“Good Morning, Mommy!” Pagbukas ni Mommy ng kanilang pintuan sa kanilang silid ay agaran ko siyang binati. Pumasok din ako agad papunta kay Daddy upang siya ay batiin, “Good Morning, Daddy!”
“Anak, ang aga mo naman yatang nagising. Huwag mong sabihing hindi ka pa rin nakatulog ng maayos?” untag ni Mommy.
“Itong mukhang ito, Mommy?” Itinuro ko ang aking mukha. “Hindi nakatulog? Maganda nga ang tulog ko e. Nakapagluto na pala ko ng ulam at pati ang paboritong kape ni Daddy nakahain na!” Ang saya saya ko. Kailangan kong maging masaya upang makiayon din ang mundo sa kasiyahan ko.
“Ano bang napanaginipan mo at mukhang kakaiba yata ang awra mo ngayon, anak?” nakangising tanong ni Daddy.
“Wala lang. It’s a beautiful day kaya dapat maging masaya tayo sa unang gising sa umaga!” Kumimbot akong naglakad palabas ng kanilang silid. Sinulyapan ko ang aming karaoke at pinatugtog ito. Sumasabay ako sa musikang tumutogtog.
“Hali ka na nga. Kumain na tayo at mukhang masarap itong inihain mo para sa amin ng Daddy mo.” Hinila ako ni Mommy papunta sa aking upuan dahil nakaupo na silang dalawa ni Daddy. “Anak, kapag sana palagi kang ganito.”
“Pwede naman, Mommy,” litanya ko at tuluyan ng umupo. “Bago iyan, magpasalamat muna tayo sa Poong DIyos para sa bagong umaga.” Sinimulan ko na ang pagdasal. Nakangiti akong pumikit at ipinagsa-Diyos ang umagang darating at paparating.
Kakain na sana ako ng ulam ng biglaan na lang may humintong sasakyan sa labas ng aming bahay. Imbis na kumain ay tumayo ako upang tingnan ang taong paparating.
“Kuya!” Tumakbo ako papalapit kay Kuya. Tiningnan ko ang kanyang kasamang babae, marahil ay ito na iyong Cristel na kanyang nabuntis. Ngumiti lamang ako ng magsugat ang aming mga mata. “Tamang tama, Kuya. Kakain pa lang kami.”
Kitang-kita sa mata nina Mommy at Daddy ang gulat ng makitang may kasamang babae si Kuya. Kahit kailan ay wala pa itong nadalang babae sa bahay namin. Kung may mga school works kasi ay mas pinipili niyang doon sa bahay ng kaklase niya.
“May kasama ka palang bisita, anak.” Lumapit si Mommy sa kasama ni Kuya. “Kaibigan ka ba ng anak ko? Huwag kang mahihiya. Feel at home!” Hinawakan ni Mommy ang kamay ng kasama ni Kuya at pina-upo sa mesa. “Saktong-sakto lang ang dating ninyong dalawa. Nagluto ang bunso namin.”
“Bunso ka diyan. Lumalaki na kaya iyang tiyan mo,” nagsalita si Daddy at itinuro ang tiyan ni Mommy. “Nakalimutan mo yatang magkaka-baby na ulit tayo.” Malaki na rin ang tiyan ni Mommy. Hindi ko na rin gaanong napapansin dahil abala ako sa anumang bagay.
Nagkatinginan si Kuya at ang kasama niya. Kitang kita ko kung paano nahiya ang kasamahan ni Kuya. Maging ang reaksyon ni Kuya ay nangiginig. Siguro nga ay natatakot siya, paano niya naman sasabihin kina Mommy at Daddy na magkaka-anak siya gayong noong nakaraan lamang ay sinabi niyang bakla siya?
“Ano nga pala ang pangalan mo?” untag ni Daddy habang humihigop ng sabaw. Naiilang na sumagot ang babae, “Cristel po, Sir.” Naglakad naman si Mommy at kumukuha ng plato para sa kanila ni Kuya.
“Magkaklase ba kayo ng anak ko?” untag ulit ni Daddy. “Alam mo, ikaw pa lamang ang kaisa-isahang babaeng inuwi ni Riczian dito sa bahay.”
“Alvertuh!” senyas ni Mommy. “Umayos ka nga. Naiilang iyong bisita natin. Kung makatanong ka naman parang mamanugangin na natin iyan.” Humalakhak si Mommy. Kitang kita ko ang pamumula ng mukha ng babaeng bisita habang tumitingin kay Kuya.
“Bagay sana kayo ng anak ko kaso…”
“Alvertuh!” suway ulit ni Mommy. “Hayaan muna, Cristine.”
“Mommy. It’s Cristel not Cristine.”
“Bakit ba kayo natatakot sabihin sa kay Cristel ang tungkol sa anak natin. Siguro naman ay alam na niya,” wika ni Daddy na nakatingin kay Kuya.
“Alam ko na po,” wika ni Cristel.
“Alam naman na pala.” Bumaling siya ng tingin sa babae. “Bagay sana kayo ng anak ko kaso…”
“Daddy, nabuntis ko siya.” Nabitawan ni Daddy ang hawak niyang kutsara buhat sa narinig. Sa Mommy naman ay hindi makapaniwala sa kaniyang narinig.
“Ulitin mo nga ang sinabi mo!” pasigaw na wika ni Daddy. “Ulitin mo!” Mukhang magagalit na si Daddy.
“Magkaka-apo na po kayo.” Hinawakan ni Kuya ang kamay ni Cristel.
“Paanong?”
“Talaga ba? Magkakaapo na kami ng Daddy mo?” nakangiting untag ni Mommy kay Cristel. Mangiyakngiyak at nanginginig na tumango si Cristel.
“Magiging lolo na ako!” Bigla ko na lang nasilayan si Daddy na natutuwang hinagkan si Kuya. Siguro nabalot nang saya ang kanyang puso dahil hindi na niya inaasahan pang mangyayari ito. “May junior ka na, anak.” Nakakatuwa na imbis na magalit ay naging masaya pa si Daddy dahil sa mga nangyari.
“Daddy, I’m sorry.” Mangiyakngiyak na hinagkan ni Kuya si Daddy. “Huwag kang mag-alala. Magna cumlaude ako. Kakakita ko lang sa resulta kanina.”
“Ayos lang iyon, anak. Ang mahalaga ay makakapagtapos kana at may blessing pang paparating.” Lumapit si Daddy sa kay Cristel. Tumango naman ako kay Kuya. “Dapat paghandaan na rin natin ang kasal ninyo ha.. Mamamanhikan kami sa inyo.” Hindi ko alam pero nakakatuwang pagmasdan si Daddy na masayang masaya. “May dalawang blessing pala tayong pakaabangan. Let’s celebrate.”
“Daddy, kailangan ko pang pumunta sa school. FInal exam na this week.”
“Oo nga pala. Sige. Kumain na muna tayo,” saad ni Daddy.
“Cristel!” pagtawag ni Mommy.
“Po.”
“Huwag mo akong tawaging Po,” senyas ni Mommy. “You can call me, Mommy at Daddy naman kay Alvertuh!”
“Opo. Mommy.”
“Ilang buwan ka na palang buntis?” untag ni Mommy. “Ako kasi, tatlong buwan na.”
“Mag-iisang buwan pa lang po.”
“Hindi na ako makapaghintay na makitang nagtatakbuhan at naglalaro ang mga baby natin dito sa loob ng bahay.”
“Pareho ba kayong gra-gradweyt ng anak ko?” untag ni Daddy. Tumango naman siya. “May petsa na ba ang graduation ninyo?”
“Daddy! 15 days from now,” sagot ni Kuya. “April 02.” Tiningnan ni Kuya ang kalendaryo upang makasigurado.
“Okey. Ngayong darating na sabado. Mamamanhikan tayo. Kailangan ng mapag-usapan natin ang tungkol sa inyong dalawa.” Uminom ng tubig si Daddy. “Mahal naman siguro ninyo ang isa’t isa?”
“Opo!” mahinang saad ni Cristel.
“Anak!” Nakita ko kung paano tinaasan ng mata ni Daddy si Kuya.
“Opo.”
“Wala na tayong problema. Dito muna kayong dalawa sa bahay ha?” tiningnan ni Daddy sina Kuya at Cristel. “Kailangan pa naming magtungo sa paaaralan.”
Nagbihis na kami nina Mommy at Daddy. Magkasabay din kami sa sinakyan naming sasakyan. Kitang kita ko pa rin kay Daddy ang hindi mabura niyang mga ngiti.
“Akala ko ba bakla iyong anak natin?” untag ni Daddy.
“Alvertuh!”
“Daddy, baka ito iyong sinasabi sana niya sorpresa noong umalis siya. DInala na niya ang babae upang maniwala kayo,” sumabat na ako.
“Bakla man siya o hindi. Basta, magkakaapo na ako.”
“Kunsabagay, hindi na tayo bumabata. Dapat makakita na rin tayo ng apo.” Nakangising kinakaway ni Mommy ang kanyang mga kamay habang bumababa kaming ni Daddy.
“Ingat!” sigaw namin ni Daddy.
“Kayo rin!”
Pagpasok namin ni Daddy ay laganap ang pagbati. Ganito talaga kapag may kasamang kang guro. Hindi nawawala ang mga pagbati mula sa mga estudyanteng magagalang.
Kumaway sa akin si Kael sa malayuan. Sinaluduhan ko naman siya at ngumiti. Nagtagpo naman ang aming mga mata ni Chalmer at kinidatan niya ako. Wala akong nagawa kundi kindatan din siya pabalik.
“Good morning!” bungad ni JM. Binati ko naman siya pabalik, “Magandang umaga din!”
Mukhang maayos naman ang lahat. Nakangiti silang tatlo sa akin at baka wala na silang anumang galit na nararamdaman. Napapanatag ako at marahil nga ay tanggap na nila ang aking mga naging desisyon.