong oras na ko nakakarating dito sa village at pag napapadaan ako dito sa Chapel malimit nakikita kong sarado na ang pinto pero ngayon bukas na bukas pa at maliwanag pa rin ang loob. Lumakad ako dahan-dahan papasok na kala mong nasa mission impossible ako nag-aabang ano mang oras ng mga kalabang sasalakay at sasakal sakin. Nang maituntong ko na ang mga paa ko sa loob, nag-iba ang pakiramdam ko. Para bang nawala lahat ng hindi magagandang pakiramdam na nararamdaman ko at tila wala ng problema ang makakapagpalungkot sakin. Lumakad pa ko papasok at nagdesisyong maupo sa pinakagilid ng mga upuan na malapit sa nakabukas na pintuan sa gilid. Sa tagal kong 'di nagdadasal 'di ko na alam kung pano kausapin ang Diyos; tumingin ako sa nakasabit na imahe ni Jesus na nakapako sa krus. Pinagmasdan ko ito maigi at bigla na lang parang naging diksyonaryo ang utak ko na napuno ng mga salitang gusto kong sabihin sa Kanya.

"Patawad." Bigla kong nasabi na parang nasa harap ko lang ang kausap ko. "Patawarin Niyo po ko. Ang sama ko, alam ko po yun, alam ko, alam ko." At dito mismo, ngayon mismo... tumulo ang luha ko na parang walang katapusan. Nanghina ako at napaluhod sa luhuran pero hindi ko inaalis ang tingin ko sa Panginoon. Gusto kong tumingin sa Kanya para malaman Niya kung gaano ako nagsisisi at kung gaano ko Siya kailangan ngayon at ang pagpapatawad Niya.

"Ayoko pong masira ang pamilya ko. Ayoko rin biguin sila Mama at Papa. Inaasahan nilang nag-iigi ako sa pag-aaral pero... pero..." Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko, parang may humarang na kung ano sa lalamunan ko at bigla na lang sumakit. Tuloy pa rin sa pag-agos ang luha ko, huminga ko ng malalim para magsalita pero walang lumabas na boses. Pinilit ko ulit, gusto kong marinig Niya ko. Gusto kong mapansin Niya na hirap na hirap na ko at nagsisisi ako... nagsisisi ako na sa ilang taon ko ng nabubuhay dito sa mundo, ni minsan hindi ako nakapagpasalamat sa Kanya sa lahat ng magagandang bagay na meron kami, o ako. At ngayong marami akong problema at puro sakit na ang nararamdaman saka lang ako lalapit, nakakahiya sa Inyo Panginoon. Nakakahiya..

"Tulungan Niyo po ko... Kailangan ko po Kayo!"

Hindi ko alam kung sigaw ba yung nagawa ko pero pagkatapos nun gumaan ang nakatawan ko na parang nakalutang lang at biglang nagdilim na ang lahat..