“HINDI!” sumisigaw akong gumising na naman ulit mula sa panaginip. Ano na ba ang gagawin ko sa buhay kong ito? Hinaplos ko ang aking mukha mula sa malalapot na pawis. Nakakapanghina! Lalo pa at dumadagdag pa sa aking aalahanin ang pagkakautang ko sa may ari ng mall na si Arlano Oyao, ama ni Chalmer.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang sobrang yaman na pala ni Chalmer. Nakita at nakasakay na naman ako sa mamahaling sasakyan pero hindi ko lubos akalaing pati buhay ko ay kaya na niya yatang bilhin.
“Gumising ka na at magbihis. Linggo ngayon at kailangan nating pumunta sa may simbahan,” anyaya ni mommy sa akin. Pinagtutupi ko na naman ang aking hinigaan habang binibigkas niya ang mga ito. “Opo!”
Sa dinami-rami ng mga nangyayari sa aking buhay ngayon ay dapat lang na humingi ako ng gabay sa Diyos. Magpapasalamat na rin sa mga bagay na hindi ko man hinihiling ay dumarating, at magpapatawad sa mga masasamang bagay na hindi ko man ninais gawin, pero kusa ko na lang ding nagagawa dahil hindi na nadadaan sa pagtitimpi. Nawa ay patawarin ako ng ating Diyos.
“Nagpapaganda ka yata, Bunsoy. Magsisimba tayo, hindi maghahanap ng dyowa!” Humahalakhak si kuya, matapos kong suotin ang bagong whole dress na nabili namin kahapon. Kulay pink ang aking damit at hulmang hulma ang hubog ng aking katawan dito. Sinuot ko na rin ang bagong sapatos.
“Xian!” Napahinto si kuya ng masilayan ang aming daddy na masama ang tingin. Tila grapong natiklop niya ang kanyang bibig.
“I’m sorry! I’m just kidding!” Umiwas siya ng tingin kay daddy at kitang-kita ko ang sobrang pait na hulma ng kanyang pagmumukha. Kahit talaga tanggap na siya ni daddy ay natatakot pa rin siya rito. Kakaiba magalit si daddy, bagay na kinatatakutan ko rin. Nagpapasalamat nga ako kasi, noong huli kaming hindi pagkakaunawaan ay hindi siya naging harsh sa akin, hindi niya lamang ako pinapansin at patuloy lang siyang nagpaparinig kung hindi baka ay hindi ko na ito kakayanin.
“Kuya naman! Ako na naman kasi ang napansin mo. Palibhasa ay ikaw itong gusto rin na magsuot na ganito!” Natatawa ko siyang tinuro dahil dito. Gusto ko man lang na ngumiti siya mula sa awkward moment niya mula kay daddy.
“Mukhang excited talaga kayong lahat ah!” Iniluwa ng pinto ang may suot ng mamulaklak na damit na si mommy. Kahit tumatanda na sila ni daddy ay hindi pa rin nawawala ang ganda at gwapo ng kanilang pagmumukha. Bagay na minana namin ni kuya. Hays! “Nakabihis na ako!”
“Ang ganda mo pa rin.” Pambobola ni daddy. Humakbang naman si daddy papunta kay mommy upang gabayan ito sa paghakbang.
“Para lang kayong nagsi-seniors night, mommy at daddy!” untag ni kuya. Biglang na-awkward si mommy sa turan na ito. Kitang kita ko ang pagbitaw niya sa paghawak kay daddy.
“Mommy, anong meron?” Nilapitan ko siya. “Baka nahihilo ka?” Bigla ko na lamang naalala ang pagdadalawang tao niya.
“Feliciana!” nag-aalalang untag ni daddy. Minsan lang talaga natatawag ni daddy sa totoong pangalan si mommy. Iyon ay kapag dumating ang mga pagkakataong nag-aalala na siya rito. Kami naman ay sinanay na tawagin lamang silang mommy at daddy kaya kahit kailan ay hindi ko pa sila natatawag sa kanilang mga totoong pangalan.
“Wala lang!” Ngumiti siya.
“Baka may naalala siyang pinagsisisihan niyang nangyari noong Seniors Night namin.” Magkasabay kami ni kuya na nagkatitigan, napatawa kami at nagwika, “Ano ba ang nangyari?”
“Umayos ka nga. Hindi ko pinagsisihan iyon no.” Nauna ng naglakad si mommy papalabas ng aming bahay. Pumasok naman siya diretso sa aming may kalumaan ng sasakyan namin. Matagal na rin itong gamit ni daddy. Sa wari ko ay binili niya ito noong madistino siya sa malayong paaralan upang magturo. Malapit na rin palang magkaroon ng resulta ang kanyang pinaghihirapang pag-aaral upang tuluyan ng maging isang Principal. Matagal niya rin kasi itong pinapangarap.
“Mommy, kwento mo nga sa amin.” Napaharap sa akin si mommy, nang biglaan akong magsalita, matapos umaandar ang aming sinasakyan. “Ano ba ang nangyari noong Seniors Night?”
“Wala!” Simple niyang sagot at tumingin na lamang sa labas ng aming sinasakyan.
“Daddy, ano ba ang nangyari?” si kuya naman ang biglaang nagtanong. Pareho talaga kami ni kuya. Kapag may gusto kaming malaman ay hindi kami tumitigil kakatanong malaman lamang ang buong kasagutan.
“Gusto ba talaga ninyong malaman?” hindi sa amin ni kuya nakangiting nagsalita si daddy kundi kay mommy. Nakita ko naman ang naiinis na mukha ni mommy na umiiwas.
“Fine! Ako na ang magkwe-kwento. May kasintahan ako nang mga sandaling iyon!” Biglaang nalipat ang aming mga tingin kay mommy. Nagkaroon pala siya ng kasintahan dati? Bakit kaya binabawal ni daddy sa amin? “We expect to be the King And Queen of the night.” Sino naman kaya ang kasintahan niya? Baka si daddy lang din. Magaling itong mamilog ng kwento si mommy. “But, Iba ang nanalo.” Nakangiti kami ni Kuya na nakaabang sa mga susunod na sasabihin ni mommy. “Iyong daddy ninyo ang nanalo bilang KIng Of the Night at ako, ako naman ang Queen of the Night!”
“Teka lang! Mukhang ang gulo. Akala ko ba si daddy ang kasintahan mo?” Inisa-isa ko silang tingnan. Seryoso naman silang tumingin sa akin, hanggang sa mahinto ako sa mukha ni kuya.
“Bunsoy, may kasintahan si mommy, pero hindi iyon si daddy!”
“Labis ang pagsisisi ng mommy ninyo at kaming dalawa ang nanalo! Hindi iyong pinakamamahal niyang ex niya.”
“Sino naman?” untag ko. Ibig sabihin ay nandoon din si daddy sa gabing iyon pero hindi sila magkasintahan ni mommy. Natahimik si mommy.
“Iyong may-ari ng bagong mall!” Nanlaki ang aking mata mula sa tinuran ni daddy. Kaya naman pala galit siya, kagabi.
“Nandito na tayo!” sigaw ni mommy, na para bagang hindi niya narinig ang aming pinag-uusapan.
“‘Pinagsisihan mo ba, Mommy?” untag ni kuya.
“Hindi naman. Kasi, siya naman talaga sana ang una kong nagustuhan e. Kaso, ang torpe ng daddy ninyo! Kaya sinagot ko si Arlano. Bukod sa gwapo na e, mabait pa.” Lumapit si daddy rito at nagpapa-pogi. “Pero, mas pogi at mas mabait ka pa rin, kaya kita pinili!”
“Makapasok na nga sa simbahan at baka makahanap na rin ako ng mapipili!”
“Kuya!” Hinabol ko siya. Mukhang may balak pa yatang maghanap ng kasintahan kaysa magdasal sa panginoon e. Sa bagay, marami na ang ganoon ngayon. Pasimba-simba raw para sa panginoon pero ang mga mata ay naghahanap ng makakasama.
==========