Chapter 5

Hindi lahat ng problema natatapos kahit nandyan na ang sagot. Malimit, hindi sagot ang kailangan mo, kung 'di matutunang maghintay at magpasensya.

Imposible.. Imposible 'to. 10:30 lang ang tapos ng una kong klase ngayong araw pero bakit pasado alas kwatro na??? Ano yun, halos limang oras ako naglakad mula dun sa huli kong klase papunta dito? Ha-ha-ha! Joke ba 'to? Joke ba?! Kung joke, pwes! Hindi nakakatawa!

Me: wg mo nko hntayin ree. my klngan akong pntahan.

Pinatay ko na agad ang cellphone ko pagkatapos kong i-send ang message ko kay Ree. Saan na 'ko ngayon pupunta? Anong gagawin ko? Tiningnan ko na halos lahat ng orasan dito sa loob ng campus, nagbakasakali akong siguro mali lang ang oras namin ni Ree pero hindi eh. Bigla kong nanlumo sa 'di ko malamang dahilan at napasandal ako sa nakasaradong pintuan ng isang kwarto, buti na lang parang stock room lang. Ang bilis ng paghinga ko na para bang tumakbo ko mula samin hanggang dito. Ay, O. A, di pala, mula sa bahay hanggang dun na lang pala sa 7eleven sa may amin. Umupo ako sa sahig dahil na rin sa sobrang panghihina ng mga tuhod ko. Anong nangyayari? God, ano po'ng nangyayari?

"Aya?"

Napatayo ako bigla pagkarinig ko sa boses. Akala ko baka officer ng "Samahan ng Mga Kala Mong Walang I. D." kaya kinapitan ko na agad ang I. D. at parang handang handa na makipag-sabunutan para lang wag makuha ang I. D. ko.

"Anong ginagawa mo dyan?"

"Sir Kris?" Tumayo ako mula sa pagkakaupo habang nakatungo. Sa lahat naman ng itsura na pwedeng abutan sakin, ganun pa talaga. Hinawi ko ang buhok ko sa likod ng tenga ko. "A-ah ano po… ka-kas-sii…"

"Sumunod ka sakin."

"Po?" Pero bago ko pa nasabi ang sinabi ko, nakatalikod na siya at umpisa ng naglalakad. Sumunod na lang ako kahit kabadong kabado ako na baka dalhin niya ko sa clinic ng school. Baka nakita niyang namumutla at haggardo versoza na ang fez ko kaya naisipan niya kong tulungan. Wala naman masama kung gawin niya yun pero ang totoo kasi, hindi ako komportable pag nasa loob ng ospital o kung anong pagamutan pa yan. Mabilis akong mag-panic pag dinadala ako dun, ewan ko ba. Praning na yata 'ko.

"Sakay na." Utos ni Sir Kris sakin habang nakahawak siya sa bukasan ng pinto ng kotse niya na binuksan niya para sakin. Hindi ako makasagot, gusto kong tumanggi baka mamaya may pagkamanyakis pala 'tong si Sir at ako ang prospect niya. Iiiwww. Kahit naman ang gwapo niya at malakas ang appeal niya, hindi ko ugali ang pumatol sa professor noh. 'Di pa naman ako ganun kadesperada. Pero kahit nag-aalangan ako parang may nag-udyok sakin na sumakay na lang at wag na magtanong kaya ganun nga ang ginawa ko sabay sara niya ng pinto at ligid sa kabila at sumakay na rin.

Tahimik lang kami sa halos labing limang minuto na pag-andar ng kotse. Pinipilit kong hindi pansinin ang katahimikan pero hindi talaga 'ko sanay, pakiramdam ko mabibingi ako pag ganto. Huminga 'ko ng malalim para bumwelo magsalita at binuksan ko na ang bibig ko, tunog na lang ang kulang...

"Hindi mo pa rin ba alam ang sagot?" Biglang salita ni Sir Kris habang nakatingin sa daan.

"Ho? Sagot? May tinanong po ba kayo?" Teka, may tinanong ba siya sa klase namin kanina? Baka hindi ko narinig dahil dinadaldal ako ni Dale.

"Ako? 'Di ba ikaw yung kanina pang may tinatanong?" Sumulyap siya saglit sa direksyon ko at agad din ibinalik ang tingin sa kalsada.

"Wala naman po akong tinatanong. Hindi ko po kayo maintindihan, Sir." 'Di ko naman planong magtunog nang-aasar pero imbis na seryoso ang kalabasan ng sinabi ko, naging parang natawa.

"Meron. Kanina pa kita naririnig." Inikot niya ang manibela pakaliwa at hinintay makaliko ang kotse sabay bawi sa manibela pabalik. "Tinatanong mo kung ano ang nangyayari."

Natigilan ako habang nakatitig sa kanya at dun ko lang napansin na nakangiti pala siya. Pa'no niya…

"Nalaman?" Tapos niya. "Aya, hindi mo mareresolba ang isang problema gamit ang isa pang problema."

"Huh. Eh nakakagulat naman po kasi 'di ba na may telekinesis kayo?" Sarcastic yata ang pagkakasabi ko. Sumulyap ulit sakin si Sir pero ang ekspresyon niya ngayon eh 'di mawari kung nagtataka, natatawa, o natatae. Tumingin na ulit siya sa daan.

"Telekinesis." Ulit niya sa sinabi ko pero parang natatawa siya sa idea na yun. "Nakita kita kagabi sa Chapel. Ano naman ang tawag dun?" Pang-aasar niya.

"Stalking." Sagot ko sa tono na parang 'obvious ba?'

"Eh nung tinulungan kita at iniuwi kita sa inyo pagkatapos mong mawalan ng malay? Ano naman yun? Pakialemero?"

"Teka, teka, teka! Ikaw? Ikaw ang tumulong sakin?!"

"Opo…" Dahan-dahan niya itong binigkas na para bang gusto niyang sabihin na baka nakalimutan ko itong gamitin sa kanya. "Ako nga PO ang tumulong sa'yo… PO."

Bigla 'kong nahiya. "Eh... Sorry po, Sir Kris." Tumawa siya pero buti na lang at 'di niya ko matingnan ng matagal dahil na rin sa nagmamaneho siya. "Pero pa'no po nangyari na ikaw, este, kayo po yung tumulong sakin? Taga dun din po ba kayo sa village na tinitirhan namin? Tsaka sabi sakin kanina nila Mama, nandun lang ako sa bahay kagabi hindi naman daw ako umalis, pinagtawanan pa nga nila 'ko eh, 'di daw ako marunong mag-identify kung ano ang totoo sa panaginip. Pakiramdam ko tuloy ang tanga ko. Narinig kong parang pumiyok ang boses ko pagkasabi ng dalawang huling salita.

"Hmmm…" Sabay hinga niya ng malalim. "Ang totoo, narinig kita. Humihingi ka ng tulong sakin at sa Ama natin."

Huh? Ano ba 'to si Sir? Balew balew? "Sir, no offence ah, pero question lang, nagda-drugs ka ba? Para kang adik eh." Natawa ako sa sinabi ko pero si Sir Kris, ngumiti lang at parang malayo ang isip.

"Gusto mo bang malaman kung bakit masaya ang mga taong masasaya?" Malumanay niyang sabi habang ako naman dahan-dahang nawala ang tawa. Pinunasan ko ng kamay ko ang luha na galing sa pagtawa.

"Tingin ko mayaman sila kaya masaya sila. Nasa kanila na lahat, hindi pa ba sila sasaya pag ganun? Pero saglit po, 'di niyo pa sinasagot yung tanong ko."

"Mayaman saan?" Kumunot ang noo niya.

"Sa pera. Sir, sagutin niyo na yung tanong ko."

"Pera?" Wala pa ring sagot.

"Pera, Sir. P-E-R-A, pera. Ulit ulit? Ulit ulit??" Inikot niya ulit ang manibela pakaliwa at kinabig pabalik nang nakaliko na ito. Tumawa siya sa sarili niya pagkarinig sa sinabi ko at saka umiling pagkasulyap sakin.

"Iba kasi ang pananaw ko. May ibang mga dahilan na nakakapagpasaya sa isang tao. At tingin ko…" Huminto bigla ang sasakyan at dun ko lang napansin na nasa harap na kami ng bahay namin. Bakit parang ang bilis ng byahe? Inabot ni Sir Kris ang bag niya na nakalagay sa upuan sa likod. "Saglit lang, may ibibigay ako sa'yo."

Tumango ako kahit 'di ko alam kung nakita niya 'yun o hindi. Pagkabukas ng bag, hinugot niya ang isang kakaibang papel. Kakaiba hindi dahil maraming design, para sakin kakaiba siya kasi parang luma na, 'yung tipong isang maling hawak mo magkakanda punit-punit ito.

"Oh, ito."

Kinuha ko mula sa kamay niya ang lumang papel. Tiningnan ko maigi, may nakasulat na numero mula 1 hanggang 10, pababa ito na parang nilagyan ng isang guro para sa estudyante niyang mag-eexam.

"Ano pong gagawin ko dito?" Tumingin ako kay Sir Kris pero may hinahanap pa rin siya sa bag niya.

"Isulat mo d'yan 'yung mga bagay na tingin mong pinakaimportanteng natutunan mo tungkol sa buhay. Mga aral na pwede mong magamit at maipamahagi sa iba. Punuin mo 'yan at pag napuno mo na, malalaman mo na kung ano ang dahilan ng mga taong masaya kung bakit sila masaya. At…" Sinara niya ang bag niya at sabay tingin sakin. "Sasagutin ko na ang lahat ng tanong mo. Lahat."

Wala kong masabi. Ang dami ko ng problema, poproblemahin ko pa 'to? "Sir… kasi…"

"Isipin mo na lang na isa yang special task para sa subject natin." Nakangiting sabi niya. Task? Gawin ko na kaya, baka may extra points akong makuha dito sayang din yun. May konting pag-asa pa pala para pumasa. Sabi nga nila, sakin pa rin ang huling halakhak. Ha-ha!

"Sige po, Sir. Madali lang naman 'to eh. Basic." Winagayway ko ang papel sa ere sabay minadali kong itago sa bag. Baka magbago pa isip niya eh. Sayang ang "chanzzz."

"At tsaka ito na pala gamitin mo." Binigay niya sakin ang isang panulat na mukhang ordinaryong pen lang naman pero kinuha ko na rin.

"Thank you, Sir. Sige po." Tumalikod na 'ko at binuksan ang pinto sabay baba at isinara ang ito. Humarap ako para kumaway at hinintay na makaalis siya. Kumaway siya pabalik habang nakangiti at saka pinaandar ang kotse. Pinanuod ko ito hanggang mawala na sa tanaw ko. Nakabukas ang gate pagharap ko pabalik sa bahay.

"Bakit ngayon ka lang nakauwi? Saan ka nanaman naglakwatsa?" Bungad sakin ni Papa pagkapasok ko ng bahay. Nagtanggal muna 'ko ng sapatos at inilagay ito sa tabi. Papagalitan nanaman ako ni Mama pag nakita n'yang inilalakad ko 'yun sa loob ng bahay.

"Pa… Hanggang alas tres pasok ko. Alas singko pa lang ata o alas sais. Dalawang oras ang byahe. Bakit po ba kayo nagagalit d'yan? Para namang hating gabi na eh 'di pa naman." Pabalang kong sagot kay Papa. Pumamewang siya at parang nilamutak ang sarili niyang mukha sa inis.

"Ah oo nga naman. Wala pang hating gabi. Pero para sabihin ko sa'yo magaling na dalaga, isang oras na lang at hating gabi na. Hintayin ko muna mag alas dose bago kita pagalitan, ganun ba?!"

Napaatras ako sa takot sa lakas ng boses ni Papa. Ganyan siya pag nag-aaway sila ni Mama.

"Ano ba pa?" Naiinis na 'ko. Pagod ako, ang gulo na nga tapos ganto pa! Lumakad ako papasok at diretso sa nakasabit sa dingding ng sala na orasan. "Six pa lang ng gab…i." Natulala ako pagkakita ko sa oras. Bakit ganun? Alas onse? Tiningnan ko ang suot kong relo. Ganun din. Hindi. Hindi.

"Dan, ano ba nangyayari dyan? Anong oras na ang ingay-ingay mo pa. Nakakahiya sa kapit-bahay." Pabulong na sabi ni Mama habang bumababa ng hagdan.

"Pagsabihan mo 'yang anak mong yan, Barbara. Sobra na 'yan!" Umakyat si Papa pagkatapos ng sinabi niya at narinig naming binalibag niya ng sara ang pinto sa kwarto nila ni Mama. Naiwan kaming dalawa. Siya, nakatingin sakin at ako, 'di malaman kung saan titingin.

"Magpapaliwanag ka ba?" Malumanay ang boses ni Mama pero halatang kakagaling lang niya sa tulog.

"Ano nangyari dito?" Biglang sulpot ni ate sa likod ni Mama. Combo na pagalit ang aabutin ko dito pag 'di pa ko umalis. Lumakad na 'ko paakyat kahit alam kong naghihintay si Mama na magpaliwanag ako at nang mapatapat ako kay ate nakatingin siya saking ng masama na kala mong ako ang dahilan kung bakit kami lagi magulo.

"Wag ka ng dumagdag." Naiinis kong sabi sa kanya sabay diretso sa kwarto ko.

Ako na lang ba lagi? Ako na lang ba ang nakikita nila? Wala na bang iba? Nakakapagod maging ganto at magkaron ng gantong klaseng pamilya. Haaay. Nagpalit ako agad ng damit at naghilamos nang biglang kumulo ang tyan ko. Ouch. Buong araw ang lumipas pero nakakaisang kain pa lang ako ngayong araw at kanina pang umaga yun. Bumaba ako sa kusina at kumuha ng makakain ng walang ingay at umakyat ako ng wala ring ingay. Nilapag ko sa kama ang mga pagkaing kinuha ko pero halos puro prutas at cereal lang ang kinuha ko at yung Fresh Milk na ako lang ang nainom dahil ako lang samin ang may gusto ng gatas. Ewan ko sa kanila kung anong problema sa gatas at ayaw nila, masarap naman kaya. Inumpisahan kong ibuhos ang cereal at kasunod 'yung gatas sa mangkok na kanina eh hirap na hirap akong hanapin kung saan itinatago ni Mama. 'Yun ang disadvantage pag hindi ka nag-aasikaso sa kusina, hindi mo alam kung saan nakaposisyon yung mga gamit kaya pag ikaw na ang kukuha hindi mo alam saan 'yung tamang lagayan. Sumubo na 'ko agad pagkalagay ko at 'di ko namalayan na para na pala kong patay gutom sa sunod-sunod kong subo ng pagkain.

Napahinto ako sa pagkain nang bigla kong maalala ang pinapagawa sakin ni Sir Kris. Hinatak ko ang papel na binigay niya na nailapag ko kanina sa kama at sa ibabaw nun ay ang panulat na galing din sa kanya. Ano nga bang sabi niya? Mga aral tungkol sa buhay? Sumubo ulit ako ng cereal at sinabayan ko ng saging sabay sulat sa papel kaso walang tinta ang ballpen na binigay ni Sir. Inabot ko ang bag ko na nasa kama din at kinapa kapa ko 'yung G-tech ko. Sinubukan ko ulit sumulat pero wala ring tinta. Kanina lang meron 'to eh. Kumuha ko ng ibang papel at sinubukan ko kung gagana 'yung G-tech ko. Sumulat naman. Pambihira. Ano bang klaseng papel 'to, umaayaw ang mga ballpen. Itinabi ko ang papel na ibinigay ni Sir Kris at ipinlasta ko sahig ang yellow paper na kinuha ko kanina sa bag. Hmmm... Concentrate lang Aya, makakaisip ka rin ng pwedeng ilagay dyan. Isip lang… isip…

**********

Beep! Beep! Beep!

Ang traffic! Naku po, mali-late na 'ko. Bakit ba kung kailan ka nagmamadali dun pa talaga nagkakasabay-sabay ang traffic dito sa Taft?! Palagi na lang ganto, kung kailan 'di ako nagmamadali walang katraffic traffic tapos kung kailan naman sobrang nagmamadali ako dun naman nagkakabuhol-buhol ang mga sasakyan sa daan na 'di ko malaman kung saan naglalabasan.

"Manong! Para!" Sigaw ko sa driver sabay preno niya. Nagmadali akong bumaba mula sa bus at agad na pumara ng FX. Buti na lang dalawa pa lang ang pasahero pagkasakay ko, isa nandun sa harap at 'yung isa nakagitgit dun sa kabilang dulo sa pangalawang helera. Umupo ako sa kabilang dulo at napag-gitnaan na ko nang may sumakay na lalaking masungit sa Lawton. Gusto ko sanang umidlip kahit sandali kaso nakakasulasok yung amoy ng lalaki. Parang amoy pamada na amoy 'di ko maintindihan, pagkadaan sa school namin bumaba na 'ko agad dahil 'di ko na matiis 'yung amoy nung katabi ko. Tumakbo na 'ko papasok at dahil sa pagmamadali muntik ko ng makalimutang mag-swipe ng I. D. kaya tuloy nasita 'ko ni Manong Guard.

"Nandun 'yung daanan para sa mga estudyante. Mga professor lang ang pwedeng dumaan dito sa line 'to. Bumalik ka dun!" Pagalit sakin ng guard nagtakip na lang ako ng kamay sa mukha at saka lumipat ng linya sabay swipe ng I. D.

"Peace, Manong Guard." 'Yun na lang ang nasabi ko paglagpas ko sa kanya at nang makapasok na 'ko agad agad akong kumaripas ng takbo at kahit nakakahiya, sige lang. NB209 ang classroom ko at ang layo ng building na 'yun mula sa gate na pinasukan ko. Takbo Aya!

"Aray! Ano ba?!" Sigaw sakin ng babaeng nabangga ko.

"Sorry!" Sigaw ko pabalik at diretso pa rin sa pagtakbo. Kaliwa, kanan, diretso, kaliwa, akyat! Daig ko pa si Lara Croft dito sa mga stunt na ginagawa ko eh. Takbo lang Aya! 205, 207. Hinatak ko pabukas ang pinto ng susunod na kwarto sabay pasok. '209!' Bulong ko sa sarili ko. Nagtinginan sakin lahat ng estudyante na nasa kwarto at laking gulat ko na hindi sila ang blockmates ko.

"Do you belong in this class?" Tanong sakin ng lalaking nakatayo sa harap at malamang siya ang professor nila. Hindi ko alam ang sasabihin, para kong estatwa na napako ang mga paa sa semento.

"Ahmm.. Ac-actually, Sir… No. Na-naligaw lang p-po." Hiyang hiya kong sagot at nagtawanan ang lahat. Napatungo na lang ako sa kahihiyan. "Sige po. S-sorry." Nagmadali akong lumabas sa classroom na 'yun at sinandal ko ang noo ko sa dingding pagkalabas sa sobrang kahihiyang inabot ko. Nakakahiyaaaa! Waaaaaaah! Inuntog untog ko ang noo ko sa dingding ng paulit ulit. Tanga! Tanga! Tanga! Puro ka na lang kahihiyan Aya! Tanga ka talaga! Tanga! Napahinto ako nang may maramdaman akong palad na sumasalo sa noo ko. Nilayo ko ang mukha ko at tiningnan ito papunta sa may-ari. Inaasahan kong makakita ng isa sa mga kakilala ko pero laking gulat ko ng isang medyo pamilyar na mukha lang ang nasa harap ko. Pamilyar lang pero super gwapo, naisip ko.

"Ayos ka lang ba, Miss?" Nag-aalalang tanong niya.

"Oo. Pwede ba pakialis na 'yang kamay mo sa noo ko, kung ok lang naman?"

"Oops. Sorry." Sabay alis ng kamay niya mula sa noo ko at inihawak na lang niya sa strap ng bag niya na nakasabit sa tuwid niyang balikat.

"May kailangan ka pa?" Hindi ko alam bakit parang ang sungit ko pero kahit siguro kagwapuhan ni Keanu Reeves hindi tatalab para mawala init ng ulo ko.

"Wala naman na. Nag…alala lang kasi ako sa'yo kala ko kung napano ka na. Inuumpog mo kasi ulo mo sa pader. Parang di naman kasi…" Tila nahihirapan siyang sabihin ang susunod na salita. "…normal." Tapos niya. Nahiya ako bigla, tama siya, hindi nga talaga normal yung ginawa ko.

"Eh… ano naman?" Pinilit kong magmukhang walang paki. Pasagot na sana siya nang biglang isang pamilyar na mukha nanaman ang natanaw ko. "Wag ka na sumagot…" Tinaas ko kapantay ng mukha niya ang kanang kamay ko. "…wala naman akong paki." Ibinaba ko ang kamay ko at naglakad papunta sa kabilang direksyon kung saan ako nakaharap. Parang dumami bigla ang estudyante at isa-isang nagsusulputan kung saan-saan. May isang lalaki at dalawang babae ang lumabas mula sa isang classroom na malapit sa hagdan at nang papalapit na 'ko sa posisyon nila bigla silang nagtawanan ng malakas at kahit alam kong hindi naman ako ang pinagtawanan naalala ko nanaman ang kahihiyang sinapit ko kanina. Inalis ko kaagad ang memorya na 'yun sa isip ko. Hindi 'yun makakatulong sa pagresolba ng pinagdadaanan ko ngayon. Sabi nga ni Sir Kris, 'hindi mo mareresolba ang isang problema gamit ang isa pang problema.'

"Sir!" Hinawi ko ang isa pang matangkad na lalaki na nakaharang sa daan ko. Napalakas yata at naulinigan ko na lang na minura niya ko. "Sir Kris!" Huminto siya sa harap ng elevator at lumingon sakin. Kumaway ako sa malayo para makita niya ko at nagulat ako nang ngumiti siya ng malaki sakin. Tulad 'yun ng ngiti niya nung tinawag niya si Pete kahapon.

"Oh, Aya, kamusta?" Masaya niyang bati sakin paghinto ko sa harap niya. Hindi muna ko sumagot at agad kong binuksan ang bag ko para kunin ang 'extra task' na pinagawa niya.

"Sir oh." Inabot ko sa kanya ang isang papel na nakatupi pahiga sa gitna. Kinuha niya ito at marahang binasa.

"Ano 'to?" Takang-taka niyang tanong habang nagbabasa.

"Yan po 'yung 'extra task' na binigay niyo sakin." Pinagdiinan kong sabihin 'yung 'extra task' para naman maalala niya.

"Alam kong may extra task akong ibinigay sa'yo pero hindi ganto ang pinapagawa ko sa'yo." Nakakunot ang noo niya at patuloy pa ring binabasa ang mga nakasulat sa papel.

"Pero 'di ba sabi niyo po, mga importanteng aral na natutunan sa buhay? At… at… ano, pwedeng ipamahagi sa iba?"

"Oo nga. Pero tingnan mo naman 'tong sinulat mo. Number one, 'Kapag gusto mong bumili ng magagandang gamit pero mura ang presyo, sa Divisoria dapat ang punta mo.' Number two, 'Wag kang bibili ng fishballs sa kahit anong canteen dito sa school, nabalita last month na hindi nila pinapalitan ang mantika.' Oh ito pa, number five, 'Tuwing maliligo ka mag-shampoo ka muna at magsabon bago ka magbanlaw. Para isang buhos na lang, tipid pa sa tubig.' Tumingin siya sakin at nakita ko sa mukha niya na dismayado siya.

"Eh Sir, totoo naman po yan eh." Ngumiti ako na pilit sabay kamot sa ulo.

"Aya, totoo man o hindi, hindi naman ito 'yung kailangan at pinapagawa ko sa'yo. Pag-isipan mo ulit maigi 'di naman kita minamadali at isa pa, nasaan na 'yung papel na ibinigay ko sa'yo? Doon mo dapat isulat ang sagot mo."

"Sir, kasi po…"

"Sige na. Marami pa 'kong gagawin. Ulitin mo na lang 'to." Binalik ni Sir Kris ang pinasa kong papel. Nakaramdam ako ng inis, hindi naman kasi niya ipinaliwanag maigi at tsaka tama naman 'yung mga sagot ko. Tsaka nag-effort naman ako, binigay ko na nga best ko tapos wala lang. Ba 'yan. Huminga siya ng malalim at napansin kong nakangiti na siya ulit. "Minsan, nasasaktan tayo dahil pinagpaguran natin ang isang bagay ngunit akala natin hindi naman nabigyang pagpapahalaga ng iba. Sinasabi nating ginawa natin ang best natin, pero isipin natin, kung best nga 'yung ginawa natin, sigurado ko na hindi ganun ang magiging resulta. Tama ba?"

Bumukas ang pinto ng elevator. Agad siyang tumalikod mula sakin at sumakay doon. At ako naman, naiwang nag-iisip at lutang.