NAUUBOS na ang aking tinig matapos sumigaw ng tulong. Hinihingal na akong tumatakbo subalit wala akong nakakasalamuhang taong tutulong sa akin. Madilim ang buong paligid, maging ang dinadaanan ko ay hindi ko na makabisa ng maayos. Ang tanging ginagawa ko lang ay makaiwas sa humaharurot na sasakyang bubundol sa akin. Gusto kong malaman kung sino ang nagmamaneho pero hindi ko magawa. Papalapit pa lang ako ay aakma ng susugod sa akin ang sasakyan.
Nanginig ako matapos akong madapa sa putikan. Namamasa na ang aking damit, ang aking paa ay humahapdi na rin bunga ng batong natamaan ko dahil sa kakatakbo. Nakakapanghina, ito na ba ang katapusan ko? Hinahangos kong pinakalma ang aking sarili at marahang umupo. Sumasakit na talaga ang aking mga paa.
Isang malakas na ulan ang biglaan na lamang nagsipatakan. Sobrang lamig nang aking nararamdaman. Naisin ko mang sumilong pero hindi ko magalaw ng maayos ang aking mga paa. Kinapakapa ko ang aking mga kamay sa lupa. Sobrang dilim talaga. Napapapikit na lamang ako dahil sa takot.
Isang ilaw mula sa aking likuran ang nagbigay ng pag-asa sa akin. Saktong sakto ang pagtama ng ilaw sa isang putol na punong kahoy, animo’y isang sungkod ang kahoy na ito. Nakadapo rito ang isang itim na paru paro. Ginapang ko ang kahoy at maayos ko naman itong narating. Lumipad ang itim na paru paro. Tumayo ako gamit ang kahoy sa gitna ng kalsada. Habang iwinawagayway ang aking isang kamay mula sa paparating na sasakyan
“Tulong!” nakasigaw din akong muli. Subalit, labis ang aking panghihina matapos kong masilayang ang sasakyang paparating ay ang sasakyang kanina ko pa iniiwasan. Buhat sa pagkaharap sa sasakyan ay muli akong bumaling sa aking dinadaanan at nanghihinang lumakad gamit ang tungkod.
Isang itim na pusang gala ang biglaan na lamang dumaan sa aking nilalakbay. Bago pa ito makaalis ay natatakot pa niya akong tiningnan at ipinakawala ang tinig ng umiiyak at nakakatakot na pusa. Kakaiba talaga ang tinig nito at para bang isang batang kinuhanan ng candy.
Nadudulas na ako sa sobrang dulas ng ang dinadaanan. Nahihirapan na akong ibalanse ang aking sarili. Palapit na ng palapit ang ilaw ng sasakyan kaya kahit sobrang sakit na ng aking mga paa ay hinakbang ko pa rin. Subalit, muli naman akong nadapa dahil sa panghihina na rin ng aking buong katawan. Namudmod na rin ang aking mukha sa namamasang lupa. Sguro, isa itong maliit na kanal at may mga putik. Nakadapa lamang ako at nawawalan na ng pag-asa. Siguro, ito na nga ang katapusan ko. Lalo pang nanikip ang aking dibdib ng marinig ang beep ng sasakyan.
Isang hindi ko maipaliwanag na nararamdaman ng may maramdaman akong kakaiba mula sa aking kanang kamay. Dinungaw ko ito at ikinamulagat ko nang masilayan ko ang tatlong paru-parong itim na magkasabay na dumapo sa aking kamay. Magkasabay din silang nagsiliparan. Buhat sa singaw ng ilaw ng sasakyan ay nakita kong nasa tapat pala ako ng simbahan. Isang maliit na anino ang aking nahagip na tumatakbo sa aking harapan. Walang tao pero may anino. Nakakagulat.
Diyos ko! Nawa ay tulungan po ninyo ako. Nahihirapan akong tumayo, bago pa ako makatayo ng maayos ay nakakita ako ng tatlong barya. Pinulot ko ito, isa isa. Subalit, huli na dahil kasabay nito ay ang pagharurot ng sasakyan papunta sa akin.
–
“TULONG!” Habol hininga ko na namang naimulat ang aking mga mata. Nanghihina ang aking buong katawan at para bang nasagasaan din ng malakas. Sobrang totoong pakiramdam talaga ang dala ng panaginip sa akin. Parang nanghihina na rin akong bumangon. Namamasa din ako ng pawis at hindi makagalaw ng maayos.
“Bestie, binabangungot ka!” idinungaw ko ang aking tingin sa babaeng nagsalita. Hays! Si Jeany pala. Nakalimutan kong magkatabi pala kaming natulog. Matapos kasi ang masayang selebrasyon namin kahapon ay naisipan niya na ring dito muna matulog sa amin dahil wala siyang kasama sa kanilang bahay. Tanging buntunghininga na lamang ang naipakawala ko.
“Ano ba ang napanaginipan mo at sobrang ingay mo, kanina? Nagising akong sumisigaw ka at humihingi ng tulong. Ilang ulit kitang tinapik pero hindi ka magising. Tatawagin ko na sana sina Tita at Tito kaso saka ka naman nagising,” mahaba habang litanya niya na nag-aalalang nakatingin sa akin. “Huwag mong sabihing?” Tumango ako dahil sa nakapagdududa niyang mga tingin.
“Oo!” Alam kong alam na niya ang tungkol sa mga napapanaginipan ko kaya batid kong ito na nga ang kanyang naiisip. “Muli na naman akong haharap sa pahiwatig na mula sa aking mga napapanaginipan. At…” Hindi ko na natuloy ang aking mga sasabihin matapos kong masilayan ang sobrang itim na paru paro na dumapo sa balikat ni Jeany.
“Bestie! Namumula ka?” Hinawakan niya ang aking ulo habang patuloy akong nakatingala sa itim na paru-parong pa-lipad dapo sa balikat niya. “Nilalagnat ka!” natataranta niyang saad sa akin. Saka ko lamang naramdaman ang buong pag-iinit ng aking buong katawan at pagod. “Kailangan mong magbihis, basang basa ka na buhat sa iyong mga pawis!” Binuksan niya ang kabinet ko at hinanapan ako ng aking damit. Alam na alam niya kung saan nakalagay ang aking mga damit, dahil minsan napapahiram ko din siya ng damit kapag nagabihan siyang narito sa aming bahay. “Diyan ka muna at kukuha muna ako ng gamot at tubig!’ wika niya at kumaripas paalis mula sa aking silid. Napapapikit na lamang ako habang nasisilayan ang mga itim na paru paro sa aking paligid.
—-
“Mabuti naman at nagising ka na.” Naimulat ko ang aking mga mata. Sobrang lakas ng sinag ng araw. Umaga na pala. Anong oras na kaya? “Huwag ka na munang tumayo. Umabsent na rin ako para may mag-alaga sa iyo. Wala na rin namang klase.” Tiningnan ko siya. “Mukhang bumababa na rin ang iyong lagnat. Gusto mo na bang kumain?” tanong ni Jeany sa akin.
“Ayos lang ako. Salamat!” nakangiti kong tugon sa kanya. Nananakit pa rin ng bahagya ang ulo ko. Sobrang nakakatakot talaga ng panaginip ko at nagawa akong lagnatin ng hindi oras. Maraming salamat na lang talaga at nandito si Jeany upang alagaan ako. Bihira na rin makahanap ng taong ituturing kang kaibigan.
“Ano nga pala ang napanaginipan mo at nagawa kang lagnatin ng biglaan?” untag sa akin ni Jeany. Muli ko siyang tiningnan mula ulo hanggang paa. Marahang umupo sa aking higaan. “Mag iingat ka!” Ginabayan niya ako. Kailangan ko yatang ikwento sa kanya dahil napansin ko na naman ang isang itim na paru paro na lumilipad sa aking buong silid.
“Nakakalito ang daloy ng aking panaginip,” pagsisimula ko. “Hindi ko alam kung sino ang ililigtas ko dahil walang kahit isang tao na nasa aking panaginip kundi ako lang,” pagpapatuloy ko. “Maaari kayang ako ang mamamatay? Ipinapanaginip sa akin na bilang na lang ang aking mga araw dito sa…”
“Huwag ka ngang magsalita ng ganyan!” nakakabinging saad niya sa akin. Dinungaw ko ang kanyang mga mata at nakita ko ang nag-aalala niyang reaksyon. “Hindi ka pa mamamatay. Walang mamamatay!” Isang karampot na luha ang dumaloy sa kanyang mga mata at nag-iwas ng tingin. “Huwag mong gawing biro ang kamatayan. Kasi, ang hirap mawalan ng isang kaibigan!”
“Bestie!” tinawag ko siya ngunit talagang naiis yata siya dahil sa mga sinabi ko kaya hindi na niya ako pinansin. Susubukan ko sana siyang sundan pero nahihirapan akong lumapit sa may pintuan kaya dumungaw na lang ako sa may bintana. “Bestie!” sumigaw ako ng malakas matapos kong masilayan ang sasakyang papalapit sa kanya. Sa lakas ng aking sigaw ay nagawa niyang tumakbo sa may kilid ng kalsada kaya naiwasan niya ang sasakyan.
Marahan akong naglakad palabas ng aking silid. Nakahawak lamang ako sa bawat kilid ng aming dingding. Hanggang sa tuluyan na nga akong nakalabas ng aming bahay.
“Bestie!” sigaw ko. Tila na-trauma siya sa pangyayari kanina kaya hindi pa rin siya makagalaw buhat sa tinakbuhan niya. “Bestie!” sigaw ko ulit kaya napaharap siya sa akin. Muli ko na namang nasilayan ang itim na paru parong lumipad papunta kay Jeany. “Halika!” pagtawag ko sa kanya kaya naman tuluyan siyang lumapit. Umupo ako sa may malapit na upuan. Tumabi naman siya sa akin.
Wala na akong magawa kundi ikwento sa kanya ang aking naging panaginip. Maging siya ay nagugulumihan. Hindi alam kung ano ang aking gagawin. Hanggang sa patuloy lamang kaming nagkakatinginan.
“Hindi ba may tatlong barya kang pinulot?” tumango ako sa biglaan na lamang niyang tanong.
“Ang sabi sa akin noong kakilala ko. Kapag daw nanaginip ka na pumupulot ka ng barya ay may mamamatay na malapit sa iyo!” wika niya. Hindi ako makapagsalita sa kanyang tinuran. Hindi naman siguro totoo. “Sino ba ang huling taong napanaginipan mo?” untag niya.
“Sina Chalmer, Kael at JM.”
“Mismo! Baka muli, sila na namang tatlo ang pinapahiwatig ng iyong panaginip!” Parang gusto kong maniwala sa kanyang sinasabi. Maaari naman talaga e. Baka, kailangan ko na naman silang iligtas mula sa kapahamakan. Kung bakit ba naman kasi napalapit silang tatlo sa akin ng husto e? “Kung ganoon nga ay kailangan mo silang masabihan ulit sa iyong naging panaginip.”
“Bestie! Ang galing mo talaga!” mangha kong kinurot ang kanyang mukha. “Dahil diyan kailangan na nating puntahan silang tatlo!”
“Hindi pwedeng umalis tayo. May iniinda ka pang sakit! Baka mabinat ka. SIguro, magpagaling ka muna o kaya ako na ang bahalang tawagan at itext silang tatlo na pumunta dito sa bahay ninyo!”
“Sige! Bestie. Gawin mo iyan ha!”
Umalis na rin si Bestie matapos niya akong pakainin at painumin ng gamot. Siguro naman bago matapos ang araw na ito ay makabalik siyang kasama sina Kael, Chalmer at JM. Subalit, hindi pa rin siya dumadating matapos akong magpahinga. Nagising akong magagabi na, ngunit hindi pa rin siya nakakabalik. Nakauwi na sina Mommy, Daddy, Kuya at Ate Cristel. Ayaw ko munang sabihin sa kanila ang mga napanaginipan ko at baka mag-aalala sila. Hayaan ko na lang na maresolba ko ito na hindi nila nalalaman.
“Mabuti naman at magaling ka na, anak! Nagpasalamat ka ba sa bestfriend mo?” untag ni Daddy habang kumakain kami.
“Oo! Ayos na rin naman ako. Siguro, bukas ay maglalakad lakad muna ako. May pupuntahan akong mga kaibigan!” bigkas ko habang sumisigop ng sabaw.
“Pwede naman na. Basta ba at wala kang lagnat o sakit na nararamdaman mo pagising mo, bukas ng umaga ha!”
“Opo! Daddy!”
“Ako na ang maghuhugas ng pinggan!” Napatingin kaming apat kay Kuya. “Syempre, nagpapagaling ka pa lang. Kapag magaling ka na bukas, ikaw naman ang maghuhugas no!” Malimit na humalakhak si Kuya.
Bumalik na ako sa kwarto at nabaling ang aking tingin sa pagtunog ng aking cellphone. Binuksan ko ang mensahe na galing mula kay Bestie Jeany.
“Bestie! Pasensya na kung hindi na ako nakabalik. May mga inaasikaso kasi ako sa aming bahay e. Tinawagan ko na pala at minensahe ang tatlo kaso walang sumasagot. Hayaan mo at sasagot din ang mga iyon kapag nabuksan na nila ang mga cellphone nila. Huwag kang mag-aalala. Walang peligro na mangyayari. Kaya mo iyan! Kung muli ka mang managinip ngayon. Sa muli mong pagmulat ay huwag mong kalimutang tumawag sa ating Diyos! Sweet dreams!’
—----