Kabanata 61: Ghost From The Past
“J-Jam! Ayos ka lang ba? May ginawa ba sila sa iyo?” untag ni Kael sa akin. Magkaharap kaming dalawa habang parehong nakagapos ang mga kamay. Ano ba ang atraso niya sa taong ito? Alam kong barumbado siya, pero rati lang iyon. Siguro, naman ay nagbago na siya. Sobrang sakit lang ang masilayan siyang pinagsusuntok sa harapan ko kanina. Hanggang ngayon ay may namumuong dugo sa kanyang mukha. May mga pasa at may mga limitadong dugo na rin na nakakalat sa kanyang damit. Hindi niya magawang lumaban kasi may mga kasamahan na ang lalaking may ekis sa mukha. Sino kaya ang pangalan ng lalaking iyon?
“Ayos lang ako,” napapaimpit kong saad. “Ikaw iyong nabugbog kaya magpahinga ka muna. Siguro naman ay may maghahanap na sa atin ngayon.” Pagbibigay ko ng lakas ng loob sa kanya. Sobra pa rin akong nahihiwagaan sa kung ano ang mga nangyayari. Kanina lang ay naglalakad lang ako tapos sa isang iglap pagising ko nakatali na ang aking mga kamay.
“S-sorry!” mahina niyang bigkas. “Sorry kong nadamay ka sa kagaguhan ko.”
“Ano ba kasi ang nangyayari?” untag ko sa kanya.
“Hindi ko alam. Hindi ko sila kilala!” Imposible naman? Paanong hindi niya kilala? Sinamaan ko siya ng tingin. Pinipilit ko siyang matakot sa aking mga titig nang sa ganoon nga ay makapagsalita siya. Pero, wala e. Mukhang nagsasabi nga siya ng totoo.
“Jam, hindi ko talaga alam kung ano ang nagawa ko sa kanya o sa kanila. Baka isa sila sa mga nabiktima noong sumasali pa ako sa gang, pero hindi ko sila makabisa e.” Napapaiwas siya ng tingin sa akin. “Hindi ko alam kung saan nagkatagpo ang aming mga landas.”
“Gising na pala kayo!” Biglaan kaming napaharap sa malakas na pagkakabukas ng pintuan. Iniluwa nito ang lalaking humuli sa akin- sa amin. Hawak hawak niya ang kanyang baril. Napalayo ako ng tingin matapos ko siyang matingnan na nakakainis na ngumisi sa akin. “Kumusta naman kayong magkasintahan? Masaya ba kayo? Pakiramdam ninyo ay hawak na ninyo ang pana ni Kupido? Na wala ng makakapigil pa sa pagmamahalan ninyong dalawa? Walang forever!” Nagpakawala siya ng nakakatakot na tawa. “Ratatatatatat!” Itinutok niya ang baril kay Kael. Hindi pa naman niya ito kinakabit pero sumisigaw na siya at parang baliw na nilaro laro sa harap ni Kael ang baril.
“Huwag!” sigaw ko matapos kong masilayang nakatutok na muli ang baril kay Kael. Isang kudlit lang nito ay sigurado akong puputok na ang gatilyo. Sigurado akong mawawalan na ng buhay si Kael. Hindi pwedeng mangyari iyon.
“Wow!” Humarap sa akin ang may hawak ng baril at itinutok ito sa akin. “Ang pag-ibig ipinaglalaban. Pero, worth fighting bang ipaglaban ang isang mamamatay tao?” sumigaw siya. Nakatutok ang baril sa akin pero nakaharap siya kay Kael. Anong mamamatay tao? Alam kong maloko si Kael pero hindi naman siguro siya mamamatay tao. Naguguluhan kong tiningnan si Kael.
“Huwag!” sigaw ni Kael. “Ano ba kasing atraso ko sa iyo? Hindi kita kilala at hindi rin kita mamukhaan!”
“Hindi mo naman talaga ako mamumukhaan, kasi wala kang atraso sa akin. Pero, sa taong mahal ko. Sobrang laki!” Malakas na inilipat ng lalaking may hawak ng baril kay Kael ang bibig ng hawak na baril at agarang ipinaputok. Napapikit ako dahil sa lakas nito. Nanghihina akong idilat ang aking mga mata. Sana naman hindi natamaan si Kael. “Trial Card palang iyon. Mabuti at daplis lang ang tumama. Sa susunod na putok ko! Basag na iyang bungo mo!” Nahintakutan ako ng husto ng ibulalas ito ng lalaki. Namumuo na ang mga pawis sa aking buong katawan dahil sa sobrang lakas ng enerhiyang aking ipinakawala upang makawala sa pagkakatali. Subalit, hindi ko makayanan. Sobrang higpit nito at alam ko sa sarili kong hindi ako makakalaya hangga’t walang magtatanggal.
“Sir! Pag-usapan naman natin ito,” mahinahon kong saad. “Baka naman nagkakamali ka lamang ng taong dinukot.”
“Nagkakamali?” nag-smirk siyang tumingin sa akin. Kitang kita ko sa kanyang mga mata ang galit at puot. Maluha luha at talagang may bigat na dinaramdam. “Ang tanging pagkakamali lang naman ng taong mahal ko ay umibig siya sa isang babaero, manloloko, walang modo, bully at mangangamit!” Bigla kong naaalala kung paano ko lait laitin si Kael dati. Parehong pareho ng mga katagang binibitawan ng lalaking kaharap ko ngayon. Marahil nga ay tama siya, pero hindi naman siguro masamang magbago?
“Sir! Nasaan ba siya ngayon?” Hindi ko alam pero parang sumasapi sa akin ang kakulitan sa mga sandaling ito. Imbis na takot ang mamamayani sa aking buong katawan ay bigla akong nabalot ng kuryusidad. “Pwede naman nilang pag-usapan iyan. Kung bakit sila naghiwalay, kung bakit siya iniwan, kung bakit hindi sila nagkatuluyan, kung bakit…”
“Kung bakit niya siya pinatay!” Biglaan akong nagulat sa narinig mula sa kanya. Hindi naman siguro mamamatay tao si Kael. Pero, bakit? Bakit parang sigurado siya sa ibinubulalas ng kanyang mga bibig? May katotohanan nga ba ang ipinaparatang na bagay nitong lalaki. “Bakit mo siya pinatay?” inulit ito ng lalaki habang nakaharap na kay Kael at nagpakawala muli ng isang malakas na putok. Tumama ito sa paang bahagi ni Kael. Daplis lang din pero nakabuo ng sugat kaya nagsipatakan ang mga dugo.
“S-sino ba ang sinasabi mo?” naiimpit na untag ni Kael, Napapapikit siya sa sakit. Damang dama ko ang pagkasira ng kanyang mukha habang tinitiis ang sakit na nararamdaman. “Wala pa akong pinatay!”
“Crysna Myer Pacaldo!” Kitang kita ko ang pagbago ng mukha ni Kael. Mukhang kilalang kilala niya nga ang sinasabing pangalan ng may hawak ng baril. Kung ganoon nga ay guilty siya kasi nasisilayan ko sa galaw niya ang panginginig at takot na namamayani sa kanyang systema. “Of course, kilalang kilala mo siya!”
“Kael? Totoo ba?” mahina kong tanong.
“Oo pero…”
“Kael naman!” Hindi ko na siya pinagpatuloy sa pagsasalita. Dismayado ako sa kanyang sagot. Kung totoo ngang kilala niya ang sinasabing tao nitong lalaking may hawak ng baril ay may kasalanan nga siya. Hindi mababago ang hulma ng kanyang mukha kung hindi siya guilty sa mga nangyari. Hindi siya matatakot ng biglaan kung kampante siyang wala siyang ginawa. “Ito na ang pangalawang beses na ililigtas kita mula sa kamatayan, pero ikaw pala ay mamamatay tao!”
“Jam!” Hindi ko siya tiningnan dahil sa pagkadismaya. Ganito ba talaga siya ka walang kwentang tao? “Nagbago na ako.”
“Pero, pinatay mo nga?” Kailangan kong makasigurado. Kailangan marinig ko mismo sa bibig niya na hindi niya ginawa, na wala siyang ginawa at kahit kailan hindi pa siya pumatay ng tao.
“Alam mo ba kung ano ang nangyari? Masaya kaming magkasintahan na parehong nag-aaral sa inyong pinapasukan. Matapos ang ilang buwan ay nakipaghiwalay sa akin ang babaeng mahal ko kasi mas pipiliin niya ang taong mas matino pa sa akin. Ikaw iyon!” sinambulatan niya si Kael. “Noong una ay hinayaan ko na lamang siya kasi nga sabi nila, kapag mahal mo ang isang tao, hahayaan mo siyang maging masaya sa piling ng iba. Sapat na sa akin na masaya siya kapiling ni Mike Kael,” puno ng emosyong pagkakawika ng lalaking naluluha na rin. Hindi ko siya masisisi kung humantong siya sa ganitong sitwasyon, mahal niya e. Kitang kita ko sa kanyang mga mata kung paano siya nagkwekwento. Pero, mali pa rin itong ginagawa niya. “Hanggang sa isang araw bigla ko na lamang siyang nakitang umiiyak kasi hiniwalayan siya na walang kwentang lalaking iyan!” Napapahilamos siya sa luha ng kanyang mga mata. “Hindi siya makapag-move on kasi may nangyari na nga sa kanila. Buntis na siya.” Sobra akong nagulat sa aking narinig. Alam kong babaero si Kael pero hindi ko lubos maisip na may nabuntis na pala siya. “Papatayin siya ng kanyang mga magulang kapag nalaman nila ito. Sinubukan ko siyang sabihan na ako na lang ang ako sa bata.” Nanghina ang lalaking nagkwekwento at napaupo sa may malapit na upuan. “Pinilit niya ang kanyang sarili kaya sinabihan niya si Mike Kael pero hindi pa rin siya binabalikan.” Huminga muna siya ng malalim. “Dahil sa kahihiyan ay tuluyan na siyang tumalon sa rooftop at nagpakamatay. Dahil iyon sa kahihiyang dulot ni Mike Kael sa buhay niya. Kaya, kailangan mo nang mamamatay!” Tatlong putok ng baril ipinakawala ng lalaki sa harap ni Kael. Hindi ko siya magawang tingnan dahil sa takot. Nanginginig na lamang akong napadasal sa langit.
—-