“Diyos ko! Maraming salamat sa mga anghel na dinulog mo pa rin sa akin. Mula sa pamilya kong gumagabay sa akin sa bawat hakbang ko sa buhay. Hanggang sa mga taong kaakibat ko sa bawat indayog ng aking tagumpay. Diyos ko! Patawarin mo nawa ako sa aking mga naging kasalanan sa bawat araw. Gabayan po ninyo akong gumawa ng tama sa mga araw araw na desisyon ko sa buhay. Tulungan po ninyo akong pumili mula sa mga mabubuting nilalang na ibinibigay mo sa akin. Diyos ko! Nahihirapan na akong pumili. Sana makapagpasalamat man lang ako kay Chalmer!” Pagkatapos ng mesa ay saka ko pa lang naisipang magpasalamat sa ating Panginoon. Nagsisilabasan na ang ibang tao, habang sina mommy at daddy ay nagtungo sa pari upang mag-donate ng kaunting halaga para sa simbahan. Habang si kuya naman ay nagtungo sa banyo, dahil kanina pa raw siya ihing ihi. Pagbukas ko ng aking mga mata ay mayroon akong nasilayang taong pamilyar sa akin. Napatayo ako.
Wish Granted! Diyos ko, Lord. Salamat. Mukhang makakapagpasalamat na talaga ako ng masinsinan kay Chalmer e, Mabait pa rin talaga ang Diyos sa akin.
“Chalmer!” tinawag ko siya subalit bigla na lamang siyang tumakbo, papalabas ng simbahan. Wala akong nagawa kundi sundan siya. Kulay pink ang suot niyang damit at lalo itong nagbigay liwanag sa kanyang mukha. Hindi ko lubos akalain na babagay sa kanya ang kulay pink na mga damit. Aksidente ko lang naman siyang binilhan ng pink na damit e. Bakit ba siya umiiwas sa akin?
“Cha!” Hinawakan ko ang lalaking naka kulay pink ang damit. Bigla na lamang akong napahiya ng malamang hindi siya iyon. Pero, hindi ako pwedeng magkamali? SI Chalmer ang nakita ko. Binaling ko ang aking tingin sa buong paligid ng simbahan. Marami ang lalaking naka-suot ng pink na damit, kaya posibleng nandito nga siya. Tumakbo ako ng may napansin akong lalaking pumara ng taxi. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya iyong nakita ko.
Nakatalikod man pero kilalang kilala ko ang taong pumapara sa taxi. Walang patid ko siyang habulin. Hindi naging mailap sa akin ang panahon, dahil hindi siya hinihintuan ng mga taxi. Inunahan ko siyang hawakan ang bukasan ng humintong taxi sa harapan niya.
“Chalmer! Kausapin mo naman ako!” litanya ko sa kanya. Tumakbo siya paikot sa isa pang bukasan ng taxi at sumakay. Wala talaga siyang planong magsalita.
“Chalmer!” Binuksan ko ang taxi at umupo. “Manong, magmaneho ka na!” Magkatabi na kami sa upuan. Hindi niya pa rin ako dinadapuan ng tingin.
“Akala ko ba ayaw mo na akong makita! Hinahayaan na kita sa buhay mo kaya bahala ka na sa buhay mo!” Akmang bubuksan na niya ang seradura ng taxi ng hawakan ko ang kanyang kamay. Namimilit pa siyang bitawan ko siya pero hindi ko ginagawa. Kailangan ko ng kaunting oras niya lang.
“Sige na. Ano ba ang kailangan mo?” Inilayo niya ang kanyang kamay sa bukasan ng taxi at humarap sa akin. Naiilang ako sa kanyang mga mata. Hindi ako makapagrespondi ng dalian. Para siyang galit na parang hindi. Hindi ko nababasa ang kanyang ekspresyon. Natatakot akong gumawa ng hakbang.
“Ma’am! Sir! Saan po kayo pupunta?” tanong ng taxi driver kaya agaran akong umiwas ng tingin kay Chalmer. Ang galing talagang umeksena ng taxi driver e.
“Kahit saan. Basta, magmaneho ka lang. Babayaran kita kahit magkano,” pabagsak na pagkakaturan ni Chalmer. Nagpatuloy na sa pagmamaneho ang taxi Driver. Kita na, gusto rin pala niya na makasama ako.
“Magmaneho ka na lang, Manong Driver,” pabulong ko sa may likuran ng driver.
“Pagpasensyahan mo na itong kasama ko. May ari kasi ng malaking mall ang ama nito!” Sinampal ko ng mahina ang balikat ni Chalmer.
“Kasi naman po, Manong Driver. Hindi naman ako sasakay sa ganitong klaseng sasakyan, kung may isa diyan na hindi namamasag ng mga bagay bagay.” Bigla akong nasaktan sa kanyang mga sinabi. Alam kong kasalanan ko naman talaga iyon e, pero hindi ko iyong sinasadya.
“I’m sorry. Hayaan mo at babayaran din kita!” Humarap ako sa kanya at seryosong humihingi ng patawad. Umiwas naman siya ng tingin. “Lahat ay gagawin ko mabayaran lang kita, ano ba ang gusto mo?” untag ko.
“Ikaw! Ikaw ang gusto ko.” Hindi ako makapagsalita ng biglaan niya itong ibulalas mismo sa harap ko. Nakatutok lamang ako sa mga mata niyang nangungusap. Hindi peke ang kanyang sinasabi. Habang nakatitig ako sa kanya ay nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin. Sa isang iglap lang ay hindi mapakali ang puso ko sa pagtibok.
“Nararamdaman ko ang tibok ng dibdib mo.” Magkalapit lang naman kami kaya posibleng maririnig niya talaga ang pintig nito. “Bakit ba ayaw mong sundin ang tinitibok ng iyong puso?”
“Chalmer, hindi pwede!” Iniwas ko ang tingin sa kanya at pumaharap sa driver seat. “Tumitibok ang puso ko dahil buhay ako. Iyon lang iyon!”
“Babe!” Ang sarap sa pandinig kapag isinasambit niya ito, sobrang espesyal sa pakiramdam pero hindi pwede. Hindi ko na siya tinignan pa.
“Sabihin mo na kasi ang gusto mo,” malamig kong pagkakasaad. “Gusto mo ba itu-tutor kita?”
“Bakit sa tingin mo ba, bobo pa rin ako?” usal niya habang hindi pa rin nawawala ang pagtingin sa aking bawat galaw.
“Yaya na lang. Baka, gusto mo ng yaya. Taga-laba, taga-linis ng bahay, taga-luto!” Binibilang ko pa ang aking mga kamay habang umiiwas pa rin ng tingin sa kanya.
“May marami na kaming yaya!” Hindi pa rin ako mapakali. “Ang gusto ko, sagutin mo na ako. I can be the best boyfriend in the world.”
“Hindi nga kasi pwede.”
“Kahit isang araw lang. Maiparamdam ko lang sa iyo ang pagmamahal ko. Matapos lang itong buong araw na kasama kita,” Muli ko siyang tinitigan sa mukha at nakikita kong may mga namumuong luha sa kanyang mga mata. Pwede talagang maging peke ang mga sasabihin e, pero ang mga nararamdaman na galing sa puso, hindi. Gusto ko siyang mahalin pero hindi pa yata ako handa.
“Cha!”
“Ibigay mo lang ang buong araw mo sa akin. Pagkatapos nito, hahayaan na kita!” Pinahiran ko ang luha sa kanyang mga mata. Isang araw lang naman ang hinihiling niya e. Ang damot ko naman para hindi ibigay sa kanya ang ganoon.
“Holdap ito! Ibigay ninyo ang lahat ng mga gamit ninyo, kung hindi ay papatayin ko kayo!” Hindi ko na natuloy ang sasabihin ng marinig ko ang taxi driver na nagsalita. Huminto na lamang ang taxi at sinigaw niya ang mga katagang nagpataranta sa akin. Gusto ko na sanang ibigay sa kanya ang buong araw ko. Hindi naman ito malalaman ni daddy at mommy kung sakali. Kaso, nakisali pa itong taxi driver na holdaper pala. Patay na! Sana wala siyang gagalawin sa aming dalawa ni Chalmer.
============