“HINDI!” Nagising na naman akong tagaktak ang pawis sa aking mukha. Muli ko na namang napanaginipan ang tatlong lalaki sa buhay ko. Marahan kong sinapo ang aking mukhang namamasa dahil sa pawis. Ano na naman ba ang nangyayari sa akin? Kailangan ko na nga bang mamili sa kanilang tatlo? Hindi ako makapili, marami pa akong bagay na dapat tapusin bago pumasok sa isang relasyon. Sana makagawa na ako ng magandang paraan upang mawala na itong mga panaginip na ito.
Sabado na ngayon. Salamat naman at wala munang pasok, kung hindi ay lalong sasabog ang utak ko sa mga bagay bagay na nagpapaapekto ng husto sa aking buhay. Mabuti pa si Kuya Ricxian este Sissy Ricxiana, nawalan na ng tinik. Tinanggap na ni Daddy at kaya na niyang gawin ang lahat, na malaya, na hindi iniinda ang mga husga ng nakararami.
“Sissy! Let’s go sa mall! I need to buy new outfit for my beautiful face. Kailangan mong lalong magpaganda, Sissy. Hindi porket may tatlong gwapings na humahabol sa iyo, kampanty ka na!” Natatawa ako sa bagong klase ng mga galaw niya. Pinagdiinan pa niya ang salitang panty sa kanyang mga sinabi. Napahalakhak na lang ako ng bahagya. “Kung pinag-aagawan ka nila ngayon, dapat bukas. Nagpapatayan na ang mga iyo.”
“Kuya!” Biglang nagbago ang aking ekspresyon mula sa mga sinabi niya. Bigla ko na namang naaalala ang aking panaginip. Hays! Paano ba ito?
“No! You can call me, SIssy.” Hinahawakan niya pa ang kanyang isinuot na wig at ginagalaw ang kamay na tila nagsusulat ng check. “Bagay ba sa akin, Sissy?” Umikot siya at kumikinding na uma-awra. “Kapag nakapili ka na sa tatlong junakis mo. Ibigay mo sa akin ang isa ha?”
“Sira!” Tinulak ko siya ng bahagya. “Sige na. Magbibihis na ako. Basta, libre mo lahat ng bibilhin ko ha?” Tumakbo na ako papunta sa pintuan ng aking silid upang magbihis na. This is it! Gusto ko ito. Magkakaroon na naman ako ng bagong damit.
“Ayos lang. May natira pa naman akong pera mula sa mga allowance ko!” Ang galing talaga ni Kuya. SIguro, hindi pa niya nagagalaw ang mga allowance niya galing kina Mommy at Daddy. Syempre, sa sobrang talino nitong Sissy ko, full scholar siya ng mismong school na pinag-aaralan niya plus may pahabol pa siyang allowance. Sana pagdating ng panahon maging katulad ko rin siya katalino. Wala ng pro-problemahin pa sina daddy at mommy. Isa ring dahilan kaya pursigido akong maging top on class kasi pagdating ng tamang panahon, makakakuha ako ng libreng scholarship sa mga mamahaling unibersidad.
“Ricxian!” Napahinto si Sissy dahil habang papalabas na kami ng bahay ay biglaang nagsalita si Daddy. “Magbihis ka. Hindi porket hinahayaan na kitang maging ganyan, mang-aabuso ka na. Ayaw kong paglabas na paglabas mo pa lang sa bahay natin ay sa iyo na titingin ang kapitbahay natin. Baka, mabastos ka. Anak, dahan dahanin mo muna ang paglalantad para maging handa ka sa laban, Nakuha mo?”
“Opo, Daddy!” Nakuha ko naman na ang gustong sabihin ni Daddy e. Tama naman siya. “Sissy! Hihintayin kita.” Maging si Sissy ay hindi na rin nag atubiling magreklamo pa, matalino naman kasi siya kaya alam kong, nakuha na niya agad ang ibig sabihin ni Daddy.
“Anak, Enough with that Sissy thing kapag maraming tao ha?” abiso ni Daddy. Sige na nga, ibabalik ko na rin sa kuya, Maging ako ay nahihirapan din e. Nakakalito kaya ang isang bagy lalo na kung nakasanayan na.
“Anak, Gusto kong sumama sa inyo!” biglaang anas ni mommy. Gusto ko siyang isama. Nang magka-relax naman siya mula sa mga school works pero…
“Mommy, It’s Siss este Kuya at Bunsoy Day.” Nahinto bigla sa pagsasalita si Ricxian dahil sa mga tingin ni daddy, . “Hayaan mo, bukas. Family Day tayong lahat!” Hindi na nakapag angal pa si Mommy.
“Basta, promise mo ‘yan ha!?” litanya ni mommy. Nilapitan ni kuya si mommy at hinawakan ng kamay.
“Hayaan mo na sila. Bukas na bukas tayong buong pamilya ang magsasama-sama!” saad ni daddy. Napangiti ako. Kahit minsan sobrang harsh ni daddy sa amin, ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya sa amin.
“Nandito na pala ang taxi.” May humintong taxi sa harapan ng aming bahay. “Paano ba iyan? Kailangan na naming umalis!”
“Makaiyak ka naman diyan, Mommy. Akala mo naman Mag-aabroad kami.” Hindi naman talaga siya umiiyak e, nakabusangot lang. “Sige na!”
“Pasalubong namin ng daddy ninyo!” pahabol ni mommy, habang umaandar na ang aming sinasakyang taxi. Hindi na kami nag atubiling pansinin ito.
“Saan mo ba gustong gumala?” untag ni Kuya sa akin. Nilingon ko siya at bahagyang nag-isip. Saan kaya? “Doon sa bagong bukas na mall!” Hindi ko pa kasi nabisita ang mall na iyon. Walang oras gumala. Sa totoo lang ngayon lang ulit ako nakagala, ayaw kasi ni daddy na sumasama ako sa mga kaklase ko at baka mapahamak ako. Kahit pagpunta sa mall, dapat kasama si mommy, kuya o kaya ay siya. Para raw ito sa kapakanan ko. Mula sa mga nagkukumpulang balita na nangyayari sa mga kabataan ngayon na napapariwala, iniiwas niya lamang ako.
“Manong Driver, sa bagong bukas na mall!” Tinapik ni kuya ang likuran ng driver, pagkatapos ay ibinulong niya ito. Natawa naman ako sa reaksyon niya buhat sa pagharap ng driver. May angking kapogian kasi ito. Kinikilig si Kuya.
“Manong!’ sigaw ko ng mapansin ko ang sasakyang mabubungo na sana namin. Mabuti na lamang at napabalik ang driver sa pagharap sa salamin ng taxi, kung hindi ay baka katapusan na namin.
“Bagay kayo!” Lihim akong humagikhik. “Para kayong bida roon sa Boys Love Series na, “Basta Driver Sweet Lover.” Nauuso na rin kasi ang mga BL Series ngayon. Kaya siguro, malaya na iyong ibang mga baklang nagmamahalan. Kwento iyon ng isang taxi driver at isang estudyanteng lalaki na, sa paulit-ulit na pagsakay ng estudyante sa taxi ay nabuo ang kanilang mga kakaibang nararamdaman. Umusbong ang pag-ibig na kinakalaban ang husga ng karamihan. Hays! Nakakalungkot talaga ang series na iyon. Bakit kaya kailangan pa nating husgahan ang iba? Sana ay hayaan na lang natong mag-ibigan ang mga taong nagmamahalan.
“Sissy!” Pinandilatan ako ni kuya. Hindi na lang din ako nagsalita hanggang sa pamanaog na kami sa taxi.
“Goodbye! Manong!” Itinaas ko ang aking kamay upang magpaalam. Nginitian niya ako, kitang kita rin ng dalawa kong mga mata na inispatan niya si Kuya at nginitian. Sa pagharap niya kay kuya ay lumabong ang kanyang dimple. Ang lalim. Ang cute tingnan. Ang sarap.
“Sissy! Feeling ko, type ako ni Kuyang Driver na may dimple. Kinindatan niya ako!” Kinurot niya ang tagiliran ko, habang kinikilig na sinasambit ang mga katagang ito.
“Feeling ko rin!” Kailangan ko siyang suportahan, baka hindi niya ako i-libre. Sayang naman.
Naglakad na kami papasok ng bagong mall. Pagpasok pa lamang sa mall ay masisilayan na ang mga pagkain. Nakakatakam!
“Alam mo kung kasama natin si mommy. Baka, dumeritso na siya diyan sa stall na iyan! Kumakain ng paborito niyang siopao at siomai.” Turo ko sa may naka-placard na ‘Siomai Love For You’.
“Hayaan mo! Ikwekwento natin sa kanya na pagpasok pa lang natin sa mall e, ang paborito na niya ang magwe-welcome sa atin!” Patuloy lamang kaming sumakay papunta sa malapit na elevator.
“Ano ba ang gusto mong bilhin?” Tumunog ang elevator kaya lumabas na kami rito.
“Gusto ko ng bagong damit, bagong sapatos, bagong relo at saka gusto ko ring pumunta sa Amusement. Paborito namin ni daddy pumunta sa ganoon kapag nakakapasok kami sa mga mall.” Sagarin ko na. Minsan ko lang makasama si Kuya.
“Jam Bie, nao-awkward ako kay Daddy. Feeling ko talaga hindi niya keerbels ang feslak ko.” Maarteng pagkakasaad ni Kuya sa akin. Bigla siyang naging seryoso, siguro dahil nabukas ko na naman sa usapan si daddy. Tiningnan ko siya sa mukha ng diretso at saka nagsalita, “Kasi naman ang pogi mo tapos bakla ka? Sayang ang lahi natin niyan!”
“Huwag kang gagalaw, Sissy. May lalaking papunta sa akin, nagpapa-cute yata. Makalalag pante, ang gwapo!” binulungan niya ako. Naninibago ako sa kanya. Pero, ang saya saya kong makitang nasisiyahan siya sa mga pinaggagawa niya. Wala akong nakikitang pagsisisi sa mga mata niya at para bang ang gaan ng kanyang pakiramdam.
Nanatili lamang akong nakaharap sa kanya habang magkalapit ang aming mga mukha. Kuya ko ito. Walang malisya. Ang tangos talaga ng ilong niya. Sino na naman kaya ang lalaking tinitingnan niya. Makagalaw na nga at matingnan.
“Gago!” Biglaan na lamang may humablot kay Kuya at sinuntok siya ng diretso. Hindi ko matingnan ang lalaking sumuntok sa kanya dahil agaran kong nilapitan si Kuya.
“Ayos ka lang?” tanong ko sa kanya. May dumudugo sa kanyang labi. Ano ba ang nagawa nitong si kuya? Baka may atraso siya sa lalaking sinasabi niya. Haharapin ko na sana siya upang pagalitan nang biglaan siyang magsalita.
“Hindi mo talaga ako kayang tingnan, Tukayo?” Napaharap ako sa kanya. Bakit siya? Ano ba ang atraso ni kuya sa kanya? “Tanggap ko naman na ayaw mo sa akin kasi magkasintahan kayo ni Chalmer pero…”
“Umayos ka nga! Hindi kami ni Chalmer!” sigaw ko sa kanya. Itinayo ko si Kuya buhat sa kanyang pagkadapa sa lupa dahil sa malakas na pagkakasuntok ni Kael. Maling-mali ang pinaggagawa niya. Maling akala! Hays!
“Wow! Ang galing mong babae ka no.” Pinagtuturo niya ako. “Sana sinabi mo naman sa akin kung ayaw mo na kay Chalmer, kasi willing naman akong maging boyfriend mo e. Kasi mahal na mahal kita. Hindi iyong mamumulot ka na lang sa tabi tabi, tapos ide-deny mo pang naging kayo ni Chalmer!”
“Huminahon ka nga,” saad ko. Parang gusto kong tumawa dahil alam ko na ang kahihinatnan nito. Huwag niyang sabihing nagseselos siya sa kuya ko? Tiningnan ko si Kuya at kitang kita ko kung paano pilit siya sa kanyang pagiging seryoso. Nakatingin lamang siya kay Kael na para bang wala siyang alam
“Bakit? Ayaw mo bang malaman ng bagong boyfriend mo na ginagawa mo lang siyang panakip butas? Tukayo, nandito ako o. Kaya kong maging panakip butas makasama ka lang!” May mga namumuong luha sa kanyang mga mata. Kakaiba ang awra niya ngayon. Parang hindi siya galing sa malubhang sakit.
“Umayos ka nga! Huwag kang gumawa ng eksena rito!” litanya ko sa kanya.
“Hello! Pare! Gusto ko lang sabihin sa iyo na. Pinapaikot ka lang ng babaeng ito! May kasintahan iyan! Hindi nga naging kami, kahit mahal na mahal ko na ‘yan e!” Animo ay hahablutin niya ulit si kuya upang suntukin.
“Pwede ba! Kapatid ko siya!” Tinulak ko siya palayo kay kuya.
=======