“Mauna ka na. Magbabanyo lang ako!” Nagsisilabasan na ang mga estudyante at nakita ko na rin si Kael na pumasok sa Guidance Councilor’s Office. Pinapauna ko na si JM para siguraduhing pupunta rin si Chalmer. Plinano ko ang lahat. Ginamit ko lang ang pangalan ni Daddy pero ako talaga ang kakausap sa kanila.
“Sabihan mo pala kay Kael na susunduin ko pa si Daddy.” Bago ako tumakbo ay isinigaw ko pa ito kay JM. Alam kong nagdududa na siya pero siguro naman hindi niya hahayaang makawala si Kael na hindi siya kasama. Nagpatuloy ako sa kakalakad ngunit hindi ko pa rin makita si Chalmer. Nagtungo ako sa banyo, ngunit wala siya. Tinahak ko na rin ang rooftop, ngunit wala din siya. Hays! Bakit nga ba huli ko ng maisip na baka nasa labas na siya?
Hinihingal kong tinakbo ang trangkahan ng aming paaralan. Dumiretso ako agad sa sasakyan ni Chalmer at naroon nga siya at kakapasok lang dito.
“Chalmer!” Tumingin siya sa akin pero umiwas siya ng tingin. Ipinasok ko ang isa kong kamay sa bintana ng kanyang sasakyan.
“Bumaba ka at hinahanap ka ni Daddy!” sigaw ko.
“Kinausap ko na lahat ng mga guro at wala ang daddy mo. Hindi siya dumating!” Patay na! Bakit niya ba naisip na magtanong pa sa ibang guro? “Kung gusto mo akong kausapin, sabihin mo na ngayon. Don’t waste may time.”
“Lumabas ka muna sa sasakyan mo!” matapang kong bigkas. “Kapag hindi ka lalabas diyan, hindi ko sasabihin sa iyo ang desisyon ko sa inyong tatlo!”
“Why? Have you decided to choose me, already?” untag niya. Ngumiti siya ng kay lalim. Nakakamiss makita na hindi siya masungit.
“Lalabas ka ba o ako ang magpapalabas sa iyo?” untag ko.
“Fine!” Binuksan niya ang pintuan, lumabas at tumayo. Hinawakan ko ang kanyang kamay at hinila.
Nasa harap na kami ng trangkahan ng aming paaralan ng biglang may malakas na pagsabog. Nagsitakbuhan ang ibang estudyante papunta sa pinangalingan ng pagsabog. Bumitaw si Chalmer sa paghawak sa aking kamay ngunit agaran ko rin itong binawi at hinabol siya.
“Huwag kang lalapit!” senyas ko. “Huwag mo akong bibitiwan!” Napahinto siya.
“Tukayo?”
“Jam Bie!”
Magkasabay na nagwika sina JM at Kael na hindi ko namalayang lumabas. Silang dalawa ay parehong nakatingin sa magkahawak kamay naming dalawa ni Chalmer.
“Wala itong malisya!” saad ko.
“Bro, Iyong sasakyan mo binangga ng lasing na nagmamaneho ng kotse!” Basi sa pagmumukha ng lalaking dumating at nagsalita ay kaklase nila ito ni Kael.
“Huwag kang lalapit doon!” sigaw ko at mariin na hinawakan si Chalmer.
“JM! Please! Lumapit ka sa akin!” bigkas ko. “Huwag na huwag kang lalapit doon!” Ginawa naman ni JM, kahit alam kong naguguluhan siya.
“Kael!” pasigaw kong tinawag si Kael na papatakbo na sana para tingnan ang sasakyan ni Chalmer. Huminto siya.
“Sasakyan iyon ni Chalmer!”
“Mabuti nga at sasakyan lang niya at hindi ang buhay ninyong tatlo!” Nagulat siyang tumingin sa akin at lumapit. Maging si JM ay puno ng gulat sa mga mata ang nakikita.
“Ano?” usal ni Chalmer. Tiningnan niya ako at nanginginig na naglipat tingin mula sa sasakyan niya hanggang sa akin.
“Napanaginipan ko kayong tatlo!” Isang malakas na buhos ng ulan ang biglaan na lamang dumating. “Huwag kayong magpapatinag sa ulan. Dito lang tayo,” sigaw ko kay Kael na aakmang aalis.
“Ano na naman ba ang napanaginipan mo?” untag ni Chalmer.
“Bumubuhos ang malakas na ulan noon. Bumabaha ang buong paligid.” Lalong lumalakas ang patak ng ulan sa bawat bigkas ko ng mga salita. “Nakasakay ako sa lumulutang na isang maliit na bangka.” Napakalamig na hangin ang nagsihampasan sa aming apat. “Wala akong makitang tao, maliban sa sirang bahay at naglulutawang sirang mga bagay bagay.”
“Tapos?” untag ni Chalmer. Hindi na siya si Cha The Nerdy Tabatchoy.
“Narinig ko ang boses mo na tinatawag ako sa aking kanan.” Tiningnan ko siya. “Tatalon ka sana papunta sa akin, subalit isang malaking buwaya ang nakalutang at akmang kakagat sa iyo. Imbis na sa akin ka tumalon ay dumiretso ka sa isang nakalutang na kabinet.” Lumalakas ang hampas ng hangin. Maraming estudyante ang nagsisigaw na sumilong na kami pero hindi ko na kayang patagalin pa. Dapat ko ng masabi sa kanila ang tungkol sa aking panaginip.
“Tukayo. Matagal ka pa ba? Namamasa na ang brief ko.” Mahina akong tumawa.
“Pagkatapos, narinig ko naman sa likuran si …” Humarap ako kay Kael. “Ikaw!” turo ko sa kanya.
“Sigurado ako. Ako iyong knight and shinig armour mo at kitang kita ang six packs abs ko,” sambit niya.
“Hindi. Pero, oo. Sirang-sira ang suot mong damit dahil sa baka ilang beses ka ng nabangga. Humihingi ka ng tulong na pasakayin sa sinasakyan kong bangka.” Seryoso siyang nakikinig. “Papunta ka na sana sa akin subalit nandiyan na naman ang buwaya kaya kahit nahihirapan ay lumundag ka sa isang sasakyan na nakalutang.”
“JM!” Lumipat ako ng tingin kay JM. Tumango naman siya. “Bigla na lang lumakas ang baha at iniluwa ka na nakasakay sa isang gulong ng sasakyan. Parang isang salbabida.”
“Chalmer! Dahil sa baha ay nakalapit ka sa akin kaya tuluyan kang nakaapak sa aking sinasakyan dahil hinila kita.” Lumipat ulit ako ng tingin sa kay Chalmer na namamasa na ang mukha dahil sa buhos ng ulan.
“Kael! Hinila ka ni Chalmer. Kaya tayo ng tatlo ang nakasakay sa bangka.” Pinagmasdan ko si Kael na pinipisik pisik ang kanyang buhok na namamasa na rin.
“Muling bumuhos ang malakas na bugso ng baha at tumilapon papalapit sa sinasakyan nating bangka si JM.” Humarap ako kay JM.
“Na-rescue natin siya. Kaya katulad ng nangyayari ngayon. Nakaharap ako kay JM na nakahawak kamay sa kay Kael at Chalmer. Habang ako naman ay nakahawak kamay din kina Kael at Chalmer!” Inisa-isa ko silang tiningnan.
“Unti-unti nating napapansin na lumulubog ang ating sinasakyang bangka.” Bumitaw muna ako sa paghawak sa kanila at pinahiran ang aking mukha. “Iyon pala ang bangkang ating sinasakyan ay para lamang sa dalawang tao. Kaya, pinapapili ninyo ako kung sino ang aking makakasama sa bangka hanggang dulo. Kapag may napili na ako ay parehong tatalon ang dalawa at magsasama na kami ng matitira.”
“Sino ang pinili mo?” pareho nila itong untag.
“Wala! Nagising na lang ako.” Kita sa kanilang mga mukha ang pagkadismaya. Kahit bumubuhos ang ulan ay nakikita ko pa rin ang kanilang maaamong mga mukha.
“Gabi-gabi, iyan ang dumadalaw sa panaginip ko. Hindi ako makatulog ng husto dahil sa inyong tatlo.” Huminga ako ng malalim. “Ngayon ang panglimang araw buhat ng nagsimula ang panaginip na iyon kaya umaga pa lamang ay labis na ang pag-aalala ko sa inyong tatlo.”
“JM! Kaya kita minadaling tinakbo kanina sa may kalsada dahil takot ako noon na tuluyan ka ng mabungo.” Pinagmasdan ko si JM. “Nabasa ko na pala ang buong libro at gusto kong malaman mo na maraming salamat sa mga bagay na ginawa mo na walang hinihintay na kapalit. Salamat.” Tumutulo na ang aking mga luha sa mga sandaling ito.
“Kael! Labis iyong bilis ng takbo ng dibdib ko kanina ng malaman kong may nagsuntukan sa inyong silid. Lalo pa noong malaman kung may tumalon sa rooftop!” Nakaharap na ako ngayon kay Kael. “You prove me wrong. Salamat kasi iminulat mo ang aking mga mata sa katotohanang lahat ng tao ay pwede ring magbago. Isa ka na ngayong mabuting tao. Thank you!”
“Chalmer! Cha! Tabatchoy! Nerd! Hindi ka na pala ganoon. Kaya labis akong nainis kanina habang sinasagip ka mula sa punong kahoy kasi parang ang kalma mo lang. Habang ako ay labis na ang pag-aalala. Siguro, kung hindi kita pinababa ngayon sa sasakyan mo ay pati ikaw ay nadamay.” Hinawakan niya ang aking balikat. “Alam mo? Ang sarap mong mahalin. Nagpapakatotoo ka sa sarili mo. You change a lot for me. Pero, nakakalimutan mo na ang sarili mo. Learn to love yourself. Hindi ko na alam kong masaya ka ba dahil masaya ka o masaya ka dahil masaya iyong ibang tao. Nakakalimutan mo ang totoong kasiyahan mo. Salamat kasi kahit dati pa hindi mo man lang ako pinag-isipan ng masama.”
“Ipikit ninyo ang inyong mga mata!” Pinapikit ko sila ng mga mata at ginawa naman nila. “Isipin ninyo na nasa loob tayo ng isang bangka at pinapapili na ninyo akong tatlo sa kung sino ang pipiliin ko.”
Isang minuto kaming nakatayo bago ako bumitaw sa pagkakahawak sa kanila. Lumalakas ang ihip ng hangin at nararamdaman ko na rin silang mahinang naiiyak.
“Mas pipiliin ko pa ring unang bumitaw at tumalon. Wala akong pinipili dahil panindigan kong aral muna bago kasintahan. Malay natin sa tamang panahon. Magkikita-kita tayo ulit. Sa oras na iyon, tama na ang lahat, sakto na ang lahat, itinadhana na ang lahat.”
Iniwan ko silang tatlo at pumara na ako ng jeep papauwi sa aming bahay.
—