“Sino nga ang inspirasyon mo sa paggawa nitong kuwento mong ito?” saad ko. Kanina ko pa binabasa ang libro. Nakatapos na ako ng mga dalawang kabanata at natatawa ako sa kung paano magsalita ang lalaking bida. Ang torpe niya. Nasa 1st POV ang kuwento at talagang naka-focus sa mga nararamdaman ng lalaking bida.
“Ikaw!”
“Ano?” untag ko.
“Naalala mo iyong naglaban tayo. Iyan iyong eksena kung saan mananalo na sana ako kaso, ang hilig mong magdrama kaya natalo mo ako!” Bigla ko na lamang naalala noong nagkalaban kami. Hindi ko na siya maabutan kahit galingan ko pa sa pagtakbo kaya nagdrama ako sa gitna ng kompitisyon. Naging maganda ang resulta niyon kasi binalikan niya ako. Ginawa ko rin iyong pagkakataon para tuluyan na siyang iwan. Nanalo ako. Katulad ng ginawa niyang kuwento, natalo ko siya dahil sa angkin kong ganda at talino. Ang husay. Nilagyan pa niya na maganda ako? Sinabi pa niya na, na-Love At First sight siya sa mga oras na iyon. Gusto kong matawa.
“Ihinto mo na nga iyang pagbabasa mo. Naalibadbaran ako sa mga reaksyon mo. Tinatawanan mo lang yata ang libro ko e.” Itiniklop niya ang librong hawak ko. Napapansin niya yatang natatawa ako. May mga eksena kasing hindi ko lubos akalain na nangyari pala. Lakas niyang gumawa ng emahinasyon e. Hindi naman dapat iyon katawa-tawa pero, sa kung paano niya ito ihambing ay lalo akong napapangiti.
“Ang sabi mo sa libro. Para akong isang anghel na hulog ng langit. Parang
hindi naman?” litanya ko na nakabasi sa mga huling katagang aking nabasa.
“Alam mo sa sobrang talino mo. Iba na yata iyang naunawaan mo e. Basahin mo kasi ng maayos bago ka humusga!”
“Sa unang tingin ko pa lamang sa kanya ay agaran na akong nahumaling. Para bagang isa siyang anghel na hulog ng langit na natatanging itinakda para sa akin.” Binuksan ko ang libro at binasa ko nga ang huling mga kataga. May pahabol pa palang mga salita. Nadali ako e.
“So, ikaw na ba talaga ang anghel na hulog ng langit na natatanging itinakda para sa akin?” Mula sa magkalapit na mukha namin ng libro ay kinuha niya ito. Doon ay tuluyan na siyang nakaharap sa aking mukha, mga ilang dangkal lang at seryosong isinawika ito sa akin. Hindi ako makagalaw, tila nagiging kahinaan ko na talaga ang makatitig sa mga mata ng mga taong nakapaligid sa akin. Mula kay Kael hanggang kay Chalmer at maging dito ay bigla akong napapatulala. Ito ang unang beses na nailang na lamang ako bigla kay JM.
Umiwas ako ng tingin sa kanya at humarap sa may labasan ng sasakyang aming sinasakyan. Ilang sandaling katahimikan sa buong sulok ng sasakyan ang nangyari. Hindi ko alam kung paano siya pakikitunguhan, naiilang ako. Natatakot ako na baka dahil sa nararamdaman niya sa akin ay tuluyan ng mawawalang saysay ang aming pagkakaibigan.
Marahan kong iginalaw ang aking mga kamay upang kumuha ng pizza, nakaramdam ako ng bahagyang gutom. Ito iyong gutom na gusto mo lang may kinakain ang iyong bibig.
“Sa iyo na lang!” magkasabay kaming nagsalita, matapos magkasabay naming hinablot ang kahuli–hulihang hiwa ng pizza.
“Sa iyo na kasi!” Kinuha niya ang pizza, pagkatapos ay iaakmang ipakain sa akin. Ganito kami kung magkulitan. Hindi ako naiilang kapag pinapakin niya ako ng tira tira niyang pagkain. Pero, iba na ngayong alam kong may nararamdaman siyang kakaiba sa akin. Hindi ko ito kinuha at sa halip ay hinawakan ang kanyang kamay.
“Sa iyo na lang iyan.” Ngumiti ako habang nakaharap sa kanya. “Isipin mo na lamang na ibinigay ko iyan sa iyo. Nakakahiya naman na, puso ko nga ay hindi ko maibigay sa iyo, tapos simpleng pizza, ipagdadamot ko pa.” Saka ko hinablot ang isang bagay na palagi niyang ibinibigay sa akin, kasi pampatalino raw ng husto. “Akin na lang itong milkigart mo!” Kunsabagay, palagi naman niyang ibinibigay sa akin ang ganitong inumin. Para kasi siyang gatas na hinaluan ng iba’t ibang prutas na nakalagay sa isang lata. Hindi niya raw gusto kaya ibinibigay niya lang sa akin. Kapag daw kasi nakakainom siya nito ay nanghihina siya at namumula ang buong katawan. Allergic!
Umupo ako ng maayos saka nilipat ang tingin sa librong isinulat niya. Nakakagulat ang aking mga nababasang eksena. Hindi ko lubos maisip na ang milkigart na iniinom ko ngayon ay isa sa naging dahilan kaya tuluyan kaming nagkalapit.
“Hati tayo!” Kinuha niya sa akin ang milkigart na kalahati na lang ang laman at ininom. Nagulat ako sa ginawa niya. Paano kung atakihin siya ng allergy niya? Ano ang gagawin ko? Sinampal ko ng mahina ang milkigart upang mahulog. Naging maayos naman ang plano ko dahil kumalat ang laman ng milkigart sa damit niya.
“Ano ka ba? Nag-iisip ka pa ba?” Galit ko siyang tiningnan. “Paano kong atakihin ka ng allergy mo? Nagpapakamatay ka ba?”
Wala niya akong emosyon na tinitigan at saka naglabas ng isa pang milkigart mula sa bag niya. Ininom niya ito ng buo sa harapan ko mismo. Wala na akong magawa. Umiwas na lamang ako ng tingin. Ayaw ko siyang makitang unti-unting nahihirapan.
Pinagpatuloy ko ang pagbabasa ng libro sa aking utak.
-
Araw-araw ko siyang binibigyan ng milkigart. Ayos lang sa akin na hindi ko mainom ang paborito kong inuman, makita ko lamang siyang masayang hinihigop ito. Sinabi ko rin pala sa kanya na allergic ako rito. Para may dahilan akong makasama siya. Hindi ko lubos akalain na simula noon. Itinuturing na niya akong kaibigan, na sana kinabukasan ay higit pa.
-
“Hindi ako allergic sa milkigart! Sa katunayan, paborito ko rin ito!” Nagulat ako sa kanyang mga sinabi, na kapareho lang din sa isinulat niya sa libro. Hindi ko lubos akalain na may mga ginawa siyang ganito. Inuuna niya ako, higit pa sa sarili niya. Mahirap kayang ibigay sa iba iyong bagay na paborito mo.
“Bakit?” untag ko.
“Nagbabasa ka ba talaga?” Napatingin ako sa kanya. “Nagawa ko iyon dahil noong una pa lamang mahal na kita!” Mahirap magsinungaling ang mga mata. Totoo ang mga sinasabi niya. Lord! Bakit ang daming nagmamahal sa akin?
“Nandito na po tayo!” Nakaiwas ako ng tingin sa kanya dahil sa biglaang bigkas ng driver. Tinanaw ko ang labas. Familiar sa akin ang lugar na ito. Parang kina…
“Bakit tayo huminto sa bahay mo?” untag ko sa kanya. Bumaba siya at binuksan ang pintuan ng sasakya upang tuluyan na akong makalabas.
“Halika! Ipapakilala kita sa pamilya ko.” Ano ba ang ginagawa niya? Hinihila niya ako habang pumapasok sa kanilang bahay.
“Tay, Ito nga pala si Jam Bie Villarico!” Bakit niya ako ipapakilala sa tatay niya? Huwag niyang sasabihing magkasintahan kami, kung hindi makakatikim talaga siya sa akin. “Siya po ang best friend ko. Ang bumubuo sa highschool life ko. Hindi po kami magjowa.” Gusto kong maiyak sa sobrang tapang na mga sinasabi niya.
“Hi! Akala ko talaga magkasintahan kayo ng anak ko, Pasensya na,” bigkas ng tatay niya na abala pa sa itinitinda nitong kakanin. “Baka gusto niyo munang kumain? Balita ko, paborito mo raw itong gawa kong maja blanca?”
“Tay! Magbabaon na lang po kami! Kailangan ng makauwi nitong si Jam Bie sa bahay nila e.” Hinablot na ni James Martin ang tupperware at inilagay ang mga maja blancang ibinebenta ng tatay niya sa palengke.
“Kahit ano pa ang manyari anak, nandito lang si tatay.” Hindi ko mapigilan ang maging emosyonal habang nagyayakapan ang mag-ama. Ngayon, unti-unti ko ng nalalaman kung bakit kailangan pa naming dumaan sa tatay niya. HIndi ito para sa akin, ito ay para sa sarili niya. HIndi na siya mahihiyang sabihin sa tatay niya na hindi kami magkasintahan. Masyadong napupuno ang isip ko sa mga nangyayari. Kahit ano pa ang gawin natin, sa simpleng bagay lamang nababahiran ito ng kabutihin. SIguro, ito ang araw na tuluyan ng pinapalaya ni JM ang kanyang sarili sa matagalan niyang pagpapanggap sa kanyang tatay, na may relasyon kaming dalawa. Ngayon ay klaro na sa kanyang ama na magkaibigan lamang kami.
=======