“Sweetie, ano ba ang nangyari sa iyo? Bakit hindi ka namin ma-contact? Nag-alala na kami sa iyo, kagabi pa.” Pagpasok ko pa lamang sa bahay namin galing sa eskwelahan ay tumambad na sa akin ang mga tanong ni Mommy. Nagdahan dahan pa naman ako at nagbabakasakaling hindi pa siya nakakauwi. Nakakasigurado talaga akong dadagsa na naman ang kanyang magiging katanungan sa akin. Siguro, kapag nagtanong siya ay raramihan ko na loang ang isasagot para madali kaming matapos. Nakita ko kanina si Daddy pero abala siya sa mga gawain niya sa paaralan kaya nauna na akong umuwi. Abala din kasi siya sa kanyang nalalapit na exam para sa inaasam asam niyang pagiging principal. Hindi na ako nagpakita sa kanya at tuluyan ko ng tinahak ang bahay, papauwi.
“Mommy, nanakawan kami.”
“Ano? Sino ang kasama mo?” untag niya.
“Si Chalmer.” Nagulat si Mommy sa sinabi ko. “Kahapon kasi, habang nasa mall kami ni Kuya, may mga nabasag akong mga mamahaling baso at pinggan. Nakaharap ko iyong may ari ng mall, iyong ex mo.” Kaunting halakhak ang ginawa ko at kiniliti si Mommy. Pampaiba lang ng awra ng paligid. Masyadong seryoso e. “Pinapabayad niya ako ng malaking danyos dahil doon. Natakot kami ni Kuya, baka mapatay ako ni Daddy kapag nalaman niya.” Nakita ko si kuyang may ka-video call sa may malapit na upuan. Hindi pa niya yata ako napapansin. Naka-headset yata ang bakla.
“Pagkatapos? Mabuti at nakalabas ka sa mall na iyon.”
“Iyon nga rin ang pinagtataka ko. Nagulat na lamang ako na pinapalabas na niya ako dahil sa kahilingan ng kanyang anak.”
“Kaya mo ba tinatanong sa akin ang tungkol sa pamilya niya noong nagdaang araw?” Tumango ako. “Magkano ba ang danyos?”
“Malakilaki.” Hindi ko na sinabi kay Mommy kung magkano dahil baka mag-aalala siya. Ibinigay ko na rin kasi kay Chalmer ang ipinalunan namin sa pagkanta. Baka makahanap pa ako ng ibang paraan para mabayaran siya. Hindi naman niya sana kukuhanin ang premyo e, pero ako na ang nagkusang ibigay ito sa kanya. “Kahapon kasi…” Bigla akong may naalala. “Patawad kong hindi natuloy ang family bonding natin.”
“Ayos lang iyon, anak. Marami pa namang ibang araw.” Nakangiti siya habang kinikirot ang aking pisngi. “Ang mahalaga ay safe ka.”
“Kahapon, habang nasa simbahan tayo. Nakita ko si Chalmer kaya agaran ko siyang hinabol. Hindi na ako nakapagpaalam sa inyo kasi baka hindi ko siya mahabol.” Tumatango si mommy. Kaya naisipan ko ng magpatuloy sa pagkwekwento, “Ayaw niya akong kausapin kaya sinabayan ko siya sa sasakyan niyang taxi. Umandar iyong taxi, hindi namin lubos maisip na magnanakaw pala iyong taxi driver na nasakyan namin. May hawak siyang baril kaya hindi na kami nakipaglaban. Nanakaw iyong selpon ko pati na rin iyong kwentas.” Tuluyan na akong yumakap sa kanya at humagulgol.
“Hayaan mo na ang kwentas,” litanya ni mommy.
“Pero, Mommy. Iyon na lang ang kahuli hulihan kong alala ni Ate. Iyon ang nagsisilbing lucky charm ko simula ng pagkawala niya.”
“Maiintindihan ka ng ate mo. Ang mahalaga naging ligtas kayong dalawa ni Chalmer.”
“Bakit si James Martin ang tumawag sa amin?” Nagulat ako sa pagpasok ni daddy mula sa labas ng aming bahay.
“Baka tinawagan siya ni Chalmer matapos naming makalikom ng pera dahil sa pinanalunan namin sa isang SInging Contest.” Siguro nga. Wala naman akong ibang naisip na dahilan. SIguro noong natutulog na ako ay nakapanghiram ng selpon si Chalmer. Bakit nga ba hindi ko naisip na manghiram ng selpon kahapon? Hays!
“Bunsoy! Iyon ba iyong nakakakilig na Singing Couple of The Night!” Biglaan na lamang nagsalita si Kuya. Bakit kaya hindi pa rin siya bumabalik sa eskwelahan nila? Hindi ba dapat ay abala na siya? Sabagay, baka natapos na niya rin ang kanyang mga gawain.
“Couple?” sabayang bigkas nina Mommy at Daddy.
“Mali ang iniisip ninyo!” Naitaas ko ang aking mga kamay, bilang pagsuko. “Kailangan naming magpanggap na magkasintahan upang manalo. Naging pag-asa namin iyon, upang makauwi.”
“Ang sweet ninyo sa video.” Biglang nagsimula ang video kung saan kumakanta kami ni Chalmer. Nakatingin naman sina mommy at daddy sa video. Patay! Baka nasama ang halikan sa video. “Hindi pa kami tapos manuod!” Hinablot ko ang selpon ni kuya. Mahirap na at baka pagalitan na naman ako ni daddy kapag nakita niya ang halik.
“Anak! Hindi ko na alam kung ano ang gagawin sa dinami-daming binabato sa iyo. Matagal ko ng sinasabi sa iyo na, iwasan na ang tatlong lalaki na iyan, dahil ikakapahamak mo!” sigaw ni Daddy. Nakakasiguro akong galit na siya. “Paano na lang kapag wala na ako?”
“Daddy!” Napasigaw ako. Ayaw ko sa mga biruang ganito.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, anak. Alam mo ba na pati iyong mga kasamahan kong guro ay pinaalahanan na ako tungkol sa mga isyung kinakaharap mo? Maganda ang imahe mo tapos bigla mo na lamang sisirain dahil sa mga lalaki.”
“Alvertuh! Hindi niya maiwasan ang tatlo, dahil sila ang nasa panaginip niya!”
“Ano?’ sabay na tanong nina kuya at daddy. Nakakasigurado akong nagugulumihan sila. Alam kong alam nila ang mesteryong nakabalot sa aking mga panaginip.
“Kailangan niyang pumili sa kanilang tatlo kung hindi ay patuloy siyang gagambalain sa panaginip!”
“Patawad, anak. Hindi ko alam.” Nilapitan ako ni daddy. “Alam kong matalino ka anak!” Niyakap ako ni Daddy. “Hindi sa lahat ng bagay ay tama ang mga nagiging disisyon mo, pero sana maayos mong lampasan ito.” Lumakad na siya papunta sa may hagdanan papasok ng kanilang silid nila ni mommy.
“Huwag kayong mag-aalala. Daddy!” Tiningnan ko si Daddy. Napahinto siya. “Mommy!” Sinulyapan ko si Mommy. “Kuya!” Nginitian ko si Kuya. “Bukas na bukas din ang lahat ay magtatapos.” Hindi ko pa alam kung ano ang aking gagawin pero kailangan na akong may magawa bago matapos ang ikalimang araw.
“Basta, may utang ka pa sa amin ng mommy at daddy mo.” Bigla akong nataranta. Utang? Ano naman kaya iyon?
“Bunsoy! Epic iyong pagmumukha mo.” Humalakhak si Kuya. Naguluhan ako kaya sinamaan ko siya ng tingin. “May utang kang family bonding sa amin.”
“Akala ko naman kung ano na!” Nagsitawanan kaming apat. Ang sarap talagang kasama ang pamilyang ito. Lalo na kung sabay kaming nagtatawanan at nagkakaunawaan.
“Akin na iyang selpon ko!” Hindi ko ibinigay kay kuya at tuluyan na akong tumakbo papasok ng aking kwarto.
“Bunsoy! Buksan mo ito!” Pinagkakatok na niya ng pintuan. “Kapag hindi mo ito bubuksan, sisirain ko ito!” sigaw niya. Kailangan kong makahanap ng paraan upang walang masabi si kuya kina mommy. Mabuti na lamang talaga at hindi gaanong mahilig sa social media sina mommy at daddy. Kung hindi ay lalo akong maiipit sa problema.
“Ano ito?” Binuksan ko ang pintuan at ipinapasok siya saka ipinakita ang text mula sa isang ‘Marebel’ ang pangalan. “Akala ko ba ay bakla ka? Sino si Marebel?”
“Huminahon ka nga at baka marinig tayo ni daddy.” Hinawakan niya ang kamay ko at pinapakalma. “Nalasing kasi ako.”
“Umiinom ka na? Kuya naman,” mahanahon pero pabalang kong saad.
“Isang beses lang iyon. Tapos, nagising na lang akong walang saplot kasama si Marebel sa isang kwarto.”
“May nangyari sa inyo?” untag ko.
“Parang na ewan. Hindi ko maalala e.”
“Buntis siya kaya dapat mo siyang panindigan, Kuya.” Kung nagising nga siyang walang saplot at kasama si Marebel ay mayroon ngang nangyari sa kanilang dalawa. Kaya malaki ang chances na anak niya ang pinagbubuntis ni Marebel. Kaya siguro hindi pa bumabalik si kuya dahil dito?
“Hindi ko siya mahal. Iba ang tinitibok ng puso ko. Lalaki lang ako sa paningin ng ibang tao pero ito.” Tinuro niya ang kanyang dibdib. “Itong puso ko babae ako.”
“Kuya!” Nararamdaman ko siya. Kitang kita sa kanyang mga mata ang pinagsasabi ng kanyang bibig. Gusto ko siyang lapitan pero nasasaktan din ako sa parte ng babaeng kanyang nabuntis. “Kailangan mong panindigan ang babaeng iyon. Ang puso natin kuya ay natutong turuan tayong magmahal ng isang tao.”
“Natatakot ako.” Nagpakawala siya ng malakas na paghinga. “Natatakot ako na baka hindi pa ako handa. Bunsoy. Wala pa akong maitutus kahit na pang-gatas man lang kung lumabas na ang bata. Paano kung kailangan ng pera, saan ko kukuha? Paano kung…”
“Kuya, saka muna problemahin ang bukas kung hinaharap muna ang ngayon.” Nilapitan ko siya at hinablot ang panyo ko na mula sa aking mesa. “Tumahan ka nga. Matapang ka kaya.” Ibinigay ko ang panyo sa kanya. “Kuya, hindi pwedeng tumigil ang mundo mo dahil lang sa magkakaanak ka na. Ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo. Ilang sandali na lang ang bibilangin at gra-gradweyt ka na. Tapos, makakahanap ka nang trabaho.” Naiinis ako sa sarili ko, bakit pa ako nagpa-libre sa kanya noong isang araw. Siguro, gusto niyang humindi sa akin pero hindi niya ako mahindian.
“Baka mapatay ako ni daddy.” Naawa ako sa nakikita kong kuya ko ngayon. Kahit kailan ay hindi ko pa siya nakikitang umiiyak at nanghihina. Nasanay kasi ako na kapag magkasama kami ay puro lang kami tawa. Na para bang wala kaming problema
“Paano ko sasabihin kina mommy at daddy?” untag niya. Nilapitan ko siya at niyakap. “Kuya, huwag kang mag-alala. Anuman ang mangyari mauunawaan ka din nila. Nandiyan na iyan e. Ang kailangan mo na lamang gawin ay panindigan. Manindigan ka sa tama!”
____________