“I’m sorry, Bayaw. Ayos lang ba ang mukha mo? May masakit ba? Huwag kang mag-alala, ang pogi mo pa rin. Kasing pogi mo ako!” Biglaang lumapit si Kael kay kuya matapos niyang malaman mula sa bibig ko na kapatid ko ang sinuntok niya. Hinawakan niya rin ang mukha ni Kuya.
“Ang sakit ng labi ko. Dumudugo!” Natatawa ako habang umaarte si Kuya. Totoo namang may dugong lumalabas sa bibig niya pero iyong mga mata niyang gumagalaw galaw patingin sa akin. Napaghahalataan siyang ginaganahan sa eksena,
“Huwag kang mag-alala, Bayaw. Gagamutin ko iyan!” Umupo kami sa may malapit na upuan. Biglaan namang umalis si Kael, na batid kong bibili ng gamot pampaalis ng kaunting dugo at bukol sa bibig banda nito.
“Sissy. Ulam na ulam pala iyong junakis mo na iyon. Kung ayaw mo sa kanya, akin na lang!” bulong niya sa akin. Hinawakan ko ang kanyang mukha at tiningnan ang gagamutin.
“Hindi naman ito masakit e. Tama nga ako, nag-iinarte ka lang!” nakangiti kong saad. Sobrang pogi naman talaga kasi ni Kuya. Sa kanyang pustura ay hindi talaga siya mapagkakamalang bakla. Ang bata rin ng pagmumukha niya para lang siyang kasabayan ko. Kaya hindi na ako magtataka kung nagseselos agad ang lalaking iyon. Bakit ba kasi kailangan pang magselos ang mga taong wala namang label?
“Bayaw. Gusto mo bang maging bayaw ako? Aalagaan kita. Sabay tayong mag-basketball. Ililibre pa kita ng milktea.” Nahihiyang kinikilig si Kuya. Marahil wala itong malisya sa kay Kael, pero kay Kuya. Gusto ko na lang matawa. Pinagpatuloy nito ang pagsasalita, “Sabihin mo naman sa kapatid mong piliin ako. Huwag kang mag-alala, hindi ko iyan sasaktan!”
Lahat naman ng lalaki sasabihin iyan kapag nagpaparamdam lamang ng pag-ibig sa babae, pero kapag sinagot mo na, biglaan na lamang nagbabago. Kutang kuta na ako sa kakapanood ng TV at movies.
“Kayo na lang kayang dalawa. Uso na ang mga ganyan ngayon. Ang cute ninyong pagmasdan. Perfect pair!” Lumayo si Kael kay Kuya na tila naririndi. Tumawa naman ako ng tumawa. Ang kyut naman talaga kasi nila e.
“Hindi tayo, talo, Bayaw!” Tumingin siya kay Kuya at muling bumaling sa akin, “Sayang ang lahi namin kapag ganoon!”
“Oo nga, Ikaw talaga, bunsoy!” madrama nitong pagkakasabi.
“Hali na nga kayong dalawa. May tira-tira pa akong pera galing sa hiningi naming tulong pambayad sa ospital. Libre ko kayo!” Bigla akong natahimik ng sabihin niya ang katagang ospital. Sumunod na lamang ako sa kanila. Malapit lang naman ang may kainan kaya madali lamang kaming nakaabot.
“Ako na ang manlilibre. Umupo na muna kayo at ako na ang pipili ng kakainin natin!” Umalis si Kuya. Hindi ako makapagsalita dahil sa mga mata ni Kael na nakatingin lang din sa akin. Bawat galaw ko ay kanyang tinitingnan. Hindi rin naman siya nagsasalita kaya hindi na rin ako nagsalita. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
“Kumusta ka na pala?” hindi ko na lamang namalayan na biglaan na lamang kumawala sa aking bibig ang mga katagang kanina ko pa nahihirapang ilabas. Nahihiya ako at hindi makatingin sa kanya ng diretso.
“Anong tanong mo? Ayusin mo naman. Hindi ko marinig e.” Hindi ko pa rin siya tinitingnan. Ngunit napaharap din ako bigla sa huli niyang mga tinuran, “Kapag nagtatanong ka, dapat nakatingin ka sa tinatanong mo. Kasi nakakabastos iyon.”
“Ayos lang ako. Salamat sa iyo. Lalo akong magiging maayos kapag sagutin mo na ako!” Tila isang musikang bumubulong sa aking tainga ang kanyang mga tinurang mga kataga. Hindi ako makagalaw ng maayos dahil sa kanyang mga matang ubod ng ganda pagmasdan. Tila bumabagal ang pag-ikot ng mundo. Para bagang sa isang iglap, nakuha niya akong ihipnotismo.
“Kainan na!” Nabitawan ko lamang ang pagtutok sa kanyang mga mata ng biglang sumigaw si Kuya.
“Kayong dalawa a! Nahuli ko iyong titigan ninyo. Kapag iyon tumagal, baka magkapalit na ang mukha ninyo!” Pinaglalagay ni Kuya sa aming harap ni Kael ang kaniyang mga binili at seryosong palipat lipat ng tingin sa aming dalawa ni Kael.
“Ayaw ko nga. Habulin akong lalaki no! Maraming nagkakagustong babae sa mukhang ito! Kaya, ikaw, pagsisisihan mo kapag hindi mo ako sinagot!” pagmamayabang niya. Ninamnam ko naman ang masarap na spaghetti.
“Ayaw ko rin sa mukhang iyan no. Feeling gwapo. Ako nga, pangit naman ako pero tatlo ang naghahabol sa akin!” natahimik siya bigla sa aking tinuran. Lugi siya sa akin. Maaaring tinalo niya ako sa election, pero sa totoong laban ng buhay. Kayang kaya ko siyang padapain.
“Kayong dalawa. Umayos nga kayo! Baka magkatuluyan kayong dalawa!” Tiningnan ko ng masama si Kuya. Kaya paubo siyang umiwas at uminom ng juice.
“Tukayo! Botong boto sa akin ang Kuya mo! Sagutin mo na kasi ako!” Tinapunan ko siya ng tingin.
“Busog na ako! Umalis na nga tayo rito, Kuya!” Tumayo ako at naglakad na papunta sa may damit. Nagtingin tingin ako at naghahanap ng babagay sa akin.
“Kuya, Bagay ba ito sa akin?” Nakangiti kong tingin sa aking likuran habang idinidikit sa aking katawan ang damit na para bang isinusuot ko na. Iwinawagayway ko rin ang aking katawan.
“Hindi!” Nainis ako dahil wala si Kuya sa likuran ko at batid kong naghahanap din ng magugustuhan. Nag iwas na lamang ako ng tingin sa taong nagsasalita.
“Hindi ikaw ang tinatanong ko!” sigaw ko sa kay Kael na nagsasalita. Bumalik na ako sa pagtingin sa sarili ko sa salamin.
“Hindi naman talaga iyan bagay sa iyo. Ang bagay sa iyo…”
“Wala akong paki sa opinyon mo. Bakit alam mo ba kung ano ang bagay sa akin?” Hindi ko na siya pinagpatuloy na magsalita at naiinis ko siyang hinarap.
“Oo. Alam ko!” Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Biglaan na lamang akong nadulas dahil sa hindi tamang pagbalansi kaya napapikit ako. “Dahil ang bagay sa iyo ay ako.” Sinalo niya ako mula sa malapitang pagkahulog sa sahig. “Bagay tayo!” Naimulat ko ang aking mga maya na nasa bisig na niya ako at muli na naman akong napapatitig sa kanyang mga matang may dalang hipnotismo sa akin.
“Umalis ka na nga!” Nang mabigyan ng pagkakataon ay naitulak ko siya. Ayaw ko ng mga nararamdaman ko kapag nagkakatutukan ang mga mata namin.
“Bakit ba pinapaalis mo ako? Takot ka ba na hindi kita saluhin? Tukayo, salung salo na kita!” nagiging seryoso na naman ang mga pananalita niya kaya ayaw ko na siyang muling tingnan pa.
“Kael! Marami ng issues na nangyayari sa buhay ko buhat ng dumating kayong tatlo ni JM at Chalmer. Ang dami ko pang haharaping estudyante dahil lang sa maling espekulasyong nagkakalat na larawan. Tapos, ikaw. Galit na galit si Jeany sa akin dahil sa iyo! Si Jeany, mahal na mahal ka noon. Tukayo, pwede ba? Kung mahal mo ako, huwag ka munang magpapakita sa akin!” Nasisira ang mga mukha niya sa mga naririnig niya sa akin. Dapat na itong mangyari, dapat na siyang umiwas sa akin habang pinaplano pa ni Daddy, kung paano matatapos ang mga isyung kinakaharap ko dahil sa mga kumakalat na larawan. May mga plano na si Daddy kaya hihintayin ko na lamang, upang makaiwas sa gulo.
–
“Bunsoy! Nasaan na si Kael?’ Iniwan ko na si Kael sa kinatatayuan ko kanina. Naglakad na ako papunta kay Kuya. Siguro, naman maiintindihan na ni Kael ang mga sinabi ko. Matalino naman daw siya, kaya maiintindihan niya.
“Umalis na! may tumawag sa kanya e. Hayaan mo na lang!” Nagtingin tingin na ako ng mga sapatos na malapit sa kay Kuya.
“Alam mo, ang gwapo pala talaga noong si Mike Kael no. Sagutin mo kaya. Mukhang matinong tao e.” Sinusuot ni Kuya ang sapatos na kanyang napupusuan.
“Anong gwapo roon? Bulag ka yata, Kuya e. Baka balak mong bumili ng salamin sa mata, hali ka sasamahan kita. Ang pangit kaya ng lalaking iyon!” Umiwas ako ng tingin. “Matinong tao? Hindi iyon matinong tao, basagulero nga iyon e, nagka-cutting class pa tapos adik!”
“Bunsoy, Bakit parang labas sa ilong ang mga pinagsasabi mo? Nagsisinungaling ka lang yata e!” Ngumingiti pa si Kuya habang kinukurot ang tagiliran ko. Muli siyang humalakhak at seryosong tinanong ako, “Sino ba kasi ang pipiliin mo sa tatlo?”
“May napili na ako!” Nakita ko siyang nananabik sa aking isasagot. “Ito, Kuya. Ito ang napili ko. Bilhin mo ha! Salamat!” Pinakita ko sa kanya ang pares ng sapatos na napusuan ko. Kulay pink ito at may cartoon characters na doraemon sa harap.
“Akala ko naman!”
“Kuya, Gusto ko rin ng bagong relo. Iyong relo ko kasi tumigil na sa pag-ikot.” Nagpa-pout ako habang hinihiling sa kanya na sana bilhan niya ako. Iyong relo ko kasi ay nahulog noong inaaway ako ni Jeany sa may canteen.
“Titigil talaga iyon kasi may tatlo kang lalaking manliligaw. Pumili ka na kasi para may bumili sa iyo ng sarili mong relo!” nanunuksong saad ni Kuya, na pinapakita sa akin ang kanyang relo at tila nagbibilang.
“Kung ayaw mo akong bilhan ng relo. Sabihin mo lang, hindi iyong pinapahanap mo pa ako ng jojowain ko.” Naglakad ako at tumalikod kay Kuya.
“Joke lang, Bunsoy.” Hindi ko siya pinakinggan at patuloy lamang akong naglalakad.
“Bunsoy!” tinatawag niya ako pero nag bibingibingihan pa rin ako. Ayaw ko na muna siyang pansinin, bahala siya.
“Jam Bie!” Nagmamadali akong maglakad kaya hindi ko man lamang namalayan na may mababanga na pala ako. Sumigaw naman si Kuya, pero hindi iyon naging sapat para makaiwas ako sa mga mababasaging bagay.
“Ma’am, Kailangan po ninyong bayaran ang inyong mga nabasag!” Bigla akong naluha ng marinig ang isang staff ng mall na nagsalita paharap sa akin. Nanlulumo akong pinagmasdan ang maraming mga basong nabasag sa aking harapan. Lintik na buhay naman o. Mapapatay ako ni Daddy kapag nalaman niya ito. Kung bakit ba naman may patampo tampo pa ako kay Kuya e.
“Wala po kaming pera!” Hindi ko mapigilang manghina habang nasasapo ni Kuya ang kanyang mukha na tumitingin sa akin.
“Kung gayon ay kailangan kayong humarap sa may ari ng mall na ito!” Ano na ang gagawin ko nito? Wala akong pera. Wala kaming nagawa ni Kuya kung hindi ay sumunod sa mg staff.
“Bakit mo naman kasi binangga? Tinawag na kita ng maraming beses e. Mapapatay talaga tayo ni Daddy kapag nalaman niya ang mga ginawa mo!” mahinang saad ni Kuya. Nananahimik na lamang ako.
“Kailangan nating makagawa ng paraan upang hindi ito malaman ni Daddy,” nanghihina kong litanya kay Kuya.
“Wala na akong maisip na paraan. Siguro, si Mommy na lang. Kaso, malilintikan tayo niyan!”
Ano na kaya ang gagawin ko? Sino kaya ang tutulong sa akin? Diyos ko, tulungan niyo po ako.