Ilang araw na lang at magtatapos na ang school year na ito. Magbubukas ang bagong school year kung saan huling taon ko na sa pagiging estudyante sa sekandarya. Noong mga nakaraang araw ay naging abala lang kami sa pagtsi-check ng aming mga test paper. Pagkatapos noon ay puro na lang kami tulong sa mga gawain sa silid. Pagpipinta ng aming upuan. Pagpapaganda ng aming silid upang sa ganoon ay aalis kaming maganda at maayos ang aming silid.
“Huwebes na ngayon. Ngayon araw sasabihin ni Ma’am kung sino ang mapapabilang sa Honor Student!” Nakaupo lang ako sa aking upuan habang naririnig ko ang aking mga kaklaseng nagtsi-tsismisan. Malakas talaga ang boses nitong si Marites e. Hindi ko tuloy maiwasang marinig ang sinasabi niya.
“Sure akong first honor na naman si Jam.” Nagbibingi bingihan na lamang ako habang naglalaro ng chess sa aking cellphone. Wala ring binatbat e, naririnig ko pa rin sila. Si Saliz iyong nagsalita ang baklang inis na inis sa akin. Pero, wala siyang magagawang masama sa akin.
“Oo naman. Wala namang makakatibag diyan. Pero, alam mo ba?” untag ni Karylle.
“Ano?” sabayang untag nina Saliz, Marites at Johnson.
“Balita ko. May dalawang estudyanteng mapapasama sa Honor Student na galing sa ibang section,” pabulong ni Karylle pero naririnig ko naman. “Hindi ba ang unfair naman. Habang tayo nahihirapang makipag-agawang makasama sa Honor Student e, iyong mga nasa ibang section naman ang nakikinabang.”
“Wala na tayong magagawa diyan. Nasa rule iyan. Kapag ang nasa ibang section ay nakayang higitan ang mga gradong pang-Honor Student ay automatikong makakakuha siya ng slot. Hindi nga lang siya pwedeng makasama sa top 5 pero automatiko siyang kasama sa With Honor.” Tama ang paliwanag ni Saliz. Isa iyan sa kinaiinisan kong rules e, pero wala na akong magagawa. Wala din naman na silang pag-asang makasama sa Top 10 e.
“Kung ganoon pala ay sana, sa ibang section na lang pala ako,” litanya ni Marites. “Kaso, hindi ko kayo makakasama kapag ganoon. Kaya, ayos na rin na ganito.” Humalakhak siya.
“Sino kaya ang dalawang estudyante sa kabilang section no? Ang swerte naman noon,” saad ni Karylle.
“Baka si Mr. President.”
“Yeah! Mukhang siya nga. Sigurado na ako. Siya iyon!” saad ni Marites. “Ewan ko lang kung sino ang pangalawa.”
“Good afternoon, Class!” bungad ng aming class adviser. “Today, bibigyan ko kayo ng mga envelop. Kapag itim ang laman ng envelop, ibig sabihin noon ay kasama kayo sa Honor Student at kailangan ninyong kasama ang pamilya ninyo sa martes. Kapag naman pula ay, “Congratulations! Nakapasa kayo sa Third Year!”
“Ma’am, paano kung walang laman?” untag ni Marites.
“Bagsak!” Biglang nalungkot ang aking mga kaklase dahil sa narinig mula kay Ma’am. “Pero, huwag kayong mag-alala. Lahat kayo ay pasado!” Mula sa lungkot ay nabalot ng hiyawan ang apat na sulok ng aming silid.
Itim.
Itim.
Itim.
Itim. Biglang nalungkot si Jeany habang pinapakita sa akin ang loob ng kanyang envelop.
“Huwag kang mag-aalala. Pumasa ka pa rin naman. Tiyak naman akong magkakasama pa rin tayo sa susunod na taon,” pagbibigay ng lakas ng loob ni JM.
“Bakit ikaw ba? Natingnan mo na ang sa iyo?” untag ni Jeany. “Ako na ang titingin.” Hinablot ni Jeany ang envelop ni JM. Malakas naman ang loob ni JM na kunin ito mula sa kanya. Magalaw silang dalawa kaya hinayaan ko na lamang. Ngunit, bigla nila akong naitulak, sanhi upang magkasabay na mahulog ang aming dalawang envelop. Nagkapatong ang dalawa. Hindi ko napansin ang pagkahulog kaya naguluhan ako sa kung saan ang kukunin ko.
“Akin ito!” Hinablot ni JM ang nakapaibabaw.
“Hindi! Kitang kita ko, iyan ang kay Bestie.” Tinuro ni Jeany ang hawak ni JM. “Akin na nga iyan.” Hinablot niya ito mula kay JM. Marahan namang pinulot ni JM ang envelop na natitira. “Congrats! Bestie! Honor ka pa rin!” Yinakap ako ni Jeany. “Libre mo ako!” nakangiti niyang saad sa akin.
“Sa akin ba. Ayaw mong magpalibre?” untag ni JM kaya napaharap kaming dalawa sa kanya.
“Bakit nasa honor ka rin ba?” Natatawang wika ni Jeany. “Hindi ka magiging honor kasi…” napahinto sa sasabihin si Jeany nang masilayan ang laman ng envelop ni JM. “Congratulation! Treat ninyo akong dalawa!” Hinila niya ang kamay ni JM sa kanang bahagi ng kanyang kamay, habang ako naman ang nasa kaliwa.
“Stop! Bago kayo mag-celebrate. Gusto ko lang sabihin sa inyo na may dalawang estudyante na galing sa ibang section ang kasama sa Honor Student. Nagulat din ako, pero iyon ang nakapaloob sa rules. Kaya huwag kayong magugulat sa Martes!” anunsyo ni Ma’am. “Next year may bagong rules for Honor Students kaya huwag kayong mabahala.”
Nagsilabasan na kaming tatlo. Sobrang saya ko at nae-excite akong ibahagi ang magandang balita kina Mommy at Daddy.
“Saan kayo pupunta?” untag ni Kael. BIglaan na lang siyang lumabas mula sa malaking puno ng mangga. Siguro ay inabangan niya talaga kaming tatlo.
“Magsi-celebrate kami. Pareho silang honor student!” Ang happy go lucky na talagang tingnan ng bestfriend kong si Jeany. Nakakapanibago. “Gusto mo ba sumama, Bestfriend?”
“Kung ayos lang sa inyo!” mahinang saad nito. Kumindat naman siya sa akin.
“Yeah! It’s a double date. Dalawang honor student,” turo ni Jeany sa aming dalawa ni JM. “... at dalawang papasa sa third year!” Walang ilangan na tinapik niya si Kael.
“Not bad!” Nagulat si Jeany ng makita niyang pinapakita ni Kael ang laman ng kanyang envelop. Sabi ko na nga ba e. Si Kael talaga ang isa sa magiging honor student na mula sa kabilang section. “I’m an honor student, too.”
“Wow! Kayo na! Ako na iyong bobo sa team natin. Kunsabagay, ganda lang naman ang ambag ko sa grupo natin!” Nakaturo ang kanyang mga kamay sa kanyang mukha. “Dahil diyan, ililibre ninyo akong tatlo.” Sumasayaw na naglalakad si Jeany.
“Kael!” tinawag ko siya.
“Bakit?” untag niya na humarap sa akin.
“Congrats!” wika ko.
“Wow! Nakakapanselos naman. Kanina lang tayong magkasama pero hindi mo man lang ako naisipang i-congratulate. Pero, siya?” nagtatampong litanya ni JM.
“Syempre, special ka. Kaya dapat ako iyong huling magko-congratulate sa iyo. Huwag kang mag-aalala. Tatawag ako mamaya!” wika ko na tinapunan siya ng hawak kong envelop. Tumama naman agad ito sa kanyang mukha kaya agaran niya itong nahawakan.
“Balita namin dalawa raw. Ikaw ang isa. Sino naman ang isa pa?” untag ni Jeany. Nakaupo na kami sa sinasakyan naming jeep. Mabuti at nagtanong siya. Iyon naman talaga ang balak kong itanong sana, kaso nabulilyaso sa pagdrama ni JM.
“Si Chalmer! Kaso umambsent siya e. Nasa bakasyon, pero kapag nalaman niya naman siguro ito, baka darating siya sa araw ng graduation.”
“Matalino pala iyon? Parang pamilyar talaga sa akin ang pangalan niya e. Hindi ko lang alam kung kailan at saan ko narinig,” litanya ni Jeany.
“Siya iyong tabatchoy na nerd noong first year tayo.”
“Hindi nga?” hindi makapaniwalang bigkas ni Jeany. Tumango ako.
“Impossible!”
“Walang impossible!” Nakangiti ko siyang tiningnan. “Alam mo bang ang daddy niya ang may ari ng mall na iyan!” Turo ko sa malaking mall.
“Hindi nga?” Pinatunog ko ang bell ng jeep upang huminto. “Iyan talaga? Nagjo-joke ka lang yata e.” Naguguluhang tiningnan ako ni JM at Kael.
“Walang halong biro. Doon na tayo, kain tayo sa loob. Let’s celebrate!” Pumasok kaming apat sa mall. Nakakatawa na huling apak ko rito ay noong napunta pa ako sa opisina ng may ari ng mall.
“Mukhang mahal naman dito. Maliit lang ang perang dala ko.”
“May discount ako rito. Binigyan ako ng card ng daddy ni Chalmer.” Ipinakita ko sa kanila iyong card na ibinigay sa akin ni Mr. Alano noong minsang nagtagpo kami. Noong tatakas sana si Chalmer at uuwi. Noong galit siya.
“Wow naman! Order na tayo!” masayang bigkas ni Jeany. “Congratulations!”
___